Abang Kumpisalan

mia2302's picture
| |

Beholder of grotesque secrets of every man’s deviance. The honest man’s room. Besieged on the four corners of the room are echoes of voices redundantly overwhelm the hearts of  two persons who, may or may not even glimpse each other’s visage, talks about iniquity, exoneration, and amendment. Two persons may reside here--a person with the spirit of forgiveness from God avowed to secrecy and a man with a meek heart to accept the consequences of the acts done, to pave a new conduit returning to the Almighty.
          

Liwanag. Liwanag ang tanging nakikita ko nang biglang sumulpot ang isang kamay. Isang kamay ang tila humahabol sa’kin mula sa malayo.

Tumigil ako. Tinignan ko ito ng mabuti.

Ang kamay ay may hawak na bolo!

Tumataga-taga ito sa hangin!

Tumakbo ako. “Anak.” Anak? Isa iyong malaking boses. Seryoso ang tono.

“Anak. Sumama ka sa’kin. Maglingkod ka sakin.”

Saan galling ang boses? Habang tumatakbo sa kawalan, palingon-lingon ako sa iba’t-ibang direksyon. Namataan ko muli ang kamay. Mas malapit na ito ngayon!

Nakita ko ang talim ng bolong iyon. Hindi lang yon, napansin ko rin ang tila pulang likido na tumutulo mula sa talim nito.

Kumaripas na ako ng takbo nang nakatingin sa likod.

BLAG!

Nauntog na ako sa isang matigas na bagay. Bumulagta ako. Aray! Ang ulo ko!

Sinubukan kong tumayo. Tinignan ang binanggaan. Salamin pala.

Nakita ko uli ang sarili ko sa salamin suot-suot ang abito na siyang pinapangarap kong suotin. “Anak..sundin mo ang tamang landas.”

Ang boses. Lumakas ang boses. Nasa unahan ko na lang ito!

Ngunit ang nakita ko sa harap ay ang repleksiyon ng aking sarili—na maraming beses kunutya at tinawag na “Louie Tikbalang.” Pinagmamasdan ko ang aking pangit na sarili nang nakita ko rin sa repleksiyon ang kamay na may hawak na bolo na ilang dipa na lang ang layo mula sa aking likuran!

Saan ako tatakbo??

Sa sandaling iyon nalaman kong katapusan ko na. Lumuhod ako. Nagtanda ng krus.

Nang ilang daliri na lang ang layo ng bolo…Pumikit na lang ako.

 

SCREECH!

Thud. “Ano ba yan??” sigaw iyon mula sa harap.

Bumukas ang mga mata ko. “Aray! Ano ba yan??” sigaw ko.

Nauntog pala ako sa sumuod na upuan ng sinasakyang bus.

Pinunasan ko ang tumatagaktak na pawis ko sa ulo. Kinapa ko ang hinihinalaang bukol.

Maingay ang mga pasahero. Reklamo dito, reklamo doon.

Rinig naman ang pagpapaumanhin ng tsuper.

“Eh yung mga kambing, biglang sumulpot yung mga kambing..”

Himas-himas ang bukol, napatingin ako sa bintana.

Pagkatingi’y linya ng mga puno. Sunod-sunod na tila kawal ng mga sundalong bantay papasok sa isang pamilyar na pamayanan.

Bayan ng Santa Monica.

Hakot ang gamit, nilisan ko ang maingay at nakahintong bus. Lumakas ang hangin. Nilipad ang sumbrero ko.

Hinabol ko ito, at sa pagyapak ng mga paa ko sa lupa ay sinabayan naman ng pagbagyo ng alikabok. Umandar na pala ang bus.

Ubo! Ubo!
Hanggang ngayon ba naman, di pa rin semantado ang daan dito?

Malubak at mabato pa rin. Parang kapeng may gatas ang tubig na nakaimbak sa mga lubak nito.

Asan na bang sombrero ko?

At nakita ko—ayun, patuloy na nililipad. Tumakbo na ako. “Nak ng!” inis kons sigaw. Nang maabutan ko ang puros alikabok at mamasa-masang sumbrerong Nike na kulay pula, pagkapulot nito’y napatingala ako sa kalangitan.

Umagaw sa pansin ko ang isang putting gusali.

Aba, bagong pintura pala ang lumang simbahan ng Santa Monica.

 

Ang kumpisalan sa parokya namin sa Santa Monica ay katulad ng ibang kumpisalan; kung mangungumpisal ka para ka na ring pinapaamin ng mga pulis sa prisinto. Gagambalain ang iyong pagkatao ng mga bugbog ng kaba sa dibdib at sampal sa pagkatao sa pag-amin sa mga kasalanang nagawa na iyong dapat pagsisihan at ihingi ng tawad. Pero may kakaiba sa kumpisalang ito na lalong magpapatakot sa pagkumpisal dito—isa kasi itong silid. Kapag nasa loob ka na ang tangi mo lang maririnig ay ang boses mo at boses ni Father na hindi mo malaman kung sino ba sa dami ng pari sa aming parokya. Mas ikakakaba mo ang pangungumpisal pag nakaluhod ka na, dahil na rin sa liit ng mga butas ng pader na naghihiwalay sa kinaroroonan ninyong dalawa. May isang “secret porthole” ang pari, sa gawing ibaba ng patungan ng kamay kapag nakaluhod na ginagamit upang habang nakapikit at nag-aabstinensya ang nangungumpisal ay makikita niya kung sino ito, at makikilala niya ito.

 

            Kakalubog lang ng araw. Nagtunugan na ang mga kampana. Handa na ang lahat sa alas-sais na nobena, na sinusundan ng misa.

 

            Ilang mga kakilala ko ang nagsimulang pumanhik sa simbahan. Sina Mang Kanor na ninong ko, at ang anak niyang si Helen na kaklase ko noong elementarya, ang mga mambubukid, si Arman, si Raisa, ang bakasyunistang anak ni Aling Choleng…at ang pumukaw sa pansin ko—si Lydia. Kababata ko iyan—laging pambato sa Mutya ng Sta. Monica. Pinipilahan ng mga manliligaw sa gabi. May naalala tuloy ako bigla.

 

            Makulimlim nung araw na iyon mga walong taon nang nakakalipas. Nagbihis ako ng pinkadisente kong damit at pinaliguan ang sarili ng pinakatatagong pabango na ginagamit ko lang pag may okasyon. Noon ay nagsusuklay ako sa harap ng salamin, poging-pogi na kung tutuusin. Sa repleksiyon ng salamin nakita ko rin ang inayos kong mga puting rosas na bagong pitas pa sa hardin ni Nanay sa likod. Tumingin ako sa sarili. Ngumiti na lang ako.

            Pagkababa’y binati ako ni Nanay na abot tenga ang ngiti.

            “Goodluck anak! Ang guwapo mo ah! Baka sagutin ka agad ni Lydia niyan!”

 

Ngunit tinignan ko ng mabuti ang Lydia na iyon ngayon—hindi na ang kagandahan niya ang umagaw sa pansin ko—kundi ang mga ekspresyon ng pagkabalisa, at ang mga nangingilid na luha na nagpapahayag ng magkahalong kaba, takot…at kalungkutan.

            Inabutan ko siya ng panyo.

            “May problema ba?”

            Tinanggihan nya ang panyo na inalok ko. Umiwas lang siya at pandalang tumakbo ng nakit niyang ako ang nagtanong. Siguro’y iwas pa rin siya sa’kin.

            Sa sandaling iyon ay nagmadali siyang pumasok sa simbahan, at hinabol ko siya ng tingin.

            Lumiko sa kanan. Confessional. Kumpisalan.

            Baka mangungumpisal lang siguro, isip ko sa sarili. Malamang kinakabahan lang iyon.

            Natapos ang misa. Dumagsa na ang mga nagtitinda ng sampaguita sa mga papalabas na mga parokyano. Sa lahat ng mga taong lumabas, may isang mukha akong hindi nakita.

            Wala si Lydia.

            Pumasok ako sa simbahan. Nagbabaka-sakali na makita si Lydia roon.

            Wala sa mga pew ng simbahan. Wala sa may altar. Wala sa tirikan ng kandila.

          

Confessional. Kumpisalan.

            Huli kong pinuntahan ang kumpisalan, binuksan ko, pero wala naman siya dun.

            Baka hindi ko lang napansin pero nakalabas na.

 

            Kinabukasan, habang papunta ako sa tindahan nila Aling Choleng para bumili ng asukal, nakasalubong ko si Damian—ang heredero ng nag-iisang hacienda sa bayan kaso nalugi ito nang maiwan sa kanya na naging sanhi ng pagkabaliw nito. Isa lang ang dahilan kung bakit iwas ang tao sa kanya gaya ngayon—dahil sa mapeklat at lapnos nitong mukha pati ang isang matang nakaluwa. Dumaan ang ilang tao sa tabi niya ngunit kita ang laki ng distansya nila mula kay Damian. Sa tanawing iyon ay may bigla akong naalala.

          

            JS Prom. Nagpapaguwapo ako nun ng nakarinig ako ng pagpatay ng makina ng kotse sa harap ng bahay. Agad akong sumilip sa bintana, alam kong si Damian na yon.

            “Pare!” tawag ko sa pababa ng kotseng si Damian nga.

            Nakaputing long sleeves siya nun, nakita tuloy ang kakisigan ng kanyang katawan. Kung bakla lang ako nagging crush ko agad siya. “Ang guwapo mo pare! Nakakain-love ka ah!”

            “Sira ka talaga, bilisan mo pagpapapogi mo diyan, susunduin pa natin si Raisa.”

            “Sandali na lang pare!” sagot ko.

            Nagmadali akong bumaba. Humalik sa pisngi ni Nanay saka nagpaalam. Tumakbo papunta sa itim na Chevrolet ni Damian. Ang gara talaga ng kotse nito. Sumakay na ko sa kotse, at mabilis na pinaandar ni Damian ang sasakyan, biglang bagal pagdating sa mga malubak na daanan.

            Nakasilip ako sa bintana. Iwas ang mga tao na tila Diyos kami kung sila ay tumabi sa gilid ng kalsada. Sa puntong yon ay naramdaman ko kahit minsan na nagging hari din ako—nakisawsaw sa kapangyarihang tinatamasa ni Damian sa sandaling iyon.

            Ilang saglit pa ay nakarating kami kanila Raisa. Bumusina na lang si Damian at sinenyasan akong wag ng bumaba. “Ako na pare, handa mo na sarili mo at ikaw ang susundo kay Lydia, alam mo naming badshot ako sa nanay nun.”

Kumunot lang ang noo ko.

 

            Matalik na magkaibigan kami nun ni Damian noon. Tandem daw kami kasi mukha siyang hari at ako ang alalay. Paano naman kasi guwapo at mayaman siya, musta naman ang itsura ko. Anim na taon na nang huli kaming magkita sa JS Prom na yun. Dahil pagkatapos ng nangyari sa kasiyahan ay nawala na lang si Damian na parang bula.

 

Nakarating na ako kela Aling Choleng, at dun ko narinig ang balita.

            “May b-bangkay na n-namataan sa ilog kaninang umaga...”

            Tila bangungot ang sumiklab sakin pagkarinig ko sa balita.

            “Ang makinis na balat…binalatan…ang katawan, pinira-piraso…may mga kagat na parang n-nilapa ng hayop…lapnos ang katawan..p-parang sinabuyan ng a-asido…ang ulo…ang dila…l-lawit ang dila…ang mata…nakadilat na parang g-gulat…ang u-ulo…nasa b-basket…n-nakasabit…sa p-puno sa may t-tabing-ilog…”

            Pero hindi pa yun ang kabuuan ng balita.

            “K-kumpirmado… si… s-si Lydia. SI LYDIA!”

            “Diyos ko po!” yan ang tanging maririnig mo sa mga nakikinig, pagkaulat ng nasabing balita.

            Nagbulung-bulungan ang ilan. Natapos ang araw na si Lydia ang bukambibig ng mga tao. Noon nag-alala ako kay Damian. Oo, matagal na kaming di nag-uusap pero alam kong mahal na mahal niya pa rin si Lydia. Ano kayang magiging reaksyon nun?

            Lydia. Lydia.

 

            Palubog na ang araw. Binabagtas ko ang maalikabok at malubak na daan. Iniingatan ko ang sarili na wag madumihan. Sa sandaling iyon naisip kong malaki ang tyansa na mapasagot ko si Lydia.

Nang sandali pa ay nakarating na rin ako—isang lumang bahay na bato na bakas sa mga dingding ang paglipas ng panahon, ngunit mapapansing inaalagaang mabuti at nasa kondisyon.

Mukhang maaga ako ngayon kasi wala nakapilang manliligaw.

 “Tao po!” sigaw ko mula sa bakal at bakbak na ang pinturang gate.

Sumilip sa bintana ang si Manay Eva, ang nanay ni Lydia.

 “Louie! Aba, may bulaklak. Si Lydia?” tango ako. “Tuloy, tuloy, tatawagin ko siya, maupo ka muna riyan.”

Pumanhik ako sa may labindalawang baitang na batong hagdan.

Pagdating sa nakabukas ng pinto, nakita ko na agad ang nakapangbahay na Lydia sa upuan sa sala. “Magandang gabi sa’yo Lydia.” Magalang kong bati.

“Upo ka.” Ganti niyang sagot.

“Salamat..ah nga pala, para sayo..” sabay abot sa dalang puting rosas.

Inamoy-amoy niya ang bulaklak at padabog itong binagsak sa center table. Nalagas tuloy ang ilang petals nito. “Ano bang meron?” tila may inis sa boses niya.

            Huminga ako ng malalim. “Gusto ko sanang manligaw sa’yo, kung ok lang..”

            Kumunot ang noo ni Lydia.

            “Ok lang? Tingin mo ok lang sakin na tumanggap ng napakaraming manliligaw gabi-gabi? Tingin mo ok lang na hindi man lang umabot sa standards ko ang mga yon? Hindi guwapo, hindi mayaman, bobo pa! Tingin mo ba iba ka sa kanila?” Mabigat ang mga salitang iyon ni Lydia na parang tumusok sa dibdib ko. Napatingin ako sa salaming nakasabit sa tabi ng pinto. Nakita ko ang aking repleksiyon. Replekson. Hindi ako guwapo. Bagong ligo lang. mabango man ako, salamat sa pabangong binigyan ako ng bagong amoy ngunit kahit anong pag-aayos ko sa sarili, hindi magbabago ang pisikal kong itsura. Kulang sa tangkad, puro tigyawat ang mukha’t kayumanggi ang kulay. Noon din ay naalala ko pa ang muntik kong di pag-graduate ng grade 6 dahil sa kahinaan ng ulo. Pinakiusapan na lang ni nanay na ipasa ako.

            Nagsalita ulit si Lydia. “Hindi ka iba. Tulad ka rin nila.”

            Yun na ang bumasag sa pagkatao ko.

 

            Pagkabalik-tanaw sa nakaraan—naramdaman ko na tumulo ang ilang luha mula sa aking mga mata. Tumakbo ako. Tumakbo patungo sa simbahan na siyang takbuhan ko rin noon sa tuwing sinusubok ako ng mga kabiguan sa buhay. Kaya siguro ginusto kong magpari. Kasi noon pa lang, pinagpasa-Diyos ko na ang lahat.

 

Lumubog ang araw. Nagtunugan ang mga kampana. Nagsisimulang pumanhik ang mga tao sa simbahan. Umupo ako sa upuan sa plaza sa tapat ng simbahan kung saan ko huling nakita si Lydia kahapon. Sino kayang pumatay kay Lydia? Anong nangyari? Hindi maalis sa isipan ko ang misteryong bumabalot sa pagkamatay ng kababata ko. Pero umasa ako—na malulutas ito ng mga pulis at mga imbestigador sa lalong madaling panahon.

 

            Hindi nagtagal ay nakita ko namang papasok ng simbahan si Arman. Nakabihis ito, ang damit ay tila nagpalitaw sa kanyang pagkagandang lalaki—tall, dark, and handsome. Nakabukol sa baywang ang tila hugis ng isang .45 na baril. Writer si Arman sa isang pahayagan sa Maynila. Kadarating lang nito nung isang linggo—humingi ng leave para makapagpahinga at umiwas muna sa stress hatid ng trabaho. Anong problema nito? Sinong pakay niya sa loob?

 

            Sinundan ko siya sa loob ng simbahan. Lumiko sa kanan. Confessional. Kumpisalan.

 

            Kasabay ng mabilis na paglakad ang mga kanta ng “Alleluia!” na bumubuhay sa loob ko ngunit nagpapabilis ng tibok ng puso at nagpapakaba sa dibdib. Pumasok na si Arman sa loob ng kumpisalan. Hindi ko alam kung bakit tila hinila ako ng aking mga paa upang sundan si Arman sa loob. Katakataka naman kasi ang pagdadala ng baril kung mangungumpisal ka lang naman, di ba?

          

            Naghintay ako. Natapos ang misa. Naubos na ang mga tao sa loob at ako na lang ang natira…naghihintay…sa kanang sulok ng simbahan kung saan naroon si Arman, si Father ano, at sa upuan sa labas—ako.

 

            Isa…dalawang oras. Hindi pa rin lumalabas si Arman. Andami naming kasalanan nire… Nainip na ko. Pero nawala yun. Kasi…May anino…sa harap ko…galing mula sa altar…

            Nanginig ako. Hindi makagalaw. Naririnig ko ang mga tahimik na yabag papalapit. Thud. Thud. Thud. Dumadagundong sa isip ko ang mga yabag na iyon. Thud. Thud. Thud. Namumuo sa anino ang parang matalim na sibat na hawak nito. Nararamdaman ko na…anumang oras…ayan na…

 

            Kinalabit ako.

            Sinubukan kong lumingon ng nakapikit, dahil tila maisasaksak niya sakin ang anino ng patalim. Nabuo sa isip ko ang pira-pirasong katawan ni Lydia…ang dugo…ang ulo. Tumindig ako. Nagtapang-tapangan. Pero hindi ko maidilat ang mga mata ko.

            “Iho…” malumay ang boses, “Magsasara na ang simbahan. May hinihintay ka pa ba?” tila hirap sa pagsasalita ang boses, mabagal na may bakas ng pagod at katandaan.

            Sa sandaling iyon, binuksan ko ang mata ko.

            “Mang Carding! Diyos ko po! kala ko kung sino na…oho. Si Arman, di pa rin kasi tapos mangumpisal.” Ang sibat sa anino ay candle holder pala.

            “Kumpisal? Arman? Wala. Wala namang kumpisal ngayon, matapos ang misa ng alas-syete eh umalis si Father Roman para bendisyunan si Mang Kanor kasi nagdedelihiryo na kanina.” Malungkot nitong balita.

            “Eh ang iba hong pari?”

            “Naku iho, si Father Roman lang ang naiwan ngayon sa parokya. Ang ibang pari um-attend ng retreat sa Tagaytay. Mga isang linggo rin sila doon, sa Lunes pa ang balik nila.” Hiningal ang matanda pagkatapos magsalita.

“P-pero…wala po talaga akong nakitang lumabas…kanina pa ako dito…”

            “Baka naman hindi mo lang napansin nakalabas na pala yun. Naku, kaw talagang bata ka…umuwi ka na nga’t baka hinahanap ka na ng nanay mo, malalim na rin ang gabi.”

 

            Sigurado ako sa alam ko. Hindi lumabas si Arman sa kumpisalan. At kung nangumpisal man siya…san…san siya napunta? At sino ang paring nagpakumpisal sa kanya??

 

            Papauwi na ko nang sa daan ay masalubong ko si Raisa. Nagkatinginan kami—nakita ko sa mga mata niya ang paghanga—o hanga nga ba? Nagbalik sa aking alaala ang mga sandali nung kami pa—nung hayskul—nung dito pa siya nakatira…ang mga masasayang alaala sa tabing-ilog—at ang masasakit—nang kinailangan naming magbreak para mag-give way sa pag-aaral niya sa Maynila. Kaya iniwas ko ang tingin ko—dahil masakit—sobra pa rin ang sakit. Narinig ko ang mahinang hikbi sa panig niya. mahal ko siya, oo, gusto ko siyang yakapin—pero ang mga alaala—hindi ko ito mabitawan. Hindi pa ko handang magpatawad. Pinakita ko na lamang sa aking mga mata ang ekspresyon ng kalungkutan na may bahid ng galit at tampo. Umiwas siya, siguro’y naintindihan niya ang ibig kong sabihin. Nagmadali siyang naglakad paliko sa kabilang kalye. Naiwan akong naglalakad sa main road ng bayan.

 

Diretso pa sa paglakad. Napadaan ako sa bahay nila Lydia. Dinagsa ng mga nakikiramay na dati’y manliligaw lang. Hindi na rin saya at tawanan ang naririnig kundi mga panaghoy at iyak ng mga mahal niya sa buhay.

            Dun pumasok sa isip ko ang nangyari kagabi. Huling nakita si Lydia sa simbahan—sa kumpisalan—at dun din huling nagpunta si Arman kanina. Bakit biglang nawala ang dalawa? At hindi na rin ako magtataka kung sakaling bukas may bangkay na lumitaw muli sa ilog. 

                                           

            Graduation namin sa elementarya, sampung taon nang nakakalipas. Mataas ang sikat ng araw. Palingon-lingon ako sa likuran, nagsisimula na ang programa, wala pa sila nanay.

            “Pare, walang personalan ah.”

            Si Arman yun, tinapik niya ko sa balikat. Nakaupo siya sa likuran ko. Hindi ko siya pinansin, bagkus ay hinanap ko ng tingin ang mga magulang ko.

            “Louie Michael Avancena, best in attendance.” Dumagundong ang pangalan ko sa buong entablado.

            Napatayo ako. Tinawag na ko. Hinanap ko pa rin sila nanay. Wala sila sa pwesto ng mga magulang. Ang tanging award na nakuha ko—hindi ko pa maibabahagi sa kanila ang tagumpay ko.

            Malungkot kong tinahak ang entablado. Kinamayan ako ng principal, ng ilang guro, at isinuot ang maliit na pilak na medalyang siyang magiging kayamanan ko sa pagtanda. Sinensyasan ako ng photographer. Hindi ako ngumiti.

            Bigla na lang naghiyawan ang mga tao. “Yuck!” rinig ko sa iba.

            Nakita ko na lang ang sarili na naliligo sa tae ng kalabaw. Tumingala ako—isang balde ang nakita ko sa may kisame. May taling nakakunekta ditto—sinundan ko ng tingin—nakita ko ang ilang kabarkada ni Arman na nagngingisian sa tabi. Hawak ng isa ang dulo ng lubid.

            Tumingin ako sa mga kapwa ko nagsipagtapos. Tumatawa sila. Lumingon ako sa principal at ilan pang guro. Pinipigil ang kanilang tawa, ilan ay nangingiti na. nakita kong patakbong lumalapit ang aking gurong tagapatnubay. Hindi na ko nagpahabol. Tumakbo na ako pababa. Buti na lang wala sila nanay. Umiiyak kong nilisan ang paaralan.

 

            Pakawalan ang masasakit na alaala—yan ang dahilan kung bakit ako bumalik sa Santa Monica. Nasira dito ang buhay ko—kaya ditto ko rin ito bubuuin. Dito ako magsisimulang muli nang makatindig na ko sa sarili kong mga paa—nang maisuko ko na ang aking sarili sa Diyos at maging ganap na pari.

 

Kinabukasan may bangkay na natagpuan—pero hindi sa ilog. Sa palayan nakita ko—at ng lahat—ang bangkay—may tama ng baril sa noo, wala ng mata—dinukot, at mula sa mga mata nito na wala nang laman, umaagos ang napakaraming dugo, tila gripo na ang mga iyon. Puno ng pasa ang mga nakataas na kamay at hubong katawan. Hawak sa isang naninigas na kamay ang baril na siguro ay ang nakita kong nakaumbok sa baywang niya pagpasok sa simbahan kagabi. May mga duguang latay sa tagiliran, na dinadaluyan pa rin ng dugo at tubig. Ang bituka nito, tila hinila mula sa katawan, na pinagpipiyestahan ng mga langgam, uod at mga uwak—ang nagsilbing tali nito sa ulo. Mukha siyang binigti sa isaw. Ang pinakanakakakilabot sa paningin—ay ang ayos ng bangkay—mistulang “scarecrow”—panakot sa mga ibon. At oo—si Arman yun.

 

            Walang magawa ang mga pulis. Walang ebidensya—gaya ng kay Lydia—walang fingerprints, walang witness, walang accessory of the crime. Nagsimula nang matakot ang mga tao. Sa loob ng dalawang araw ay naganap ang worst serial killings sa tahimik naming bayan.

 

            Kakalubog lang ng araw. Nagtunugan ang mga kampana. Alas-sais na.

            Kapansin-pansing kakaunti na lang ang mga taong nagsisimba ngayon—dahil na rin siguro sa takot sa mga nangyayari samin. Umupo ulit ako sa dati kong pwesto, pero dahil sa biglang paglamig ng hangin at simula ng pag-ambon ay pumasok na rin ako sa simbahan.

 

            Lumiko ang tingin ko sa kanan. Confessional. Kumpisalan.

            Andun si Raisa. Huli siya sa mga nakapila para mangumpisal.

            Pinanood kong maubos ang pila hanggang sa turn na ni Raisa. Dumaan ang oras, natapos na ang misa, wala ng tao sa paligid kundi ako, at wala pa ring Raisa. Hanggang sa…

 

            EEEEEEEEK!

 

            Boses ni Raisa yon!

            Wala na kong inaksayang oras. Tumakbo ako papuntang kumpisalan.

            Tug-tug-tug-tug-tug-tug.

            Kumakalabog ang dibdib ko! Di kaila na sobra talaga akong natatakot, baka kung anong Raisa ang makita ko…Diyos ko! Si Raisa…wag naman sana!

            Pagharap ko sa pinto—parang lumaki ito—pero pinilit kong buksan ang doorknob. Bumukas. Sumambulat sa mukha ko ang…

            Isang walang malay na Raisa.

            “Raisa! Gising!”

            Sa kabilang pader ng kumpisalan, narinig ko ang mga nagmamadaling yabag—nalalaglag na mga gamit at mga tulo ng kung anong tubig. Tak. Tak. Tak.

Hindi ko iniwan si Raisa. Tinignan ko ang mga maliliit na butas, pinilit kong silipin—but to my horror—I saw just a…shadow. Anino na lang ang naabutan ko, nakalabas na agad sa isa pang entrance sa likod. Hindi ko pa nakita ng maayos.

Binuhat ko si Raisa, dinala sa isang pew.

“Tulong! Tulungan niyo ko!”

Dumating naman si Mang Carding at si Father Roman, pati ang ilang sacristan. Kapansin-pansing pawis na pawis ang isa sa kanila—si Mang Carding. Kaduda-duda ang ayos nito, naka-jacket at may hood, samantalang tag-init ngayon… at utal-utal ito magsalita.

“I-ho, a-anong p-p-problema?” hinihingal na tanong ni Mang Carding.

“Bigla na lang sumigaw si Raisa mula sa kumpisalan, kaya pinuntahan ko…pagbukas ko nakita ko na lang siya nakahandusay—walang malay.”

“Naku, anak, kumpisalan ba kamo? Anong ginagawa niya naman doon? kasalukuyan kaming naghahapunan—bertday kasi ni Joey, kaya may maliit kaming salu-salo sa taas. Matapos ang misa eh hindi na ako nagpakumpisal…” sagot ni Father Roman.

“Pero may tao sa likod ng kumpisalan…may tumutulo pa ngang kung ano—tubig ata..tapos may mga nalaglag na gamit…”

“Pero kuya, wala talagang tao…gusto mo tignan natin?” sabi ni Joey, yung sacristan.

Tinungo namin ang likod ng kumpisalan—sa entrance ng pari.

Tama ako, may mga Nagkalat na gamit, at natumbang upuan. Signs ito na may tao nga dun kanina. At sa isang sulok—nasundan ko ang tunog ng tumutulong tubig—nadikit ang maliit na part eng aking tsinelas. Kumulo ito! Hindi pala ito tubig. Malamang ay—asido!

 “Asido? Ano namang ginagawa ng asido dito?”

“Kuya, kuya, tignan mo to!”

Mga litrato ito—litrato ni Lydia, Arman, Raisa…at ako!

Sa larawan nila Lydia at Arman ay nakaguhit ang isang malaki at pulang ekis. May bilog na pula naman ang kay Raisa. Raisa. Raisa!

Napabayaan ko na si Raisa!

“Si Raisa! Sinong nagbabantay kay Raisa??!”

            Dali akong tumakbo—sa pew kung saan namin iniwan si Raisa. Pero sa gulat ko—at ng lahat ng kasama ko—wala na si Raisa!

            “Father, nasan ho si Mang Carding?” Tanong ng isang sacristan.

            “Ah, eh…di ba kasama natin siya kanina??”

            Hindi. Hindi ko nakitang pumasok si Mang Carding sa kumpisalan. Hindi ko na siya nakita matapos niya kaming sinaklolohan kanina!

            “Father! Hanapin po natin si Raisa! At si Mang Carding!” sigaw ko.

            “Maghulos dili ka anak, baka naman nagkamalay na si Raisa at umuwi na.” pilit akong pinapakalma ng pari.          

            “Eh si Mang Carding, san…san naman siya pupunta??!”

            “Baka umuwi rin sandali. O baka nasa banyo. Anak, wag ka na ganung mag-alala. Kontrolin mo ang sarili mo.”

            Pero hindi ko makontrol. Si Raisa yun—ang babaeng mahal ko—pano kung… pano kung isa na rin siya kela Lydia at Arman??? Ano naman ngayon ang susunod??

            Pero pinagpasa-Diyos ko na ang lahat…bahala na…bahala na.

 

            Hindi ako makatulog sa pag-aalala. Mataas na ang araw dilat pa rin ako. At lalong nagpadilat sa gising kong diwa ay ang mga sigaw ng kapatid ko.

            “Kuya! Si Ate Raisa!” may halong pagka-excite sa boses nito.

            Halos malaglag na ako sa hagdan pababa pagkarinig ko sa pangalang “Raisa”.

            “Anong meron kay Raisa???!!!”

            “Uuuuyy..si Kuya, excited…” humalakhak ang kapatid ko. “Andyan sa labas, hinihintay ka.”

            Buhay si Raisa!

            Paglabas ko sa pinto—bumulaga sakin ang isang duguan, at kalbong babaeng lapnos ang mukha, luwa ang mata, maraming sugat sa buong katawan na pinagpipyestahan ng mga uod t langgam.

            “Louie…mahal pa rin kita…”

            “Hindi…Raisa! Hindi ikaw si Raisa! Hindi ikaw ang Raisa ko!”

 

            Dumilat ang mata ko ng sobra. Bangungot lang pala. Tumingin ako sa relo at nakita kong alas-onse na. Tanghali na!

          

            Pagbaba ko ng hagdan, ang kapatid ko—umiiyak. Ang nanay at tatay ko—hindi maipinta ang mukha.

            Niyakap ako ni nanay. Hawak naman ni tatay ang kaliwang balikat. Umiiyak din ang nakababata kong kapatid.

 

            Kumalas ako sa yakap ng pamilya. Tumakbo ako. Umiiyak. Si Raisa—kung di ko lang siya iniwan kagabi…baka buhay pa rin siya…

 

            Tinungo ko ang simbahan. Isa lang ang mamamatay tao sa isip ko—ang taong wala noong panahon na nagkakagulo na ang lahat—ang taong laging andyan. Madalas mas kahina-hinala ang taong laging andyan sa malapit.

            “MANG CARDING! LUMABAS KA DYAN!”

            Lumabas si Father Roman. “Anak anong problema?” gulat nitong tanong.

            “Asan si Mang Carding? Patay na si Raisa—tama—siya na nga ang sinunod niya—ang Raisa ko—at ngayon ano? Ilabas niyo siya—alam ko—siya ang may sala!”

            “Anak, maghulos dili ka. Kung si Mang Carding ang hanap mo, kasalukuyan siyang nasa bahay nila sa kabilang kanto—nakaburol. Inatake siya kagabi sa banyo—nakita na lang namin ang bangkay niya dun.”

            Natulala ako. Kung si Mang Carding ang kriminal—bakit, bakit siya nasa banyo noong nawala si Raisa? Inatake—inatake sa puso. Kung hindi siya—sino?

 

            Lumubog na ang araw. Nagtunugan ang mga kampana. Alas-sais na.

            Dahil sa tawag ng pananampalataya—nagpasya akong mangumpisal. Hindi lang iyon ang dahilan ko—gusto kong malaman kung ano ba talaga ang nangyayari—at kung totoo nga—na ako na ang sunod, granted na kasama ang picture ko sa mga taong pinatay.

 

            Pumasok ako. Lumuhod, nagsimulang magtanda ng krus.

            “Father, bless me for I have sinned…Father…nagdududa ako talaga…andaming nagaganap na patayan…at napagbintangan ko ang maling tao…”

            “Anak. Masama ang magbintang sa kapwa.”

            “Alam ko ho father. Sa daming patayan na nagaganap, may nakita akong mga larawan diyan ho sa pwesto niyo—mga litrato—ni Lydia, Arman, Raisa…ang mga naunang biktima. At ang ikinatataka ko lang—pati ako kasama. Pati rin ho ba ako ay kasama sa mga papaslangin?”

            “Minsan, gumagana pa rin pala yang kukote mo. Buti na lang ginamit mo yan ngayon.” Tila may galit at lumaki ang boses ng nagsasalita.

            “Father?” nalilito na ako.

            “Oo, isa ka sa mga mamamatay. Ang tanga mo naman kasi eh. Dapat hindi ka na bumalik dito. Tahimik na kasi ang buhay ko, kaso andiyan pa rin kayo. Pero alam mo, ikaw pa lang ang unang biktima ko. Ang galing nga eh, may parang kung sino ang gumagawa ng mga pagpatay para sakin. Dati, hinihiling ko lang na mamatay sila, hanggang sa isa-isa na nga silang namamatay. Malakas siguro ang pananampalataya ko. HAHAHA!” Malalamig ang mga salitang iyon. Unti-unti kong nakilala ang boses sa likod ng pader na naghihiwalay sa amin. “Damian!”

            “Pero ngayon, gusto ko kamay ko ang tumapos sayo..”

            “Pero bakit??” natatakot na ako, pero pinilit kong maging matapang.

            “Bakit kamo? Dahil sa kagaguhan mo. Ikaw ang nanggahasa kay Lydia.” Matalim ang bintang. Ngunit di ako natinag.

            Wala akong maalalang ganun. At lalong simula ng graduation nung elementary ay hindi ko na muling kinausap si Arman! “Hindi totoo yan—inosente ako! Hindi ko na kinakausap si Arman—galit pa nga rin ako sa ginawa niya sakin sampung taon nang nakakalipas!”

            Pero naalala ko ng tsismis noon na hindi na raw “virgin” si Lydia. Ilang buwan bago ang graduation ng hayskul, nagtanan ang dalawa. Nagulat na nga lang ako na andito na ulit sila sa Santa Monica.

            “Talaga? Kaya pala pagtapos ng prom, hindi na kita nakita. Umuwi ako. Hininto ko ang kotse sa may Sitio Asul, lumabas ng kotse at nagpahangin. Sa may talahib ilang metro ang layo, may narinig akong parang pinipigil na sigaw. Pinilit kong silipin, nakita kita—nakapatong sa kanya. Nakapatong sa girlfriend ko. Tinatakpan mo ang bibig niya. Nakita ko ang pagpupumiglas niya. Para kang sinasapian ng demonyo! Isa kang demonyo, Louie!” Sinuntok niya ang pader na naghihiwalay samin. Dumagundong ang tunog sa aking mga tenga.

            Wala talaga akong maalala. Alam ng Diyos na di ko magagawa ang karumaldumal na bagay na iyon!

            “Hindi ako yon!” sumisigaw na ako, “Hindi ako kriminal! Oo, nagnasa ako kay Lydia, binasted niya nga ako noon, pero hindi ko magagawang gahasain siya! Masama ang nagging trato niya sakin—humihindi nga ako sayo nang pinapasundo mo siya noon. Hindi ako rapist!” nalilito kong sabi. Malinis ang konsensya ko. Alam ko!

            “Tama na ang kasinungalingan!”

            Bumukas ang “secret porthole” at may kutsilyo na sumaksak sakin!

            Naramdaman ko na lang ang maraming dugong umaagos mula sa sugat kong iyon sa tuhod, mabuti na lang at tumayo na ako! Kahit masakit pinilit kong lumabas, at tumakbo ako—kahit paika-ika palayo sa kumpisalang iyon!

            “Kahit saan ka tumakbo—mahahabol pa rin kita. Traydor ka.”

            Patungo na ako sa altar—nilingon ko siya. nakikita ko sa kanya ang itsura ng isang demonyong may hawak na kutsilyo—hindi—si kamatayan pala hawak na karet. Ang mga mata niya—nanlilisik..ang lapnos na mukha ay mas lumala—parang mas mukhang nakakatakot. Ang mga lapnos niyang braso—na parang mas humaba—ang pilit umaabot sa katawan ko—nakaturo—parang puso ko ang punterya.

            “Wala kang kwentang tao. Tinuring pa naman kitang kaibigan.”

            Tila naging baldado ang kaliwang paa kong may saksak. Kinakaladkad ko na lang ito palapit sa altar.

            Bigla na lang may kung anong liwanag na bumalot sa tingin ko. Naglakad ako. Hindi ko na maramdaman ang sakit ng saksak na natamo ko. Isang makipot na daan pala ang binabagtas ko.

            Sa kanan, napanood ko ang isang makamundong tanawin.

Nakita ko ang aking sariling nanggagahasa kay Lydia. Naramdaman ko ang init ng kanyang katawan.

Parang andun pa rin ako sa eksenang iyon. Nakonsensya ako. Tama pala si Damian. Isa akong kriminal.

            Iniwas ko na ang tingin, para akong nanonood ng telebisyon.

            Sa kaliwa naman ay nakita ko ang mukha nga nagmamakaawang si Lydia. “Wag Louie, Wag mo kong patayin!” garalgal at puno ng takot ang kanyang boses. “Huli na,” malamig kong sagot, “Hindi mo kasi alam ang resulta ng kababawan mo.”

            “Hindi na nga kita sinumbong sa pulis, inako na lang ni Arman ang kalapastanganang ginawa mo, ganito pa ang ganti mo??” nanginginig na siya sa tako. Ang mga mata niya’y nakapukaw sa karet na hawak ko.

            Bigla na lang ay pinugutan ng tila demonyong ako ng ulo ang kaawaawang Lydia.

            Mangingiyak-ngiyak ako. Hindi ko na kaya pang Makita ang susunod. Hindi ako makapaniwala na ginawa ko iyon. Tumakbo ako sa makipot na daang hindi ko alam kung saan patungo.

            Makaraa’y nakita ko ang eksena kasama si Arman.

            Sa kumpisalan, umupo ako sa pwesto ng pari. Sa kabila ay nagsimulang magsalita ang isang boses. Si Arman pala yon. Hawak ang karet, dahan-dahan kong binuksan ang porthole sa gawing ibaba. Pataas ang saksak ko sa lalaking nasa kabila. Naramdaman ko ang pagputol ng mga ugat at litid. Parang naghiwa lang ako ng karne.

            Hindi na nakasigaw ng tulong si Arman. Patay agad siya.

            Dumaan ako sa kabilang pinto at kinaladkad ang katawan ni Arman palabas. Sa isang talahib inulan ko siya ng saksak, bugbog at sampal. Inulan din siya ng napakaraming mura mula sa bibig ko. Nakapa ko ang baril sa kanyang tagiliran. Pinutok ko ito sa kanyang noo. Nakita ko ang dalawa kong kamay na dinudukot ang kanyang mga mata.

            “Ayoko na!” sigaw ko. Ayoko nang makita pa ang iba! Ako ba talaga ito?? Ako ba talaga ang siyang salarin sa lahat ng patayang nagaganap??

            Tumakbo muli ako sa lalong kumikipot na daan. Nadaanan ko ang eksena ni Raisa pero hindi na ko tumigil para manood. Biglang kung ano ay nakalabas na ko sa makipot na daan.     

            Pagdilat ko, nakabalik na ako sa simbahan. Bumalik ang sakit na dulot ng saksak. Pagtingin ko sa ibaba, nakahandusay ang isang walang buhay na Damian. Wakwak ang tyan at labas ang lamang loob. Nakita kong duguan ang aking sarili. Dugo ng namayapa kong kaibigan. Sa kanang kamay ay hawak ang karet na kanina’y hawak ni Damian.

            Hindi ko alam bakit ako paika-ikang naglakad patungo sa altar ng simbahan habang tumatawa. Dinidilaan ko ang kamay ko na puro tilamsik ng dugo.

            Humarap ako sa krus ni Hesukristo. Natigil ang aking ginagawa. Natigil ang malamig kong halakhak. Pagkaraa’y dumapa ako at inilapat ang dalawang kamay sa sahig. Naghugis krus ang katawan ko. Noon ay humagulgol ako. Umiyak.

            “Iniaalay ko na sa iyo ang buhay ko! Diyos ng mahabaging langit, tanggapin mo ang aking sarili!”

Mia Roselle Abaroa

sinulat ko to nung 1st year college ako sa PLM. mejo madugo nga lang, vivid kasi mga detalye. impluwensyado ako ni Sir Edgar Allan Poe. gusto ko ng tragic. kaso may kulang pa ata dito. hindi ko lang malaman kung ano.


Lyds78's picture

komento lang po...

medyo maraming butas sa istorya at hindi napaghandaan ang twist sa ending, kulang sa foreshadowing kumbaga kaya mabibigla sa ending.

sa naunawaan ko, nawawala siya sa sarili niya at hindi niya alam na nakakapatay siya pero mejo malabo ang pagkakasalaysay.  Sinasapian ba siya ng demonyo o anupaman?

Anong nangyari kay Raisa?  Hinabol niya ang salarin pero di niya naabutan, ibig sabihin hindi siya iyun.  Tapos mejo magulo din ang mga relasyones sa pagitan ng mga karakter, sino ba talaga ang kasintahan nino at paanong napili kung sinu-sino ang mga papatayin?

hindi naman problema ang masyadong vivid na paglalarawan, mas ang tingin ko pang naging kakulangan ay isang maayos na plot o storyline at ung pagtatahi ng naratibo para may coherence ang istorya.

iyun, magaling kang magdescribe ng mga eksena, konting kinis pa.

napadaan lang...

mia2302's picture

salamat sa puna!

actually matagal ko na rin po ine-edit ang gawang to, di ko lang alam san o kung ano pa ang kulang. hindi ko po masyadong napagtuunan ng pansin ang mga butas ng kwentong ito. sige po at medyo hihimay-himayin ko po muna.

salamat po sa puna!

susubukan ko pong i-edit itong muli, at pag nagawa ko na po, pede nio po ba ulit basahin?

pag-iigihan ko pa po sa susunod. salamat po ulit!

 

I'm getting mhiesick--the symptoms start to occur; the virus is airborne and only affects me.

 

<div style="text-align:center;"></div></div>
<a href="http://seitaigaku.multiply.com/r/b">

Lyds78's picture

my pleasure...

suggestion ko lang, subukan mong gumawa ng outline ng naratib bago mo isulat tapos tiyakin mo na malinaw ang plot kahit pa pabalik-balik ang timeframe.

nakita mo naman iyung mga tanong ko di ba?  Siguro iyun iyung mainam na malinawan sa page-edit mo.  Bakit parang nasasapian siya ng demonyo, lagyan mo ito ng paliwanag o backgrounder, ano ba ang pagkatao niya, bakit siya naging ganoon, etc.

maganda rin sigurong bumuo ka muna ng malinaw na characterization para may guide ka kung paano kikilos at magi-interact ang mga tauhan mo.

iyun, kung me tanong pa, d2 na lang natin pag-usapan.:)

napadaan lang...

mia2302's picture

cge po..

ang nabuo ko po kasing pagakatao niya, eh yung may split personality siya, kaya di niya alam na may nangyari palang ganoon, o ganyan. napatay niya po ung ibang characters ng hindi niya alam.

kaya po wala po talaga akong binigay na clue, kasi first person ung point of view, kaya ang alam lang niya ay ang mga nararanasan niya, o mga nakikita niya.

well anyways ttry ko po ung mga sinuggest mo po.. salamat po!

 

basahin nio po sana ulti pag na-edit ko na po huh? salamat!

 

I'm getting mhiesick--the symptoms start to occur; the virus is airborne and only affects me.

 

http://seitaigaku.multiply.com/