Ang mga Panula ni Leonora Havellana (short story) part 2

augusta linnea valler abella's picture

Maraming bagay ang nasa isipan ni Leonora Havellana habang sya ay nakatunghay pa rin sa kanilang lamesang kinakainan at wari mo’y wala sa kanyang sariling pag-iisip. Mga problema sa iba’t-ibang uri ng buhay nya ang laman ng kanyang utak na sinasaid ng bulate ng pag-aalala. Problema sa pera, sa iskwela, sa bahay, sa kanilang pamilya, sa sarili, sa pananalig, sa paligid nya, sa pag-ibig, at sa isang taong walang kasing idyote para hindi mapansin na matagal na nya itong sinisinta. Hindi nya malaman kung sa pag-iyak ba nya mababawasan ang mga dalahing ito o sa pagsusulat nya ng mga tulang hindi pa kailanman nailalathala. Tulad nya’y paos na rin ang kanyang ballpen at mga papel sa paulit-ulit nyang mga panula. Pagod na katawan; bugbog na isip; salat na bulsa; kritisismo sa paligid; babad na mga diwa; inabandonang puso; at isang maruming mukha. Mga hinagpis ni Leonora Havellana na sa isip nya lamang naisisigaw at di mailabaslabas dahil sa kawalan ng pagkakataon, kawalan ng panahon, at kawalan ng mga taong makakaunawa. Tanging saksi nya sa mga pagdadalamhating ito ay ang ilang stick ng sigarilyong menthol at ang lighter nyang Cricket na bigay pa ng kaibigan nyang matabang mayaman na may litrato ni Monalisa na iginuhit noon ng bisexual na henyong pintor na si Leonardo da Vinci. Ang mga ito lang at wala nang iba, dahil sa wari nya’y wala nang iba pang makakaintindi sa kanya kundi ang mga ito at ang tao sanang nagpamulat at nagpaintindi sa kanya sa maraming bagay na minsan ay hindi na kayang ipaliwanag ng syensya, tulad ng kung bakit kumakanta ang kanilang mga puso sa tuwing sila ay magkasama; kung bakit sumisikat ang araw sa kanya kahit sa gitna ng kadiliman ng gabi; kung bakit dinidinig ng Diyos ang mga panalangin nyang sanay bigyan sya Nito ng mga senyales kung sila nga ba’y dapat pang magpatuloy kahit na ang pinaniniwalaan naman ng taong minamahal nya ay ang diyosa ng buwan; kung bakit dati rati pa’y ikinatutuwa na ng kanyang puso ang tanawin ng buwan sa kagandahan ng tumatandang gabi; kung bakit sa libo-libong pagkakataong ginawa na nyang lumimot dito ay saka naman ito babalik-balik na naimo’y ayos sa kanila ang lahat; at kung bakit paulit-ulit syang nahuhulog sa malalim na hukay ng pag-ibig para dito.

“Oh Diyos ko! Bakit di parin mapalaya ang pusong matagal nang itinakwil ng kanyang pag-ibig? At kahit anung pilit ibasura ang kanya dapat nabubulok nang imahe sa aking tulalang isipan ay di parin tumitigil sa pagliyab ang apoy na ‘di naman makasunog ng memorya. Ang apoy ng sumisidhi at mas lumalawak kong pag-ibig sa kanya na dapat ay matagal nang panahon namatay dahil sa nagyeyelong kalamigan ng aming mga pagkakataon. Limang buwan at dalawampu’t apat na araw na nang walang awa nyang ipatigil ang pinagmumulan ng apoy na ito, ngunit bakit patuloy parin itong nagliliyab at patuloy pa rin akong nadadarang at natutupok? Gayun na din katagal ang pagpilit sa isipang isantabi at isiksik sa kanto nito ang larawan nyang ikwinadro na yata ng aking utak at hindi ko na magawa-gawang sirain ang kanyang alaalang dalawang beses---umaga at gabi----sa loob ng isang araw laman ng aking isipang hindi na yata nadadala katulad na rin ng pusong wala ng kadala-dala.

Ngunit sadyang napakaramot ng Diyos sa mga katulad kong nagdarasal na mawala na sana ang pag-ibig na ito sa aking puso. At hanggang ngayon ay di pa rin Nya pinagbibigyan ang huli ko na sanang dasal para sa amin ng taong ito. At kung hindi Nya kayang tanggalin ang pag-ibig na ito sa aking puso ay sana ibigay nya nalang ang pagkakataong marinig ko rin ang musikang inaawit ng puso ng taong sinisinta ko para sa akin. At nang sa gayon ay hindi ko na naisin pang maglaho nalang ang musikang inaawit gabi-gabi para sa taong iyon ng mga luha kong hindi parin maubos-ubos.”

Nahimasmasan ang mga ulirat ni Leonora Havellana ng marinig nya ang malakas na hiyawan ng karapi’t bahay nilang sa tuwina nalang ay palaging nag-aaway-away. At napagtanto nya ring alas-dose na pala at kailangan na nyang magluto ng tanghalian para sa kanyang mga kapatid. Nang matapos syang magluto ay tinawag nya upang kumain ang kanyang mga kapatid na walang ginawa kundi manuod ng tv. Ngunit hanggang sa mga oras na iyon ay di parin sya namamanhid sa gutom, at isinisiksik pa rin ng kanyang isipang uhaw sa tiyan nyang walang laman na sya ay busog. Hindi nya pa rin makuhang sumubo kahit kaunti. “Ang bigo nga naman.”, naisip nya. Hanggang hindi nya nailalabas ang pagsabog ng bulkang ito sa loob nya ay hindi pa rin sya matatahimik at hindi nya pa rin magagawa ang kahit lumasa sa anumang pagkain. Minsan nais na lamang nyang bumalik sa syudad ng Caceres, kung saan sya ay nag-aaral ng kolehiyo sa isang mga unibersidad dito, o huwag na sanang umuwi dito sa kanilang lugar at doon nalamang sa Caceres dahil sa doon nya lang magagawa ang ninanais nya ngayon---ang magpalaya ng isang napakalakas na sigaw at tangis ng kabiguang bumabalot sa kanyang pagkatao sa mga oras na ito. Doon sya ay malayang umiyak, malayang makapaglibang at lumimot sa nais nyang limutin na bumabagabag sa kanyang puso’t kaluluwa sa tulong ng mga panandalian nyang bisyo na kanya nang nasasayawan sa pagdaan ng mga araw, at malayang nasisilayan ang mukha o kahit anino lamang ng taong pilit nya mang iwaksi sa kanyang mga gunita ay naka-dikit naman sa puso nyang gutay-gutay.

Napagpasyahan nyang itulog nalang ang mga kabiguang nadarama nya ngayon. Sa pamamagitan nito ay iniisip nyang sya ay makakatakas at makakapagpahinga ang nasasaid na nyang isip at nag-aagaw hiningang puso.

Nagising si Leonora Havellana sa tunog ng kanyang cellphone na madaling ma-lowbat. Iginala nya ang paningin sa paligid at nagdali-dali sya sa pagbuhat dahil nag-aagaw na ang dilim at liwanag. Ngunit, nagising syang wala pa ring nararamdamang gutom o pananakit ng tyan kahit na inabot na sya ng gabi ay wala pa ring laman ang kanyang sikmura. Nagtungo sya sa kusina nilang inunang ipagawa keysa sa sala. Nag-ayos sya ng lulutuin at nag saing na muli para sa hapunan ng kanyang mga kapatid. Pagkatapos nyang magsaing ay lumabas sya upang bumili ng ulam nila sa malapit na palengke. Nagsuot lang sya ng kupas na maong na pantaloon at lumang t-shirt. Napaka-simple ng suot nya, naisip nya wala na rin naman syang pakialam kung pangit man ang tingin sa kanya ng mga tao sa paligid dahil totoo naman. At natanggap na nya na isa ito sa dahilan kung bakit hindi nya mabihag-bihag ang puso at pansin ng taong itinatangi nya dahil sa hindi naman sya kaibig-ibig! Ang pantas na walang ganda!

Naglakad sya sa kalsadang sinimulang ipagawa no’ng sya ay nasa Grade 5 palang at ngayon ay isang taon na lang ay magtatapos na sya sa kolehiyo ay hindi pa rin tapos ang kalyeng pinabayaan na yata ng kanilang alkaldeng nahumaling na sa pag-shopping sa HongKong. Habang naglalakad ay tinitingnan nya ang mga poster ng mga kandidatong tumatakbo. Nagulat sya sa isang larawang nakadikit doon. Larawan ng ka-schoolmate nyang babae na matanda lang ng isang taon sa kanya na anak ng tanyag na corrupt na Mayor ng isang bayan sa kanila. Ang ka-schoolmate nyang wala nang ginawa kundi ang maglagay ng kolorete sa mukha, dahil sa hindi nga naman ito sadyang kagandahan. Ngunit ngayon sa litrato nito na gamit sa pagtakbo bilang kongresista na nakalagay sa poster sa pangangampanya’y halatang ginamit din nito ang pera ng mga mamamayan na kinukuha ng kanyang ama sa bulsa ng bayan, at mabuti sana kung tiwali lang ang kanyang ama subalit isa din itong kinakatakutang opisyal ng bayan dahil sa isa ito sa mga walang kaluluwang mamamatay tao. Napakatiwali ng bayan nila, naisip ni Leonora Havellana. Marami sanang pwedeng pagkunan ng kabuhayan ang gobyerno para sa tao nitong nasasakupan ngunit waring sa iilang pamilya lang ito napupunta. Anu kaya ang magagawa ng isang kaka-graduate palang sa kolehiyo na hindi naman katalinuhan o hindi rin masasabing mahusay sa pagpapatakbo ng isang bayan dahil sa totoo lang ay hindi talaga o kahit sana dahil sa kabutihan nalang ng loob nito? Napaka-walang silbing gobyerno kung ang mga mananalo ay katulad nito!

Nakarating sya sa palengke at naghanap sya ng magandang klase ng isda at gulay. Habang naglilibot ang kanyang paningin ay nahagip nito ang isang batang ubod ng payat na kumakain sa likod ng matabang babaeng nagtitinda ng galunggong. Tiningnan nya ito sa sobrang awa sa kinakain nitong isang pirasong tinapay na isinasawsaw nito sa kapeng nilalangaw. Ito na marahil ang pagkain nito sa gabing iyon. Iniisip nya pa rin ang kanyang nakita kahit matapos na syang makabili ng isda at kaunting gulay na kangkong. At hanggang sa paglakad nya pauwi ay iniisip nya parin kung bakit hinahayaan lang ng Diyos ang mga kaawa-awang batang ito. Minsa’y nakakapanlumo ding isipin na samantala ang iba ay nagtatamasa ng sobra-sobrang yaman, heto at may mga tao naman na salat na salat. Minsan parang hindi patas ang Diyos. O baka wala talagang patas sa mundo. Muling bumangon ang sidhi sa kanyang dibdib sa mga pangitaing ito. Muli nyang naalala ang taong hanggang ngayon ay sinasaktan pa rin sya. Muli ay lumipad ang kanyang diwa habang sya’y naglalakad. Sa mundong perpekto ang mga tao ay naninirahan at namumuhay ng mapayapa at puno ng pag-ibig sa kani-kanilang mga puso, ngunit dahil wala tayo sa perpektong mundo hindi ba tayo pwedeng umasa na isang araw magiging ganito din ang isang mundong namulat na puno ng kasakiman, kaguluhan, panlalamang, at galit sa puso ang bawat isa?

Mabilis na takbo. Rumaragasa. Natigilan sya. Papalapit na ito. Parang walang preno. Sobrang bilis. Hinagip sya. Humandusay sya sa tabi ng estero. Walang tao sa paligid. Ang tangi nyang saksi ay ang nabili nyang kalahating kilo ng isdang galunggong at kaunting gulay na kangkong. Kasabay nito ay ang mumunti nyang sigaw ng tulong. Kasabay din nito ay ang mga pag-aalala nya sa mga susunod na mangyayari, ang kanyang mga kapatid na baka ay mamuti ang mga mata sa kahihintay sa kanyang pagbalik mula sa palengke. Ang magiging hesterikal na pagsalubong ng kanyang mga magulang sa oras na malaman ang nagyaring ito sa kanya. Ang walang konsyensyang humagip sa kanya na hindi lamang sya hinituan at binalikan. Ang kinabukasan ng kanyang pamilya na iniasa na sa kanya. Ang mga hindi pa nya natatapos na tula. Ang mga kaibigan nyang walang kaalam-alam at kung malaman man ay baka hindi na makapunta para man lang masilayan ang huli nya. Ang mga utang nila at utang din nya sa iba nyang kaibigan ngayon ay mukhang madadagdagan talaga. Ang bayan nilang hindi nya alam kung may nagnanais pa o nangangarap man lang na baguhin ito. Ang mga taong hindi pa nya napapasalamatan. Ang mga taong mahal nya ngunit kahit kailan ay hindi pa man lamang nya nasasabi sa mga ito. Ang mga taong sya’y nagkasala na hindi man lang sya nakahingi ng kapatawaran. Ang mga taong nagkasala sa kanya na walang kaalam-alam na sa mga oras na iyon ay buong puso na nyang pinapatawad. Ang mga pangarap nya sa kanyang pamilya na baka hanggang doon na lang. Ang kalawakan na gusto nyang marating. Ang kalawakan na ika nga nila’y tahanan ng kanilang Diyos at ng diyosa ng buwan na sinasamba ng taong mahal nya. Ang Diyos na hindi nya mawari sa kanyang sarili kung sya nga ba’y naniniwala Dito o dahil lang sa kailangan nya Ito kaya kailangan nya ring maniwala. Ang Diyos na para sa kanya’y nagkasala din sa kanya katulad ng pagkakasala nya Dito. Ang Diyos na hindi nya alam kung tatanggapin pa sya Nito o itatapon na sa kung saan man sya nararapat. Ang Diyos na hindi sya sigurado kung totoo nga ba o guni-guni lang ng buong mundo. Ang Diyos na ngayo’y walang nagawa para sagipin sya. Ang Diyos kuno ng pag-ibig pero malapit na lamang syang mawala sa kalawakan ay wala pa rin syang nadamang pag-ibig mula sa taong ipinagdasal nya na ng buong taimtim. Ang Diyos na para sa kanya’y walang tenga at walang mata na hindi narinig ang kanyang mga daing at hindi nakita ang pagsasakit ng kanyang puso at kaluluwa. Ang Diyos na sya nyang saksi maliban sa kaniyang dalang isda at gulay. Ang Diyos na isinisigaw nya ngayon ng buong lakas ang tulong!

Sa mga oras ding iyon ay naalala nya ang taong nagbigay ng pinaka-masakit at pinaka-malalim na sugat na magagawa sa kanya ng isang tao. Ang taong binigyang halaga nya ng walang kasing higit, sa loob ng pinakamaikling panahon ng kanilang pagkakakilala. Ang taong inibig nya ng buong puso sa loob ng limang buwan at dalawampu’t apat na araw. Ang taong binigo sya sa kabila ng lahat. Ang taong binabalik-balikan nya at ng kanyang di madala-dalang gunita. Ang taong walang pakiramdam! Ang taong pilit nyang initindi kahit pa hindi na nya ito kayang intindihin. Ang taong hindi lamang sumubok na intindihin sya. Ang taong may kakaibang mundo ngunit pilit nyang pinasok ang mundo nito. Ang taong hindi sya binigyan ng pagkakataon. Ang taong hindi man lang nya nalaman kung anu ang dahilan ng pagbabalik-balik nito sa tuwing sya naman ang gusting lumayo. Ang taong hanggang ngayon ay itinitibok parin ng puso nyang malapit nang huminto sa pagtibok. At ang taong iniisip nya pa rin kahit na malapit nang maglaho ang kanyang ulirat.

Lahat ng ito ay sunod-sunod na nagbalikan sa kanyang umiiyak na gunita. Lahat ito.

Kasabay din nitong lahat ay ang pagbuga ng malakas na hangin at ang pagpatak ng malalaking ulan mula sa kalangitan. Pakiramdam ni Leonora Havellana ay idinuduyan sya ng lupa, kinakantahan ng hangin, at nililinis ng ulan.

Maya-maya pa ay tuluyan ng bumuhos ang malakas na ulan. Umagos ang tubig mula sa kalsada patungo sa kanal na katabi nya. Lumakas din ang hangin at tuluyan nang nagtago ang mga bituin sa kalawakan. Kasabay din nito ang pag lipas ng panahon na hindi na kasabay ang mga panula ni Leonora Havellana.

(my entry to the last palanca lit awards 2006)
augusta linnea valler abella