Kiko

ellise dominic's picture
| |

Kapag nasasaktan ka halos isumpa mong hindi ka na muling magmamahal, na hindi ka na muling maniniwala, muling magpapabola o magpapaloko, hindi na muling masasaktan.  Pero sabi mo lang ‘yun.  Sa totoo hindi mo kontrolado ang puso mo.  Magmamahal at magmamahal ka pa rin, maniniwala at maniniwala pa din.  Ganun siguro talaga ang pag-ibig, parang magnanakaw, hindi mo alam kung kailan sasalakay, kung kailan papasukin ang puso mo.  At kahit anong ingat mo magugulat ka na lang at mabubulaga, nagmamahal ka na. 

Ganyan din ako.  Ilang beses nang nagmahal, umiyak at nasaktan.  Natural daw yan sa nagmamahal.  Pero nitong huli alam kong imposibleng masaktan ako dahil alam ko na na hindi ko siya mamahalin.  Alam ko na hindi pwede, na ayoko, na hindi nya ako mapapaniwala kahit ano pang gawin o sabihin nya.  Alam ko ‘yun umpisa pa lang.  Alam ko kung anong klaseng lalaki siya, kung anong klaseng tao.  Kaya nga mayabang ako na hindi ko siya magugustuhan kahit anong mangyari.  Pero bakit ganun kahit pala alam mo na wala ka pa ding magagawa, kapag puso ang nakaramdam kahit anong sabihin ng utak mo, talo ka.

Hindi siya mayaman, hindi gwapo, hindi rin ganun kabait.  Sa totoo lang nakilala ko siya na isang babaero, numero unong bolero.  Ayos lang naman ‘yun, siya naman ang may gusto sa akin habang ako naaaliw lang sa atensyon at mga pambobola nya.  Wala lang lahat ‘yun sa akin parang katuwaan na nga lang sa akin ang lahat ng mga sinasabi nya.  Noong panahong iyon kasi iniiyakan ko pa din ang taong minamahal ko kaya alam kong malabong mabaling sa kanya ang atensyon ko. 

Alam nya ‘yun.  Na may mahal ako.  Na may ibang iniiyakan.  Ganun din naman siya may iba ding minamahal.  Gusto lang daw nya ako dahil maganda, masayahin at makulit kasama at kausap.  Alam ko na din yan.  Marami na akong nakilalang ganyan.  Kaya siguro hinayaan ko lang na magkalapit kami.  Noong una tinatawanan ko lang siya hanggang sa parang nagseselos na ako kapag kinukwento nya ang kasintahan nya.  Parang may kumukurot sa puso ko.  Binalewala ko lang ‘yun.  Alam kong imposibleng mahalin ko ang isang katulad nya.  Alam ko na siya umpisa pa lang.

Hanggang sa parang hinahanap ko na siya kapag hindi nya ako naaalala.  Parang namimiss ko ang mga pambobola nya.  Pinilit ko pa ding tawanan ‘yun dahil alam kong hindi totoo ang nararamdaman ko, niloloko lang ako ng isip ko.  At nang bigla na talaga siyang nawala natakot ako at nag-alala.  Alam ko na din naman na mangyayari ‘yun dahil siguradong mapapagod siya sa paghihintay. 

At isang araw nga nalaman ko sa wakas ang dahilan.  Iba na daw ang nobya nya.  Hindi ko alam kung nagagalit ako dahil naniwala akong ako ang gusto nya pero committed pa siya.  Na hinihintay ko lang siyang lumaya at maglakas loob na tanungin ako ng seryoso.  Kung sa bagay hindi na nakakagulat ang ginawa nya.  Di ba nga alam ko na na babaero siya.  Ang tanga ko lang dahil napaniwala nya ako.  O nagagalit ba ako dahil hindi nya agad sinabi sa akin kung ano lang talaga ako sa kanya, isang bagong pinagkakatuwaang bolahin, ‘yung tipong kung makakalusot lang.  Tanga!  Tanga!  Tanga!  Ano bang iniisip ko na mapapagbago ko siya?

Hindi ko na siya kinakausap ngayon.  Galit ako, hindi ko lang alam kung sa kanya ba o sa katangahan ko.  Basta galit ako!  Alam ko na ang ending nito bago pa man magsimula pero nakakatawang nasaktan pa din ako.  Kahit pala gaano ka katalino o kahit gaano mo pa kaalam ang mangyayari sa huli natatanga ka pa din at naiiwanang walang clue sa mga nangyari, kung saan ka ba nagkamali o nagpabaya sa iyong pag-iingat.  Basta bigla ka na lang nagmukhang tanga.  Kung sa bagay kasalanan ko ang lahat ng ito.  Alam ko na nga nagpadala pa din ako sa mga bola niya.  Alam ko na na babaero sya umasa pa din ako sa milagro.  Iyon siguro ang pagkakamali ko, alam ko na nga lumapit pa din ako dahil ang akala ko dahil sa alam ko na ay kaya ko ng utusan ang puso ko…