Ang Malaki Kong Katangahan
Malamig ang simoy ng hangin na dumadampi sa aking balat. May manaka-nakang liwanag mula sa mga nagdaraang sasakyan sa sangandaan sa aking harapan. Heto ako. Nakaupo sa may batuhan. Nag-iisa.
Akala ko handa na ako sa senaryong ‘to. Hindi pa pala at naramdaman ko pa rin ang sakit.
Araw ng pasko. Ito ang araw na nawala ang aking mahal. Bago pa ang araw na ‘to, malungkot na talaga ako. Gusto kong kasama ko siya. Hahawakan ko ang kamay niya habang naglalakad kami. Ibubulong ko sa tenga niya ang lahat. Lahat-lahat ng laman ng puso ko. Bibitbitin ko ang mga gamit niya. Aalalayan sa hagdan at ipagbubukas ng pinto. Kakain kaming dalawa. Tatabi ako sa kanya at iaakbay ang braso ko sa balikat niya. Magbubulungan kami habang kumakain at paminsan-minsan ay nanakawan siya ng halik sa pisngi.
Sa pag-uwi naman ay magkatabi pa rin kami. Sa jeep, sa FX, sa bus, sa MRT. Kahit saan. Isasandal ko ang ulo niya sa dibdib ko at hahayaan siyang matulog.
Sa paglalakad ay lagi akong pupuwesto sa gawi ng mga nagdaraang sasakyan. Kahit mabilis akong maglakad ay babagalan ko para sa kanya. Kahit ga'no kabagal.
Mga simpleng bagay lang naman ‘to at alam kong makeso na ang iba pero ang mga simpleng bagay na ‘to ang pinakagusto ko.
Hindi na mangyayari ang mga ‘yan. Pinili niya ang lalakeng may asawa’t anak. Alam kong may karapatan siyang pumili at mas matatanggap ko pa sana kung ibang lalake yon basta wag lang siya. Kahit bali-baligtarin pa ang mundo, nasa asawa’t anak ang komitment nung lalake at wala sa babaeng mahal ko.
'Wag sana siyang maniwala kapag sinabi nung lalake na handa siyang iwanan ang asawa’t anak niya para sa kanya. 'Wag sana siyang maniwala kapag sinabi nung lalake na siya lang ang umiintindi sa kanya. 'Wag sana siyang maniwala kapag sinabi nung lalake na mas mahal siya nito kesa sa asawa niya dahil sigurado akong niloloko lang siya nung magaling na lalakeng yon.
Mga bandang tanghali nang pasko ay nagtext ako sa kanya na pupuntahan ko siya sa trabaho niya. Nararamdaman ko nang hindi na ‘ko dapat pumunta pero tumuloy pa din ako. Wala pang alas-siyete ng gabi ay naghihintay na ako sa may gate nila. Hindi ko alam kung anong naramdaman ko nung sabihin niyang kasama niya yung lalake at umuwi na sila. Tinanong pa niya ako kung yun bang nireply ko ay statement ng concerned na friend o ng jealous na manliligaw. Nablangko ako sa tanong na ‘to. Kung tutuusin ay pwede kong itanggi ang feelings ko at baligtarin ang lahat pero hindi ko ginawa dahil una, hindi ko ugali yon. Pangalawa, hindi ko kayang gawin yon sa kanya, at pangatlo, para saan pa? konti lang ang naging palitan namin ng text pero hindi ko alam kung maapektuhan ang pagkakaibigan namin dahil dun o hindi. Sana nga hindi…
Alam niya daw ang ginagawa niya. Siguro nga alam niya kaya kahit babaero yung lalake at hindi siya ang nag-iisang girlfriend habang nasa ibang bansa ang tunay na asawa ay mas pinili pa niya ito. Nasaktan na siya nito noon nung mahuli niya mismong may iba pang girlfriend yung lalake pero sige pa rin siya. Mahirap kalaban yang ganyan. Kung dun nga sa bestfriend niyang babae ay hindi siya nakinig sakin pa. Ang tigas talaga ng ulo nun. Pero mas matigas yata ang ulo ko dahil minahal ko pa rin siya kahit alam kong masasaktan ako sa huli.
Sa tuwing magkasama kaming dalawa, sa tuwing kakapit siya noon sa braso ko, sa tuwing masaya kaming magtatawanan, sa tuwing maglalakad kami ng sabay, sa tuwing lalabas kami ng kaming dalawa lang dahil nagyaya ang isa sa amin, ang hirap isipin na wala lang ang lahat ng yon kaya napapaisip ako na baka sakaling meron. Kahit hindi dapat, umasa ako at nagpakatanga. Para sa wala.
Hindi ko naman siya sinisisi at kahit sinabi na niyang naiirita siya sa tuwing lalagpas ako sa border ng pagiging kaibigang lalake at ng pagiging manliligaw, hindi ko pa rin maiwasan ang mag-alala para sa kanya. Naiinis lang ako sa akin at hinayaan kong masaktan ang sarili ko dahil sa napakalaki kong katangahan.
Nakatayo ang antenna tower ng isang TV station sa tapat ko. Minsan ko nang naakyat ang tower na ‘to kasama siya at kung nasa itaas ka ay ga-langgam lang ang mga tao sa ibaba. Pakiramdam ko ay ganito ako kaliit dahil sa katangahan ko.


