Ang mga Panula ni Leonora Havellana (short story) part 1
Tumatakbo at nagsisigaw ang mga diwa ni Leonora Havellana nang magising sya isang umaga sa kanilang barong-barong na pinapasok ng insekto, init, ulan at lamig. Puno ang kanyang mga binti at braso ng mga mumunting sugat na dulot ng kagat ng lamok, ngunit sa wari’y parang wala lang ito sa kanya. Hindi na iniinda ni Leonora Havellana ang mga sakit at kati na bunga nito. Nilagyan nya lamang ito ng kaunting alcohol para mabawasan ang matinding pangangati. At dahil sa ang tangi nyang iniisip ay kung paano isisigaw at ilalabas ang pumuputok na bulkan sa loob nya na bumubuga ng malalaking bato ng kasawian na syang dumudurog sa puso nyang puno sana ng pag-ibig.
Bumaba sya sa kanilang patirik na hagdan na yari sa pinagtagpi-tagping kahoy at plywood. Bumaba sya dahil sa naulinigan nyang papaalis ang kanyang mga magulang na kasama ang kanilang bunso upang bumisita sa kanilang lolang unti-unti nang nilalamon ng sakit na tibi. Sa kanyang pagbaba ay naabutan nyang kumakain na ng agahan sa kusina ang isa nyang kapatid na babae ng tinapay na mamon at umiinom ng sugar-free na kape na para sana’y sa ama lang nilang may diabetes. Habang ang kanyang mga magulang ay abala sa pag-aayos ng mga gamit na dadalhin patungo sa bahay ng kaniyang lola.
Ngayong linggo ng pag-aayuno ay maiiwan silang apat na magkakapatid sa kanilang maliit na bahay na hanggang ngayon ay ‘di parin matapos-tapos. Samatala ang kanyang mga papaalis na magulang at bunso ay doon sa kanilang lola magdiriwang ng Mahal na Araw. Binigyan si Leonora Havellana ng kanyang ina ng dalawang daan panggastos nilang apat sa pagkain sa loob ng dalawang araw at kalahati. Napakakunti nito alam nya, ngunit hndi na sya nag reklamo sa kanyang inang hindi yata alam o hindi parin tinatanggap na tumaas na naman ang mga bilihin tulad ng kilo ng bigas at kilo ng isda.
Nang makaalis na ang kanilang mga magulang kasama ang bunso nila, sakay ng kanilang hinuhulug-hulugang motorsiklo ay pilit nyang yinaya ang sarili na kumain ng agahan. Ngunit kahit ang agahan ay ang kanyang paboritong tasty bread at mayonnaise ay hindi nya lamang nakuhang kumagat kahit kunti nito. Uminom na lamang sya ng paborito nyang kape na kasing itim ng kanyang suot na t-shirt. Naupo syang pinapakiramdaman ang kanyang puso kung tumitibok pa nga ito. Hawak ang tasa ng kape’y tulala syang nakatunghay sa hapag-kainan. Samantala ang kanyang isang kapatid ay nanunuod ng pelikulang kagabi pa nila inuulit-ulit. Ang isa nya namang kapatid na babae na mas matangkad pa sa susunod sa kanya’y alas-nuwebe na’y tulog parin ito, ngunit hindi rin naman tumataba. At kanina nama’y halos mawasak na ang kanyang mga tonsils sa kasisigaw sa kanyang kapatid na lalaki na huwag na nga sana itong maglaro sa labas dahil sa araw ng Diyos ngayon. Ngunit parang sumigaw sya sa kawalan, dahil hindi naman sya nito pinakinggan at hayon nga at nasa labas na nagpapalipad ng saranggolang yari sa diyaryo, at nang muli nya itong sinilip ay naglalaro na ng sugal sa kalsada kasama ang mga batang sa paningin nya ay binuhay din sa sugal ng kanilang mga kinagisnang magulang.
Kagabi lang ng maisip ni Leonora Havellana habang sya ay nasa loob ng CR kung bakit Mahal na Araw ang tawag ng lahat sa linggong ito. Kung bakit kaya “Mahal” na kung sagayon ay pulos mga kasakitan ni Kristo ang mga nangyari sa linggong ito. Mga araw na trinaydor Sya ng isa sa Kanyang mga disipolo at ipinagpalit sa tatlumpong piraso ng pilak na hindi naman ikinayaman ng disipolong iyon; mga araw din na kung saan Sya ay hinusgahan ng mundo at ipinagkaila ng Kanyang mga disipolong nangakong makakasama Nya hanggang wakas; ito rin ang mga araw na pinaglakad Sya hanggang magkahulog-hulog na Sya sa Kanyang mga paa patungong Kalbaryo habang pasan-pasan Nya sa Kanyang bakat-butong balikat ang Krus ng mundo; araw din ito kung saan Sya ay pinako sa kahoy na iyon isinabit ang Krus na pinagpakuan sa Kanya hanggang sa unti-unting nararamdaman Nyang nanunuyo na ang Kanyang lalamunan at hanggang sa paliit ng paliit na rin ang mga pigura sa paligid Nya at tuluyan nang nanlalabo ang kanyang biswalidad at hanggang sa mawalan na nga Sya ng ulirat at sanadali lang ay namatay.
Unti-unti na ding humahabi ng mga katanungan ang mga pantas na isip ni Leonora Havellana, “hindi nga ba ito insulto sa Taong pinasakitan nating mga epokrito? Mahal na Araw, ngunit ang ginugunita natin ay ang kanyang mga kasakitan na atin din namang kagagawan. Mahal nga ba ang maitatawag natin dito?”, sinagot din naman si Leonara Havellana ng kabila nyang ideyang namimilosopiya rin, “ito na nga siguro ang sinasabing pagmamahal”, sabi pa ng isip nyang salat pa naman sa kaalaman ng totoong pagmamahal, “ang magsakripisyo para sa taong mahal mo at tanggapin ang mga parusa nya ng dahil sa pagmamahal mo sa kanya. Kaya pala Mahal na Araw, ay dahil sa puno ng pag-ibig ang mga naganap noon at kahit mga nagaganap pa lang. Dahil sa mahal Nya tayo kaya tinanggap Nya ang mga pasakit nating makamundo at makasarili, at dahil din siguro sa pagmamahal natin sa Kanya ay buong puso naman nating ipinasa at ipinalasap sa Kanya ang dapat Nyang kahinatnan sa pag-ibig Nyang walang kasing lalim at walang kasing wagas. Walang takot Nyang tinanggap ang kadikalaan! Ngunit sadyang tao lamang ako at hindi ko siguro ito makakaya kaya’t kung ganito pala ang tinatawag na pagmamahalan, nais ko nang lumimot na may puso ako!”, at sa mga isiping iyon ay natulala si Leonora Havellana dahil sa pagpasok ng matinding sidhi ng damdaming bumabalot sa kanya para sa isang taong hindi nya lubos maunawaan kung anu para dito ang pag-ibig na handa nyang i-alay anumang oras at anumang panahon bigyan lang sya nito ng pagkakataon.
(.....)


