ANG BAYAN KONG PILIPINAS
ANG BAYAN KONG PILIPINAS
Ang bayan kong Pilipinas
Dati kang lupain ng ginto't bulaklak
Ngayon sa kumunoy ikaw ay nakasadlak
Dati ay may pag-ibig sa iyong palad
Nag-alay ka ng ganda't dilag
Ngayon, pag-ibig nila ay kumupas
Alay na ganda't dilag ay puno ng paglibak
Pilipinas ko, ikaw ay dating minumutya
Ngunit ngayon bakit ikaw ay kinukutya?
Dati'y pugad ka ng luha't dalita
Ngayo'y batbat ka ng mga pagnanasa
Dating adhika, makita kang malaya
Ngayon, sa mga dayuhan kusang nagpapa-alila
Kapwa Pilipino isinakdal ka sa dusa at hiya
Saan na patungo ang iyong landas?
Tuluyan ka ng nababaon, hindi makaalpas
Kung dati, ikaw ay ibong walang layang lumipad
Magigiting na bayani ikaw ay pinaalpas
Kung dati, ika'y ibong nakakulong na umiiyak
Sa paglaya mo'y nakasilip ka ng bukas
Bayan ko ay nagningning kapara ng perlas
Bayan ko, saan ka nga ba patungo?
Bakit ka iniiwan ng mga kapwa Pilipino?
Hindi ba ikaw ang dating paraiso?
Mula kina Lapu-Lapu hanggang Ninoy Aquino
Nawalang ng saysay mga pakikibaka mo
Kung mismong mga Pilipino, ang siyang iiwan sa iyo
Paano ka na nga ba oh bayan ko?
Bayan ko, mahal pa rin kita ng hanggang wagas
Dugo ko ma'y sa tinubuang lupa ay tumagas
Ubusin ko man ang mga nalalabi kong lakas
Ito lang ang paraan, upang pag-ibig ko'y maipamalas
Ibabangon kita at iaahon sa kumunoy ay ilalabas
Upang dayuhan ay mahalina muli sa puso mong busilak
At ang makita kang muli..................sakdal laya


nice
ganda ng tula. na inspire din ako sa kantang Ang Bayan Kong Pilipinas,kaya may nagawa akong tula para dyan katulad mo,narito ang dalawa sa huling taludtod :
Ang perlas ng silangan,ngayon ay uling,
buksan ang mata't sa paligid itingin,
lupang hinirang,duyan "daw" ng magiting?
ngunit sa dayuhan leeg ang pambitin.
Ibon ay kinulong at di nakalipad,
kalayaan'y nalis pinutlan ng pakpak,
pumanaw na Edeng aking nililiyag,
aking minimithing ikaw'y pumayagpag.
(sinipi sa tulang Perla del mar de Orinte)
-Jonas Buenaventura San Pedro