AKO AT ANG NILALANG SA KAWALAN

| |

AKO AT ANG NILALANG SA KAWALAN

Naglakbay ako sa kalaliman ng karagatan, tumungo sa kalawakan ng kabukiran at hindi sinasadyang narating ang kawalan. Dito’y walang sindilim at singtahimik ang paligid kung saan aking natanaw ang isang puso at utak na nakapaloob sa mga rehas. Patuloy sa pagpintig ang puso subalit ang tanging pinipintig ay yaong takot, lungkot at mga pangamba. Samantalang ang utak ay sadyang nakapandidiri, isang utak na nalalanta at nabubulok.

At mula sa dalawang di kanais-kanais na bagay na iyo’y naaaninag ko ang isang anino na tila isang itim na rosas sa natutuyong hardin. Ito’y kusang lumapit sa akin hanggang sa tuluyan kong mabatid ang nakapanlilinlang niyang kaanyuan. Taglay ng katawan niya ang buhay subalit sa loob niya’y ang kaluluwang sa libinga’y sabik humukay. Sa kanya nauukit ang kapangitan. Sa kanyang mga mata nakapinta ang kawalang aking kinatatayuan, ang kawalang siya ring kumukulong sa kanya. Naramdaman ko ang pagkasuklam sa taong yaon sapagkat hindi niya magawang makaalis sa nakababagot na lugar na ito. Sinubukan kong hubaran ang mga bahagi ng kanyang pagkatao na pawang mga inabong papel sa malamig na disyerto subalit siya'y umaanyo lamang sa kahinaan…

Ang mga taon niya sa mundong ibabaw ay umuuusad. Marami na ang nagbago subalit hindi na niya namalayan na siya bilang dating inosenteng bata ay sadyang napalayo na sa pagkataong kanyang hinangad, sa kapalarang ninais niyang tahakin. Nabuksan ang kanyang mga mata sa mundong inakala niyang puno lamang ng kagandahan subalit sa halip ay nababakante pala ng kalupitan. Unti-unting hinigop ng panahon ang kanyang kalayaan. Bagamat natagpuan niya ang mga kasagutan sa mga minsan niyang naging katanungan, mas lalo naman siyang binalutan ng pagkalito, ng mga pangamba. Pilit siyang naghahanap ngunit walang katiyakan sa kanyang nais matagpuan. Ito ang kawalang sa kanya’y umaaalipin. At ang nakasusuklam na nilalang na iyon sa kawalan ay nananatiling bangungot sa akin. Subalit bakit kailangang ang pagkatao ng babaeng iyon ay maging akin? Hindi ko ninais maging isang alipin dito sa kawalan…sa pag-iisa… sa mga pangamba…

Aking ipinangakong hindi na babalikan pang muli ang bangungot na iyon subalit iyo’y namugad na sa aking isipan. Kaya’t sa aking muling paghakbang sa kawalan, inasahan ko nang matagpuan ang di kaaya-ayang nilalang. Ayaw ko sana siyang harapin o pakinggan man lamang ang kanyang tinig subalit tila may kung anong nagtulak sa akin upang gawin yaon. Doon ko muling nakita ang kanyang mga kapintasan subalit kasama nito’y may nakita akong kagandahan. Ang dating itim na rosas ay nagsimula muling mamulaklak. Ang dating malamig na disyerto ay kinain ng karagatan upang hugasan ang mga abong naroroon. At ang dating pandidiri't pagkamuhing aking nadarama ay unti-unting naglaho.

Payapa kong ipinikit ang aking mga mata upang damhin ang kanyang paglapit sa akin, upang aking tanggapin ang dating itinakwil kong pagkatao. Noon di’y narinig ko ang pagkabasag ng mga rehas. At sa muli kong pagdilat, tumambad sa akin ang tunay kong mundo. Sa wakas, naramdaman ko ang ganap na kalayaan, ang kalayaan mula sa pagkakaalipin niyong kawalan.