Ang buhay sa ganitong sistema
Ang buhay sa ganitong sistema…
ni Dap-ay Sapata
10 October 2003/1451 hours
Ang buhay sa ganitong sistema ng ating lipunan
ay hindi tulad ng isang handaan
May masayang nag-aawitan, may nagkukwentuhan, hitik sa pagkain
makikita ang ngiti sa labi ng bawat isa
Ang buhay sa ganitong sistema ng ating lipunan
ay hindi tulad ng isang kasalan
Na malaya kang maglalakad sa altar na puno ng pagmamahal
at pag-asa sa piling ng iyong minamahal
Ang buhay sa ganitong sistema ng ating lipunan
Ay hindi katulad ng isang awitin o tula
Na maaari mong ihayag ang nilalaman ng iyong damdamin
At paghanga sa lupang sinilangan
Ang buhay sa ganitong sistema ng ating lipunan
Ay hindi tulad ng isang tag-ulan
Na matutubigan ang tuyong bukid at parang
Kung saan ay maaari kang matulog sa himig ng patak ng ulan
Ang buhay sa ganitong sistema ng ating lipunan
Ay hindi tulad ng makulay na ilaw sa kalunsuran
Dahil diskriminasyon ay laganap sa hanay ng mamamayan
Ang buhay sa ganitong sistema ng ating lipunan
Ay walang kasiguruhan
Hanggat hindi tayo kumikilos upang baguhin ito
Singlabo pa ng tubig sa estero ang magiging kinabukasan ng mundo.#


