amy
“Ang kalakasa’y matatagpuan sa kahinaan. Sisibol ang totoong pagkatao sa panahon ng kadiliman. At sa panahon ng pagdurusa, magpapakita ang liwanag. Ang liwanag ang dapat mong hanapin at ‘wag umasa sa ihip ng hangin na liwanag ang maghahanap at mag-aalis sa’yo sa dilim. Madaling mawala…maligaw…pero mahirap makabalik. Mahirap bumalik…”
Isang gabi na naman ang dapat bunuin ni Amy. Isang gabing pagtulala…pagtingin sa kawalan…pangangarap…pananaginip…pagtakas at pakikipaglaban. Pakikipaglaban sa pilit na pagtakas. Pagtakas sa pakikipaglaban. Walang pinagkaiba ang gabing ito sa mga nagdaan. Tahimik pero magulo. Pinipilit nyang harapin ng kalmado ang magulong sitwasyon. Nagtatampisaw ang mga lamok sa stagnant water na nasa harapan nya. Isa ito sa mga senaryong nakakapagpakalma sa kanya dahil kahit pa gaano kadumi ang tubig at parang walang silbi, nagiging kanlungan pa din ito ng mga lamok. Nakikita nya ang hindi kayang tingnan ng marami dahil sa masyado na silang oriented. Pinagulo na naman ng nanay nya ang kanina’y nananahimik nyang kalooban…
“at bakit ginabi ka na naman?! San ka na naman galing?! Ano na namang inatupag mo, hindi ka man lang umuwi ng maaga para makatulong dito sa bahay,” hindi maawat ang unti-unting paglakas ng boses ni Aling Marta habang pinagagalitan ang anak.
Nilisan ni Amy ang terasa ng walang kibo at nagtungo sa silid nya. “Alas-syete, gabi na ba yun? Gabi na nga siguro yun, madilim na eh. Natutulog na rin siguro ang araw, baka namamahinga at napagod sa pagsikat, pag-ikot at paglubog.” Pagsapit sa silid ay kinuha agad nito ang librong may pahinang hindi higit sa limampu na gabi-gabi nyang binabasa subalit hindi matapos-tapos. Unti-unti na naman nya itong bubuklatin at magsisimulang magbasa, babalik na naman sya sa umpisa. Nais nyang, kung babasahin nya ulit ito ay simula umpisa hanggang katapusan subalit laging kamalasan ang nakakaabot sa kanya at hindi nya na naman ito matatapos. Tuwing sasapit sya sa pahinang iyon ay walang pagdadalawang-isip na isasara nya ang libro at itatabi sa lalagyan nito at tutungo sa kama nya para matulog. Ngunit kahit sa planong pagtulog ay hindi sya nagtatagumpay kaya’t kinuha na lang nya ang tanging libangan nya. Ang kaninang ginigyerang bahay nila ay dahan-dahang binalot ng katahimikan. Kahit anong pilit na pakikipagtalo ng nanay nya ay hindi pa rin nito makamit ang minimithi. Katahimikan ang laging nagwawagi. Ang katahimikan pa rin ni Amy ang laging namamayani. Ang katahimikan nyang nakatalo sa sumisibol na galit ng nanay nya ang sya pa ring bagay na tanging nakakapagpabagabag sa kanya.
Ang masusing pagpaplano sa pakikipagbuno sa gabing iyon ay hindi na naman naisakatuparan. Nabigo na naman sya… paulit-ulit na pagkabigo… nakakasawa… nakakapagod. Nakakapagod magbuhos ng panahon na wala rin namang mangyayari sa bandang huli. Mas maige pa kung hindi na lang nag-aksaya ng lakas kung mabibigo lang din. Kung alam mo ng hindi sasang-ayon ang kalalabasan sa ninanais mo, bakit patuloy pa rin ang pagpaplano, ang pag-iisip na baka sakali umayon ang pagkakataon sa kagustuhan mo? Hindi pa rin sya nawawalan ng pag-asa pero ang totoo pag-asa na mismo ang tumatakas sa kanya. Nakatulog syang hindi man lang nakahanap ng tamang salita para sambitin sa hindi nya mabuong Rubik’s cube.
Sumapit ang umaga, bagong simula para sa marami ngunit hindi para kay Amy. Para sa kanya’y pagpapatuloy lang ito ng naudlot na bangungot nya tuwing gising. Linggo ngayon, wala syang pasok, wala din naman syang magagawa dahil hindi sya pinapayagang umalis kaya isang araw ang kailangan nyang harapin kasama ang nanay nya. Sa tuwing dumarating ang araw na ito ay nagiging sentro ng entablado si Aling Marta. Lagi silang naiiwang dalawa at buong araw nyang papakinggan ang pagmomonologo ng nanay nya. Patuloy ito sa pagsesermon kahit hindi nya ito sinasagot gayunpaman sinusunod pa rin nya ito pag may inuutos. Alas-sais pa lang ay binubulabog na ito ng nanay nya. Ang boses ni Aling Marta ang nagsisilbing alarm clock nya. Nauuna pa ito sa tilaok ng mga manok.
“Hoy Amy, aba’y tanghali na, bumangon ka na dyan at maglinis ka ng bahay, magluto ka na din at maglaba ka! Linggo ngayon, wala kang susuoting uniporme bukas kung hindi ka pa tatayo dyan. Bilisan mo at baka hindi mo abutan ang araw!”
Napabalikwas si Amy mula sa kanyang higaan sa lakas ng boses ng nanay nya. Halos magiba ang pinto ng kanyang silid sa pagkatok nitong halatang puno ng galit. Niligpit nya ang higaan at itinabi ang Rubik’s cube saka tuluyang lumabas at nagtungo sa kusina. Nagluto muna sya ng almusal nila at saka sinimulan ang paglilinis ng bahay habang ang nanay nya’y abalang-abala sa pag-aalaga ng mga bulaklak nya sa hardin. Halos maubos ang lakas nya sa pagbubuhat ng mga kasangkapan nila upang masigurong walang bahid ng dumi sa mga ito dahil kapag nakita ito ng kanyang ina ay hindi na naman maganda ang mga susunod na maaring mangyari. Sa kabutihang-palad ay natapos din syang maglinis saka nagtungo sa labahan para maglaba ng uniporme nya. Natutuwa sya tuwing nandon sa lugar na iyon. Mahilig talaga sya sa tubig. Lagi nya kasi itong napanaginipan. Namamasyal daw sya lagi sa dagat nang naglalakad sa tubig, walang pagkakataong lumubog sya o nabasa man lang. Naaaliw sya dito kya tuwing naglalaba, animo’y isa syang batang nagsisimula pa lang maunawaan ang konsepto ng paglalaro. Winawasiwas nya ang kanyang mg kamay na nagiging sanhi ng pagtalsik ng mga bulang nabuo mula sa pagsasanib ng halimuyak ng sabon at dalisay ng tubig. Sa gitna ng pagtatampisaw nya’y napabaliktad sya sa bangkitong inuupuan. May humablot sa buhok nya at dahan-dahan syang itinayo. Mabilis nilang tinahak ang daan patungo sa sala habang hila-hila ang buhok nya at binitawan lamang ng tumigil sila sa harap ng isang santo.
“hindi ba’t sinabi ko sa’yong linisin mong mabuti ang buong bahay, ang bawat sulok at bawat bagay dito. Hindi mo ba nakikita yan, balot na balot ng alikabok. Naglinis ka bang talaga o iniilusyon mo lang naglinis ka?! Ayusin mo yan! Linisin mong mabuti!” sabay ang pagkakauntog nya sa paanan ng santo dahil sa tindi ng batok sa kanya at paglisan ni Aling Marta.
Sinunod nya ito ng hindi man lang umiimik ng kahit ano pagkatapos ay nagtungo muli sya sa labahan. Ang mukhang kanina’y puno ng excitement para sabayan ang sigla ng tubig ay napaltan ng kalungkutan na dinamayan pa din ng kalmadong tubig…walang kibo…walang daloy…tahimik…nakakalunod ang katahimikan ng tubig. Tinapos nya ng mabilis ang paglalaba, halos naghingalo ang tubig sa pagmamadali nito, hindi na rin nya muling pinaglaruan ang mga bula. Hindi na rin sya nakakain ng almusal sa halip ay bumalik agad sya sa kanyang kwarto para bawiin ang siglang ninakaw sa kanya. Sinubukan nyang muling buuin ang Rubik’s cube pero hindi sya nagtagumpay. Ang totoo, hindi nya talaga ito balak buuin, ito lang ang una nyang nadampot ng magtungo sa kanyang silid. Nang mapaniwala ang sariling tinatangka nya itong buuin ay napakamot na lang sya sa noo. Nakaramdam sya ng kirot, mahapdi ang pagkakadampi ng kamay nya sa kanyang noo saka lang bumalik sa alaala nya na ang pagkakauntog nya sa paa ng santo. Sa paghaplos ay nakaramdam sya ng panlulumo, pinigilan nya ang pagkawala ng kanyang emosyon subalit ang tubig ay may sariling buhay at nagpatuloy pa rin sa pag-agos. Hindi na nya tinagkang amuhin ang sarili sapagkat sya mismo ay napagharian na ng kanyang damdamin. Alipin na sya ng bagong laya nyang saloobin. Muli na ngang nabuhay ang nakakulong nyang damdamin…tunay na damdamin. Sa ikatlong pagkkataon, nasakop sya ng kanyang emosyon. Pinakaiiwasan nya ang senaryong ito sapagkat lalo lamang sya naaawa sa sarili. Lalo lang nya nararamdamang mahina sya. Ang bawat kabiguan sa tinangkang gawain ay simbolo ng kahinaan para sa kanya. Masakit matalo sa isang laban pero mas masakit ang manatiling talunan.
Inakala ni Amy na sa paaralan nya matatagpuan ang kalinga at pagmamahal na hindi nya naramdaman sa loob ng tahanan magmula ng mamatay ang tatay nya nang atakihin sa puso nang madiskubreng may lalaki ang asawa nya. Matagal na pala syang niloloko ng mga ito at nagbunga na rin ang kanilang pagtataksil. Unang pagkakataon, natagpuan nya ang sariling nakatulala sa sulok ng silid nya. Ngunit walang nagtatangkang lumapit at kumausap sa kanya dahil sa paningin ng iba’y kakaiba sya at nakakatakot maliban na lang kung manghihiram ito ng mga sagot sa takdang-aralin nila. Isa lang ang naglakas-loob na lumapit sa kanya ng walang anumang kailangan kundi makipagkaibigan. Transferee si Rod mula sa isang exclusive school. Ito ang nagbalik ng ngiti sa kanyang mga labi. Madalang na rin nyang makita ang sarili sa sulok. Masaya ang naging relasyon nila bilang magkaibigan hanggang sa dumating ang araw na kinailangan nilang maglevel-up para pagbigyan ang sariling maligaw sa piling ng isa’t isa. Dalawang buwan nilang pinagsaluhan ang kanya-kanyang kabaliwan subalit hindi pa pala sapat ang panahong ito upang kilalanin ang tunay na pagkatao ng bawat isa. Nadiskubre ni Amy ang isang bagay na noon pa ma’y hindi nya binalak alamin. Napag-alaman nya ng minsa’y pinakisuyuan sya ni Rod na magdala ng bio-data sa isang kaibigan na anak sya nina Victor Maceda at Marta dela Cruz. Dela Cruz ang apelyido ng nanay nito nung dalaga pa. Kahit minsan kasi’y hindi nila napag-usapan ang tungkol sa pamilya sapagkat pareho nilang hindi gusto ang topic na’to. Hindi rin nila ito napansin sa kanilang mga pangalan dahil D ang ginagamit na middle initial ni Amy samantalang C naman ang kay Rod. Magmula noo’y hindi na ito muling nagpakita kay Rod. Wala na rin syang naging balita sa kanya simula ng lumipat sya ng school. Sa ikalawang pagkakataon, natuto syang muling manatili sa sulok at tumulala. Isang taon na mula ng mangyari ito, hindi nya rin binalak sabiin ito sa nanay ny. Pinilit nyang mamuhay ng normal sa loob ng isang taon. Sinubukan nyang limutin ang lahat ng nangyari.
Sa gitna ng pagre-reminisce ay naalala nyang bigla ang librong ilang ulit na nyang binabasa. Isang taon na nyang binabasa ito kasabay ng isang taong pamimilit nyang mabuhay ng normal. Ni isang beses ay hindi nya pa ito natatapos basahin pero alam nya ang nilalaman ng buong libro dahil sya ang sumulat nito. Kaya hindi nya ito tinatapos ay sapagkat alam na nya ang kasunod. Isa itong librong sya ang nag-type, nag-print at nagpa-bind. Siya pa lang din nakakabasa nito. Nagulat sya ng makitang wala ito sa lalagya. Dali-dali syang tumayo para makasiguro, wala nga ito. Naghahabol pa sya ng hininga nang masaksihan ang saktong paghagis ni Aling Marta ng hawak nyang libro sa apoy. Walang pag-aalinlangan nyang kinuha ang kutsilya saka bumalik sa kinaroroonan ng nanay nya. Tatlong beses nyang ibinaon ang patalim sa likod ni Aling Marta. Matapos magawa saka lang pumasok sa isip nyang kumuha ng tubig para patayin ang nagsisimula pa lang lumaking apoy. May ilang pahina syang nakuha na hindi masyadong naabot ng apoy. Ang una’y naglalarawan ng titulo ng libro, A.M.Y. (Ask Me Y) at ng may akda, Amy D. Santos. Ang sumunod naman ay ang pahinang about the book:
“Mananatili ang katahimikan hangga’t hinihingi ito ng pagkaktaon. Katotohanan daw ang magpapalaya sa atin. Ibig sabihi’y nakakulong tao sa kasinungalingan at ang susi, ang katotohanan. Pero ang totoo ang katotohanan ang nakakulong at tayo ang susi sa paglaya nila. Mahirap matagpuan ang katotohanan sa katahimikan. Mahirap solusyunan ang problemang hindi mo alam. Walang taong hindi nangailangan ng tulong kahit minsan pero wala ring taong nakabuo ng tiwala ng ganon-ganon lang. Kailangang sumugal para may tsansang manalo, kailangan basagin ang katahimikan para malaman ang tunay na saloobin.”
At ang sumunod na pahina,
“Ask Me Y I’m here.”
“Y are you here?”
“Nasasaktan ako. Nagsusulat ako. Naglalabas ako ng hinanakit sa tahimik na paraan.”
At ang huling pahinang nakuha nya ay ang pahinang hindi nya kailanman mabasa na nagsasaad ng,
“Ask Me Y I’m still here.”
“Y are you still here?”
“Nasasaktan pa din ako. Nagsusulat pa din ako may naisusulat pa kasi ako. Narito ako dahil may hindi pa ‘ko nagagawa. Isang bagay na sigurado akong hindi ako mabibigo. Paghihiganti…sa kahit anong paraan…sa kahit anong panahon.”
Sa ibaba ng pahinang ito ay matatagpuan ang pahayag na,
“Nasa kadiliman ang liwanag. Liwanag na magsisilbing tanglaw para makabalik sa pinanggalingan. Ngunit nakakabulag ang sobrang liwanag at sa kadiliman naglalakbay ang mga bulag…mahirap makabalik.”
Naalala nya ang panaginip nya kailan lang. hindi na sya naglalakad sa tubig sa halip ay ang mabilis na agos at malalaking alon nito ang lumamon sa kanya at naging sanhi ng kanyang pagkalunod.
Unti-unting pumatak ang tubig at bumuhos ang malakas na ulan. Pagluha.
amy
sasagutin ko ang katanungan nyan sa pamamagitan nito:
ang mga tanong mo ay ikaw mismo ang sasagot dahil ito yung tinatawag na gap na ikaw ang magpupuno at magkokonek. syempre hindi naman kelangan eh parating isusubo na lang kelangan ding paandarin ang imagination sa mga gantong sulatin. yun lang. salamat tol!
+ink_yhubos+



hello po
Magaling ang pagkaka-deliber ng mga gawa mo bro... bilib ako sa istayl ng pagsusulat mo,,, yung dahan-dahan lalo't medyo suspense ang dating nito... para akong sinasaksak ng kutsilyo ni amy dahan-dahan, dahan-dahang tumatagos sa utak ko patungong puso. magaling!
Medyo may ilan lang po ako katanungan na 'di ko nagets dito...
ano po ang pinagmulan ng hidwaan ng mag-ina, paano po sila nabuhay ng mahabang panahon na sila lamang, anong buhay meron sila?
nabitin po ako kc masyado mabilis ang pangyayari... sana may part II pa
salamat at hangang sa muli kaibigan...
...........................................................
mananalaytay ang pulang tinta sa itim na pluma...