a story of friendship

ellise dominic's picture

      "Bes, hindi ko kaya," paputol-putol na pagmamakaawa ni angelo, tuloy-tuloy ang tulo ng luha.  "Di ba walang iwanan." Nakaluhod siya sa gilid ng kama ni Kathy, hawak ng dalawang kamay niya ang palad ng matalik na kaibigan.  Yuko ang ulo na tila nahihiyang makita ang pag-iyak nya.

     "Ano ka ba bestfriend?  Tumahan ka na.  Sandali lang naman akong mawawala eh tapos magkikita na tayo ulit," mahina ang boses ni Kathy, halatang pagod na pagod na.

     "Ayoko!  Ayoko!"  humigpit ang hawak ni Angelo sa kaibigan. 

     "Napag-usapan na natin ito di ba?  Wala naman tayong ibang magagawa kung hindi ang tanggapin na lang.  Aalis na ako ganyan ka pa?  Wag mo naman akong pahirapan," nangingilid na ang luha ng dalaga.

     "Bakit kasi ikaw pa?  Madami namang iba diyan eh!  Unfair!"

     Sandaling tumahimik sa kwarto.  Tanging ang hikbi ni Angelo ang maririnig.  Sa labas nag-aabang ang buong pamilya at mga kaibigan ni Kathy.  Lahat sila nagdadalamhati.

     "Bes, alam mo naman na ganito lang talaga di ba?  Ikaw sa lahat ng tao ang inaasahan ko na makakaunawa ng pinagdaraanan ko.  Ikaw ang bestfriend ko, ang kasama ko mula maliliit pa tayo.  Kaya sana wag ka nang ganyan.  Magkikita pa naman tayo ulit kaya bakit ka umiiyak?  Sabi mo sakin dati handa ka na pero bakit ngayon nagkakaganyan ka?"

     Tinaas ni Angelo ang pilit niyang tinatagong mukha.  Tinitigan ang kaibigan na mula elementarya ay kasa-kasama na niya.  Basang-basa ang mga mata niya ng luha.  "Mamimiss kasi kita," muling nabasag ang boses niya.

     Kahit hinang-hina pilit niyakap ni Kathy si Angelo.  Mahigpit namang ibinalik ng kaibigan ang yakap niya.  Kapwa hindi na makapagsalita.  Maya-maya pa'y may kumatok sa pinto.  "Angelo oras na," sabi ng taong nasa labas ng kwarto.  Mas humigpit ang yakap ni Angelo sa dalaga.  "Bes! Bes! Bes!" paulit-ulit niyang nasambit. 

     Nang mahimasmasan na siya ay bumitaw na siya sa yakap ng kaibigan.  Tiningnan sa mga mata ang namumutlang dalaga.  Noong isang taon kasi nalaman nilang may leukemia siya, matagal ang naging gamutan pero sa huli hindi rin siya gumaling.  Bumagsak ang pangangatawan niya, nawala ang malarosas na kutis, pero ang magagandang mata na laging tila nakangiti ay hindi nagapo ng sakit bagkus lalo pa itong nagningning na tila bagang may tinatagong lakas at tapang. 

     "Dito ka lang ha," pakiusap ni Kathy.

     Tumango si Angelo, pinahid ang luha sa mga mata at inayos ang suot na sutana.  Tinungo niya ang pinto at binuksan, pumasok ang pari at mga magulang ni Kathy.  Naiwan naman sa labas ang ibang kapamilya at kaibigan niya.  Tumayo ang pari sa gilid ng kama ng dalaga.  Binuksan ang dalang bibliya, "Sa ngalan ng ama, ng anak at ng espiritu santo." Inumpisahan na ang pagbebendisyon sa dalaga.  Katabi ng pari si Angelo, isang seminarista, dalawang taon na lang magiging pari na siya.  Sayang hindi na iyon mahihintay ng kaibigan.  Ngumiti si Kathy kay Angelo, tumingin sa pari, sa mama at papa niya tapos ay tumingin ulit sa matalik na kaibigan.  Hinahabol na niya ang hininga pero pinilit pa rin niyang ngumiti kay Angelo bago tuluyang ipinikit ang mga mata.  Payapa siyang lumisan at hindi nabura ang mga ngiti sa mga labi. 

     Naiwan si Angelo sa kwarto kasama ang kaibigan.  May kinuha sa bulsa ang binata, isang rosaryo.  Ito ang rosaryong regalo sa kanya ng kaibigan nang sinabi niya dito na gusto niyang magpari.  Iniayos niya ang rosaryo sa pinagpatong na kamay ng dalaga sa kanyang dibdib.  Hinawi niya ang kaunting buhok sa mukha at banayad na hinalikan ito sa noo.  

     "Hintayin mo ako ha, bes.  Alam ko na wala na ang sakit mo ngayon.  At alam ko din na lagi mo akong babantayan gaya ng lagi mong sinasabi na ikaw ang magiging angel ko.  Kapag pari na ako lahat ng misang idadaos ko lagi kitang isasama.  At kahit wala ka na hinding-hindi ka mawawala dito sa puso ko."  Muling tumulo ang luha niya.  "Magpahinga ka na angel bes ko.  Ibinibigay na kita sa Diyos, siya na ang mag-aalaga sayo ngayon habang nandito pa ako."

    

      "Father!"

     Lumingon si Angelo sa mga batang nagtatakbuhan papunta sa kanya.  Kakatapos lang ng kauna-unahang misa niya.  "Oh, dahan-dahan baka madapa kayo," natutuwa siya sa pagdasa ng mga bata para magmano sa kanya.  Naramdaman niyang may humihila ng sutana niya.  Lumingon siya at nakita ang isang batang babae na siguro ay limang taong gulang pa lang.  Maganda ang mga mata at maliit ang ilong.  "Anong pangalan mo hija?" tanong niya dito.  "Catherine po!  Pero Cathy na lang ang tawag mo sakin Father!"  ngumiti ang bata labas ang lahat ng maliliit na ngipin sa harap.  

     "Cathy, ang gandang pangalan," wika niya, naalala niya bigla ang pumanaw na kaibigan.  "Alam mo may kilala din akong Cathy."

      "Talaga po Father?  Maganda din ba siya kagaya ko?"

       Natawa si Angelo.  "Oo naman at napakabait pa."

      "Nasan po siya?"

      Huminga siya ng malalim bago sumagot.  "Nasa heaven na siya kasama ni Papa Jesus."  Nangilid ang mga luha sa mata niya, mula nang mamatay ang kaibigan palagi pa rin siyang naluluha sa tuwing binabanggit niya na nasa langit na ito.

      "Ah, angel na siya.  Sabi ng mommy ko pag nasa heaven ka na magiging angel ka na.  Eh di angel na siya."

      "Oo angel na siya."  Ipinatong niya ang kamay sa ulo ng bata.  "Oh, nasan ang mommy mo?  Uwi ka na ha.  Mag-iingat ka."

      Biglang humalik sa noo niya ang bata.  "Opo Father.  Babye!" sabay takbo nito sa babaeng nakangiti na naghihintay sa may gate ng simbahan.  Kumaway siya sa bata at sinundan ng tingin hanggang makaliko na ito at tuluyan nang mawala sa paningin niya.

      Papalakad na siya nang biglang may isang dilaw na paru-paro ang lumipad sa harap niya, nagpabalik-balik ito ng tatlong beses bago tuluyang lumayo.  Napangiti si Angelo.  "Oo na bes, alam ko na lagi kang nandyan.  Kakain na po.  Alam ko na alam mo na hindi ako nakakain nang maayos dahil ito ang unang misa ko.  Sige na po kakain na ako ulet.  Hindi mo na kailangang gumamit ng paru-paro," natawa siya.  Tumingala siya sa langit, puno ito ng malabulak na ulap. 

      "Hintayin mo ako ha bes," binulong niya sa hangin.  "Sa ngayon kailangan ko munang gawin ang utos nya.  Pero balang araw magkikita tayo ulit Katherine, aking anghel."  


nice =D

i thought it has a surprise ending but still maganda pa rin kinalbasan hehe...

ellise dominic's picture

salamat

salamat sa comment... Smile 

my soulmate is worth the wait...