Ala-una Nagmeryenda si Vulcaseal

kwekwento's picture
| |
 
 
 
 
 
 
 
 
An'sarap nitong iced tea, habang ngumangata ng vanilla wafer sandwich. Ilang oras na kaya ako nakatunganga at tsumitsibog dito sa loob ng madaldal kong kwarto? Hay...makalabas na nga lang muna at magmuni-muni.
       An'lambot ng sofa dito sa sala ng dorm, naiwan pa ang bango ng tsiks na bumisita kanina, syota ng dorm mate ko. Tangenang syokoy ‘yon nakadale ng sirena. Sana gano'n ako kabwenas.
       Bakit hindi ako mabusog-busog sa mga kinakain ko? Umabot ako nang ala-una ng madaling araw, hindi pa rin dumadalaw ang antok sa'kin. ‘Di ko rin na-enjoy ‘yung pinapanood kong pelikula kanina -- The Illusionist. Ang naintindihan ko lang do'n, may isang madyikero, na nagmamadyik. 
       Putris na madyik ‘yan...‘di man lang nangupahan sa sistema ng buhay ko. Lahat ng nagtse-check-in eh kampon ng ka-jologan: ang hinanakit, ang pagkabigo, ang karma, ang hinayupak na kamalasan.
        Badtrip ka Janelle.
        Bwisit ka Romie.
       Oo na kayo na ang bagay sa isa't sa. Kayo na ang nagkatuluyuan sa istorya. At ako ang talunan na pupunta ngayon sa 7-Eleven para bumili ng alak at subukang magpakalango dahil kayo nga ang pinagpalang magmahalan. Paksyet.

 

Kahol ng mga aso ang bumungad na background music sa'kin pagkalabas ko ng gate. Medyo malamig sa labas, madilim ang langit, pero maliwanag pa ang kalye. Amoy styrofoam ang paligid. Bukas pa ang mga katabing karinderya at iilang tindahan. Pero mas trip kong bumili sa 7-Eleven, clerk kasi ro'n si Ricky. Sa ngayon, sa tingin ko ay siya lang ang makakapagpagaan ng loob ko kapag ikinuwento ko sa kanya ang nangyari sa'king rejection. Tagasubaybay rin kasi siya sa panliligaw ko kay Janelle -- at siya rin ang salarin kaya ko nakilala ang pinakamalaking kabiguan ngayon sa buhay ko.

       Nakakatawang isipin, kung bakit ako nagdurusa ng ganito. Eh singit lang naman ako sa walong taong relasyon ni Janelle at Romie. Simula third year highschool, hanggang pagka-graduate sa kolehiyo, hanggang ngayon, sila ‘yung tipong childhood sweethearts na ipinagkasundo ng mga pamilya para magkaanak ng sampung kambal at umuukit ng kanilang mga pangalan sa puno ng bayabas.

       Ano pa nga ba'ng laban ko? Bigla lang akong extra nang maghiwalay sila sandali. Panakip-butas baga. Tapos minahal ko siya nang todo, dahil siya nga ang sa tingin ko na dream girl at ang pinapangarap na mapangasawa dahil da bes magluto ng adobong manok.

 

Orange ang kulay ng kalsada na dinadaanan ko ngayon dahil sa ilaw ng streetlights. Hindi ko naman malaman kung green o violet na ang dating blue na sando ko bago lumabas ng dorm. Naka-jersey shorts na puti at tsinelas lang ako. Ngarag sa juice at biskwit. Kahol ng aso... videoke sa ‘di kalayuan... tawanan ng mga nagkukwentuhang mga kabataan... busina ng iilang mga sasakyan... hay... Tuluy-tuloy lang ang mundo. Ako lang ang nawalan ng saysay dahil sa pesteng produkto ng puso't damdamin.

       Lintek na kabaduyan ‘to.

       Sa patuloy na paglalakad ko at pag-iisip, feeling ko ay kumikipot ang dinaraanan ko. Lumalamlam ang liwanag, nababawasan ang mga kaluluwang gising sa paligid, tumatapang ang katahimikan. Tapos ay babasagin ng:
        "BaluuoOOOT...."
        Eto kayang magbabalut na makakasalubong ko, may problema kaya ‘to sa lovelife?
        "BaluuoOOOT...penoy kayo diyan...."
        "Pabili nga pong balut, tatlo." Huminto siya limang dangkal ang layo sa akin. Isang matandang lalake na nakasuot ng gusgusing damit at pantalon, hanggang ilong ko lang siya sa tantiya ko, mamula-mulang brown ang kulay niya dahil sa ilaw ng kalsada, makapal ang kilay at bigote. Mabilis siyang kumuha ng pilas ng yellowpages at dumukot ng order ko mula sa basket na dala saka binalot. Armado ang basket niya ng mga chicharon at suka. Sa bilis at hasang-hasang kamay, hindi ko man lang nakita na nalagyan na niya ng asin ang nakabalot na mga balut.
        "Beinte-siyete pogi," sambit niya sa maliit at ipit na boses. Inabot niya sa'kin ang balut nang hindi man lang tumingin. Nakatanaw siya sa landas na naudlot dahil sa pagbili ko.
        Nuwebe ang isa? Naisip ko pagkakuha ng balut saka bumunot ng singkwentang buo na nakaipit sa brief ko bandang puson. Inabot ko sa kanya ang lukot na pera.
        "Beinte-siyete pogi," muli niyang sambit. Sinenyas ko ulit ang perang nakalukot para iabot sa kanya.
        "Beinte-siyete pogi," ulit niya, ni hindi man lang ipinihit ang ulo sa akin. Nagtaka na ako.
        Inayos ko ang lukot na pera upang ipaalam sa kanya na singkwenta pesos ang hawak ko. "'Eto nga ho ‘yung bayad."
        "Beinte-siyete pogi. Sa edad na beinte-siyete, mamamatay ka."
        "Huh?!" laking gulat ko sa sinabi niya. Pagkatapos niyang sabihin iyon, bigla siyang naglakad, papunta sa daang tinititigan niya kanina pa. Sa dako pa roon kung saan ang liwanag ay nilamon ng banyagang dimensyon at nagluwa ng hingal na kadiliman. Ramdam kong wala nang tao sa paligid, kami na lang ang binubuhay ng patay na hangin.

       Hindi talaga siya lumingon, tuluy-tuloy lang siya sa paglalakad na nakatalikod sa akin. Pinagmamasdan ko siya na iniwan akong nakanganga sa pagtataka. Hindi pa siya nakakalayo, labis ko pang ikinagulat ang sumunod kong nakita. Sa basket na nakasukbit sa braso niya, may kung anong bagay ang lumitaw mula sa nakabalunbon na telang pantakip sa mga balut. Nagulantang ako nang mapagtanto kong isang ulo ang lumabas. Ulong may mahaba at itim na buhok. Dahan-dahan itong umikot at humarap sa akin.
        Syet! Walang mata, walang ilong, bibig lang na nakangiti at may kinakalawang na ngipin. Bumuka ang bibig nito at parang may sinabi sa akin. Sumigaw ako, pero paos na hangin lang ang lumabas sa bibig ko habang kumakaripas ng takbo palayo roon. Tuyo't ang isip at lalamunan. Paulit-ulit na sinasabi, Tangina!! Ano ‘yun!!!?? Kasama ang matinding takot at nanlalamig na kamalayan.

.
 

Malakas at biglaan ang kalembang ng patunog sa babasaging pinto ng 7-Eleven. Lingunan ang mga tao sa direksyon ko. Hindi ako hinihingal, mas abala ang dibdib ko sa kaba kesa pagod. Hindi ko pinansin ang mga naabalang customer sa loob at tuluy-tuloy lang ako sa pagpasok. Umupo ako sa bakanteng upuan. Halos lahat naman bakante; bilang lang ang mga tao sa loob kapag ganitong oras. Sinitsitan ako ni Ricky na nasa counter.

       "Psst, uy, ano nangyari sa'yo?" tanong niya.
        Umiling lang ako, hindi pa'ko handang magsalita at sobrang naguguluhan pa.
       Isang 70's pop song ang tumutugtog sa stereo, hindi ko alam ang title pero nakatulong ito para makabalik ako sa katinuan.
        Kita ko sa reflection ng kaharap kong salaming dibisyon ang reaksyon ng mga tao sa loob. Siguradong nailang sila at nabulabog. Isang matandang ale na nakapang-opisina bitbit ang iniinom na kape ang tumayo mula sa kinauupuan at lumabas, natakot sa'kin malamang. Mayamaya ay dedma na rin sa'kin ang iba. Pero ‘yung dalawang dalagita na malapit sa likuran ko ay hindi pa rin maiwasan ang mapasulyap sa'kin, parang gusto na rin nilang umalis. Sori pero hindi ko pa maramdaman ang hiya sa puntong ito. Takot, kilabot, at kaba. Basa ang harapan ng shorts ko dahil naihi ako nang ‘di ko namalayan.
        Ilang sandali pa ay lumapit na si Ricky sa akin habang nagrorolyo ng papel na hindi ko alam kung ano. "Problema mo? Para kang nakakita ng multo ah. Ba't namumutla ka?" Umupo siya sa tabi ko. Nakasuot siya ng opisyal nilang pulang uniporme.
        Kung alam niya lang, na nakakita nga ako.
        Ba't ‘di ako makapagsalita? Gusto ko ikwento sa kanya! Ramdam ko pa mga nakatayong balahibo ko.
        "May humahabol sa'yo?" usisa niya muli, tuloy pa rin sa pagrororolyo - papel pala na ginagamit sa resibo.
        "W-Wala... May nakita lang ako." Maski ako ay hindi ko narinig ang tugon ko.
        "Nakita? Ano naman?"
        May sandaling patlang muna bago ako nakasagot.
        "Ulo.. M-may ulo sa basket ni manong..."
        Napangiwi lang si Ricky sa sinabi ko. Hindi ko kontrolado ang mga salitang lumalabas sa akin. Parang nagsusumbong lang ako sa nanay ko.
       Inulit ko, "May ulo sa basket ng magbabalut!" May diin man sa pagkakasabi, sobrang hina pa rin, nanginginig pa. Wala na akong hawak na balut, nabitawan ko yata.
        "Huh? Anong ulo? Pugot na ulo?" Sa tingin ko ay nakukumbinsi ko na si Ricky, pero hindi niya pa lubos na nauunawaan na ang ulong nakita ko ay walang mata, ilong, at nagsasalita.
        Nakatingin na ang ibang tao sa amin. Kilala naman ako ng guard na nagbabasa ng dyaryo malapit sa pinto at alam niyang wala akong gagawing masama rito.
        Nagpatuloy ako, "B-basta...‘hirap ipaliwanag p're." Niyugyog ko ang ulo ko at humarap na sa kanya. "Nakakita ako ng multo!"
        Alam kong maniniwala na siya sa akin, sa kundisyon ko ngayon, naipapasa ko sa kanya ang takot na nararamdaman ko.
        "Totoo ba ‘yan ‘tol? Gago ka tumatayo balahibo ko sa'yo. Nawiwirduhan ako sa mga sinasabi mo putsa."
        Hindi ako nakasagot. Gulung-gulo pa rin ako.
        Mayamaya nanginig ang baywang ko na ikinagulat ko na naman - cellphone ko pala na nakaipit sa brief. May tumatawag sa'kin. Binunot ko ito; puta; si Janelle.
        "Hello?" hindi ko naayos ang boses kong nanginginig at tuyot.
        "Nagising ba kita?" Umiiyak siya. "Pwede ba tayong magkita ngayon?"
        Gulong-gulo ako, "O-oo, bakit?"
       "Nandito ako sa tapat ng simbahan malapit sa'min. Puntahan mo'ko ngayon..please..."
        Ano'ng nangyayari? "Si-sige pupunta ka'gad ako."
        "Thanks." Naputol ang linya.
        "Si Janelle? Uy tsong, kayo na?" tanong ni Ricky.
        Tumango ako, sabay iling. Litong-lito na talaga ako. Tumayo ako agad para lumabas dahil pupuntahan ko si Janelle. Hindi na malinaw kung ano ang tumatakbo sa isip ko, halu-halo na ang nararamdaman ko.

.
 

Mabilis akong nakasakay ng taxi at sinabi ang destinasyon: sa Kamuning. Wala na'kong pakialam sa lagay ng hitsura ko, matutuyo rin naman siguro ang ihi ko, problema lang kung umamoy. Punas lang ng damit sa pawis sa noo-leeg-batok. Ang mahalaga mapuntahan ko si Janelle, umiiyak siya. First time na siya ang tumawag sa akin. Kahit text ay hindi siya ang nauuna, pero ngayon ay tumawag pa siya. Ano kaya'ng nangyari?
        Isa lang ang sigurado ko - hiwalay na sila ni Romie. Sana.
        Kulang trenta minutos ay nakarating na'ko sa pwede kong babaan. Konting lakad lang at mararating ko na ang kinaroroonan ng mahal ko. Lakad pa, madilim sa kalyeng pinasukan ko, may pusang itim akong nadaanan na nakatitig sa akin. May naalala akong nakita kanina, pero pinilit ko na lang limutin at isa lang ang inisip ko sa pagkakataong ito. Saglit pa ay narating ko na ang simbahan. Nakatayo ro'n si Janelle.
         Bago lumapit ay ikinalma ko muna ang sarili. Nagpunas ulit ng mukha gamit ang damit. Madilim naman kaya hindi halata ang basang shorts ko. Tumungo na'ko sa kanya.
        "Janelle," mahina pero biglaan kong tawag. Lumingon siya kaso hindi ko maaninag ang kabuuan ng kanyang mukha, pero alam kong umiiyak siya dahil may kumislap sa bandang pisngi niya. Walang anu-ano't tumakbo siya papunta sa akin. Idinukdok ang sarili. Nagulat ako.
        "Ano'ng nangyari?" tanong ko, pero hindi siya sumagot. Humagulgol lang siya sa dibdib ko, magkabigkis ang mga braso, hanggang bibig ko lang siya. Pantine ang shampoo niya batay sa amoy. Nakakaloko na naiisip ko pa ang ganitong mga bagay.
        Patuloy lang siya sa hagulgol, habang kinakalma ko siya sa paghimas ng kanyang likuran. First time ko siyang mahawakan nang tuluy-tuloy, first time na ganito siya kalapit sa akin, first time na makita ko siyang aktwal na umiiyak. Nagtanong ulit ako, "Ano ba'ng nangyari?'
        "Si Romie..." Wala na kami - ito ang inaasahan kong sunod na sasabihin niya; pero hindi, "Bakla si Romie...bakla siya..." At sinundan ito ng imortal na pag-iyak.
        Tatlo...apat...o limang segundo bago nagrehistro sa akin ang sinabi niya. Bakla raw si Romie. Gusto ko magtanong kung ano ang ibig sabihin niya, pero mukhang malabong masagot dahil sa lagay ng kanyang emosyon.
        Hinayaan ko lang siya at sa sarili ko na lang nagtanong. Umupo kami sa baitang ng harap ng simbahan. Nasa kaliwa ko siya at akbay-akbay, tuloy pa rin siya sa pag-iyak, umaalingawngaw ang nagdurusa niyang tinig sa mga pasilyo't paligid ng simbahan. May mga matang nakatingin sa amin, matang mula sa mga nilalang na pagkain lang ang hamon sa buhay araw-araw.
        Naka kulay pink siyang sleeveless na damit, asul na maong, at puting sandals. Wala siyang ni anumang accessories o dalang hand bag. Sa paglipas ng oras, sa maputi at makinis na paa niya lang ako nakatingin. Walang cutics at malinis na malinis ang mga kuko't daliri. Malambot ang hitsura, parang marshmallows, may gatuldok na nunal siya sa pangatlong daliri ng kaliwang paa. Parang ang mga paa niya ang pinaka pinagtutuunan niya ng ingat at linis. Hindi ko makita ang maganda niyang mukha, natatabunan ng diretso at mahaba niyang buhok. Nagpa-rebond nga pala siya last week, kasi nga magbabalikan na sila ni Romie pagkatapos ng isang buwan na pag-aalitan. Pero ano ‘tong nangyari ngayon? Bakla raw si Romie.
        Alam kong may mangyayaring magiging pabor sa akin, pero, kailangan ko pa ring malaman ang mga detalye at kung ano talaga ang nangyari.
        "Nahuli ko sila ng kuya ko," bigla siyang nagsalita sa pagitan ng pagsinghot at hikbi. Hindi muna ako umimik, itutuloy niya pa ang kanyang paliwanag.
        "Pagkarating ko kanina galing sa office, pagbukas ko ng pinto, sa sala, du'n nila ginagawa ang kababuyan nila... Sa loob pa ng condo ko!" Iyak. Kabig-kabig ko siya para hindi maglupasay.

       Sapat na ang narinig ko para maintindihan ang lahat. Ang kuya ni Janelle na si Leslie, halos ganap nang babae. May suso at long hair. Bilang parusa sa kanya ng tatay nila nang malaman ang mapanlinlang na kasarian, pinasakan siya ng tubo sa pwet labing-anim na taon na ang nakalipas. Nakakulong ang tatay nila ngayon, pero hindi dahil do'n. Minsan sumagi sa isip ko na nagalaw na rin ng tatay nila si Janelle. May hinala rin ako kung bakit na-comatose ang nanay nila at naoperahan sa matres.

       Mahirap nga naman basahin ang behavior ni Romie. Hindi ko rin na-sense na bakla siya. Ang alam ko lang, kauna-unahang girlfriend niya si Janelle dahil pinagkasundo nga sila ng magkumpare nilang tatay at malamang dahil ‘yun sa negosyo. Mabait si Romie, pero ngayon alam ko na kung bakit hindi niya binibinyagan si Janelle; kung bakit ang babaeng ito ay nabatid kong sabik sa sekswal na atensyon kahit hindi man niya sabihin sa'kin. Siya, na bumiyak sa aking puso, ngunit ngayon ay pinapaliguan na niya ito ng luha patagos sa aking dibdib.
        Lintek na kabaduyan ‘to.

.
 
 

Tinapos namin ang madaling-araw at nauwi kami sa motel. Ipinamalas ko sa kanya ang matagal na niyang pangangailangan sa katawan na ni minsan ay hindi napunan ni Romie - at ni minsan ay hindi ko nagawa sa talagang babaeng gusto ko bagkus ay sa mga babaeng sa gabi sinasalubong ang hamog ng umaga at pagkain lang ang hamon sa buhay araw-araw.
        Unlimited ang mga laman na nakaipit sa brief ko, parang bulsa ni Doraemon. Kinuha ko rito ang ititimpla kong Iced tea at kakaining vanilla wafer sandwich. Nga pala, ‘yung guard sa 7-eleven ang supplier ko nito; ito rin ang dahilan kaya napagkamalan kong magbabalut ang asong nakasalubong ko kanina; at kung bakit nagtatawanan ang mga nagpa-fastforward na binatilyo. ‘Tsaka ko lang na-realize nang mahimasmasan ako.

        Itong biyaya mula sa singit
        Pinahinog ng pagkapanghi
        Ang naisip kong tanging lunas
        Sa karamdaman ng luhaang birhen

       Mahirap makipagtalik sa umiiyak. Mahirap tanggapin na hindi ka mahal ng katalik mong umiiyak. Mahirap isuksok sa isip na hindi ikaw ang dahilan kaya siya umiiyak. Isa kang bagay na pansamantalang ipapasak - parang tubo - sa tagas ng kanyang paghihinagpis. Panakip-butas baga. 

       Kailangan namin ng gamot, o madyik, o lagusan, upang makatakas kami sa pagdurusang tinatawag na reyalidad.

.

 

 

 

 

 

 

 

kwekwento

edenadeguia's picture

:D

ayos..

kwekwento's picture

:)

salamat

 

 

 

 

Ang Pagbabasa ay Pag-intindi, hindi Pambabatikos

CLOSET WRITER's picture

ang ganda.

parang horror flick na biglang may kurot sa puso pagdating sa ending.

gusto ko yong twist. napilipit mo ng buong buo ang isip at damdamin ko. parang light na mabigat. may element of surprise na may ilang seconds bago maabsorb.

two thumbs up!

ang galing!

kwekwento's picture

salamat

nag-try lang ako ng spontaneous na plot para maka-establish ng ala-post mod using 'gas-gas' nostalgic elements. kaya cross over ang scenes at hindi planado, basta kung ano lang ang maisulat ng magkakatropang utak, daliri, at keyboard. :)

 salamat uli sa pagbasa  

 

Ang Pagbabasa ay Pag-intindi, hindi Pambabatikos

jonsdmur's picture

okay ang kwento

 

 

 

di ko pa nasubukan ang ginawa mo... mostly kasi planado na mga isinusulat ko... 

salamat sa pagbahagi!

jons

kwekwento's picture

...

ganoon po kasi ako kapag may writer's block, o kung yun nga ang matatawag dun. Kapag wala kasi akong maisip na planadong plot, magtitipa lang ako nang magtitipa. From a simple intro tapos bahala na kung ano ang suitable na next scene. madalas ganoon ako palagi. natutuwa ako kapag may nabubuong ending na hindi ko expected.

 

salamat sa pagbasa :) 

 

 

Ang Pagbabasa ay Pag-intindi, hindi Pambabatikos

Joven's picture

Nakanang

 kakaiba 'to a, absurd at past paced biglaan. Tatlong genre nakita ko in just a short story first person narration na to.

Galeng! Astigin!!

 

 

 

"sagrado ang mga sulatin"

kwekwento's picture

thanks!

 ano namang mga genre yun? hmm....

salamat sa pagbasa.

 

 

 

Ang Pagbabasa ay Pag-intindi, hindi Pambabatikos

Joven's picture

...

 uhm... grotesque, surreal, na slice of life

hehe ewan ko lang pero eto po ang mga dating sa'kin

 

lufet kasi e!

 

 

"sagrado ang mga sulatin"

kwekwento's picture

huh

talaga? grotesque? yung parang nakakatawa na ewan?hehe

salamat pa rin kung yun interpretation mo. :)

slice of life nga, labeled na rin :) 

 

 

 

Ang Pagbabasa ay Pag-intindi, hindi Pambabatikos

Tantizm's picture

 Maganda ang daloy ng

 Maganda ang daloy ng kuwento. Yung genre ay fast, comedy at romantic fiction. Sana tama.

Ayos 'to pre. Swabe yung pagkakawing ng mga salita.

Mabuhay ka. 

"Bago ka mangarap...maghubad ka muna"

kwekwento's picture

??

mukhang nakaproduced nga ako ng tatlong genre kung ito po ang sa tingin niyo.

ang totoo e hindi ko rin inaasahan 'to, basta may maikwento lang pagkatapos maglabas ng sama ng loob yung kakilala ko hehe. Hindi ko rin considered na comedy 'to hehe kasi tragic talaga ang gusto ko palabasin pero mukhang di umubra.

 

salamat po sa pagbasa! 

 

 

Ang Pagbabasa ay Pag-intindi, hindi Pambabatikos

nasan.sy.has's picture

ei

 

was this a real life exp.? it's kinda weird and creepy, but nice ending.

 

 

 

Reading is my pleasure, writing is my frustration.. :(

kwekwento's picture

hmm...

 

slice of life. 

tnx 4 reading

 

 

Ang Pagbabasa ay Pag-intindi, hindi Pambabatikos

SSShh.. Secret lang natin

SSShh.. Secret lang natin toh

 

di ko nagets... promise hehehe, naligaw ako sa kwento :)

kwekwento's picture

ay

 

nalito ka lang siguro sa metaphors 

:)

naku kailangan masanay ka na sa mga kuwento ko hehe

johncross's picture

clap clap clap!

mabuhay ang mga writer na kagaya mo!

fan mo na ko.

di ko akalain na may ganitong klase ng kwento. ang sarap basahin, lalo na yung mga salitang nilaro laro.

like like like...

kwekwento's picture

<doubled post>

<doubled post>

kwekwento's picture

hey

 

salamat sa palakpak, pagpuri, at pagbasa!

di pa siguro ako karapat-dapat na magka-fan haha. siguro kapag nagkalibro na'ko pwede na :) at sana mangyari kaagad yun.

 

paki-check na lang yung ibang akda ko sa track ko. Sana magustuhan mo rin. Salamat! 

 

mabuhay ang mga writer na katulad natin!

 

MASAYA BASAHIN

Mabilis, mapaglaro, makulit at makatotohanan to para sakin.

bihira yung ganyang istilo na nahahati ako sa pagngiti at pagngiwi at  pagngalngal kaso ni isa run sa ngiti, ngiwi o ngalngal, hindi ko maituloy ng malaya kasi mapapalitan uli nung isa pa. at swabe ka gumawa ng titulo. mapapaisip yung magbabasa kung bagong katol ka o rugby nung sinulat mo to...kasi malikot yung mga imahe. hehe. 

pero sigurado akong ito ang dapat basahin kapag sawa na ang nagbabasa sa heavy drama. hehe.

salamat sa pagbahagi. 

E.M.

kwekwento's picture

Hangga't maaari sana ay

Hangga't maaari sana ay gusto ko magsulat ng bago. bagong tema. bagong istilo. Gusto ko kasing makita ang mga ganoong akda sa merkado. 

mas maganda kasi para sa akin kung lalaruin lang ang trahedya... yung matatanggap na lang ito ng publiko at huwag ipanlumo nang sobra dahil hindi naman naiiwasan iyon sa buhay. Nakakasawa na ang mga sobrang drama at sobrang romansa sa telebisyon sa bansa natin... kailangan na natin ng bago at kakaiba, at sana simulan natin 'yon.

 

salamat sa pagbasa. natuwa ako sa opinyon mo.

sana'y mabasa mo pa ang iba kong akda sa track ko. :) 

Jack A. Alvarez's picture

Sana binigyan mo naman ng konting linaw.

Maganda ang takbo ng kuwento hanggang sa ending nito.

Naisip ko lang kung ano'ng meron dun sa multo na nagpakita sa bida at sa sinabi nung lalaki. Yung eksena ng magbabalut. Nabitin kasi ako. Nahatak mo ako dun sa horror scene mo. Kaso bitin nga. Akala ko kasi maging konektado dun sa lovelife mo na syang naging sentro ng kuwneto. Sana binigyan mo naman ng konting linaw. Di ko ma-gets e.

 

http://jackofspades01.multiply.com/

kwekwento's picture

jack

Nagbigay naman ako ng kaunting linaw sa bandang hulihan at sa huling linya; itinago ko nga lang sa metaporikang paraan o di direktang paglalarawan.

Ang tanong ay isang misteryong iniiwan sa mambabasa para mas lalo niyang intindihin ang isang kuwento nang kusa. Kailangang makipaglaro ang taya sa huhulihin.

Pasensiya na pero hindi ko na ipapaliwanag ang lahat, bagkus ay magbibigay na lang ako ng dalawang antilo o hints ukol sa istorya:

1. Halusinasyon.

2. Cannabis foods.

 :)

 

salamat sa pagbasa. sana ay masuri mo pa ang iba kong akda.

 

 

dyeppri's picture

:)

katulad ng nakasinghot ng utot at hilong-hilo ay hindi ko mawari ang reyalidad sa pawang gawa-gawa lamang at imahinasyon dala ng pagkasabog. maganda ang daloy.maganda ang pagkakalapat ng imahe. at  iyon naman ang mga mas importante kesa sa nilalaman.ayos!

 

 

                  https://dyeppri.wordpress.com/

"libog lang ang dahilan ng lahat kung bakit andidito ako..."

      

kwekwento's picture

haha

 mukhang naging epektibo ang nais iparanas ng kuwento ko sa'yo sir dyep. naisakatuparan ang layunin ng konsepto at nagbasa. ang esensyal na kalakaran ng piksyon sa pag-uugnay ng diwa.

 salamat sa pagbasa!

wow!!!

walastik to pre'~!~

ang ganda ng story... kahit na hindi ko masyadong naabutan
pero parang may nakita ako sa gitna ahhh....

parang nagbibigay ng moral lesson o may sinasabi ang kwento....

ang ganda...

kwekwento's picture

Yeah

maraming napupulot sa automatic writing. galing sa subconscious eh.

ano ang nakuha mo rito florence?

salamat sa pagbasa!

 

j luna's picture

Yung number 2. na sinabi mo.

Yung number 2. na sinabi mo. Malaki ang naitulong niyan sa pagsusulat ko.

Sana kumain din niyan ang ibang nagnanais na matutong magsulat dito.

---------------------------------------------------------------

Sa likod ng mahabang dreadlocks at balat na puno ng tattoo at piercing, si j.luna ay isang lisensiyadong guro

kwekwento's picture

.

 

mamigay ka j. , hehe. para arangkada na ang wasakan sa panitikan!

kwekwento's picture

repost for newbies :)

repost for newbies :)