ALANGANIN...
(http://joemaranchetastories.blog.friendster.com/)
ALANGANIN
Isa sa pinakamahirap gawin ay ang pagsisiwalat sa buong mundo ang katotohanan sa likod ng pilit itinatagong pagkasino sa mahabang panahon. Nais kong ilahad at sariwain ang mga alala ng nakaraan na siyang nagpatatag sa akin upang lalo kong maintindihan na ang buhay ng tulad ko ay masalimuot at pinapalibutan ng mga taong patuloy na umaapak sa aming kahinaan.
Hindi ko ginustong mamuhay sa mundo ng mga nasa gitna. Hindi ko din pinangarap noong bata pa ako na magiging ganito ang kahihinatnan ng damdaming umusbong sa akin na hanggang ngayon ay hindi ko maipaliwanag kung paano ito nangyari. Tulad ng straight na babae o ng lalaki, hindi ko buong hawak ang takbo ng aking emosyon. Totoong ako ang nagpapatakbo ng aking utak at ako din ang responsable sa laro ng aking emosyon ngunit hindi natin buong nadidiktahan kung ano ang talagang isinisigaw nito.
Hindi ko alam kung kailangan kong sisihin ang aking tatang o nanang sa kung sino ako ngayon. Ni minsan ay hindi ko naranasang nagkakuwentuhan kami ng aking tatang ng kahit anong tungkol sa pagiging lalaki. Bago kasi lamunin ng dilim ang liwanag ay tanging alak na lamang niya ang kaniyang kaharap. Pagkaubos ng isang bote ay dapat nakahanda na kami sa walang tigil niyang pagbubunganga. Ang pang-aaway niya sa aking nanang ay humahantong sa sakitan. Walang gabi na hindi ko narinig ang mga pagmumura niya. Kahit gabing- gabi na ay hinahabol niya kaming magkakapatid ng itak o kaya ay hayaang matulog sa silong ng isang malaking puno ng sampalok sa likod-bahay. Nasaan ang pagmamahal ng isang magulang na hindi man lang hanapin kung saan natutulog ang anak sa gabing hinabol sila ng itak? Nasaan ang pusong magulang kung sila ay kampanteng natutulog samantalang ang mga anak nila ay nasa labas ng bahay, pinapapak ng lamok at halos hindi makayanan ang lamig ng hamog sa madaling araw? Ni minsan ay hindi ko naranasang tanungin ng aking tatang kung ano ang problema ko sa tuwing tahimik akong nag-iisip. Ni hindi ko nakasabay ang buong pamilya na mamasyal o kumain sa labas. Ni kahit bilhan ako ng laruang panlalaki o kaya ay damit na pangsundalo ay hind ko naranasan.
Ni hindi ko naramdamang kinumutan ako ng aking nanang habang natutulog. Hindi ko din naranasang yakapin o kaya ay paliguan. Ang tanging naaalala ko ay sa edad kong sampu ay pinipilit niya akong papuntahin sa bukid kahit umuulan. Ang halos masunog sa tama ng araw ang aking balat. Kapag ako’y nagpakita ng kaunting pagkapagod o kaya ay nakitang sumilong sa mga puno dahil nahihilo ako sa tama ng araw ay sinasabihan akong tamad, walang silbi, palamunin at kung anu- ano pang mga katagang nagpapakita na ako’y batang pinagkakaitan ng pagmamahal at pang-unawa.
Nang ako’y onse anyos na, nanganak muli ang aking nanang. Nang tatlong buwan na ang kapatid ko ay ako na ang nagsimulang mag-alaga sa kaniya. Ang panganay kong kapatid ay nasa High School na noon at sa bayan nag-aaral. Nakikitira siya sa bahay ng kapatid ng aking ama. Ang pangalawang kapatid ko naman ay nakitira sa bahay ng aking lola na kapit-bahay lang namin. Hindi na kasi makayanan ng aking kapatid ang gabi- gabing pag-aaway ng aking mga magulang at ang pananakit sa amin kaya siya napilitang makipisan sa may kaya ngunit madamot naming lola. Lahat ng trabaho sa bahay ay ako na ang gumagawa dahil mahina ako sa tindi ng init ng araw sa bukid.
Aalis ang mga magulang ko sa umaga kaya ako at ng tatlong buwan na sanggol kong kapatid ang kasa-kasama ko sa bahay. Ako ang nagpapaligo at nagpapatulog sa kaniya. Uuwi lang ang nanay ko para padedehin siya at muling babalik sa bukid. Kapag napatulog ko na ang kapatid ko ay binibilisan ko namang ligpitin ang banig, kumot at unan naming nagkalat sa sahig. Pagkatapos ay maghuhugas ng pinggan at pinaglutuan. Kung sakaling tulog pa ang kapatid ko ay uumpisahan ko na ang magwalis at magbunot sa sahig. Hindi pa doon natatapos sapagkat kailangan ko pang magsaing at ibababad ang mga labahin. Kaya nga kinaiinisan ko ang pagdating ng araw ng Sabado at Linggo dahil iyon ang paulit- ulit na na pinapagawa sa akin.
Isang araw ay iyak ng iyak ang kapatid ko dahil sa gutom. Hindi ko alam kung bakit nakalimutan ni nanang na mag-iwan ng pambili ng biscuit na dudurugin ko sa tubig na ipakakain sa kaniya o sadyang wala lang talagang perang iiwan dahil mas marami nga naman yung araw na wala kaming pera kaysa sa meron. Walang tao sa bahay ng lola ko na siyang kaisa-isang tindahan sa amin. Wala naman akong makitang pupuwedeng ipakain sa kapatid ko na hindi ko napapatahan sa pag-iyak. Pati ako ay napaiyak na din dahil alam ko ang hirap ng gutom. Ilang beses kasi akong hinahabol ng aking tatang at magdamag akong matutulog sa silong ng sampalok na hindi kumakain. Dahil sa awa ko sa aking kapatid ay pumasok ako sa tindahan ng lola ko. Sa liit ng katawan ko ay nagkasiya ito sa nakaawang na dingding. Kumuha ako ng dalawang supot ng biscuit at binilisan ko ang paglabas. Nakita pala ako ng aking tiyuhin sa pagpuslit ng biscuit sa tindahan. Kaybilis kumalat ang balitang magnanakaw daw ako. Galit na galit ang ate ko ng malaman iyon. Sinabunutan ako, sinampal at sinipa habang nangingilid ang kaniyang mga luha at paulit-ulit niya sa aking isinisigaw na magnanakaw ako. Pinilit niyang kunin ang biscuit sa akin ngunit hindi ko iyon ibinigay. Umiiyak parin kasi ang kapatid ko at kailangan ko siyang pakainin dahil sa takot ko noon na baka may masamang mangyari sa kaniya kapag hindi napapakain. Subalit mas malakas parin ang kapatid ko kaya nakuha niya iyon. Sa mga panahong iyon, hindi ko alam kung bakit hindi ko isinigaw sa kaniya na gutom ang kapatid namin at walang iniwan na kahit anong ipakain kaya napilitan akong kumuha muna sa saradong tindahan ng lola namin. Pagnanakaw parin pala iyon kaya pagdating ng mga magulang ko ay pinagtulungan nila akong paluin, suntukin, sipain at paluhurin sa butil ng monggo. Paulit-ulit nilang isinisigaw na magnanakaw daw ako. Hindi ako binigyan ng pagkakataong sabihin kung bakit ko nagawa iyon. Hindi kaya nila naisip na ginawa ko iyon dahil sa kanilang pagkukulang ? Ginawa ko iyon dahil sa pagmamahal ko sa kapatid ko. Sa mga panahong iyon, wala akong kakampi. Walang nagtanong kung bakit ko iyon ginawa. Walang umintindi sa kung ano ba talaga ang aking motibo. Kung sana makapagsalita lamang ang sanggol kong kapatid noon ay sasabihin niyang nagawa ko iyon dahil sa pagmamahal at pagmamalasakit ko sa kaniya.
Hindi ko alam kung bakit sa edad kong dose ay panilip kong pinagmamasdan ang aking tiyuhin na kapatid ng aking ama na walang damit at pawisan ang buong katawan sa pag- iigib ng tubig. Iba ang nararamdaman ko kapag nasisilipan ko siya sa bintana ng kaniyang kuwarto tuwing tanghaling tapat habang ako ay palihim na umaakyat sa mga puno para lamang makita ko siyang nakahilata sa kama ng walang damit.
Ang akala ko’y normal lang sa katulad kong nagbibinata ang ganoong damdamin ngunit nagtataka ako dahil nang una kong maabot ang rurok ng kasiyahang dulot ng paglalaro sa aking alaga ay hindi babae ang laman ng aking imahinasyon kundi ang aking tiyo. Iba ang kuwento sa akin ng mga barkada ko. Ang laging laman ng kanilang mga kuwento ay tungkol sa mga napapanoond nilang hubad na babae habang nilalaro nila ang kanilang alaga. Minsan ay sinubukan ko ngunit sadyang mapaglaro ang aking imahinasyon dahil kahit anong gawin kong pilit na pagalawin sa utak ko ang mga artistang babae ay wala paring epekto dahil nangingibabaw ang imahinasyon ko sa tito ko.
Isang gabing lasing at mag-isa ang tito ko ay ipinaalam niya ako sa tatang ko na samahan ko siyang matulog sa kanilang bahay. Labing-tatlong taong gulang na ako noon at wala pa akong karanasang sa kahit ano. Bubot pa ang aking katawan at musmos pa ang aking pag-iisip. Nang gabing iyon ko naranasang manginig at manlamig dahil pagkapasok pa lang namin sa kaniyang kuwarto ay naghubad siya at pilit sa akin pinalaro ang laruang hindi angkop sa aming magkatulad na kasarian. Sa unang pagkakataon ay nagdampi ang mga hubad naming katawan. Umiyak ako noon dahil sa sakit na dulot ng pilit niyang ipinapasok sa akin. Napasigaw ako noon sa sakit ngunit tinakpan niya ang aking bunganga. Ilang sandali pa ay humigpit ang pagtakip niya sa aking bibig, bumilis at lumalim ang kaniyang paghinga, nag-unat ang kaniyang mga binti hanggang tuluyang nanghina. Pagkatapos niyon ay napalitan ng pandidiri ang dating paghanga ko sa kanya. Sa gabing iyon, may isang salita siyang kinainisan kong marinig na sabihin ng iba sa akin. Isang kataga na kapag naririnig ko na sinasabi sa akin ng ibang tao ay may galit na bumubuo sa akin na kahit alam kong tama lang na tawagin ako ng ganoon dahil iyon nga ay totoong ako. Ang salitang “bakla” ang siyang naglalarawan sa kung sino ako sa loob ngunit pilit kong pinagtatakpan sa panlabas na kilos at anyo.
Pagkatapos ng insidenteng iyon ay hindi ko na muli pang sinilip ang tito ko sa kanilang bintana. Iniwasan ko siya. Umaalis ako sa bahay kapag naririnig ko ang boses niyang nakikipagkuwentuhan sa aking mga magulang. Pakiramdam ko, sa tuwing nadadaanan ko na may kausap siyang iba ay ipinamamalita niyang bakla ako. Pakiramdam ko, lahat ng mga taong nakausap niya ay pinagtatawanan nila ako kapag dumadaan.
Pati sa eskuwelahang pinapasukan ko ay parang dinig na dinig ko parin ang mga ikinakabit sa aking pangalan. Kung hindi bakla ay magnanakaw naman. Mga katagang bumaon sa kamalayan ng aking kabataan. Mga salitang tuluyang sumira sa aking pagkatao at pagtitiwala sa sariling kakayahan. Sa tuwing nakakakita ako ng nagtatawanan at nag uumpukan, pakiramdam ko ako ang pinag-uusapan.
Hindi ako nakatutulog sa kaiisip kung alin ang hindi tama sa aking pagkatao. Bakit sa tuwing tinatawag akong bakla ay nagpupuyos ang aking damdamin? Kung galit akong tawagin ng ganoon, bakit hindi ko ipakitang nagkamali sila sa tingin sa akin? Sabihin mang humanga o nahuli niya akong pinagmamasdan ang hubog ng kaniyang katawan, sana ipinaunawa sa akin na iyon ay tanda lamang ng paghanga sa hubog ng hinog nang katawan ng lalaki na pinapangarap ko ding magkaroon paglaki ko. Siya na kamag-anak ko ang dapat nagpaliwanag na maling magtalik ang dalawang lalaki ngunit bakit hinayaan niya akong igupo ng kaniyang makamundong interes? Ang pagtawag nila ng bakla sa akin ay parang barena na patuloy na tumutusok sa aking emosyon. Hanggang ngayon ay nalilito parin ako kung ang pagiging alanganin ko ba ay sadyang likas talaga sa akin o dala lamang ng karanasang ipinamulat sa akin ng taong malapit sa aming pamilya.
Mabilis na dumaan ang mga araw, buwan at taon. Nang ako’y maglalabinlimang taong gulang na ay sinabi ko sa aking sarili na kailangan kong patunayan sa tito na hindi ako alanganin. Gusto kong ipamukha sa kaniya na maton din ako at babae ang gusto ko. Wala man akong nararamdamang pagtingin sa isa sa mga pinakamaganda sa paaralan namin ay niligawan ko parin. Dahil sa angkin kong karisma, talino at kaguwapuhan, nahulog siya sa isang araw lang na panliligaw. Nagtagumpay man akong paniwalain ang lahat ng mga taong nakapaligid sa akin na ako ay tunay na lalaki, hindi ko naman nalinlang ang sarili ko. Nagbago man ang tingin sa akin ng tito ko sa akin, hindi naman naalis sa puso at isipan ko ang tunay na ako.
Nagtapos ako sa sekondarya bilang salutatoryan at ang may pinakamaraming nakamit na karangalan. Isa din ako sa mga tinitingalang pinakamagaling na kabataang manunulat sa Region 2. Hindi ko alam kung iyon ang nagpabago sa pagturing ng nanang ko sa akin. Lahat ng hirap kinaya niya para lamang makatuntong ako sa kolehiyo. Tiniis niya lahat ng hirap, pagod at init ng araw sa bukid para lamang mabigyan ako ng lingguhang baon at kung kani-kanino umuutang para lamang makatapos ako. Noon ko naramdaman na sa kabila ng mga kalupitang tinamasa ko sa kaniya nang bata pa lamang ako ay minahal niya ako at tanging magandang kinabukasan ko ang kaniyang hangad. Inalipusta at pinahirapan ako nang ako’y bata pa lamang at nang lubusang lumaki ay iginapang ako sa hirap para sa magandang kinabukasan. Ang mga magulang nga kung minsan ay may sariling paraan ng pagpapalaki sa mga anak at sa pagdaan ng panahon, maisip ng anak na iyon ay bahagi ng pagdidisiplina at pagpapakita na tayo ay minahal ng higit pa sa ating inaasahan.
Noong ako’y labing-siyam na taong gulang na at nag-aaral sa isang unibersidad, naging kaibigan ko naman ang isa sa mga katunggali ko ng pagguhit at pagsulat. Si Alden. Labimpitong taong gulang lamang siya noon. Nagkaibigan kami. Kasama sa lahat ng lakaran. Sa isang gabing nagkatabi kami sa pagtulog ay may nangyari ng naulit pa ng naulit. Hindi ko alam kung nagustuhan niya ang nangyari iyon ngunit ang katotohanang nagkaroon ng lamat ang sana magandang pagkakaibigan ay hindi na muli pang naibalik. Hanggang pakiramdam ko ay pinatikman lang ako ng ubas niya at nang nagustuhan at nawili ako sa pagtikim ay saka niya biglang ipinagdamot. Noon na nagsimula ang walang katapusang pagmumurahan namin sa lansangan na nauuwi sa suntukan. Lalong naging masalimuot ang lahat nang nagsama kami sa iisang boarding house dahil halos magkamatayan kami sa palagiang pagpuputukan ng labi at noo. Nang ako’y naospital dahil sa hindi matigil na pagdaloy ng dugo sa aking noo ay napagtanto kong hindi ko dapat ipilit ang isang bagay na alam kong hindi pupuwede. Ang mali nga lamang noon ay hindi namin idinaan sa matinong pag-uusap ang tungkol sa nakasanayan kong pagninig namin. Kung napag-usapan na hindi siya komportable at hindi niya masikmura ang ginagawa namin, sana naintindihan ko at hindi na umabot pa sa sakitan na siyang nagdulot ng hindi magandang pilat sa buhay naming dalawa. Noong una pa lang sana naming gawin iyon ay tumanggi na siya at naiwasan sana ang sakitan at pamimilit. Iyon ang unang yugto ng buhay ko na naranasan kong nanakit at saktan. Ang unang pagkakataon na nagmahal ako ng sobra na halos lahat ng pagdurusa at paninilbi ay ginawa ko mahalin din lang ako subalit nabigo ako sapagkat babae parin ang gusto niyang mahalin na kahit ibuwis ko pa ang buhay ko sa kaniya ay hindi mapapabago ang tibok at isinisigaw ng kaniyang puso. Noon ko natutunan na hindi lahat ng magustuhan natin ay ating makakamit. May mga bagay na hindi talaga puwede kahit gaano pa natin ito kagustong mangyari.
Nagtapos ako ng kolehiyo. Sa awa ng Diyos ay nakapagtrabaho bilang Instructor sa isang kilalang Unibersidad. Sa unang taon ng pagtuturo, hindi maiwasang magkagusto ako sa ilan sa mga istudiyante ko pero lahat kinaya kong paglabanan dahil mahigpit na ipinagbabawal sa unibersidad namin ang magkaroon ng relasyon sa aming mga istudiyante. Ginugol ko ang lahat ng aking atensiyon sa pagpapaunlad ng aking dunong sa pamamagitan ng pag-aaral ko tuwing Sabado ng aking masteral. Kilala ako sa aming Unibersidad sa hindi mabilang na ambag sa kahit anong larangan dahil sa pagtatatag ng mga organisasyon para sa kabataan, ang pagpapanalo sa mga paligsahan sa pagsulat, pagguhit, pagtatalumpati at pagsusulit. Nakilala ang aming Unibersidad ng dahil sa angkin kong talento at tamang paghawak sa mga istudiyanteng kalahok sa mga nasabing mga patimpalak. Subalit may mga pagkakataong sinusubukan ang aking katatagan. Kung kailan natin pinapatatag ang ating kalooban ay siya namang pagdating ng hindi maiwasang hamon ng kahinaan ng emosyon. Nang nasa pangatlong taon at malapit na akong magiging permanente ay siyang pagdating ni Mark sa buhay ko.
Una pa lamang ay alam ko nang may babae sa buhay ni Mark ngunit lahat ay tinanggap ko. Kinaya kong intindihin nang una dahil alam ko kung ano lang ang hangganan ng aming relasyon lalo pa at masyado kong iniingatang madungisan ang pagkatao ko sa unibersidad na aking kinabibilangan. Hindi ko alam kung minahal din talaga ako ni Mark dahil halos araw- araw kaming magkasama. Ipinaramdam niya sa akin na mas gusto niya akong kasama kaysa sa nobya niya. Kung magkasama kami ay pinapatayan niya ang tawag ng kaniyang nobya at hindi sinasagot ang kaniyang mga text messages. Paulit-ulit niyang sinasabi sa akin na ako ang mahal niya at hindi ang babaeng iyon. Lahat ng hiniling ko ay ginagawa niya. Nang sinabihan ko siyang ayaw kong nakikitang magkasama sila ng nobya niya ay sinunod niya. Lalo akong nahulog sa higpit ng yakap at init ng kaniyang mga halik. Nilasing niya ako ng masasayang sandali at binusog ako ng kakaiba niyang pagmamahal. Lango ako sa matatamis niyang mga pangako at nahilo ako sa walang humpay niyang pagsinta hanggang hindi ko na nga kilala pa kung sino ako. Tanging emosyon na lamang ang tumatakbo sa buo kong pagkatao. Hindi nakayanan ng aking utak ang sigaw ng aking puso. Tuluyang ikinubli ng aking emosyon ang aking dunong.
Tatlong buwang tuluyang hinigop ng mapagkunwaring pagmamahal ni Mark ang lahat nang sa akin. Hanggang bigla na siyang nanlamig at halos hindi na kami nagkakasama. Sa tulad kong naghihingalo sa sinambang pagmamahal, hindi ganoon kadaling tanggapin ang pagkatalo. Kung kailan ko nakikitang magkasama sila ng nobya niya ay noon ko lang napagtanto na hindi ako ang minahal niya kundi ang dunong at pera ko. Bakit kung kailan ko nahahalatang iniiwan na ako ay saka lang unti-unting nasilayan ang tunay na kulay ng taong minahal ko? Ang hindi ko lang maintindihan ay kung bakit hindi ko nakayanang harapin ang nararapat at tapusin ang lahat noong nalaman ko na ang tunay niyang balat? Dahil ba sa umaasa akong totoo lahat ang mga ipinadama niya noong masaya pa lang kami? Dahil ba sa naranasan kong kaligayahan at ayaw kong mawala iyon sa akin ng ganoon lang kadali? Dahil ba siya ang laman ng aking puso at ang kaisa-isang dahilan para ako’y ngumiti? Dala ng matinding pagseselos ay hindi ko napigilang awayin ang nobya niya na naging dahilan ng malaking eskandalo sa buhay ko. Ang pagkakamaling iyon ay naging daan ng pagkawasak ng pangalan ko na nagbunga ng maitim na lamat sa aking pagkatao.
Pinagtalikuran ni Mark na may relasyon kami at sinabi niyang ilang beses ko siyang pinagsamantalahan, tinakot at kung anu-ano pang mga kasinungalingang hindi ko ginawa. Noon ko napatunayan na kapag ang batang instructor na nakakikitaan ng potensiyal na makakaposisyon sa taas balang araw at nagiging tanyag sa mga panahong naiaangat ang unibersidad ay kailangang mag-iingat dahil sa isang pagkakamali, ang lahat ng mga bumabati sa iyong kahusayan at ang mga nasa taas na takot malagpasan ang didiin sa iyo pababa hanggang wala kang lakas pang bumangon. Kung sino ang alam mong siyang dedepensa sa iyo ay siyang magiging kalaban lalo pa’t nakikita na isa kang katakot-takot na katunggali sa kaniyang sariling departamento pagdating ng panahon. Kinampihan ng aming Dean ang mga istudiyanteng bumaliktad sa lahat ng pangyayari. Walang nagawa ang ilang mga kasama kong sumoporta sa akin. Hindi ko na hinintay pang patalsikin ako. Kasabay ng paggawa ko ng resignation letter ang pagbuhos ng aking luha. Ang lahat ng aking pinaghirapang abutin ay parang kastilyong buhangin na sa pagdating ng isang malakas na alon, ang lahat ay tuluyang nabuwag. Hindi sapat ang tatlong buwang kasiyahan sa piling ni Mark na kapalit ng tatlong taon kong iningatan at pagpapatayog sa minahal kong propesyon. Sa paglisan ko sa unibersidad na iyon, nakita ko kung paano ako minahal ng halos lahat ng aking mga naging istudiyante. Napaluha sila sa paligid ko at binoykot nila ang klase ng mga instructors, department head at dean na siyang dumiin sa kaso ko. Wala akong pinuwersang tao at kung may naapakan man ako o nasaktan, iyon ay dahil tao din akong marunong magmahal. Nakalimutan kong hindi lang pala mahalaga kung ano ang nararamdaman kundi kung ano ang nararapat.
Subalit sadyang hindi minsan natututo ang puso. Hindi nadadala sa pasakit ng likha ng pag-ibig. Nawalan ako ng trabaho ngunit hindi ko muna binalak magkaroon muli sa mga sandaling iyon. Ang mali ko lamang ay hinayaan kong muling magmahal ang puso ko at masaktan.
Dumating si Bryan sa buhay ko. Tinulungan ko siyang makapag-aral. Tumira kami sa iisang apartment. Dahil sa wala akong trabaho kaya lahat ng mga gawaing-bahay ay ginawa ko. Ipinaglalaba, ipinagluluto at lahat ng ginagawa ng asawang naiiwan sa bahay ay ginawa ko sa kaniya. Ang kaibahan nga lamang ay sa akin galing lahat ng perang panggastos at lahat ng kailangan niya mula ulo hanggang kalingkingan ng paa. Lahat ng maibigan niya ay pilit kong ibinigay. Naging mas mahalaga siya sa kahit sino pa na miyembro ng pamilya ko. Sa kaniya umikot ang buong araw ko. At pagkalipas ng anim na buwan ay hindi ko namalayang naubos na ang perang inipon ko nang ako’y kumikita pa lamang. Lahat ng puwedeng pagkakakitahan ay ginawa ko para lamang may pantustos ako sa kaniyang pag-aaral at sa kakainin namin araw- araw. Tumanggap ako ng mga puwedeng gawin sa apartment habang wala akong ginagawa tulad ng paggawa ng mga reaction papers, research papers, encoding, thesis at lahat na ng mga hindi kayang gawin ng mga tamad o bobong istudiyante ay ginawa ko kapalit ng mga baryang bayad nila sa akin. Nanonood ako ng sine hindi dahil sa gusto kong maglibang kundi maghanap ng mga parokyanong puwedeng bumili sa aking serbisyo. Hindi man ako katangkaran ay maskulado naman ang aking pangangatawan, idagdag pa dito ang lalaking- lalaki kong tindig. Kung sa mukha din lang ay madami din akong patataubin at sa kulay ng balat ay hindi masasabing napakaputi at hindi din masabing kayumanggi. Ang mga katangian kong ito ang naging dahilan kung bakit marami ang nagkagusto sa akin kahit pa ang katapat ay pera. Walang nagawa ang mga diploma ko dahil hindi nito napataob ang mga mali kong nakahiligan. Hinuhuthutan ko ang mga matatandang alanganin kabilang na dito ang isang dean sa isang state university, isang manager ng GSIS at ilang mga mayayamang negosyante. Ang hindi ko lang talaga maintindihan ay kung bakit sila nagkaroon ng asawa. Paano nila nasisikmura iyon samantalang masahol pa sila sa gutom na asong hindi kumain ng ilang araw kung ihahain ko ang sarili ko sa kanila kapalit ng pera at mga gamit na ibinibigay sa akin. Hindi alam ni Bryan ang tungkol sa pagbebenta ko ng katawan para may makain lang kami, pambayad ng renta sa apartment, kuryente at tubig. Hindi siya nagtanong kung saan galing ang mga pinapambili niya ng mga mamahalin niyang gamit, alawans at pambayad sa kaniyang matrikula. Sa tuwing pumapasok siya sa kaniyang klase ay abala naman akong magpaligaya sa iba para pag- uwi niya ay may masarap na pagkain na nakahain sa aming mesa. Subalit sa kabila ng lahat na ginawa kong iyon ay mailap parin ang suwerte ng pagmamahal sa akin. Huli na ng malaman kong may nabuntis siya. Lahat ng mga ibinibigay ko sa kaniya ay ibinibigay din niya sa nabuntis niya. Sa mga araw pala na sinasabi niyang magbabakasyon at matutulog siya sa bahay nila ay sa babae siya pumupunta. Sa katulad kong niloko ay hindi maiwasang magwala ngunit ang kapalit niyon ay isang malakas na suntok sa mukha at mga ilan ding sipa sa buong katawan. Binugbog niya ako dahil sa aking natuklasan. Gusto ko siyang palayasin sa mga sandaling iyon subalit nasanay na akong kasama siya sa walong buwan. Pakiramdam ko ay hindi ko kakayaning mawala siya sa piling ko kaya kahit gaano kasakit pa sa akin ay kinaya kong intindihin muna. Sinikap kong kayanin ang lahat huwag lang siyang mawala sa akin. Tatlong linggo din akong nagtiis. Sa tuwing hindi siya natutulog sa apartment namin ay alam kong doon siya sa babae niya nagpapalipas ng gabi. Sa tuwing humihingi siya ng pera sa akin ay alam kong lahat iyon ay para sa babae niya.
Alam kong walang karapatan ang tulad ko na papiliin ang tunay na lalaki, ako ba na alanganin o ang babaeng makapagbibigay sa kaniya ng anak. Subalit ginawa ko iyon para matapos na lahat ng paghihirap ng kalooban ko. Alam kong hindi ako ang pipiliin niya ngunit nasaktan parin ako sa sinabi niyang kahit kailan daw ay hindi siya puwedeng magmahal sa baklang katulad ko. Kahit kailan daw ay hindi niya pinangarap na makisama sa akin ng habang-buhay. Naibibigay daw niya sa akin ang kaniyang katawan sa tuwing gusto ko subalit hindi ang kaniyang puso at kaluluwa. Ang guwapong mukha ng lalaking minahal ko ay parang isang diyablong may matatalas na pangil na handang lumamon sa akin. Nagpagulong- gulong kami. Lakas sa lakas. Gusto ko siyang patayin dahil sa ginawa niyang panloloko sa akin. Hinayaan kong umagos ang aking mga luha. Ang pagluha ay nauwi sa matinding paghagulgol.
Nang ako’y mahimasmasan sa matinding galit, lahat ng kaniyang mga damit, sapatos at iba pang nabili kong kagamitan niya ay inipon ko sa isang malaking karton. Lahat ng mga nakasuot sa kaniya na binili ko ay pinahubad ko. Gusto kong umalis siya katulad nang dumating siya. Walang-wala siya nang dumating at gusto kong lilisan siyang walang-wala din. Hindi ko siya binigyan ng kahit pamasahe man lang. Kasabay ng paglisan niya ang pangakong binitiwan ko sa aking sarili na maghihiganti ako sa kahit anong paraan. May mga araw noon na gusto niyang balikan ako ngunit nanatili nang sarado ang puso ko sa kaniya. Para ano pa? Para muli niyang akong gamitin? Ngayong naghihirap siya ay gusto niyang damputin ko siya at kapag nakatuntong na siya sa akin ay gusto niyang siya ang magpapaikot sa buhay ko? Gusto niyang bumalik para ako ang bubuhay sa binuo niyang pamilya? Hindi ko na pinakinggan pa ang pakiusap niya. Hindi na ako naniwala pa sa kaniyang mga pambobola. Sa ginawa niya, naglaho na ang tiwala ko kaya lahat ng lumalabas sa kaniyang bunganga ay parang lason na nakamamatay sa kahit sinong makaaamoy. Tumigil lamang siya nang dumating si Kit bilang unang biktima ng aking paghihiganti.
Kabilang si Kit sa aking mundo. Tulad ko, isa din siyang paminta ngunit sa relasyon namin, ako ang lalaki, ako ang nasusunod, ako ang pinagsisilbihan at ako ang binibigyan. Lahat ng maibigan ko ay gusto kong ibigay niya. Lahat ng ginawa sa akin nina Mark at Bryan ay ginawa ko sa kaniya. Ilang beses ko siyang pinaiyak at sinaktan subalit naroon parin siyang handang dumamay at magmahal. Hindi nagbago ang pagtingin sa akin kahit paminsan-minsan ko lang ipinadama sa kaniya na gusto ko siya. Ang pagkagustong iyon ay nagbuo ng maliliit na butil ng pagmamahal. Sa mga ipinadama niya sa akin na pagtanggap at pag-aasikaso ay naging daan para tuluyang bumigay ang tibok ng puso ko sa kaniya. Tatlong buwan siyang nagsakripisyo sa lahat ng mga pagkukulang ko. Tatlong buwang nagtiis sa lahat ng kalabisan ko at nang tuluyan niyang nabura ang naipon sa dibdib ko na paghihiganti ay siya niya namang pagsuko. Tatlong araw siyang hindi nagpakita sa akin. Hindi ko na din makontak pa ang kaniyang number. Nalaman ko sa matalik kong kaibigan na nakita niya itong may kasamang iba. Pinuntahan ko siya sa bahay nila sa araw ding iyon at totoo nga ang nakarating sa akin na balita. May iba na siyang mahal dahil hindi na niya nahintay pa ang araw na maipadama kong mahal ko din siya. Umalis kami sa bahay nila dahil ayaw niyang malaman ng mga magulang at kapatid niya ang tunay niyang pagkatao. Para akong asong bumubuntot sa kahit saan siya pumunta. Humihingi ako ng kapatawaran. Humingi ako ng isa pang pagkakataon. Lahat ng pupuwede kong ipangako sa kaniya ay sinabi ko. Lumuhod ako sa harapan niya at umiyak ngunit lahat ng pagmamakaawang iyon ay hindi na niya tinanggap pa. Nawala na daw ang pagmamahal niya sa akin. Hindi ako naniwala. Sa tatlong araw ay ganoon lang ba kabilis mawala ang pagmamahal? Kung saan-saan kami nakarating. Ayaw ko siyang mawala sa akin. Sa kaniya ko lang naramdaman ang mahalin ng ganoon katindi at natatakot ako na kung mawala ko siya ay hindi na ako muli pang makatagpo ng katulad niya. Kung maari sana ay ayaw ko na muli pang maiwan. Bumalik kami sa bahay nila at noon ko naranasan ang isang karanasang hindi ko makalilimutan. Pinapasok niya ako sa kaniyang kuwarto at hinubaran ako. Hinayaan ko siya. Pagkatapos ay sumigaw siya ng ubod ng lakas. Magkatabi lang sila ng kuwarto ng kuya at ng mga magulang niya kaya agad nilang narinig ang sigaw na iyon. Nagwawala siya nang hindi ko alam sa anong kadahilanan. Pinigilan ko siya ngunit sinuntok niya ako sa mukha. Nagpagulong- gulong kami dahil gusto ko siyang pigilan sa ginagawa niyang pananakit sa akin. Nagsimulang kumalabog ang pintuan hanggang bigla itong bumukas. Dahil sa pagkabigla ay parang umikot ang takbo ng aking mundo. Pinagtulungan akong bugbugin ng kuya at papa niya. Suntok, sipa, dagok. Sinabi niyang binalak ko daw siyang pagsamantalahan. Sinabi niya sa kanilang pinupuwersa ko siyang makipagtalik sa akin. Noon ko muling narinig ang katagang kinaiinisan kong marinig mula sa tito ko. Salitang sumasaklaw sa tunay na ako ngunit hindi ko parin gustong marinig. Para akong natutunaw na kandila sa hiya. Ipinagtulakan nila ako sa kanilang pintuan na ang tanging nakabalot sa akin ay ang nahablot kong tuwalya. Ipinagsigawan nila na ako daw ay isang bakla at pinagtangkaan ko raw si Kit ng masama. Dahil sa nalikhang ingay, lahat ng mga kapit-bahay nila ay nagbukas ng bintana. Dinig ko ang mahina nilang tawanan. Pinagtatawanan ang aking pagkatao. Kinukutya nila ang aking pagkasino. Muli ay may nabuong galit sa aking dibdib.
Hindi ako nahirapang kilalanin ang ipinalit sa akin. Si Dave. Dahil talo ko si Kit sa tindig, porma, kapogihan at katawan ay sa akin bumaling ang pagmamahal niya. Lahat ng puwedeng gawin ay ginawa ko para mahulog ang loob ni Dave sa akin. Nang maramdaman kong hulog na hulog na siya sa akin ay saka ko kinontak si Kit upang makipagkita sa amin. Nakita ko sa mukha ni Kit ang magkahalong pagkabigla at pagkadismaya. Umagos ang kaniyang mga luha. Pinapili niya si Dave at hindi ako nabigla sa kung sino ang pinili niya. Halos magwala si Kit. Humagulgol siya at nagmakaawang hayaan ko na siyang lumigaya. Alam niyang hindi ko mahal si Dave at pinaglalaruan lamang ngunit hindi nakinig si Dave sa kaniya. Nabulag si Dave sa pagmamahal niya sa akin. Sa isang linggo namin ni Dave ay minahal niya ako ng sobra. Nakita ko sa mukha ni Kit kung paano siya nahihirapan. Alam kong mas masakit sa kaniya na makitang ang dating minahal niya at ang minamahal niya ay nagmamahalan na. Siya ang napag-iwanan. Siya ang tuluyang nawalan. Nang makita ko siyang luhaan bago kami tuluyang iwan ay nakaramdam ako sa kaniya ng awa. Minahal din niya ako ng sobra noon ngunit ginamit ko lang siya. Pinaikot ko siya sa palad ko. Ngayon na ang tamang pagkakataon para mapunan ko ang pagkakamaling iyon. Nagising ako sa katotohanang hindi ako dapat gagamit ng iba para lamang sa galit. Hinabol ko siya. Kinausap ng masinsinan. Sinabi ko sa kaniya ang lahat. Naintindihan niya ako. Niyakap niya ako ng mahigpit. Nagpasalamat siya sa akin. Binalikan namin si Dave upang ipaliwanag din ang lahat. Naroon ang pagpupuyos ng damdamin nang una ngunit nang naglaon ay nadaan din sa mabuti at mapagpakumbabang pag-uusap. Napagkasunduan namin na para wala ng masaktan ay magiging matalik na magkaibigan na lamang kaming tatlo. Alam naming hindi ganoon kadali iyon ngunit kailangan sapagkat wala akong nararamdaman na kahit ano kay Dave. Si Kit parin ang mahal ko. Ako ang mahal ni Dave. Mahal parin ni Kit si Dave. Kailangan naming tapusin ang ugnayan para wala ng masaktan. Iniwan namin ang isang pangako na magkakabalikan kami bilang magkakaibigan kung kailan hinilom na ng panahon ang sugat.
Hindi katagalan ay nakilala ko naman si Jomel. Ipinangako ko sa aking sarili na kung mabibigo ako sa kaniya ay hindi na ako muli pang magmahal. Sa kaniya ko naranasan ang mga karanasang hindi ko naranasan sa mga ibang nagmahal sa akin. Siya ang naging dahilan ng aking pagpursige para bumangon at lumaban muli. Siya ang naging inspirasyon ko para lumayo at hanapin ang tunay kong buhay. Sa mga kabiguang pinagdaanan ko ay hindi na ako ganoon kadaling sumuko pa. Apatnaput-limang araw lang kaming nagkasama ngunit pinuno namin iyon ng pagmamahalan. Bago kami nagkahiwalay dahil kailangan kong lumayo at magtrabaho sa ibang bansa. Hindi pa ako nakakaalis ay marami na akong nalaman mula sa mga kaibigan niya. Pineperahan lang daw niya ako. Ginagamit para may pantustos sa kaniyang mga madaming girlfriends. Nabuking ko pa siya na may pinuntahan na babae pagkatapos ko siyang ihatid sa kanilang bahay. Aksidente lang naman ang pagkahuli ko sa kaniya. Sinubukan ko siyang balikan sakay ng aking motor nang makita ko siyang nag-aabang ng trysikel. Hindi niya napansin ang pagbalik ko. Sinundan ko ang sinakyan niyang trysikel. Nagpakita ako sa kaniya ng bumaba siya saka ako umalis. Nang nasa kuwarto na ako ay panay ang paliwanag niya sa akin sa text na hindi daw totoo kung anuman ang hinala kong ginagawa niya. Para mapatunayan ang lahat ay bumalik ako. Isang babae ang lumabas sa apartment na iyon. Tinanong ko kung sino ang kausap ni Jomel sa loob at sinabi sa aking girlfriend daw niya. Gusto ko silang sugurin ngunit kinontrol ko lang ang sarili ko. Hinintay ko siyang lumabas at nag-usap kami. Ang magandang pag-uusap sana ay nauwi sa sigawan. Dahil ayaw ko na ng iskandalo ay dinala ko siya sa lugar kung saan niya ako noon sinagot. Doon sa lugar na walang makakarinig sa aming pag-aaway. Umiyak siya sa harapan ko. Nagmakaawang huwag ko raw siyang iwan. Panay ang text ng babae ngunit hindi niya ito sinagot. Hinayaan din niya akong magtext ng masasakit sa babae. Paliwanag niya ay naunang dumating daw ang babaeng iyon sa buhay niya bago ako dumating. Hindi pa raw sila nagkakahiwalay nang magiging kami at pinuntahan lamang niya para kunin ang headphone na hiniram sa kaniya. Hindi ko noon alam kung paniniwalaan ko siya. Kinuha ko ang celphone ko sa kaniya at kahit ano pang paliwanag niya ay hindi ko na muna pinakinggan. Gusto ko munang makapag-isip ng mahusay. Gusto kong pinag-iisipan muna ang lahat dahil sa pangako ko sa sarili ko na huli ko na itong pag-ibig. Kinabukasan ay muli niya akong pinuntahan. Nagmakaawa na huwag ko raw siyang iiwan. Umiyak siya at ang mga luhang dumaan sa kaniyang pisngi ang siyang nagpabago sa aking pasya. Mahal ko siya. Maliban kay Kit, heto ang isang lalaking umiiyak sa harapan ko para muli ko siyang tanggapin at bigyan ng isa pang pagkakataon. Hindi din bato ang puso ko para hindi siya pagbigyan. Hindi ko alam kung kailangan naming magkaroon ng singsing para pagpapatunay ng kaniyang paghihintay sa aking pagbabalik. Simbolo daw iyon na siya ay akin lamang at babalikan ko siya at muli naming ipagpapatuloy ang aming nasimulan.
Mabigat ang mga paa kong lisanin ang Pilipinas ngunit kailangan kong gawin upang magsimulang hanapin ang tunay kong dapat na tahaking landas. Napagod ako sa mga laro ng puso at kailangan kong harapin ang pagtratrabaho para sa aking mga kapatid, magulang at kay Jomel na siyang nagbalik sa akin sa dapat kong harapin. Hindi ko makalimutan ang histura niya noon sa labas ng bus habang hinihintay ang pag-alis ko papunta ng Manila. Hindi mapatid ang palitan namin ng text gamit niya ang celphone na iniwan ko sa kaniya. Hindi ko mapigilang umiyak noon ngunit kailangan kong harapin ang bagong yugto ng aking buhay. Kailangan kong magsakripisyo para sa aking mga kapatid at magulang.
Nang mga unang buwan ko pa lamang sa Saudi ay walang patid ang mga text sa akin ni Jom. Text niya ang gumigising sa akin sa umaga at text din niya ang huli kong mababasa sa gabi. Naramdaman ko ang kaniyang pagmamahal sa mga text kung kaya ay sinagot ko ang pangmatrikula niya dahil hindi na siya papag-aralin pa ng kaniyang mga magulang. Hanggang ang halos ulan na pagdating ng text ay naging ambon na lamang hanggang naging tuyot..
Nalaman ko kina Kit at Dave na may kasa-kasama siyang babae sa tuwing nakikita siya sa Mall. Lahat ng iyon ay pinagsinungalingan niya. Kahit kapapadala ko pa lamang ng pera niya ay halos hindi na niya ako matexan man lang. Tiniis ko ng isang taon ang lahat dahil sa paniniwalang magbabago din siya at iyon ay huling braha ko na sa pag-ibig. Binigo niya ako, wala akong nakita sa grades niya nang pinapag-aral ko siya. Sinanla niya ang celphone na iniwan ko dahil sa mga pagkakautang niya hanggang tuluyan ng nawala ang komunikasyon naming dalawa. Masakit man pero kailangan kong tanggapin na ang pagmamahalan minsan na pinaglayo ng tadhana ay kailangang palayain lalo pa’t hindi na ipinaglalaban pa ng naiwan ang kaniyang nararamdaman. Sinubukan ko siyang intindihin sa mga pagkukulang niya ngunit sadyang palayo na siya ng palayo at ang tanging paraan para maibsan ang sakit at pangungulila ay ang tuluyan na siyang palayain sa aking puso at isipan. Subalit hindi ganoon kadali ang lahat. Kailangan ko ng karamay sa mga panahong iyon para makalimot. Nakipaglaro ako. Pakikipagtalik sa kahit sinu-sino lang ngunit hindi ko na pinayagan pang magmahal ang puso ko. Pinagbigyan ko ang hilig ng katawan ngunit tuluyan ko ng pinigilan ang hilig ng puso. Naglaro ako sa apoy. Nagpaapi sa tawag ng laman. Nilunod ko ang sarili ko sa iba’t ibang putahe para makalimot sa sakit. Hanggang sa ako’y nagsawa, napagod at tuluyang tumigil.
Noon ko nakilala ang mga tropa kong matatandang mga bakla. Naiintindihan namin ang hinaing ng bawat isa. Nang una, akala nila ay isa ako sa mga gagamit sa kanila. Marami sa kanila ang nagkagusto sa akin. Nang una, inisip ko din na pagkaperahan sila pero alam kong darating ang karma kaya sila ang naging pamilya ko ngayong malayo ako sa aking pamilya.
Si Romy (47 taong gulang) na may naiwang asawa at dalawang anak sa Pilipinas. Nahuli siya ng misis niyang nakikipagtalik sa bayaw niya kaya pinalayas. Isinumpa ng asawa na hindi na niya muli pang makikita ang mga anak. Dahil sa hiya sa kamag-anak at partido ng asawa, nangibang-bansa siya. Nagsisisi kung bakit nagawa niya iyon ngunit imbes na inayos ang buhay ay lalo lamang nagkagulo nang nakipagrelasyon sa mga lalaking pinerahan siya’t hindi na muli pang nagpakita. Sa tuwing naaalala niya ang mga anak ay umiiyak siya. Alam niyang dalaga na ang mga ito ngayon dahil labinlimang taon na siya sa Saudi. Nagbakasyon siya nang limang taon pa lamang siya sa Saudi ngunit dahil sa mga masasakit na sinabi ng asawa at ang hindi pagpayag na makita niya ang mga anak, tuluyan na niya munang isinantabi ang hangaring makita at makasama ang mga ito Sinusulatan niya ang mga anak. Umaasang napatawad na siya. Nakatanggap siya ng sulat mula sa kaniyang panganay na nagsasaad na siya ay hindi na tanggap pa ng pamilya dahil sa kahihiyang ginawa. Mabuti daw na dito na lamang siya sa Saudi mamalagi at huwag na niyang guluhin pa ang masaya nilang pamilya. Wala daw silang amang bakla at hindi daw siya maipagmamamalaki. Alam niyang wala na siyang kakampi pa dahil mismong mga kapatid niya ay hindi siya iniimikan nang nagbakasyon siya. Sa kabila lahat ng iyon, patuloy parin siyang nag-iipon para sa mga anak at kapatid. Kung kailan niya ibibigay iyon sa kanila, hindi niya alam basta ang sinisigurado niya ay kailangan niyang makapag-ipon ng sapat na ihandog sa kaniyang pamilya.
Si Raymond (46 taong gulang) na inuubos ang natitirang panahon sa pagtratrabaho. Nagkaroon siya ng lalaking karelasyon ng pitong taon. Lahat ng ipon sa mahigit sampung taon ay ipinagkatiwala niya sa joint account nilang dalawa dahil sa pangarap na magnenegosyo at magkaroon ng sariling bahay pag- uwi sa Pilipinas. Nang nagbakasyon ang lalaki ay nilimas lahat ang perang nasa joint account nila. Umuwi siya sa Pilipinas para hanapin ang lalaking nanloko sa kaniya ngunit hindi na niya ito nakita pa. Nabalitaan na lamang niyang nag-asawa ng iba at kung saan siya nakatira, iyon ang hindi niya alam. Tinipid niya ang sarili at halos hindi niya napadalhan ang mga magulang at kapatid dahil sa pangarap na iyon ngunit ang lahat ng pinagpaguran niya ng higit sampung taon ay naglaho kasama ng lalaking minahal at nanloko sa kaniya. Subalit alam niyang may naiiwan pang panahon para makabawi siya sa pamilya niya. Lahat ng puwedeng pagkakakitahan at lahat ng puwedeng tipirin ay tinitipid niya para may maipadala siyang sapat sa pamilya at may maipon para sa kaniyang pagtanda.
Si Elmer (51 taong gulang) na tulad ko, hindi nadadala sa mga masasakit na karanasan sa mga lalaki. Lantaran na ang pamemera sa kaniya ngunit wala siyang pakialam basta mahal niya ang lalaki. Nagbigay ng Wedding Ring sa malapit nang ikasal na diyowa, nagreregalo ng mamahaling mga appliances sa kung sinong natikman lang ng ilang gabi. Matagal na ang tatlong buwang sa mga nakarelasyon na halos lahat ay nakatanggap ng mga biyaya mula sa matanda na naming lola (Lola ang tawag namin sa kaniya dahil siya ang pinakamatanda sa tropa). Kahit ganoon ang lola namin ay hindi niya kinaligtaang mapadalhan ang mga kapatid at hindi siya nagkulang sa pagsuporta sa mga nagsisipag-aral na mga pamangkin.
Si Dino (48 taong gulang) ang siyang hinangaan ko. Nabigo at naloko sa pag-ibig sa lalaki ngunit natutong bumangon at lumaban muli sa buhay. Sinaksak siya ng lalaking minahal, ninakaw lahat ang mga mamahalin niyang kasangkapan, alahas at pera. Pumunta sa Saudi at pinaaral lahat ang mga kapatid at pamangkin. Nakabili ng magarang bahay para sa mga magulang. May sapat na ipon sa bangko at ari-arian. Napaghandaan na niya ang pagpasok sa katandaan. Ang lahat ng pagmamahal ay ibinuhos na lamang niya sa pamilya at mga kaibigan.
Sa aming tropa, sina Jake (37 taong gulang) at Bhong (35 taong gulang) ang kinainggitan namin. Sampung taon ng magpartner ang dalawa. May sariling bahay na sila sa Pilipinas at mga naipundar na ari-arian. Sila ang nagpapatunay na may pagmamahalan at relasyon na totoo at tumatagal sa mga katulad namin. Nakitaan ko sila ng respeto, katapatan, wagas na pagmamahalan at pagtitiwala. Sa bawat kilos at pananalita nila ay hindi maitatago kung gaano nila kamahal ang isa’t isa. Hindi sila nagkukulang sa pagsuporta sa kani-kanilang mga pamilya. May bahagdan ang mapunta sa pamilya at ang maiwan para sa ipon at kabuhayan nila. Nagkakasundo sila kahit anong bagay.
Sa ngayon, ako si Joe, (27 taong gulang) HIV positive. Tatlong buwan ko nang nalaman ang resulta ng test na iyon. Ilang gabing iniyakan ko at inilihim sa aking mga kaibigan at pamilya ang tungkol dito. Nalaman ng kompanya namin at natakot ako na baka ako ay pauwiin subalit dahil sa magandang record ko sa pagtratrabaho at dahil na rin sa nakikita nilang dedikasyon ko sa aking ginagawa, pinapahintulutan akong magtrabaho sa kompanya hanggang hindi pa ako tuluyang magkaroon ng AIDS. Sa madaling salita, pwede muna akong magtrabaho hanggang kaya ko pa.
Sa mga panahong nasa hospital ako para sa aking cocktail theraphy, doon ko napagnilayan ang aking pinagdaanan. Ilan kaya ang katulad ko ang nasa mundo ngayon na imbes na tulungan ng mga kamag-anak ang alanganin na akayin sa tamang landas o kaya ay suportahan ng sinumang kapamilya ay lalo pang idididin o gagamitin sa makamundo nilang pagnanasa?
Kung noon ay hindi ko naintindihan ang tatang ko sa kalupitan sa amin at ang paglalasing tuwing hapon, ngayon ay tanggap ko na. Sa katulad niyang hindi marunong bumasa at sumulat, ang itaguyod kaming magkakapatid sa aming pag-aaral at patapusin ay isang malaking utang na loob sa kaniya. Siya na hindi nakapag-aral na may determinasyong mabigyan kami ng magandang kinabukasan ay katotohanang hindi ko mapagtalikuran.
Ang pananakit sa akin ng aking nanang nang ako’y nagnakaw ay nararapat lamang dahil walang nanang ang magkagusto na ang anak ay magiging isang magnanakaw paglaki. Sa kahit anupaman, hindi sapat na dahilan ang kahirapan at ang pagtulong sa mga nangangailangan ang pagnanakaw. Naiiintindihan ko na ang nanang ko nang pinipilit niya akong pumunta sa bukid para maramdaman ko ang hirap na kanilang pinagdadaanan mabuhay lang kami. Dahil sa ipinatikim niyang kahirapang iyon, lalo kong pinag-igihan ang pag-aaral para hindi ako matulad sa kanila. Ang halos alipinin ako sa bahay noon sa pag-aalaga sa aking kapatid ay katotohanang kaakibat ng pagdarahop. Kahirapan ang dahilan kung bakit sa murang edad ko ay halos alila ako sa loob ng sarili naming tahanan.
Ang ginawa kong panliligaw sa babae para patunayan na ako’y isang tunay na lalaki ay hindi rin tama. Ang paggamit sa iba upang mapagtakpan ang pagkatao ay nangangahulugan ng pagkaduwag. Tao ang ginagamit at tulad natin, sila ay may damdamin ding masaktan. Ang katotohanan lalo na sa pagkatao ay hindi kailanman maitatago. Kung nakayang itago ngayon, bukas makalawa mangangamoy din ang tunay na ikaw. Pinapatagal lamang ng pagbabalatkayo ang proseso ng pagiging totoo, ikinukulong lang tayo sa sana ay malayang pakikisalamuha sa kapwa at magdadala lang ito ng hindi magandang pakikitungo sa mga taong nagamit.
Hindi sana nasira ang propesyon ko bilang tinitingalang instructor kung sumunod lamang ako sa patakaran na bawal makipagrelasyon sa istudiyante. Kung hindi ko hinayaang talunin ng aking emosyon ang aking utak, sana ay hindi ko inaway ang nobya ni Mark na siyang naging dahilan ng pagkabuwag ng kastilyong iningatan ko. Tayo ang may hawak sa ating emosyon. Likas sa atin ang magalit at magselos pero nasa kung paano natin ito kontrolin dahil tayo parin ang magiging responsable sa kung paano natin isiniwalat ang emosyong nararamdaman. Masakit mang tanggapin ngunit kung sino pa minsan ang biktima ng selos at galit ay sila pa lalo ang napapasama dahil sa maling pagsambulat sa nararamdaman.
Ang paggamit ko sa kapwa ko alanganin para lamang magkapera at ibigay sa karelasyon ko ay may malaking karma sa akin. Mas malaki ang sipa sa akin ng karmang iyon. Masakit mang alaala sa akin ang nangyari sa amin ni Bryan ngunit isa din iyon sa may malaking kontribusyon sa aking pagkatao. Marami akong naranasan sa piling niya na hindi ko kaagad nakakitahan ng kahalagahan.Hindi dapat gumamit ng ibang tao para sa pansariling interes. Laging nakamatyag sa atin ang mata ng karma at bigla itong aatake sa panahong tagilid ka na sa sitwasyon.
Ang paghihiganti sa ngalan ng pag-ibig ay hindi kailanman magtatagumpay. Ang ginawa ng ibang tao sa iyo ay hindi nararapat iparamdam sa iba. Ang motibo ng nanakit sa iyo sa nakaraan ay hindi katulad ng motibo ng bagong dating. Ang masakit na nangyari sa akin ay ako na naghihiganti ang nagiging biktima parin sa huli. Si Kit ay ang lalaking nagpaunawa sa akin sa katotohanang ito. Manalig lamang na ang maling ginawa ng iba ay hayaang pagkakataon ang maningil sa kaniya. Lahat ng ginawa ay may kaakibat na kabayaran.
Marami sa mundo ang katulad ni Jomel. Lahat ng pagkukunwari, pagsisinungaling at pandradrama ay kayang gawin para lamang makapanloko at makagamit ng iba. Sa mga katulad nila nina Mark at Bryan na gumamit sa akin at pinaikot ako dahil alam nilang mahal ko sila, nagpapasalamat ako dahil tinuruan nila akong mag-ingat. Lagi nilang ipinaaalala sa akin na kaya ng sinuman ang magbalatkayo, ang magsabing mahal ka kahit hindi, ang halikan ka at yakapin, ang pakikipagniig at ang lumuha dahil sa kinang ng salapi. Hindi ako galit sa kanila dahil alam kong biktima din lang sila ng kahirapan. Pagpapatawad ang kailangan kong iwan sa kanila.
Sa ngayon, hindi na ako nasasaktan pang tawaging bakla dahil iyon naman talaga ang totoo. Masakit lang naman tanggapin ang katotohanan kung pilit itong tinatakasan. Sa katulad namin nina Romy, Raymond, Elmer, Jake, Bhong, Elmer at Dino ay may magkakaibang mga pinagdaanang kuwentong pag-ibig ngunit iisa ang aming kahinaan at iisa ang nagpagapi sa amin sa pag-unlad - lalaki. Iisa ang dahilan ng patuloy na pakikipaglaban sa buhay. Iisa din ang dahilan ngayon ng aming pagpupursigeng umahon at ipagpatuloy ang masalimuot na pamumuhay, ang patuloy na ihandog ang buhay at pagmamahal sa pamilya.
Sa nalalabi pang panahon ng aking buhay, determinado akong ihandog iyon sa aking pamilya. Hindi ko alam kung ilang taon pa ang itatagal ko sa mundo o kung ilang taon pa na may lakas ako bago ako igupo ng tuluyan ang sakit kong AIDS pero lahat ng panahon, maiksi pa man o mahaba, lahat ay iaalay ko sa aking pamilya. Mauuna man akong mamatay sa aking mga magulang ay naihabol ko ring ipatikim sa kanila ang buhay na hindi nila natamasa. Wala akong balak sabihin sa kanila ang tunay kong karamdaman sa ngayon dahil ayaw kong mabahiran ng pagkalungkot at pag-aalala ang handog ko sa kanilang karangyaan sa buhay.
Sa lahat ng lalaking minahal ko, nagpapasalamat ako dahil ipinaramdam nila sa akin ang pagdating at paglisan, ang tumawa at umiyak at ang magmahal at masaktan. May paraan ang Diyos kung paano niya gisingin ang isang tao sa mali nitong nakahiligan. Binigyan niya ako ng ilang pagsubok at aral sa buhay ngunit hindi ko iyon napansin. Hindi ako natuto sa mga ibinigay niyang pasakit. Ang pagkakaroon ko ng walang lunas na sakit ang inihandog sa akin upang lalo kong maintindihan ang tunay na misyon ko sa buhay. Alam kong darating ang araw na igugupo ako ng sakit at tuluyang ibabalik ang hiram kong buhay ngunit buo ang loob kong tanggapin iyon lalo pa’t alam kong nariyan ang pamilya kong handang magmahal sa akin sa panahong hindi ko na kaya pang magtrabaho. Ang mga lalaking pinagkagastusan ko noon ng libu- libo at minahal ko ng husto ay parang bulang naglaho ngunit alam kong sa kahit kaunting paraan ay nakatulong ako sa kanila at naging bahagi ng kanilang nakaraan.
Ito ang kuwento ko. Ang kuwento ng ilan sa amin. Ito ang buhay ng katulad naming alanganin. Bakla man kami o kaya ay salot man kami kung ituring ng lipunan, may misyon din kami sa mundo na hindi lahat ng straight ay kayang gampanan.
FOR MORE SHORT STORIES... PLEASE VISIT THIS SITE...http://joemaranchetastories.blog.friendster.com/


