ama...ina...anak?

cristina baluyot aying's picture

     Lahat tayo ay anak. Karamihan sa atin ay naghahangad magkaroon ng anak.  Ngunit isang realidad ng buhay na hindi lahat ay nabibiyayaan ng anak. Hindi lahat ay matatawag nating magulang.

     Isa sa mga dahilan ng pagbuo ng pamilya ay ang pagkakaroon ng mga anak. Sa pagpaplano pa lang ng kasalan ay kasama na sa pinag-uusapan at pinaghahandaan ang magiging mga anak.  Pinakamagandang regalo nga daw yon ng Diyos sa mag-asawa.  Sinasabi nga na ang taling nag-uugnay sa mag-asawa ay ang anak. Ito raw ang nagpapatibay ng samahan, isang buong pamilya. Si Nanay, si Tatay, si Kuya, si Ate at si bunso. 

     Ngunit paano naman kung isa ka sa hindi nabigyan ng pagkakataon na magkaroon ng anak?  Kakulangan ba para sa mag-asawa pag walang naging bunga ang pagmamahalan nila? Kabawasan ba sa pagkatao ng bawat isa ang kawalan ng anak?  Maaaring masakit tanggapin pero kailanman ay hindi ito isang kasalanan.

     Madalas nating naririnig na isa sa dahilan ng paghihiwalay ng mag-asawa kasi hindi nabigyan ni babae ng anak si lalaki.  At sa tuwi-tuwina ay ang babae ang sinisisi na para bang ginusto nya ang nangyari.  Hindi ba natin naiisip na masakit para sa isang babae ang hindi nya mabigyan ng supling ang kanyang asawa. Mas higit ang sakit kung ang mga taong inaasahan mong dadamay sayo ay sila pa ang unang mangungutya d ba? May mga pangyayari din na hindi matanggap ng lalaki pag sinabing hindi na sila magkakaanak, yan na ang simula ng panlalamig, init ng ulo na nauuwi sa pag-aaway.  Pakiramdam nila kulang ang pagiging lalaki nila kasi hindi sila makabuo.  Ego!  Ego!  Ego!  Naiintindihan ko naman yon, ikaw nga ba naman ang paulit-ulit na tanungin kung may anak ka na at pag sinagot mo ng wala, ang kasunod na tanong ay bakit na may kasama pang panunukso na mahina ka naman yata.  Hindi nga ba at isang malaking insulto para sa mga kalalakihan ang masabihan ng mahina.  Masakit nga naman sa pride nila yon.  Pero hindi naman yata tama na kondenahin natin ang tao ng dahil lang sa kakulangang yon.  Minsan talaga masasabi nating mapagbiro ang tadhana dahil kung ano ang pinapangarap natin yon naman ang ipinagkakait sa atin.  

     Mapapalad kayong mga nabigyan ng pagkakataon na maging magulang.  Wag n'yong sayangin ang biyayang nasa inyo.  Sa mga mag-asawa naman na hanggang ngayon ay wala pa ring anak, siguro hindi naman masama kung patuloy tayong umasa pero sana rin ay maging handa ang kalooban natin na kung sakaling hindi man dumating ang biyayang yon ay manatili tayong buo, bilang mag-asawa at bilang tao.  Lagi nating isaisip na walang pinakamatibay na taling magbibigkis sa mag-asawa kundi ang pagmamahal.