ANG MAGNANAKAW (ni Allanjohn Andres)

Allanjohn Andres's picture

(Halaw kay Guillermo Sison)

May binibining naligaw sa 'king tabi
ngayong gabi. Patuloy siyang tumataghoy
sa aking panaginip, mistulang hindi
maipagpalibang pag-ibig. Narinig
ko ang kanyang hakbang, kahit ang paglapit
ay napakaingat, napakagaan. At
katulad ng bihasang mangungulimbat,
walang-pasabing nagnakaw siya ng halik
'pagdaka'y iniwan lang akong tulala
at sabik: akala ko’y masusundan pa
ng isa. Saka ng marami pang isa.
Dahil iniisip kong kilala ko siya,
bumangon ako para tipunin lahat
ang hiblang iniwan niya sa aking balat.
Sana pala'y nakuntento na lang ako
sa pagtulog, at hindi na pinilit pang
tumayo upang ituloy ang pagsuyo,
siya na bigla ring naglaho, isang kurap
sa napakababaw na pangarap. Wala
na. Walang bakas ang magpapagunita
sa napakaikli naming pagsasama;
Madilim sa dakong bintana. At dito,
sa loob ng lumalawak na kuwarto,
lubhang lumalalim ang pangungulila.


Allanjohn Andres's picture

-

kalakip ang ilang revisions. gusto ko lang muling ibahagi.

incidentally, ang pinakauna kong post sa FW. tsaka para kunwari, after 2 years, sa wakas ay meron ding natanggap na komento.

Starblaze's picture

Heto meron na

hahaha heto kaibigan may komento na..

bakit kaya karamihan sa iyong mga obra ay halaw? at mostly karamihan din ng iyong mga obra ay iisa an estilo? (mostly na karamihan pa hehehe)..anyway maganda ang tula napukaw ang natutulog kong damdamin... 

 inaanyayahan din kita kaibigan na sa iyong paglalakbay sa malaking pandaigdigang sapot (www) ay mapagawi ka sa aking teritoryo na may address sa baba..naroon ang aking ibang mga gawa na walang mga kwenta...

Starblaze "Dakilang mangingibig, malikot ang isip (at kamay)

http://cutedaw-starblaze.blogspot.com/

Allanjohn Andres's picture

-

Kay Kapatid na Starblaze, ilang tala:

1. Batay sa orihinal na intent, ginagamit kong recourse ang paghahalaw partikular sa panahong ramdam kong kapos ang aking abilidad upang magprodyus ng bagong akda. Kumbaga, hiram-hiram muna tayo (or, shamelessly, gaya-gaya muna) ng inspirasyon at ideya mula sa mga dati nang nabasa (tula man o prosa), napanood na teleserye at pelikula, narinig na talumpati ng pulitiko o pari -- na ang layunin sa dulo ay upang mapayagan ang tuluyan kong pagsasanay sa pagrerenda ng salita, eksperimentasyon sa porma, at kung anu-ano pa.

2. Pero huwag ka. Kahit sa panahong di umiiral ang mga kakuwanan ng writer's block sa akin, tuloy pa rin akong gumagawa ng halaw, lalo't malimit may mga nababasa akong dayuhang akda na, sa palagay ko, ay stimulating din kung pangangahasang lapatan ng lokal na lasa.

So iyon po. Sa madaling sabi, gumon lang talaga ako dito sa nakakaadik na gawain ng paghahalaw.

Muli, salamat sa oras mo, gayundin sa paanyaya sa 'yong mga trabaho.

Yuco's picture

Mahusay

Mahusay po ang estilong ginamit nyo dito, napakagaan basahin, walang nasayang na mga linya at puno ng emosyon ang kabuuhan. may isang katanungan lang kung mamarapatin: wala po bang line break ang ganitong estilo ng tula?

 

http://ayawmatulog.blogspot.com/

Allanjohn Andres's picture

-

Hindi ako bihasa sakaling may mga batas ngang sinusunod ang paggamit ng run-on lines. Bagaman dito sa binasa mo, ito ang ilan sa mga pinairal kong konsiderasyon kaugnay ng pagpuputol ng linya:

1. paghahanda sa pag-employ ng internal rhymes;
2. pag-observe sa padron ng labindalawang pantig (as read) kada linya. Although itong huli ay kapritso lang sa bahagi ko, laro-laro kumbaga, dahil sa totoo, hindi naman kariringgan ng regular na ritmo ang pagsasaayos ng mga salita dito.

Iyon po. Maraming salamat sa pagbabasa niyo, Sir!

Yuco's picture

Napakababaw pa po ng alam

 

Napakababaw pa po ng alam ko, lalo na iba't ibang estilo, klase o paraan sa pagsulat ng tula at nakatulong ng malaki ang kasagutan nyo. Mahusay, mas nakapagbigay pa ng kaayusan ang di pagpuputol ng linya.

 

salamat din po at sana yulz nalang itawag nyo sa akin,.. baka di ako makatulog sa sir :D

 

 

http://ayawmatulog.blogspot.com/