Ako si Lea, Siya si Charles
Ngayong hindi na kami napapag-usap ni Charles dahil sa kakulangan ng komunikasyon, madalas kong maisip na ang lalaking nagpapatibok ng puso ko sa kasalukuyan ay hanggang panaginip na lamang. May mga tanong sa utak tungkol sa posibilidad ng pagsasama naming dalawa.
Minsan din'y inisip ko, na kung hindi ko siya nakilala'y wala akong problema ngayon, walang bumabagabag sa isip, at walang Charles na hinahanap hanap. Ngunit tila'y nakatadhana talaga kaming magkakilala, at mahulog ang loob sa isa't isa. At kapag pumapasok sa isip ko ang tadhana, kahit papaano'y gumagaan ang aking loob. 'Pagkat alam kong tadhana ang bahala sa aming dalawa.
Aninag ko ang kanyang mukha sa tuwing nangangarap ako ng isang magandang buhay, siya ang pinakahihiling kong makasama sa mga maliligayang araw, ang kanyang mukha ang iniisip kong lalaki na siyang makakasama ko sa panghabang buhay.
Alam kong bata pa ako, marami pang tatahakin, at makikilalang lalaki sa buhay ko. At kung hindi man kami ang tunay na para sa isa't isa, sana'y magkaroon kami ng malinaw na relasyon at maiging pagkakaintindihan. Sana'y magkaroon ng pagkakataong magkayakap, at maramdaman ang init ng pagmamahal. Nang sa gayo'y mayroon akong maitatagong magagandang alaala mula sa kanya.
Palagay ko ay siya na mismo ang gumagawa ng paraan upang mawalan kami ng komunikasyon, upang hindi na kami magkausap, at upang makalimutan na namin ang isa't isa. Lagi niyang sinasabi sa akin, na mahal niya ako, ngunit hindi maaari dahil sa aming sitwasyon.. malayo kami sa isa't isa. Madalas din siyang magselos, at sinasabing marami akong nobyo. Naprapraning ang aking mahal, naprapraning dahil sa kalagayan namin.. namin dalawang nagmamahalan.
Magulo? Oo, talagang magulo, kahit ako'y naguguluhan sa sitwasyon kong ito. Hindi pa kami nagkikita sa personal, nagkakilala kami sa chat, nagkita sa webcam, umusbong ang pag-ibig sa chat, at tuluyang nagawan ng paraan ng webcam ang aming sitwasyon.
Ako si Lea, nakatira sa bansang ito, sa Maynila; 17 anyos. Siya si Charles, nakatira naman sa Australia; 21 anyos; ang ama'y Australian, kaya't may lahi siyang Ingles. Tila ang nagdugtong sa aming mga kapalaran ay ang pagiging Kapampangan naming dalawa. Marami siyang alam na salitang Tagalog at Kapampangan; makulit at magalang, pilipinong pilipino ang kanyang dating -na siyang naging dahilan ng pagkakabihay niya sa puso ko. Umamin siyang mahal niya ako, at hinayaan ko ang sarili kong mapamahal na rin sa kanya.
Ngayon ay, nasaan ka na Charles?

