PAGBABALIK
here is chapter 1 of the collaborative short story.
PAGBABALIK...
Chapter 1 by pirmiskalang
Natawa talaga ako sa kwento ng naging customer ko noong isang linggo. Kababayan ko ‘yon. Walang dudang taga-Champaca nga. Ultimo yung naglalako ng bibingkang-abnoy na nakatira sa looban namin, kilala n’ya.
Habang isine-setup ko yung mga PC na inorder n’ya, natural lang na kumustahin ko ang bayan namin. At yun nga. Natawa lang ako sa sagot n’ya: “Bagong tuli ang Champaca.”
Heto na nga. Matapos ang anim na oras na tulog sa bus, ipinuwesto ko ang sarili ko sa tabi ng drayber ng jeep. Maingay ang Champaca Market kahit patay ang oras. Gising na gising na ngayon ang utak ko para sarawain ang mga tanawin ng bayang matagal ko nang iniwan. Marami akong dalahin pero ipinaubaya ko na lang iyon sa pahinante na nakasampa sa bubong.
Sandali lang naman ako sa jeep at bababa na rin ako maya-maya pero hinimay-himay kong mabuti sa utak ko ang mga pagbabago sa Champaca National Road na iniwan ko pa noon na supot.
Sementado na pala ang daan at wala na ring mga itik na madalas ipinapastol sa tabing bangbang sa kahabaan ng highway. Pero ganun pa rin, marami pa ring nagsisilangoy na bata. Marami pa ring waterlilly na violet ang bulaklak. Sagana pa rin sa mga namimingwit ng palaka. Mas paborito ng mga tao rito ang palaka kesa sa isda.
Sinemento na rin ang gilid ng bangbang. Sabi ko na nga ba tama ako: kakainin kasi ng bangbang ang kalsada.
Hindi na rin malansa ang hangin. Malamang wala na yung mga kariton at kalabaw na nag-aahon ng mga tulya sa lawa. At tama na naman ako. Walang nang tulya dahil wala nang pakakaining mga itik. Patay na ang industriya ng itik sa Champaca.
Akala ko laging ako tama pero ang hindi ko malaman e kung bakit ako lumampas sa dapat kong bababaan. Medyo malayo tuloy ang nilakad ko pabalik sa terminal ng tricycle.
At may terminal na pala ang mga tricycle ngayon.
‘Andoon pa rin naman yung mga puno ng camachile at yung kubo ni Mang Pomadong Manghihilot. Sigurado akong patay na iyon dahil naistrok na iyon bago pa ako umalis noon. Kaya yung anak na lang n’yang si Fred ang binigyan ko ng STOP PAIN na menthol oil ata. Nabili ko sa Quiapo. Baka sakali lang na siya ang pumalit sa bokasyon ng tatay niya – makabawi man lang sa ginawa ni Mang Pomado nung iniinda ni Tatay ang masakit na tadyang dahil sa matinding ubo.
Bumak-rayd ako para mahawakan ko ang bagahe ko na nakapatong sa carrier ng sidecar.
Tirik ang araw pero hindi naman kainitan. Ayos naman dahil sumisingaw yung amoy ng palay. Malapit na ang anihan para sa mga natitirang ektarya ng bukirin. Marami na ring mga bahay na nakatayo sa dating mga taniman. Marami nang dayo sa Champaca.
Hindi talaga nakaligtas ang mga pamilyar na mukha sa ‘kin. Si Aling Kunteng, nakita kong bumabagtas sa pilapil kasama yung panganay n’ya. Magugulat iyon dahil dala ko yung ipinangako kong apat na daster na batik – kapalit ng sinangag na bahaw na paalmusal n’ya sa akin noong madaling araw bago ako umalis ng Champaca.
Aplaya na. Nangatog ng bahagya ang binti ko. Sa bigat pa ng dalahin, muntik na akong mapaluhod nang sumayad na sa buhangin ang mga paa ko. Dito ko inaasahang malanghap ang malansang amoy na hindi kayang itaboy kahit ng malakas na buga ng hangin galing sa dagat.
Maalat pati hangin. Kapag sumayad sa mata talaggan mapapaluha ka. Hindi ko alam kung ‘di na ako sanay, o talagang drama lang sa sampung taon kong pagkakalayo sa eskinita ng Aplaya. Inayos ko muna ang sarili ko bago ko pinasok ang looban papunta sa maliit naming barung-barong – na dinadalangin kong sana ay buo pang nakatirik kung saan ko huling iniwan.
Ganun pa rin naman ang mga bahay sa looban. Puro gumamela pa rin ang bakod na kita namang parang buhok ng artista na laging binabawasan para manatiling maayos. Nadagdagan lang ang puno ng kaymito at mangga. At yung mga dating puno naman, nadagdagan ng sanga. Nagpapasalamat naman ako at kahit hindi ako kilala ng mga aso e hindi ako nilapa o tinahulan man lang. Mabuti na iyon para hindi ako mapuna ng mga kapitbahay. Lalo na nitong si Ninang Ponyang na alam kong inaabangan ang pagdating ng inaanak niyang pinabaunan pa n’ya ng limandaan noon (na inutang n’ya sa hipag niyang alahera). Dala ko naman yung ipinangako kung isang set ng kubyertos – kapalit. ng ninakaw ng mga nagsipaglamay noong burol ni Tatay.
Walang nakapansin sa pagdating ko dahil rinig ko ang mga TV nila na nakatutok sa dramang panghapon. Hindi naman mag-aaksaya ng panahon ang mangilan-ngilang batang naglalaro. Hindi naman nila ako kilala: wala pa sila sa mundo noong umalis ako.
Malayo pa lang rinig ko na ang posong parang sinasakal habang binobomba. Iyong posong kailangan pondohan ng isang tabong tubig para umakyat sa bituka ang dapat ibuga.
Akalain mo nga naman, si Tata Anton pa ang inabutan ko. Gaya ng dati, naliligo. Patapos na ‘ata siya dahil kinukutkot na nya ang mga singit-singit ng kuko sa paa habang nakaupo sa harapan ng poso at aluminum na batya. Nakaladlad ang mahabang buhok.
Buti pa si Tata Anton. Malakas. Grooving-groovy pa kahit patpatin..’Di gaya ni Tatay na maagang dinapuan ng sakit. Iba talaga kapag masamang damo. Inilabas ko galing sa bag ang aloe vera shampoo na nabili ko rin nang bullto sa Divisoria. Ibinato ko at umeksakto sa batya. Saka lang niya ako napansin.
“Shampoo mo, Tata!”
Napangiti ang matandang tisoy. “Punyemas! Ruben!” at kasunod nun, parang hindi na n’ya alam ang gagawin, kaya siguro sumalok s’ya ng tubig sa batya at sinabuyan ako. Nahulaan ko naman iyon kaya umilag ako. Kabisado ko na ang ganung galaw. Parang si Tatay. Kapag nabablangko, gumagawa ng kabulastugan h’wag lang makita ng iba ang pigil na emosyon. Magkaibigan talaga sila.
Sige lang sa katatawa si Tata Anton habang pinipisil ang shampoo. Mabilis at madiing nilamutak ang mahabang buhok. Halatang naaatat nang makipagkwentuhan.
Napatitig naman ako sa barung-barong namin. Ang dating simpleng lawanit, may pinta na ngayong kung anu-ano. Dito ’ata ibinuhos ni Tata ang panahon niya. Nakita kong sarado na yung sinehan sa bayan. Wala nang ipipintang billboard ng pelikula kaya bahay namin ang napagdiskitahan.
“Ano?! Kita mo na!? wala kang bilib sa akin e. Sabi ko naman sa ‘yo aalagaan ko ‘tong bahay mo, kid.”
Tumakbo ako papasok ng bahay. Parang noong bata ako kapag pauwi na si Tatay. Inisip ko, sana, kung nagkaanak kami ni Joane, sasalubong din ang anak ko tuwing uuwi ako. Walang sumasalubong sa akin ngayon kundi malamig na bahay. Bahay lang, walang may-bahay, walang anak.
“Akala ko kasama mo asawa mo. Mukhang wala ka namang kasama. Buti naman sinunod mo payo ko na huwag na lang. Baka matulad ka sa amin ng tatay mo, mga byu…”
“Kamamatay lang ho ng asawa ko,” pinutol ko agad ang sasabihin ni Tata.
Pareho silang nabyudo nang maaga ni Tatay dahil may sumpa raw sa kanilang magbabarkada. Parang mahirap paniwalaan nung una ko yung malaman pero gaya ni Nanay at ng asawa ni Tata, nabulag din muna si Joane, tatlong linggo bago mamatay.
Hinubad ko ang damit ko hanggang sa boxer shorts na lang ang natira, sabay takbo sa poso at nakiligo na rin kasama ni Tata.
Masyado ’ata natuwa si tata sa pasalubong ko. Nagkakanaw pa uli siya ng shampoo sa tabo. “Marami ka ikukwento sa akin, kid.” Nginitian ko na lang si Tata pagkasabi n’ya nun. Napikon ’ata ang matanda kaya biglang isinaboy ang laman ng tabo sa mata ko. Sabay tawa niya.
Ganoon s’ya magbiro. Pero sa dami ng kabutihang nagawa n’ya sa amin ni Tatay, lalo na sa akin, mahirap isipin ang magiging buhay kung wala itong gagong matanda na ito.
END OF CHAPTER 1.
---------------
dugtungan na yan! nyahaha..
dugtungan na yan! nyahaha..
http://pirmiskalang.multiply.com/
"Bago mo husgahan ang iyong kapwa, kumain muna tayo."
I pledge allegiance to the cause!
Suportahan natin to ganda ng concept sayang baka matabunan hindi mabasa ng iba.
WOW! Buti na lang....
Buti na lang at nag-check ako ng bago. Ganda ng gawa mo. Ramdam ko ang excitement nung character sa kanyang pagdating at maging yung lungkot pagpasok ng bahay. Hanep ito. A must. Inspirational ito.
Ipagpatuloy. Nakaka-hiyang dumugtong baka masira ko yung kwento, saka na ako sasali sa ganito.
ang sarap naman nitong basahin
ang ganda ng mga image mo. :) sinong gagawa ng chapter 2?
wag kang pipikit...
tenchu!
hindi ko kilala yung gagawa ng next chapter pero sigurado maganda yun dahil madali lang sakyan ang story concept ni tbdtbd925...
maraming papasok na karakter at hindi pa lumalabas yung tunay na conflict..
excited na ako..nyahahaha.
promote ko na rin pala yung iba gawa ko kasi wala pa ako masyado readers...
http://pirmiskalang.multiply.com/
"Bago mo husgahan ang iyong kapwa, kumain muna tayo."
ako rin (inggitero)
nagbabasa kasi ako ng dickens ngayon (for fun) pero di ko matapos sa sobrang pagkabusy. kaya FW na lang ang napagtutuunan ko ng pansin.
am happy na may ganitong sort of online novel in progress.
good luck sa lahat ng mgcocontribute
wag kang pipikit...
grabe...
A Collection of Short Stories-Jonsdmur
galing naman... parang mahirap... paano kung mahirap dugdungan.. o di mapantayan ang naunang chapter... nakakakaba pala heheheh...
pero magaling.....
sabik na akong mabsa ang next
jonsdmur
o[*___*]o
Sino ba ang gagawa ng next chapter nito? Alin ba ang pagtututlungang aregluhin dito po?Dito na din ba gagawin ang forum? Hahayaan na ba nating mabasa ng lahat ang mga suhestyon kahit hindi kasapi sa gagawa ng kwento? tnx.
wow!
pirmiskalang, ang galing. kinabahan tuloy ako! baka di ko ma-reach ang level ng sinimulan mo! Congrats! ang ganda talaga ng naging start! lalo tuloy akong kinabog ng mensahe ni kuya tbdtbd na "good luck!"
wish me luck! hehehe!
****
Ang buhay ay isang nobela kung saan tayo ang pangunahing tauhan sa kwentong ang Diyos ang may akda.
tenchu!
..nyahaha..madali lang talaga sakyan yung plot na ginawa..ayus..malalaro mo talaga siya...bigayan lang ng kaalaman para madagdagan pa yung mga kaya natin gawin.. add mo ko YM kung may tanong tungkol dun sa mga naisingit ko na plot..
http://pirmiskalang.multiply.com/
"Bago mo husgahan ang iyong kapwa, kumain muna tayo."
ako iyon sunod!
ako ang sunod na gigisahin. hehehe...ako gagawa ng chapter two. dinugtungan ko lang ung ending mo tapos un dire-diretso na. sana lang okay iyong ginawa ko.. konti na lang tapos ko na iyon. ngayon ko lang sinimulan... na-struck ako sa gawa mo eh.. hehehe... kailangan ko atang magdasal! nyahaha...
*****
Ang buhay ay isang nobela kung saan tayo ang pangunahing tauhan sa kwentong ang Diyos ang may akda.
toink...
Pwede ka naman kumalas dyan sa gawa ko..kasi itnro naman yung ng iba pa charaters ata..tama ba? para mas malaro mo ng mabuti..sundutan mo lang ng konting connection dun kina RUBEN at ANTON...
http://pirmiskalang.multiply.com/
"Bago mo husgahan ang iyong kapwa, kumain muna tayo."
Ang husay
Parang naiinsecure na kami. he he he. Sana masundan namin ng maayos.
Happy are those who dream dreams and are willing to pay the price to make them come true...
hala....
*toink* sino na sunod?
http://pirmiskalang.multiply.com/
"Bago mo husgahan ang iyong kapwa, kumain muna tayo."
ang galing
A Collection of Short Stories-Jonsdmur
sino kaya ang magsusulat ng chapter 2...
Congrats kay pirmiskalang....
saludo ako sa lahat ng sumali.....
sayang di ako nakasali....
ganda......
jons
nakakintimidate naman
nakakintimidate naman itong si pirmiskalang.
takot ako. hindi tuloy ako makapagsimula ng chapter ko.
hala...
baka nga mas malulupit nga mga gawa nyo e.. gogogo! sundan na ito! may magdodoboe chapter di ba?
http://pirmiskalang.multiply.com/
"Bago mo husgahan ang iyong kapwa, kumain muna tayo."
Ang galing! Aaminin kong
Ang galing! Aaminin kong noong una kong nabasa ang guide ay medyo nagulumihanan ako at ang naalala ko eh yung pelikula ni Rosanna Roces na "Mga lalaki sa buhay ni Selya".
Pero itong take off na to, feel na feel ko si Tata Anton.












Uy may chapter 1 na astig ah
Uy may chapter 1 na astig ah kumpleto na po ba lahat ng chapters?
every week nyo ba ito ilalabas parang shonen jump hehe
ayos excited na ko sa chapter 2!