ang magalang na asuwang

| |

ang magalang na asuwang

ang bayan namin ay medyo maraming kuwento tungkol sa asuwang. maaaring tagaroon ako kaya marami akong naririnig na mga kuwento nga, o maaari ring talagang may aswang sa amin. sa anu't-ano man, may isang kuwento tungkol sa asuwang  na naiiba naman sa horror. ganito iyon.

nakaharap ang bayan namin sa dagat na nakapalibot dito sa tatlong direksiyon (nasa isthmus ang bayan mismo). kaya iisa lamang ang daanan palabas papuntang mga baryo,  isa rin lang ang daan papasok galing sa mga baryo (natural!) at siyempre iisa rin lang ang highway kumbaga (di lang kumbaga. iyon na iyon!).

so isang lampas hatinggabing medyo kaaangat pa lamang ng buwan sa pinaglunggaan nito, itong mayor namin ay lumuwas mula baryo nang nag-iisa sakay ng motorsiklo. at dahil galing sa piyesta, e naka-inom pero malagihay lang. mga kinse kilometros din ang layo ng baryo kaya nahimasmasan na siya sa lamig ng gabi bago makapasok ng bayan. samakatuwid alam niya ang mga sumunod na nangyari (pero hindi siya ang nagkuwento sa amin kundi iyong pinagkuwentuhan niya).

ituloy natin bago lumabo ang kuwento. pauwi na siya at nakapasok na nga ng bayan, at  binabagtas na niya ang unang kalye. menor lang ang patakbo niya ng motor dahil ayaw maka-istorbo sa mga tulog na. nang matapat ang sasakyan niya sa isang kulumpon ng halaman sa gilid ng kalsada, ay biglang may lumabas na dalawang tao, babae at lalaki, at biglang sinunggaban ang manibela ng motor! dahil nawalan ng kontrol, natumba ngayon ito kasama ang nakainom na mayor.

pero mabilis ding nakatayo ang pobreng nabigla dahil napagtanto niya agad na mag-asawang asuwang ang kanyang mga kaharap! balbas ni barabas na ginapas ni hudas! (salamat, ben david!) 'anak ng pating, madadale na yata ako dito,' aniyang napalakas ang sabi.

tila naman naging mabuti ang pagkakasabi niya nito, dahil nakilala yata siya ng mga nangharang. ang sabi ba naman, "ay, si mayor pala. sorry po, mayor!" at tumalikod na at nawala sa likod ng poste ng bakod. naiwan ang namamanghang alkalde na nakatanga at natigagal. pamaya-maya's umuwi na rin siya.

lesson of the story: magaling magturo ng GMRC ang mga guro noong araw!