Ang diary ng isang napiping sentimyento sa paralisadong mundo, at umibig ang daddy's girl.

sinta isaac's picture

Apat na taon ako nung tinarantado ako ng mundo ngunit ito'y malayo sa kaalaman ko. malaki na ako nung tuluyan kong naintindihan na ang pamilyang inaakala kong nasa sa akin ay isa na lamang palang abong nilipad kasabay ng aking kamangmangan.

basta ang alam ko, kailangang umalis ni mommy at kailangan ko iyong intindihin kahit hindi ko alam kung bakit kailangan ko iyong unawain at tanggapin na lang.

Pinilit kong gawin ang inaakala kong tama, kung ano man ang pagkakaunawa natin sa salitang tama.

naging tipikal akong bata, simple ang pangarap, madaling tumawa, mababaw ang kaligayahan, madaling ma-uto. Malapit ako kay daddy. siya kasi ang nagpalaki sa akin. s'ya ang kasama ko sa mga mahahalagang pangyayari sa buhay ko. s'ya ang naglaba ng panty ko nung unang beses akong niregla.

Onse ako nung tinarantado ako ulit ng mundo, naisip ko noon, ang gago ko para isiping magiging maayos ang lahat kung magiging simple ka lang, na magiging mabuti ang mga mangyayari sa iyo kung magiging mabait ka, kasi hindi iyon nangyari.

kaya sabi ko noon, tang'na, tinatarantado din lang naman ako ng mundo eh di magtarantaduhan na lang kami, para patas.

doon ako tumigil sa pagiging mabait.

Naalala ko ang imahe ni daddy noong walong taon ako. Madalas kong makita si daddy sa ganoong ayos, kinalakihan ko na nga ang kanyang pag e-emote. lihim s'yang umiiyak, umiinom at nag da-drama sa dilim. hindi ko pa alam noon na iniiyakan pala n'ya ang paghihiwalay nila ni mommy.

sabi ko noon sa sarili ko, ang shit pala ng pag-ibig, ayokong makita ang sarili ko sa ganoong anyo. kaya pinangako ko sa sarili ko na hinding hindi ko gagawin ang napaka cheap na kasalanang ginawa ni daddy. Ang magmahal at umibig.

Noong high school ako at kung pwedeng ma-convert sa bigas ang mga naging kasalanan ko, tatlong truck ng NFA rice ang sasabog sa tapat ng kalawanging gate ng buhay ko. Pero s'yempre, kasabay ng katarantaduhan ko ay ang pag-aaral ko ng mabuti. bullshit kasi kung tarantado ka na nga tapos bobo ka pa at tamad mag-aral, atleast sa akin, tarantado lang ako. iyon na. Ang landi landi ko pa, kung sino sinong lalaki ang nagiging boyfriend ko, ang nakaka holding hands ko at nakakahalikan sa girl's room. Doon ko din natutunan kung pa'no magtulak. kung pa'no ang powder ay isinisingit namin sa sign pen at ibinebenta sa aking mga beloved school mates. naranasan ko ding tumira, iyon nga lang hindi ko s'ya ginawang bisyo, sabi kasi nila, nakakatuyo daw ng utak, nakaka bobo.

third year ako noong bumalik si mommy at nag kiss and make-up sila ni daddy. kumpleto na ang family picture, happy ending na ba ang susunod? hindi.

habang lumalaki ako, para akong isang dahon na tinatangay ng hangin sa kawalan. Lumalayo ako. bukas ang mata ko sa paglayo kong iyon ngunit wala akong ginawa upang mapigilan iyon, bagkus, natuwa ako sa pakiramdam na ang layo layo ko na sa kanila gayong sa iisang bahay lang kami nakatira.

Noong nag college ako, plinano ko na ang lahat. pinag isipan ko pang mabuti kung magiging play girl ba ako o good girl. inisip ko kung ano ba ang mas magandang pakinggan sa dalawa, ""yan si kass, good girl 'yan." o ""yan si kass, napaka play girl n'yan!"

nagwagi ang huli.

Ito ang plano ko noon:

mag-aral ng mabuti,mag boyfriend,mag trabaho habang nag-aaral,makipag live-in,lumandi,mabuntis,maging career mom,maghintay ng menopause o breast cancer,mamatay.

okay na sana, kaso disi otso ako nung tinarantado ako ulit ng mundo, at sa pagkakataong iyon, kasabwat n'ya ang kapalaran ko at sumali pa ang sarili ko.

kasi, nakilala ko s'ya, at ang pinaka iiwas iwasan kong mangyari ay naganap, nagkagusto ako sa isang babae. tapos bigla nasira ang lahat ng plano ko. bigla akong nalito. bigla, natagpuan ko ang sarili ko na hindi na makaalpas. hindi na makatakas. at ang masakit sa lahat, tinarantado ako ng sarili ko kasi bumigay ako. kasi umoo lang ako sa lahat lahat.

para lang sa huli, masaktan ako.

pakiramdam ko noon, pinalo ako ng diyos ng sinturon, pakiramdam ko noon inisahan lang ako ng mundo, pakiramdaman ko noon inaway ako ng tadhana. binigyan ng liksyon para magtanda, para matuto.

back to the drawing board ako nung iniwan n'ya ako. back to zero.

sabi ko, hindi na iyon mauulit. hinding hindi na.

kaya tinarantado ko ulit ang lahat lahat sa akin. ayokong tanggapin na lesbiyana ako. straight ako. period!

nakipag relas ako sa isang lalaking may asawa. binugbog ako ni daddy nung malaman n'ya, hindi ako mapakali kaya nakipag relas ako sa babae. kung ano anong klaseng relasyon ang pinasok ko. para lang silang mga nakasakayan ko sa MRT, nakatabi sa upuan, nakabungguan ng balikat, nakadikitang siko tapos bumaba din kami sa magkahiwalay na istasyon. at sa huli, nakita ko ang sarili ko sa terminal, nag hihintay sa train na hindi ko alam kung darating pa ba o lumagpas na.

Maraming gabi na umiiyak ako. pero walang nakakakita, walang nakakaalam.

sanay na sana ako sa ganoong buhay. okay na sana ako na mag-isa, pero dumating sa buhay ko ang isang taong hindi ko maiwasan. nagpumilit s'yang pumasok sa akin hanggang sa tuluyan n'ya akong kainin ng buo.

at ako ay naging s'ya at s'ya ay naging ako...

at kung maaari lang sanang bumalik ako noong walong taon ako habang pinagmamasdan ko si daddy sa madilim na sala at lumuluha,

marahil, lalapitan ko s'ya at hihingi ako sa kanya ng tawad...

dahil kahit anong gawin kong pag-iwas at pagtatakip, paulit-ulit kong ginagawa at nagagawa ang kasalanan n'ya na ipinangako ko sa sarili kong hindi ko gagawin...

ang umibig at magmahal.


Hanan's picture

ang ganda niya.

pag nababasa ko ang mga likha mo marami akong natutunan mula sa iyo.

thumbs up.keep it up.and God Bless :)

sinta isaac's picture

...

nakakataba ng puso na may natututunan ka sa mga post ko.

maraming salamat.

Hindi ko ninais magsinungaling, nakatuwaan ko lang sumulat ng piksyon sa pahina ng aking bibig...

Adlesirc's picture

salamat sa pagiging honest

ang kapalaran, pag-ibig at pagkakataon ay ilan sa mga bagay sa mundo na hindi nating laging kontrolado. magpasalamat na lang tayo na lagi tayong may chance magbago at gumawa ng tama. paulit-ulit man tayong madapa at magkasala ay paulit-ulit din tayong maaring magsimula ng panibagong yugto sa ating buhay.

salamat na rin at hindi natin kontrolado ang lahat, dahil dito natututo tayong mangarap, magtiwala at pumili ng desisyong tama.

bow. 

salamat sa pagbahagi nito sinta! wala kang kupas. sulat pa. =)

sinta isaac's picture

...

 

tama ka adle, hindi natin kontrolado ang lahat, kung hindi man natin hawak ang simula, nasa sa ating mga kamay ang katapusan.

ang pagkakamali'y hindi dapat nagtatapos sa tuldok, maaaring masundan ito ng patlang ngunit dapat natin itong sundan ng mga kuwit, mga kuwit na kahit mauwi sa isang bagong pagkakamali'y maaari pa rin nating sundan ng bagong linya ng pangungusap na maaaring maging tama sa huli at tsaka natin ito tuldukan.

 

salamat sa pagsasabing wala akong kupas...

Hindi ko ninais magsinungaling, nakatuwaan ko lang sumulat ng piksyon sa pahina ng aking bibig...

keira's picture

sinta

ito ang true confession, walang alinlangang umaamin sa pagkakamali. buti na lang, ngayon pwede mo ng sabihing malaya ka na.

 

keep it up sinta.

 

 

 

 

 

 

 

hit me like a ray of sun

sinta isaac's picture

...

maaari na nga ba?

iyon din ang hinihiling ko,

na sana...

sana nga!

Salamat sa pagbabasa.

Hindi ko ninais magsinungaling, nakatuwaan ko lang sumulat ng piksyon sa pahina ng aking bibig...