Ang Araw ng Kalayaan!

| |

Pagkagising ko, dumeretso na ako sa baba para mag-almusal. Sabi nila ang almusal ang pinakamahalagang kain sa buong araw. Pero sa hirap ng buhay ngayon, kape lang ayos na sa akin. Tulog pa ang mga tao, wala kasing pasok, araw ng kalayaan. Pero ako, may lakad ako para kitain sa mall ang katrabaho ko. Sa trabaho ko naman, araw-araw may pasok, sa bahay nga lang. Matapos magkape, diretso sa banyo. pagkatapos, lumakad na ako.

Sa labas, magkahalong natatawa at nalulungkot ang naramdaman ko. Ipinagdiriwang ngayon ang araw ng kalayaan, pero wala kang makikitang mga taong nagdiriwang. Malamang may masaya dahil walang pasok at makakapagpahinga. Malamang may malungkot din, lalo ang mga arawan ang sahod; wala silang kita ngayon. Nalungkot ako dahil wala atang nagdiriwang ng araw ng kalayaan dito. Ang nakakatawa, sa US, mas marami pang namatay na tao sa pagdiriwang sa kanilang kalayaan kaysa mga namatay noong aktwal pa lang nilang ipinaglalaban ito. natanong ko sa sarili ko, kailan mangyayari ang katulad nito sa atin?

Naglakad lang ako palabas sa may sakayan ng dyip. Sa byahe, napansin ko rin na ni halos walang dekorasyon sa mga kalsada para sa pagdiriwang. Sa ibang bahagi ng lunsod, may mga nakikitang bandilang nakapaskil sa mga poste ng ilaw at kuryente. Pero kahit iyon, hindi lahat ng lunsod sa Metro Manila ay mayroon. Sa pagkakaalam ko, sa Makati, tumanggi ang lokal na pamahalaan na ipaskil ang mga bandila dahil galing ito sa DENR. At ano nga ba ang kuneksyon ng DENR sa mga bandila?

Nagtataka ako, kapag Pasko, Oktubre pa lang ay may makikita ka nang mga dekorasyon para salubungin ang okasyon. At habang mas tumatagal, lalo pang umaaga ang pagsisimula ng pagbibilang ng araw bago sumapit ang Kapaskuhan. Mas masigla pa ang pagdiriwang ng kapistahang ipinakilala sa atin ng mga kolonyalistang Espanyol kaysa ang araw ng paglaya natin mula sa mga kolonyalistang iyon. Hindi sa mali ang pagdiriwang ng Pasko. Para sa mga Kristyano, isa ito sa mga mahahalagang araw, kung hindi man pinakamahalaga, sa kanilang relihiyon. Ang naiisip ko lang, kailan kaya tayo mag-uukol ng kahit kalahati man lang ng pansing iniuukol natin sa pagdiriwang ng Pasko?

Hindi na bale ang laki ng gastos natin tuwing Kapaskuhan. Sa tooto naman, masyado nang maluho ang ilan. Iyon lang maging sabik din tayo sa pagsapit ng araw na ito; kahit isang linggo, o isang araw man lang, bago ito, madama natin na, "oo nga pala, may ispesyal na araw na paparating."

Sa mall, kung saan kami magkikita ng kaopisina ko, tulad sa kalsada, wala ring gaanong makikitang dekorasyon para ipagdiwang ang araw. May pailan-ilang nakisakay sa okasyon. Para kaya iyon ipagdiwang ang araw ng kalayaan, o i-promote ang kanilang produkto?

Natapos na ang aking maikling meeting. Pauwi na ako. Pero wala pa rin akong ispesyal na nararamdaman sa pagdiriwang ng kalayaan. Nang pababa na ako sa hagdan, natanaw ko ang malaking billboard kung saan na kasaad ang mga kataga sa Ingles: "Celebrate the  FREEDOM ... TO SHOP." Anak ng *&%@! Akala ko kahit papaano, may ikasisiya na ako, nagkamali ako. Paano naging "freedom" iyon, hindi naman "free" ang mag-shopping?

Sa biyahe pauwi, saka ko naalala. Lunes pa lang pala, a-9 ng Hunyo. Pero ngayon na ipinagdiriwang ang araw ng kalayaan; salamat sa "Holiday Economics." Kaya pala. Naisip ko tuloy, mali kaya ang gubyerno na baguhin ang araw kung kailan dapat ipagdiwang ang araw ng kalayaan, o tama ang taumbayan sa hindi pagdiriwang nito sa araw na ito? Sapagkat sa kalagayan ng buhay ngayon, may kalayaan bang dapat ipagdiwang?

Frown

Datuh

Si Datuh ay isang freelance na tagasalin. Pero ang kaya lang niyang isalin ay mula Ingles tungong Tagalog.


spike_west's picture

Nicely Done

Ayos ang sanaysay mo, medyo nakasama kita sa paglalakbay mo at pagtatanong! It created an impact sa mambabasa. Comparison ang ginamit  mo para mapalabas ang nais mong sabihin at ipahayag. Yun nga lang parang late na ito, siguro kung mga a week after ng Indepedence natin mo naipost ito mas epektibo, pero okay naman din yung timing.

Sa aking personal na opinyon tungkol sa isyu na yan. Paano mong masasabing malaya ang Pilipinas. Kung nakakakulong pa rin tayo sa rehas ng kahirapan. Paano makukuha natin ang tunay na kasarinlan, kung maging sa ating mga Pilipino hindi natin alam ang kultura natin. Paano mo masasabing may kalayaan na tayo, kung sarili nating identidad nawawala na ang pagkapilipino natin.

Bakit mahilig tayo sa imported pag imported ba matibay at de kalidad pero pag pinoy medyo mahina at marupok, bakit mas maganda at gwapo sa atin ang may ibang dugo o lahi, bakit ang mga bata ngayun ni hindi kilala ang mga bayani, mas kilala pa nila si superman at batman. Bakit ang palabas sa mga telebisyon natin ay  mga instik, hapon, koreano, at meksikano. Bakit mas gusto pa natin mag-ingles kesa magtagalog. Bakit nga ba gusto nating magpapaputi at uminom ng gluthatione kesa maging proud sa kulay natin. Bakit nga ba?

Maaring bang kolonyalismo ba ito, komersyalismo o di kaya dahil sa kahirapan, globalisasyon ba, kawalan ng pagmamahal sa pagiging Filipino natin o baka naman ito lang ang trip natin. 

Alam mo hindi natin maipagdidiwang ang kalayaan natin kung ang totoo ay di naman pa tayo malaya. Nakagapos pa rin tayo sa kahirapan at kolonyalismo. Nakadepende pa rin ang ating ekonomiya at kaunlaran natin sa ibang bansa (kaya nga nakadepende sila sa mga OFW). Kaya nga para lang tayong asong hila hila ng Amerika at pag sinabing upo, ay uupo tayo, pagsinabing gulong, gugulong tayo. Bawal nating tahulan o kagatin ang amo natin baka tayo ang balikan nila.

Yun lamang po at maraming salamat

Spike 

oo nga e. medyo (hindi pala,

oo nga e. medyo (hindi pala, talagang) nahuli. matagal ko na itong isinulat, noon ding araw na iyon. binalak ko sanang ipadala sa isang pahayagan. hindi ko naman napadala, bukod pa doon, Ingles ang medium na gamit nila. hindi naman ako magaling sa Ingles (hindi ko rin naman sinasabing magaling ako sa tagalog).

sa komento mo, neo-kolonyalismo ang tawag nila diyan, hindi na kolonyalismo. at para sa akin mas mapanganib ito dahil akala lang natin malaya tayo. pero sa totoo, hindi. parang aso na pinakawalan sa hawla, kinabitan naman ng tali sa leeg at iginapos sa isang puno. pero kakawag-kawag na ang buntot dahil sa kalayaang ipinagkaloob. siguro para sa aso, malaking bagay na iyon. pero ang punto, hindi naman tayo aso. yan ang mahirap sa kalagayan natin ngayon. mismong pag-iisip natin ang nakagapos.