AKO AY NALOKO!
Ako ay may tiningala, inidolo. Isang taong narating na ang taluktok ng daang tinatahak ko pa lamang. Inilagay ko siya sa isang napakataas na pedestal at ginawang inspirasyon sa lahat ng aking gawain. Balang araw maabot ko rin siya, ang aking inisip. Balang araw magiging kagaya ko rin siya, ang aking pinangarap.
Ngunit isang araw, sa di inaasahang pagk-krus ng landas ay nakita ko ang aking hinahangaan, o siya nga ba? Nakita ko ang kanyang mga obra, o sa kanya nga ba? Tila ibang mukha ang nakakabit. Tila ibang pangalan ang may likha. Hindi! Sa aking idolo ang mga iyan at ang taong ito ay manggagaya. Orihinal na likha ng aking idolo ang mga gawang iyan. Bakit niya kinopya at ipinamalitang sa kanya? Mukhang pinagkakakitaan pa niya. Kailangang masabi ko ito sa aking idolo upang magawan niya ng paraan. Dapat mahuli at mabigyan ng parusa ang manggagaya.
Ngunit sa matagal kong pagmamasid at pag-uusisa ay natanto kong tila mas may pruweba ang taong ito na sa kanya ang mga likha. Hindi ito totoo! Hindi manloloko ang aking idolo. Lahat ay inisip, ginawa, at inalay ko para maabot ko rin ang karukrukang pinaglagyan ko sa kanya. Hinangad kong kahit kaunting sinag man lang ng kanyang ningning ay dumapo sa akin.
Ako ba ay naloko? Ako ba ay nagpaloko? Anong kamangmangan itong ipinamalas ko? Pero naramdaman ko ang katotohanan sa idolo ko - sa mga salitang binitawan niya sa akin at sa paghimok muli sa sining na dati ko nang tinalikuran. Siya ba ay aking haharapin upang pigain ang katotohanan sa kanyang dila? O dapat bang siya'y lisanin ko na sa hiya sa sarili? Ako ay naloko at ang laki ng nawala sa akin. Ako ay naloko at isang bahagi ng aking pagkatao ang gumuho. Ako ay naloko at nawalan na ng tiwala. Ako ay naloko.
bagaman nalinlang ay tuloy pa rin ang buhay, at tuloy pa rin ang pagtuklas sa sining.

