alaala*
Naalala kita
sa tuwing gabing malamig
at walang liwanag ang buwan
naalala kita...
Sa tuwing nakapapaso ang araw
o sa panahong nagtatago siya
sa laylayan ng makutim na ulap --
ay naalala kita:
ang bawat guhit at gurlis
ang bawat linya at hugis
ang bawat pakla at tamis
ang bawat asim at pait
Bakit ba hindi marunong lumimot ang puso?
Bakit hindi marunong isantabi ng kaluluwa
ang bawat larawan?
Itatago nang kaunting panahon
sa panig ng isipang ikinahon
subalit hindi rin maglalaon
ay muling iaahon at hahaplusing
parang namamanginoon...
Oo, naalala kita
sa bawat pagikot ng orasan
sa bawat pagtibok ng pusong
naisangla na sa iba nang walang tubusan
sa bawat inog ng daigdig kong munti
sa pag-iisa't pakikiisa
sa liwanag at dilip
sa bukang-liwayway at takipsilim
sa alat at tabsing
sa pagtaog at pagkati
sa bawat pagkakataon
Naalala kita, oo -- isang nililimot na pagsinta
kahit hindi mo kailanman ako
hinahanap at inaalaala...
Punong patnugot ng pahayagang Inang Bayan ng Kabite si Noel Sales Barcelona. Bukod sa pagiging peryodista, makata, kuwentista, kritiko, tagapagturo, at mananaysay rin siya.


