Ang Mga Tinig sa Tradisyonal, Moderno, at Postmodernong Panulaang Pilipino

Alexander Dagrit's picture

 

Ayon sa bantog na makata-iskolar-kritikong si Dr. Virgilio S. Almario, may tigdadalawang uri ng tinig ang nagsasalita (ispiker) sa makaluma (tradisyonal) at sa makabago (moderno at postmoderno) na panulaang Pilipino.

Sa makalumang panulaan, ang dalawang tinig ay patalastas at panambitan. Nagagamit na ito noon pa mang bago dumating ang mga dayuhang mananakop, at nagpatuloy hanggang sa panahon ng pananakop ng mga Espanyol, ng mga sumulat ng Pasyon, nina Huseng Batute at Balagtas, nina Rizal at Bonifacio, sa panahon ng pananakop ng mga Amerikano, at hanggang noong dekada 1970.

 

Patalastas – kapag ang nagsasalita sa tula ay itinuturing ang sarili na makapangyarihan samantalang ang kanyang kausap ay walang kapangyarihan, at tinitiyak na dapat masunod ng kanyang kausap ang kanyang sinasabi. Ang tinig na ito ay nangangaral o nagsesermon, mapanggiit, mapanghikayat, o mapang-udyok.

Mga halimbawa: 

Ang hindi lumingon sa pinanggalingan, 
Hindi makararating sa paroroonan. 

Ang naglalakad nang matulin, 
Kung matinik ay malalim. 

Para kang halamang lumaki sa tubig, 
Daho'y nalalanta munting di madilig. 

Ang hindi magmahal sa kanyang salita 
Mahigit sa hayop o malansang isda; 
Kung kaya't marapat pagyamaning kusa, 
Katulad sa inang tunay na nagpala. 

Aling pag-ibig pa ang hihigit kaya? 
Sa pagkadalisay at pagkadakila? 
Gaya ng pag-ibig sa tinubuang lupa? 
Aling pag-ibig pa? Wala na nga, wala.

 

Panambitan – kapag ang nagsasalita sa tula ay mapagpakumbaba sa kanyang kausap, kung saan lumilitaw na siya ay walang kapangyarihan samantalang ang kanyang kausap ay nakapananaig sa kanya. Ang tinig na iyo ay nagpapaawa, kahabag-habag, iyakin, walang ipinaggigiitan, at mistulang gapi.

Halimbawa: 

O pagsintang labis ng kapangyarihan, 
Sampung mag-aama'y iyong nasasaklaw; 
Pag ikaw ay nasok sa puso ninuman, 
Hahamaking lahat masunod ka lamang.

 

 

Sa makabagong panulaan, ang dalawang tinig ay paloob at pantay-tao. Nagsimulang umiral ang mga ito noong dekada 1950, subalit namayagpag lamang noong dekada 1970.

 

Paloob – kapag ang nagsasalita sa tula ay mapagmuni sa kanyang sarili, kung saan tinitimbang-timbang niya ang kanyang mga saloobin, paniniwala, damdamin, at karanasan. Hindi siya nagsesermon o nagpapaawa.

Halimbawa: 

Ilang Tanong Sa Sarili 
Ni Virgilio V. Vitug

Ngayong natutuhan ko nang pahalagahan 
ang simbutil na kanin 
sa aking pagdulog sa dulang, 
bakit kailangan kong hawakan
sa kanang kamay ang kutsara  
at ang tenidor naman sa kaliwa?

Bakit kailangang dampian 
ng serbilyeta ang aking labi 
kapag ito'y namamantikaan? 
Sabi nila'y ito ang itinuturo 
ng libro sa kagandahang-asal
at ginagawa ng mga sibilisado.

Naiisip ko:
Ano kayang asal mayroon 
ang pumanday ng kutsara't tenidor?
Sibilisado rin kaya
ang nagburda ng serbilyeta?

Sa tulang ito, sinusuri ng nagsasalita ang kanyang pananaw hinggil sa wastong paggamit ng mga kubyertos at serbilyeta, at nagtataka siya sa asal ng mga gumawa ng mga iyon. Siya ay nagsusuri, nagtataka, at nagtatanong lamang; hindi siya nagsesermon o nagpapapaawa.

 

Pantay-tao – kapag ang nagsasalita sa tula ay itinuturing ang kanyang kausap na kapantay lamang niya, at sa kausap niyang ito ay nagbabahagi lamang siya ng kanyang mga saloobin, damdamin, adhikain, karanasan, o nasaksihang pangyayari. At hindi rin siya nagsesermon o nagpapaawa.

Halimbawa: 

Sa tulang "Nang Maglakbay si Don Berong" ni Rio Alma, nanaginip ang mapang-aping mayaman na si Don Berong, at sa panaginip na iyon ay nakarating siya sa langit, at doon ay nasaksihan niya ang maaaring masamang mangyari sa kanya dahil sa pagmamalupit niya sa kapwa (maiimpiyerno siya). Sa ganito nagwakas ang tula:

Si Don Berong ay lumuha,
Parang baka sa pagngawa …
Nang dumilat, puro muta't
Sa baldosa nakahiga.

Humihingal na gumising,
Nagpabihis, nagpahain;
Nang katulong ay murahin,
May dugtong pang Ama Namin.

Sa tulang ito, ang nagsasalita ay nagsasalaysay lamang sa kanyang kausap ng isang pangyayari: Ang likas na kawalanghiyaan ni Don Berong – hindi pa rin ito nagbabago kahit may natunghayan nang isang masamang pangitain sa panaginip. Walang pagsesermon o pagpapaawa na ginawa ang nagsasalita sa tula.

 

 

Sa panahon natin ngayon, kung saan ang panulaang Pilipino ay nakarating na sa moderno at postmodernong palapag, agad na makikilala ang mga makatang makaluma pa rin ang mga tinig na nakapaloob sa kanilang mga tula. Ganoon pa rin kasi ang mga tinig na ginagamit nila: nangangaral o nagsesermon, ipinaggigiitan ang mga sariling paninindigan o paniniwala, o nanghihikayat ng mga reporma, himagsikan, o pakikibaka laban sa mga maling sistema ng lipunan.

Napag-iwanan na sila. Hindi pa kasi nila lubusang nasasagap kung ano na ang mga tinig na dapat gamitin sa makabagong panahon. Tunghayan sila: 

Bayan ko, 
kawawa ka naman, 
sige, tiklupin ang banig,
at hasain ang iyong gulok. 

Ang sariling wika 
Ang kaluluwa ng bansa,
Kaya't ating tangkilikin,
Pagyamanin, paunlarin. 

Kabataan, mag-aral ka,
Ikaw ang aming pag-asa. 

Ang mga ganyang tula ay talagang nakasusuya na. Ayon nga sa premyadong manunulat na si Dr. Michael M. Coroza:

"Sa mga karaniwang tula na nababasa natin, sa Liwayway man o sa alinmang aklat, madaling mahiwatigan kung may modernong sensibilidad ang nagsulat. Kapag tahasang nangangaral (may tinig na patalastas) o nagpapaawa (may tinig na panambitan), sing-antigo na ng Pasyon ang sensibilidad ng gumawa. Hindi masama, ngunit nakasasawa.

"Sino pa ba naman sa panahong ito ang ibig na masermunan? Ang tanong pa'y ganito: Sino ang nagsesermon? Ano ang karapatan niyang sermunan ako? Kung nagpapaawa naman, ang laging kinahahantungan ay naglulusak na pagluha, at sa halip na magmukhang kahabag-habag, lalo pang nagmumukhang katawa-tawa."

 

 

Talasanggunian:

Almario, Virgilio S. Balagtasismo versus Modernismo: Panulaang Tagalog sa Ika-20 Siglo (Quezon City: Ateneo de Manila University Press, 1984).

_____________. Mutyang Dilim: Ang Bagong Pormalismong Filipino sa Pagbasa ng Tula (Marikina City: Talindao Publishing, 2001)

_____________. Pag-unawa Sa Ating Tula (Pasig City: Anvil Publishing, Inc., 2006).

_____________. Poetikang Tagalog: Mga Unang Pagsusuri sa Sining ng Pagtulang Tagalog (Quezon City: UP press, Inc., 1996).

_____________. Taludtod at Talinghaga: Mga Sangkap ng Katutubong Pagtula (Pasig City: Anvil Publishing, Inc., 1991).

Coroza, Michael M. "Mga Batayang Katangian ng Tula, Moderno Man o Luma," Liwayway, Ago. 17, 2009, pp. 4. 6.

 

 


Alexander Dagrit's picture

>

 

Ang blog na ito ay para lamang sa mga may gusto nito. Hindi ko po ito ipinagpipilitan sa lahat.

Alam ko na dahil sa blog na ito, marami na naman ang magmumura, mangungutya, at kukuyog sa akin.

Pero inuulit ko, para lamang ito sa mga may gusto nito. Sa mga ayaw nito, huwag na lamang ninyo itong pansinin.

Salamat po.

 

 

Ang Tugma, Sukat, at Alindog sa Tradisyonal na Panulaang Pilipino

Kultong Rizalismo (sanaysay ni Jon E. Royeca)

 

g. alexander, ano po ba ang

g. alexander, ano po ba ang pagkakaiba ng tradisyunal,moderno, at postmodernong tulang pilipino? sana po pakisimplehan ninyo kc nalilito kami. hindi po namin alam lalot bago lamang po kaming nag-aaral ng Lit 200. salamat nga po pala sa post nyo tungkol sa tugma, sukat at alindog ng tradisyunal na tula. ginawa naming reference yon last trimester.

pasensiya na po.bago lang ako dito sa group nyo. salamat po in advance. 

Alexander Dagrit's picture

>

 

Sige, simplehan.

Ang pagkakaiba ng mga tradisyonal, moderno, at postmodernong tulang Pilipino ay batay sa gamit ng mga anyo at tinig ng bawat isa.

 

Tradisyonal:

Anyo: may tugma, sukat, at saknong

Tinig: patalastas o panambitan

 

Moderno:

Anyo: malayang taludturan, o may tugma, sukat, at saknong

Tinig: pantay-tao 

 

Postmoderno:

Anyo: malayang taludturan

Tinig: paloob 

 

 

 

Ang Tugma, Sukat, at Alindog sa Tradisyonal na Panulaang Pilipino

Kultong Rizalismo (sanaysay ni Jon E. Royeca) 

 

Jack A. Alvarez's picture

Maraming salamat.

'Bless God and bless the gays.' - Lady Gaga

http://jackofspades01.multiply.com/

Jack A. Alvarez's picture

Muli, maraming salamat...

Nakakatulong yung ganitong mga post mo kasi tulad ko wala akong natapos na kurso sa malikhaing pagsulat. Kumbaga nagsusulat lang ako dahil gusto ko at may kakayahan ako. Pero hindi pa nahasa. Isang workshop pa lang nasalihan ko sa Uste at gusto pang sumali ng marami pang workshop na maaaring makapag-improve sa pagsusulat.

Muli, maraming salamat...

 

'Bless God and bless the gays.' - Lady Gaga

http://jackofspades01.multiply.com/

salamat po, g. alexander.

salamat po, g. alexander. sana po magpost pa kayo ng marami pang gaya nito.malaking tulong pong talaga samin.

Alexander Dagrit's picture

>

 

Ang tula ay katulad din ng moda (fashion), kung saan may kanya-kanyang panahon ang mga pinauusong istilo nito.

Noong sinaunang panahon sa ating bansa, ang mga lalaki ay nakasuot ng kanggan at bahag, samantalang ang mga babae ay naka-baro't saya. Tanggap ang mga istilong ito ng pananamit noon dahil ang mga ito ang uso noon. Hindi pinagtatawanan ang mga ito noon.

Sa panahon ng pananakop ng mga Espanyol sa Pilipinas (1565-1898), ang kanggan at bahag ay naging barong at pantalon, samantalang ang baro't saya ay nanatili pa rin ngunit uminog na: naging Maria Clara na at may panuelo pa. Nauso rin ang terno sa mga babae. Hanggang noong dekada 1950, karaniwan pa ring ginagamit ang barong, Maria Clara, panuelo, at terno sa mga tahanan, pamayanan, simbahan, at maging sa palengke. Hindi katawa-tawa ang magsuot ng mga ito noon dahil ang mga ito ang uso noon.

Sa panahon natin ngayon, hindi na uso ang bahag. Kapag ang isang lalaki ay nakasuot nito habang nanonood ng pelikula sa isang sinehan, baka hindi lamang siya pagtawanan. Posibleng golpe ang abutin niya.

Hindi na rin usong gamitin ngayon ang barong, Maria Clara, panuelo, at terno sa mga pangkaraniwang gawain sa araw-araw. Sa mga espesyal na pagkakataon o okasyon na lamang ginagamit ang mga ito.

Ganyan din sa tula.

Mula sa sinaunang panahon hanggang dekada 1950, ang mga tinig na ginagamit sa mga tula ay patalastas at panambitan. Tanggap ang mga ito noon dahil ang mga ito ang umiiral na sensibilidad (pandama) ng mga makata noon.

Subalit ngayon na nakatuntong na sa moderno at postmodernong palapag ang panulaang Pilipino, nag-iba na rin ang mga usong tinig sa mga tula. Hindi na patalastas at panambitan kundi paloob at pantay-tao na.

Kung ang isang kontemporaneong makata ay gumagamit pa rin ng mga makalumang tinig, napag-iwanan na siya. Oo nga't hindi masama ang gumamit pa rin ng mga tinig na iyan, subalit ang mga tao ngayon ay ayaw na ayaw nang masesermunan at natatawa na sa mga tulang naglulupasay.

Kung ipaggigiitan pa rin ng ilang makata ang paggamit ng patalastas at panambitan, aba'y bahala sila. Hindi naman ipinagpipilitan sa kanila na gumamit ng mga makabagong tinig ng tula.

Iyon nga lamang, ibinubulid nila ang kanilang mga sarili na masinghalan (dahil nagsesesermon) o mapagtawanan (dahil naglulupasay o nagpapaawa).

Tingnan natin kung may mararating pa sila sa ganyan.

 

 

Ang Tugma, Sukat, at Alindog sa Tradisyonal na Panulaang Pilipino

Kultong Rizalismo (sanaysay ni Jon E. Royeca)

 

Alexander Dagrit's picture

>

 

Hindi rin garantiya na kung gumagamit ng patalastas at panambitan ang isang tula ay madali na itong maunawaan.

Ang mga tinig na ito ang ginamit sa Florante at Laura, subalit ang tulang ito ay hindi agad maunawaan ng mga mag-aaral at maging ng ilang guro.

At hindi rin dapat isipin na porke gumagamit ng tinig na paloob at pantay-tao ang isang tula ay mahirap na itong maunawaan.

Anuman ang tinig na mayroon ang isang tula, nasa makata na iyan kung nais o ayaw niyang ipaunawa sa mga mambabasa ang kanyang tula, at nasa mga mambabasa na rin iyan kung papaano nila tatanggapin ang isang tula na nais o ayaw ipaunawa sa kanila.

 

 

Ang Tugma, Sukat, at Alindog sa Tradisyonal na Panulaang Pilipino

Kultong Rizalismo (sanaysay ni Jon E. Royeca)