Ang Pagsusulat ng mga Akdang-Pampanitikan Bilang Aktibista

axel pinpin's picture

Ang Pagsusulat ng mga Akdang-Pampanitikan Bilang Aktibista at Detenidong Pulitikal (At Kung Paano Susukatin ang Acceptability ng Akda sa Kanyang Audience)

ni AXEL PINPIN

Papel na Inihapag sa 51st Annual Conference ng Philippine Center of PEN International na may temang “Literature from the Margins: Changes in the Literary Canon” na ginanap noong ika-6 ng Disyembre, 2008sa Cultural Center of the Philippines. 

Pambungad

Ironical na sa yaman at unlad na inabot ng panitikang Pilipino, ganun din ng istorikong pagkakahilig ng mga Pinoy sa literatura, ay sumulpot ang nagbabanggaang ideya na ang mga likhang-pampanitikan ay para lamang sa mga writer, “malalalim na intelektuwal” at estudyante ng malikhaing pagsusulat; at hindi ito para sa mas malawak na audience dahil hindi raw ito katanggap-tanggap (o baka sadyang ipinagdaramot?) sa publiko. Kapag naman inangkin ng publiko na may appreciation pa siya sa literatura ay ipinagpapalagay silang mga “baduy” at “romantiko” palibhasa’y inaakalang nakakahon ang kakayanan nilang umunawa sa mga Pinoy pocketbook na nabibili sa bangketa.

Ang tinutukoy kong publiko ay itong ”masa” na sa militant movement parlance ay ang mga magsasaka at manggagawa. Kapag pinalawig pa, tinutukoy ng militanteng kilusan na ang masa ay itong mga hindi mulat ang pampulitikang kamalayan at kinakailangang organisahin.

Dahil nga may nagbabanggaang ideya patungkol sa acceptability ng likhang-pampanitikan sa target nitong audience, ang mga manunulat sa loob ng militanteng kilusan ay mulat na lumalahok sa ganitong tunggalian (pataasan ng ihi kapag sa kabilang panig).

Noong bago ako magpasyang maging full-time activist ay sumali rin ako sa pakikipagpataasan ng ihi sa maliit na sirkulo ng mga manunulat na ginagalawan ko sa maliit ring bayan namin ng Indang sa Cavite. Inakala kong ito na ang pinakamabisang paraan para malutas ang usapin kung paano ba magsusulat ng katanggap-tanggap na akdang-pampanitikan Sinubukan kong magpakalulong sa mga technique at istilo. Nagpakalunod ako sa tambak ng babasahing itinuring kong kapupulutan ng halimbawa ng pinakamagagaling na likhang-pampanitikan. Ang kaso, nalasing ako sa technique at style noong matauhan ako na kahit kailan ay hindi ko aabutin ang pamantayan ng kinalubluban kong mahuhusay na babasahing-pampanitikan.

Sa proseso ng pagpapakalulong at pagpapakalunod, hindi ko akalaing aabot ang pagtatangka ko sa paglalathala ng sariling anthology ng mga tulang naisulat ko. Dahil self-published, dalawang bagay lamang ang naging consideration ko – kumpyansa-sa-sarili at kakayahang-mangutang – na parehong meron ako noon.

Sa kakatwa ring pangyayari o sa mas kagaya ng gasgas-na-plot ng mga kuwento, ipinadala ng asawa ko ang ilan sa mga tula ko sa invitation ng UP-Likhaan Creative Writing Center, nang hindi ko nalalaman, para sa taunan nitong writer’s workshop. Ang ending, napasama ako sa mga piniling fellow para sa poetry in Filipino noong 1999. Ang tsismisan noon ay kakaunti ang entry para sa kategoryang napasukan ko.

Ano ba namang malay ko na napaka-sikat pala ng workshop na ito (first time kong lalahok sa ganitong klase ng workshop). Idagdag pang pinapangarap pala ito ng mga babagong-sibol na writer sa bansa. Matapos ipaghambalusan sa workshop ang mga tula ko, marami akong natutunang bagay na positibo at constructive kong itinuring, ilan sa mga ito’y: 

·        Hindi trip-trip lang ang pagsusulat, kailangang seryosohin ang mga batas ng panitikan; kung gayo’y hindi tamang isantabi na lamang ang mga teorya sa Sining ng Pakikipagtalastasan, Balarila, Retorika at iba pa. 

·        Hindi pwedeng ”Basta. E, ’yan ang style ko.” ang paliwanag sa mga akda kapag hindi na ito maintindihan ng mambabasa (o ng kritiko/panel kapag nasa workshop) dahil mayroong sinusunod na criteria ang panitikang Pilipino (kalauna’y maiintindihan kong literary canon ang tawag dito). 

·        Hindi sapat ang kumpiyansa-sa-sarili para mai-justify ang akda niya, dahil nga sa lesson #1 at #2 

Personal ko ring aral sa workshop na ito na hindi tamang lumikha ng idolo kapag hindi ka handang siya mismo ang lumapastangan sa mga tulang inakala mong ikatutuwa niya dahil inspired ang mga akda mo ng kanyang mga naisulat. 

Buwan ng Oktubre ang workshop na binabanggit ko. Naging malaking hamon ang workshop para mas paunlarin pa ang pagsusulat ko. At dahil bitbit ko na rin ang karatulang fellow  for the 35th UP National Writer’s Workshop, naging maingat na ako sa pagsusulat at nagsilbing guidance counselor ang lessons 1-3 ko. Unti-unti at seryoso kong binalikan ang tamang paggamit ng “ng” at “nang”, na ang “r” ay dapat sumunod sa “d, l, r, s, t at mga patinig”, wastong syntax at marami pang basic knowledge sa communication arts at grammar. 

Kaya lamang, kasabay ng attempt kong seryusohin na ang aking pagsusulat ng mga akdang-pampanitikan habang kipit-kipit sa kili-kili ang umiiral na Philippine Literary Canon, naging malaking hamon din ang panawagan sa akin ng militanteng kilusan na maging full-time activist nito. 

Over-statement man na sabihin pa – pinili kong harapin ang hamon ng ikalawa.  

Makatang Naging Aktibista 

Nang magdesisyon akong iwan ang samu’t-saring oportunidad sa kasalukyang lipunan (kasama ang writing career ko rito) noong maging full-time activist na ako, binulaga ako ng ga-higanteng kontradiksyon, higit na mas malaki sa mga nagbabanggaang trivial ideas na nilulutas ko noon (kasama na rin ang usapin sa pagsusulat ng acceptable na literary work). 

At dahil tulad na lamang ng buhangin sa patas ng adobe ang usapin sa paglikha ng akdang-pampanitikan kumpara sa pagpapatalsik kay Erap noong panahong iyon, mas inatupag at sineryoso ko ang pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos sa masa. Nalaglag sa pagkakakipit sa aking kili-kili ang Literary Canon dahil laging nakataas ang aking kamao habang kimkim dito ang, hindi kanyon, kundi ang pambansa-demokratikong linya ng pakikibaka ng mamamayang Pilipino. 

Dahil hindi naman ako pumasok sa militanteng kilusan bilang makata, o cultural worker kapag sa katawagan ng kilusan, madalang ang nakakaalam na nagsusulat ako ng tula at iba pang pyesang pangliteratura. Ang sektor mismo ng magsasaka na kinikilusan ko ay hindi kailanman malalamang tumutula ako kung hindi pa ako nabilanggo. 

Napakadalang na pagkakataong nag-attempt akong magsulat ng tula bilang full-time activist, hindi dahil nalaglag na sa aking kili-kili ang literary canon, kundi dahil bukod sa mga pampulitikang gawain sa kilusan ay natagpuan ko ang isa pang tipo ng sulatin – propaganda paper. Kapag sa mga taong nasa labas ng kilusan, ang propaganda ay halos katumbas ng pambobola, pangbe-brainwash, doktrina, disimpormasyon at/o pagbubulaan. Pero sa mga kadre, aktibista at masang nauorganisa ng pambansa-demokratikong kilusan, malinaw sa mga ito na ang propaganda ay isang anyo ng pakikipag-communicate sa masang pinupukaw ang pampulitikang kamalayan at inuorganisa para sa kanilang sama-samang pagkilos sa isang partikular na layunin. 

Tulad ng pagsusulat ng akdang-pampanitikan ay may panuntunan ding sinusunod ang pagsusulat ng propaganda paper. Ang malaki nga lamang kaibahan ay ang masang kasapian ng militanteng kilusan ang nagtatakda ng mga pamantayang ito. Hindi tulad sa establisadong Panitikang Pilipino ng kasalukuyang lipunan, ang standard sa pagsusulat ng propaganda material sa kilusan ay hindi ipinapataw na tulad ng isang batas ng mga namumunong kadre o matatanda na sa kilusan. Parating nagbabago ang anyo ng propaganda depende sa magiging audience nito. Sinusukat ang acceptability ng mga akdang pampropaganda – creative non-fiction man o maikling kuwento, islogan man o tula – sa reaksyon ng masa. Kung ito’y nakakapagmulat, nangangahulugang ito’y nauunawaan.  Kung nakaka-organisa ito ng masa, nangangahulugang ito’y epektibo. Kung ito’y nakakapagpakilos, nangangahuluhang ito’y mapagkaisa o binding . Ang hindi katanggap-tanggap na ismo at mga islogang may exclamation mark sa literary canon ng bansa ay siyang patok na patok sa masang kasapian ng kilusan. 

Kung ganuon, napakahalaga ng sapat na karanasan at pag-aalam sa eksakto at kongkretong kalagayan ng magiging audience/reader ng mga isusulat na akda. Hindi pupwedeng ”kinamkam ng ganid na asendero ang di-maliparang uwak na lupain”. Kailangang pangalanan ang asendero at lagyan ng numero ang sukat ng lupa. Noong minsang ilapat ko ang ganitong paraan sa anyong-tula, komentaryo ng mga kapwa-makata ko sa labas ng kilusan ay para raw akong nagsulat ng balita, telling ’ika, formulaic

Kapag aktibista kang makata, talagang hindi uubra ang standard ng Philippine Literature sa kasalukuyang lipunan na ang kinasanayan ng mga manunulat ay tumingala lamang pagkatapos ay pipikit, at voila! – may bago ng ideya para sa bagong akda – sa kangkungan ng kasaysayan pupulutin ang mga ganitong sulatin. Kung laging mauuna ang ideya sa aktwal na karanasan, iismiran lamang ng masang tutunghay ang mga ganitong akda, hindi malayong ang papel na binabasa nila ay ipamparikit na lamang ng apoy sa kalanan! 

Dahil nauuna naman talaga ang karanasan. Ito ang nagluluwal ng katanggap-tanggap, epektibo at mahusay na anumang obra o akdang-pampanitikan. Kaya totoong mahirap at walang katuturan ang lumikha ng anumang tula kung nakakahon ang makata sa standard ng panitikan na itinatakda ng estado/lipunan. Pwede ring sabihing piliin ang pagtupad sa mga panuntunang ito, pero nakakatiyak akong hindi makakalampas ang mga akdang iyan sa mga bookstore, library, literary class at poetry reading (kung nakapatungkol sa tula). Ang buhay, mga karanasan at pakikibaka ng mamamayan ang marapat pa ring pamantayan at panuntunan ng anumang paglikhang makasining kung naghahangad ang manunulat na makaabot sa pinakamalawak na audience ang kanyang mga obra. Kung nilupak na saging ang nakakabusog sa magsasaka, huwag nating ipilit ang inilalakong espasol sa mga terminal ng bus dahil madalang naman silang lumuwas ng Maynila. 

Kinakailangang tandaan na ang pinakamalawak na maaring targetin bilang audience ng mga akdang-pampanitikan ay itong mga magsasaka na maghapon sa gawaing-bukid at manggagawang maghapo’t magdamag sa pabrika. Kung ang ihahain sa kanila ng makata ay mga talinhagang mangangailangan ng complete solitude para lasapin at unawain ang tamis ng mga linya ng tula, tiyak na higit na mamabutihin ng magsasaka na gawing pampaantok ang panunood ng Gagambino habang ang manggagawa naman ay didiskarte kung paanong makakapag-overtime pa sa trabaho para sa dagdag na kita.  

Ang Mapahiya at Magyabang 

Sa isang tulang naisulat ko sa loob ng bilangguan na may pamagat na Tatlong Retorika ng Pagkamakata, iginiit ko rito na praktikang-panlipunan at hindi technique sa pagsusulat, masa at hindi kritiko o kapwa-makata, ang magtatakda nang pananagumpay ng pag-iral ng isang tula. 

Sino ba ang hindi mapapahiya / kung pagtaasan ka ng kilay at pagkibitan ng balikat /ng kapwa mo makata? /Dahil ang tula mo ay kapos sa saliw,/aliw, /aliw-iw /at di-nagmamaliwna pagkabaliw sa teknika. //Sino ba ang hindi magyayabang / kung pagtaasan ka ng kamao at matapik sa balikat / ng pinaglilingkuran mong magsasaka? / dahil ang tula mo ay apaw sa awit, / galit, / at dalit / ng naghihimagsik / na katuturan ng praktika.  

Maaaring hindi ito ituring na tula ng mga kapwa-makatang nasa labas ng kilusan. Pero hinding-hindi maaaring pasubalian ang praktikang-panlipunan na laman nito (gumamit na ako ng panghalip). 

Noong babago ko ulit pina-practice ang pagsusulat ng tula sa loob ng kilusan sa mga pagkakataong may kulturang pagtatanghal o kaya nama’y kapag kumpyansa ako na ungkatin sa mga kasama na marunong akong tumula, makailang beses akong ipinahiya ng aking kipit-sa-kili-kiling pamantayan. Naghapag ako ng tulang may ganitong simula sa isang collective editing ng mga pyesang itatanghal sa isang pulong ng mga magsasaka: 

Maaga mong inulila ang piko at patintero / Noong iwan mo ang iyong mga kalaro / At ipagpalit sila sa pakikipagtaguan sa sundalo; / Ni hindi ka na nga nakatanggap ng love letter / Noong magboluntaryo kang maging kuryer 

Ang pinatutungkulan ko rito ay isang babaeng aktibista na maagang na-organisa ng kilusan, naging full-time activist pagka-graduate ng highscool at sumapi rin sa NPA noong maglaon. Inakala kong ikatutuwa ng mga kasama ang tula dahil binaybay ko na parang talambuhay ang rebolusyunaryong karanasan ng kasamang pinag-aalayan ng tula. Kako rin ay malamang na magandahan sila sa gaan at kolokyalismo ng tula. Pero hindi ganoon ang nangyari. 

Kaagad ang aking pagiging defensive at tangkang pagpapaliwanag sa tula noong magkunutan na ang noo ng mga kasama sa unang limang linya pa lamang. Gusto ko pa sanang sabihin na tapusin naman sana munang basahin ang buong tula bago husgahan. Pero maagap ang komentaryo – hindi raw pwedeng itanghal ang aking tula! Simple lang ang paliwanag – may kontra-propaganda ang estado tungkol sa rekrutment ng CPP-NPA at MILF sa mga menor-de-edad. Napakamot na lang ako sa ulo. 

May kung ilang panahon din na binuro ko sa sarili ang pagkakapahiya. Pikon ako kung tutuusin, dahil ang humarang sa aking tula ay ni hindi nga nakatungtong ng highschool. Pero paano mo ibabalandra ang argumento ng isang fellow for the 35th UP National Writer’s Workshop sa mga kasamang nagiging mapagsuri lamang sa maaring maging pagtanggap ng tagapakinig sa tula, lalu na sa tagapakinig  ng estado?

Palagi kong maaalala ang karanasang iyon kahit dekada na ang nakaraan. Kaya nitong nakaraang linggo lamang, noong mahilingan ako ng mga kasamang sumulat ng tula tungkol sa isang mainit na debate sa isyung Children in Armed Conflict na humahamon sa Paris Principles and Guidelines on Children Associated with Armed Forces or Armed Groups of February 2007, naging ganito na ang ilang bahagi ng tula ko:

Hindi lahat ng batang nasa kusina ay gerilya / Baka namumulot lamang ng uling na panglinya / Sa paglalaro ng piko sa baku-bakong kalsada / Na hindi mapasemento ng proyekto ni Gloria. // Hindi lahat ng batang may dalang sulat ay kuryer / Baka maagang umibig, ang bitbit ay love letter /Sa nililiyag na katabi’t kakurutan na klasmeyt / Sa iskwelahan niyang palaging kapos sa budget.  // Hindi lahat ng batang naliligo sa ilog ay mandirigma / Baka natuksong lumangoy, manghuli ng isda / At nang magkaputukan, siya ang hinuli ng mamâ / May hawak daw na M-16, mas mahaba pa sa bata
 

 

Ang Pagtula sa Libingan ng mga Buhay 

Alam kong marami pa ring nagtataas ng kilay sa kuwento kong tumula ako noong unang gabi na ako’y ini-interrogate habang binubugbog ng armadong-kalalakihang dumukot sa akin, kasama ang dalawa pang aktibista at dalawang magsasabong na taga-Tagaytay City noong Abril 28, 2006. Sino nga ba naman, sa gitna nang gulpihan at banta ng kamatayan ang tutula pa? Sa minsang pakikipagkwentuhan sa isang kinikilalang makata nang magpanagpo kami sa isang folk house nitong makalabas na ako ng bilangguan, excited kong ibinida ang buong pangyayari. Attentive siyang nakinig sa kuwento ko habang tumutungga ng beer. Sa dulo ng kuwento ko ay binigkas ko sa kanya ang huling apat na linya ng aking tulang impromptu sa harap ng mga interogador at mambubugbog: 

Ay, kamatayan! O, kamatayang anong tamis! / Ihimlay mo kami sa piling ng mga gahis, / sa ritmo at awit ng putok ng mga baril / at sa ngalit ng ganti ng tugmaan kong matatabil! 

Sabi ng pinagbibidahan kong makata habang ngumunguya siya ng mani at nakatingin sa folk singer na nasa stage, ”Naintindihan naman kaya ng mga kaharap mo ang gahis?” 

Ang mga aktibista, rebolusyunaryo, kadre, kumander at gerilya ng kilusan na nagkataong makata rin ay tinatalikuran ang pagiging romantiko kasabay nang pagtalikod sa uring pinagmulan. Pinaglalabanan nila ang intellectual masturbation katulad ng disiplinadong pagtanggi sa pagkagiyang sa alak. Kung walang puwang sa mga aktibista-makata ng kilusan ang dishonesty sa masang pinaglilingkuran niya, lalo ay higit na marapat siyang maging tapat sa kanyang sarili. At upang maging makatotohanan, sa masa at sa sarili, kinakailangang hindi nahihiwalay ang prinsipyo sa ginagawa. 

Pagkadukot sa amin at habang nasa panahon ng gulpihan hanggang sa ibilanggo na kami ng 28-buwan ay nagkaroon ako ng pagkakataong sukatin ang katapatan ko sa masang pinaglilingkuran ko at gayundin sa sarili ko mismo. Ang pagtula ko noong gabing pakiramdam ko’y papatayin na ako ng mga dumukot sa amin ay siya kong naging sandata sa napaka-helpless at defenseless na kalagayan. Kung naintindihan man o hindi ng aking mga kaharap ang aking tinutula, tiyak kong nag-iwan na ito ng marka sa isip nila – maaring ito’y simpleng walang-kasing-tigas ang ulo ko o kaya naman ito ay mas kumplikadong di-magigiba ang aking paninindigan maski pa buhay ang nakataya. Sa personal na antas, tumula ako noong gabing iyon hindi para ipakitang makata ako, tumula ako noong gabing iyon na ang nasa unahan ay ang prestige ng kilusan!  

Ang acceptability ng akdang-pampanitikan ay itinatakda ng masa 

Hindi lamang ang katapatan sa kilusan at sarili ang nasukat ko, pati ang kakayanan kong sumulat ng tula at bumigkas nito ay nabigyang pagkakataon sa 859 na araw na pagkakakulong ko. Sa unang tulang naisulat ko sa loob ng bilangguan, siyam na araw mula nang kami’y dukutin, kaagad kong pinagana ang kolektibong pamamaraan ng pag-akda ng tula. Hindi ko pinalarga, kahit kating-kati na ako, ang sariling romantisismo na gagawin kong tula ang dramatikong karanasang kinasapitan. Mulat kong hinayaan ang natutunang proseso ng pagsusulat ng tula ng isang aktibista. Ginamit ko ang aking tenga sa paghahanap ng pinakapayak at pinakanatural na salitang maririnig ko sa mga kapwa ko bilanggo, sa mga dumadalaw sa amin, gayundin ay sa pulis na kasalukuyang nagkukulong sa amin. Hindi ako basta tumingala at pumikit at inalala ang lagim ng kinasadlakang kalagayan. Parang sirang-plaka ang isang parirala noong unang linggo ng pagkakabilanggo. Maririnig ko sa mga pulis, ”Order ni Sir”.

Maririnig ko sa mga dumadalaw ”Kaninong order ba yang walang dalaw pag weekend, sa Sir n’yo na naman?”. Maririnig ko sa apat ko pang kasamahan ”Tangina naman! Puro na lang kayo Order ni Sir!” Ang ”Order ni Sir” ay naging pamagat ng unang tula namin sa bilangguan. Nasundan ang tulang ito na kasing-regular na halos ng rantso namin araw-araw. Habang nauumay ako sa rasyong ginisang patola, sige namang pinagpipistahan ko ang mga pang-araw-araw naming karanasan sa loob ng bilangguan para bigyang buhay sa tula, paminsan-minsa’y sa maikling kuwento at sanaysay, at pana-panahon ay sa mga pampublikong pahayag. 

Hindi lamang ang mga karanasan namin sa bilangguan ang naisusulat ko bilang tula, pati itong mga karanasan ko bilang aktibista na dekada na ang nakaraan ay nabalikan ko ulit. Naging okasyon ang parang walang-katapusang inip-inis-int sa bilangguan para sumulat ng bago at magrebisa ng lumang mga tula. At dahil napabando na nga sa marami, lalo sa sektor ng magbubukid na aking kinikilusan na nagsusulat ako ng tula, naging routine sa bilangguan na kapag may dalaw, lalo at malaking grupo, na sila ay alayan ko ng tula. Ang nangyari tuloy, sa halip na pagtakas ang atupagin ko sa bilangguan, nagmukhang una kong pinapatakas ang aking mga tula. Tutuo yan, kung nagkataong hindi ako nagsusulat ng tula, makakamahigit 100 beses rin ako ng pagpaplano at pagtatangkang tumakas – tulad ng dami ng tulang naisulat ko sa loob. Malinaw sa akin na bilang aktibistang makata na naging bilanggong pulitikal na ang mas pangunahing tungkulin ay ang tumakas – hindi ang magsulat ng tula! 

Dahil nga mahaba ang oras na pwedeng gugulin, praktisado ang mga tula ko sa pagkuha ng puna galing sa mga kakosa at dalaw (pati sa mga pangbubwisit ng mga pulis). Critiquing ’ika nga. Kinagawian ko rin na pagkakatapos ng tula ay binibigkas ko ito nang malakas sa loob ng bilangguan, kahit pa hiyawan ako nang pauyam ng mga bantay na mukha na akong nasisiraan ng ulo lalo pa at mapang-usig sa estado ang laman ng tulang binibigkas ko. Kalaunan ay nakasanayan na rin ito ng mga gwardya at may pagkakataon pa ngang ”Tula naman muna diyan!” ang maririnig sa kanila. 

Sinikap ko ring makapagbasa ng pinakamaraming aklat na puwede kong tapusin. Hanggang naisipan ko pa ngang magpadala ng textbook sa Retorika at Sining ng Pakikipagtalastasan para tupdin na ang Lesson #1 ko sa 35th UP National Writer’s Workshop . Pero sa halip na makatulong, nagpabagal lamang lalo ito sa pagsusulat ko. Mahirap na talagang turuan ng bagong tricks ang matandang aso. Sa halip ay nagkonsentra na lamang ako sa validation at pagkukumpirma ng mga karanasang palagay ko’y mainam na gawing tula. Nagbasa ako ng mga foreign titles at sinubukang humalaw ng pamamaraan mula sa mga ito. Kinagiliwan ko sa lahat ang anthology ng mga negro na The Black Poets. 

Kung bakit ang Bantam Books na isa sa mayor na publishing house sa Amerika ay ”sumusugal” sa mga lathalaing isinulat ng Negro gayong hanggang ngayon ay napaka-ebidente pa rin ng racial discrimination sa Amerika, samantalang ang Anvil, halimbawa sa Pilipinas, ay tiyak na hinding-hindi magtatapon ni kusing sa mga akda ng karaniwang sakada sa Negros, maliban siguro kung i-edit o i-endorso ito ng isa sa mga National Artist for Literature ng bansa – ay simpleng sasagutin na lamang ba ng paliwanag na matumal ang pagkakahilig sa pagbabasa ng mga Pinoy kaya piling-pili lamang ang pupuwedeng ilathala na mga akdang-pampanitikan? Kung sabagay, isang malaking paksa pa itong naungkat ko na hindi na saklaw ng conference paper na ito para talakayin. 

Ang punto – kung ang mga nalalathalang akda ang gagamiting sukatan, bukod pa sa pamantayan ng Philippine Literary Canon para tukuyin ang acceptability ng akdang-pampanitikan – talaga bang isasantabi na natin ang papel ng malawak na masang Pilipino para humusga sa mga literary work na nararapat na umiral sa bansa? Sino ang nakakabasa ng mga akda ng mga sikat at pinagpipitagang makata ng bansa? (Iyong kung tawagin ko’y nakabarong-tagalog at lawrelyado.) Ilan ang bumibili ng aklat sa National Bookstore? Gaano kadalas maglunsad ng poetry reading sa mga katulad ng Conspiracy Bar at Mag:Net at ilan ang dumadalo sa mga ganitong event? 

Ang pagiging written at spoken art ng tula ay makitid na dimension lamang ng pag-iral nito. Mas malawak ang hamon sa tula na makalampas pa sa mabusising pagkakasulat, mahusay na pagkakabigkas o kaiga-igayang pagkakatanghal, papunta sa pagtanggap ng mambabasa, na makakarinig at makakatunghay dito bilang sarili rin niyang karanasan.

Anong madyik meron ang “Kung Tuyo Na ang Luha Mo, Aking Bayan” ni Ka Amado V. Hernandez? Bakit ang nabanggit na akda ay inangkin ng mamamayang Pilipino (kundi man memoryado ay tiyak na batid ang mensahe) bilang sariling karanasan, samantalang ang mga premyadong tula ng mga kinikilalang makata sa bansa ay pang-library lamang? Pare-pareho silang mga makatang nakabarong-tagalog at lawrelyado kung tutuusin. Pero ang mga tula ni Ka Amado V. Hernandez ay inakap ng mas malawak na bilang ng mamamayan, habang itong sa mga premyadong makata ay hindi na nakalampas sa matte-coated na pabalat at book-paper na pahina: tumigil na ang mga ito sa loob ng mga inaagiw na aklat sa mga library na pinamamahayan ng gagamba, sa mga poetry reading ng kapwa rin nila intelektuwal at makatang sila-sila rin ang nagkakaintindihan, at di-mawawaan ng masa.

Iyan na rin ang magpapaliwag kung bakit imortal ang mga tula ng mga di-kilala at di-sumisikat na makata at manunulat mula sa hanay ng mga progresibo at rebolusyunaryong kilusan. Hindi sila nalulong sa teknikalidad ng ritmo at sukat, pagbigkas at pagtatanghal, ng simpleng pagpapaunlad ng “art craft.” Sinikap ng mga ito na ipayakap sa mga tagatunghay ang kanilang mga akda, o mas tamang sabihin na ibinabalik nila sa hiniraman ng karanasan ang sariling kuwento ng mga ito.

At ang ganitong pananaw sa literature ay di-namimili ng panahon. 

Hindi ko na ihahalimbawa ang aking mga tula, ito na lamang sa isang di-kilalang makatang taga-Quezon na galing sa pamilya ng magsasaka na naging full-time na aktibista at ilang taon pa lang ang nakararaan ay pinatay ng mga militar ang asawang niyang full-time activist rin sa human rights advocacy. Nagsusulat siya ng mga tula. Bumibigkas rin. Nalalathala ang kanyang mga tula sa mga publikasyon ng militanteng kilusan, ang iba pa rito ay ini-edit at kinilala ng isang National Artist for Literature para mapabilang sa isang compilation ng mga tula na inilathala ng pambansang samahan ng mga magsasaka sa bansa. Tiyak kong libong kopya ang na-imprenta sa mga publikasyong ito at ganundin ay naipamahagi sa iba’t-ibang paraan (hindi necessary na naibenta). Binibigkas ang mga tula ng di-kilalang makatang ito sa mga rali, piketlayn, umpukan sa mga baryo, pulong-pag-aaaral at kung saan man may pagkakataon. May eksakto akong bilang kung ilan ang tiyak na audience at tumatangkilik sa mga akda ng di-kilalang makatang ito – 65 pamprobinsyang samahan ng magbubukid sa 81 probinsya sa buong bansa! 

Alin ngayon ang mas katanggap-tanggap na akdang pampanitikan?###   

Disyembre 4, 2008 / Lungsod ng Trece Martirez


 Pasingit, maaari

 

Pasingit, maaari ba?

Ano ang inyong masasabi rito?:

"Immature poets think they are social heroes. In this country, especially now, we have poets who have missed their profession. They want  to be patriots and generals, to ameliorate social suffering, to bring down abusive politicians -- there's nothing wrong with that, we all have our delusions, but they are using the wrong means.

"Poetry has never toppled a government or put tyrants to jail. They'll better off being soldiers and rebels, if that's what they want to accomplish. ...

"That's why these poets write with an ignorance of the poetic craft. They want ideas, but poetry wants linguistic expertise. ...

"Many poems were written by poets with prose mentality. They should be writing stories instead."

-- Jose Garcia Villa (1908-1997), Philippine Panorama, March 23, 1997, p. 23.

Si Villa ay isang tinitingala at premyadong makatang Pilipino sa Ingles. Noong 1973, idineklara siya ng pamahalaan bilang isang Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan (National Artist for Literature).

 

axel pinpin's picture

Tama si JGV

Tama ang mga sinabi ni JGV kung dahil nakapatungkol siya sa mga makatang nakaupo sa armchair at nagpapanggap na rebolusyonaryo.

Hindi talaga kailanman makakapagpalaya ng sambayanan ang Tula o anumang akdang-pampanitikan. Isa iyang ilusyon ng mga makata at manunulat sa komersyalisadong komunidad ng Philippine writing community.

Pero, mula sa tuwirang pakikialam at paglahok sa problema ng sambayanan, ang mga mga makata at manunulat ay maaaring lumikha ng isang sining o akdang-pampanitikan at hayaang ang tagatunghay (audience) ang magwasak sa lumang karanasang pinagmulan nito. At saka pa lamang iluluwal ang bagong kaayusan na muling paghahalawan ng isang mas maunlad na sining. At ito'y isang walang-katapusang pag-ikid.

Kapag nangyari iyan, naging bahagi ang tula/akda sa pagpapalaya at/o pagbabago ng lipunan.

Ikaw, Jon, ano ang masasabi mo sa mga sinabi ni JGV?

  Kung sa ibang akda, gaya

 

Kung sa ibang akda, gaya ng mga nobela at iba pang prosa, payag ako na maging mapanghimagsik kasi isa iyon sa mga gawain ng prosa.

Pinakamainam na ngang halimbawa riyan ang Noli at Fili ng butihing Rizal.

Pero, kung sa tula, nakasusuklam (para sa akin lang) ang mga ganito:

Kumakalam na ang sikmura mo Juan,

Makikain sa Malakanyang,

Tadyakan ang Reynang mahalay! 

 

Kaya, sang-ayon ako sa tinuran ni Villa.

 

rbolsqp's picture

Contribute lang po ako ng link para sa revolutionary poetry.

Click Me.

Baka maging bahagi po ng pagpapalaya at pagbabago ng kaisipan hinggil sa mga tula.

  Matagal ko nang gustong

 

Matagal ko nang gustong makatagpo ng mga taong aarangkada tungkol sa kung ano ba talaga ang tunay na tula.

Ibahagi mo rito ang kung anumang itinatago mo riyan!

 

pagsasaalang-alang sa mas nakararami

Sang-ayon po ako na dapat isaalang-alang ang mas nakararami sa pagsusulat, at sa Pilipinas iyon ay ang masa. Aanhin ko ang aking akda kung ako lamang at ang iilan ang nakauunawa nito.

Hindi pa po ako nakababasa ng akda ninyo nguni't dahil nabasa ko ang papel na inihapag ninyo sa conference, naengganyo ako. 

Nakaranas na rin po akong sumama sa mga rali nguni't higit na hitik ang karanasan ninyo sa politikal na kalagayan ng bansa.

Huwag po sana ninyong punahin kung paanong ang isang arosebyanyothername ay naging makabayan. Naniniwala lang ako na ang rosas kahit na ano pa ang itawag ay rosas pa rin at hanga rin naman ako kay William Shakespeare nguni't higit na humahanga kay Ka Amado kahit na ang akda lang niyang Ang Mga Ibong Mandaragit ang nabasa ko't napag-aralan noong hay-iskul. 

Sana po ay makapag-post pa kayo ng iba pang mga gawa ninyo rito.

Nakikiisa sa adhikaing maging tunay na malaya ang Pilipino laban sa pang-aapi kahit ng sariling pamahalaan at kababayan,

Rose

 

axel pinpin's picture

may mga tula ako sa www.skandalus.multiply.com

Rose,

Salamat sa interes na magbasa ng mga akda ko.

ang pseudonym o nom de plume o nom de guere ay pangalan lamang. hindi siya laging reflective ng nais mong ipahawatig (kung kaya nga pinili ko nang gumamit ng tunay na pangalan sa website na ito para mabura ko agad ng lahat ng posibleng pretensions at hinuha ng reader) at kung gayo'y -- walang dapat na ipagpasantabi ang "arosebyanothername".:-)

buti ka nga't sa hayskul pa lamang ay nabasa mo na ang Ibong Mandaragit, ako ay sa kulungan ko na ito muling binasa at inunawa.

narito ang isang tula:

‘Pagka't May Dalang Halihaw ang Tula

Hindi humihingi ng paumanhin ang panulaan.

Hindi nagpapasintabi, manapa'y nag-aalay.

Di lamang ng kulay,

lumilikha ito ng buhay

na karanasan ng masa sa entabladong lupa,

‘pagka't may dalang halihaw ang tula.

Di lamang kiliti.

Salaysay nito ang dalamhati

ng mga ginang at ginoong di-nakakabigkas ng tula.

Kaya't hindi mahika ang hatid ng makata.

Di lamang pagkamangha.

Usal nito ang pagkaunawa

ng mga ale at mama sa hamon ng pagbabanyuhay.

Dahil kung kagigiliwan lamang ang tula'y anong saysay?

Dili't palamuti,

diwata sa guni-guni

ng matatakuting paslit na busog sa paksiw na ayungin,

o ng obrerong mas pabigat sa tiyan ang nilupak na saging.

Di tulad ng espasol,

hatid nito'y hangin

sa sikmura; kundiman pagtakap ng bibig sa kawalang-lasa.

‘Pagka't may hatid na halihaw ang tula.

Di lamang sa diwa,

bagkus ay sa praktika.

Rom's picture

     Welcome to FW Axel,

 

  

Welcome to FW Axel, matagal ko nang naririnig ang pangalan lalo na kay J. Luna. salamat naman at may panahon ka na sumali dito at magbahagi ng piraso mo.

masaya dito bok, isang mundo ng samu't saring kaisipan nagsasalimbayan galing sa kung saan saan, may kanya kanyang dala dala ayon sa karanasan at kinalakihan.

salamat na lang kay Dino sa site na ito at pwede tayong magsama sama at magbahaginan ng nalalaman at di nalalaman.

keep posting bok! aantayin ko mga gawa mo.

pag nagkaroon ng pagkakataon bibili ako ng book mo. salamat sa pagsali 

 

sketchy. life. stories. on http://karikatuura.blogspot.com/

kislapalitaptap's picture

padayon, axel!

Bok, di ko pa nabasa  yung isinulat mo. pero, isa ako sa mga nanlumo at nagalit ng ikaw ay dakpin at ikulong ng mga tampalasang unipormado. isa rin ako sa mga nagdiwang ng ikaw ay makalaya mula sa iyong pagkalagak sa kahong kulungan. 

isa rin ako sa mga katulad mo na umaasa na ang panitikan ay maging bahagi ng pagpapalaya ng sambayanan sa matagl ng pagkakulong  sa bartolina ng kamangmangan. 

salamat sa pagpasok mo dito sa  FW. dito ay makikita mo rin ang tunggalian ng dalawang linya. 

sana ay naabutan mo sa nakaraan ang diskusyon hinggil sa pagbira ng isang kasapi dito tungkol sa mga rebong tula. hanapin mo siya, andyan lang sa tabi-tabi ang mga pag-uusap na iyon.

pakibisita din pala yung www.kislapalitaptap.multiply.com , 'di ko pa naisasalang dito yung iba sa mga huli kong mga naisulat. susubok kasi sana akong pumasok sa Gawad Palanca.

salamat!

Write for the people, serve the people!

Kislap Alitaptap

www.kislapalitaptap.multiply.com

 

kislapalitaptap's picture

mahusay yung pagkakasagot mo kay Jon E. Royeca

bok, 

mahusay at nasapul mo yung singit na pagtatanong ni Jon E. Royeca. buti at tinanong ka lang niya. isa siya sa may mainit na mata sa mga tula na may temang politika. sana ay mamulat na siya  mula sa iyong mga kasagutan.

Kislap Alitaptap

www.kislapalitaptap.multiply.com

 

axel pinpin's picture

Kumikislap!

salamat muli sa mainit na pagtanggap sa akin sa site na ito. Para tuloy bigla akong nakahanap ng bagong tahanan (bukod siyempre sa bahay ng masa na laging bukas anu mang oras mung katukin :-).

hayaan mo't hahanapin ko yung diskusyon na inuungkat mo.

inaasahan kong may follow-up commentary si Jon E. Royeca sa mga sinabi at sasabihin ko pa. Pagbibigyan ko siya (kahit sa loob ng revolutionary movement ay matagal nang "patay" ang debate sa "kung alin ba ang tunay at nagpapanggap na anyo ng panitikan" -- malaon na natin itong ipinirmi, sa pahayag at/o teorya pa lamang ni MZD sa Yenan Forum hanggang sa Second Propaganda Movement sa SND hanggang sa mga AKTWAL NA KARANASAN) tutal ay nilikha ang site na ito para magpalitan ng kuru-kuro.

trivia: sa Indang, Cavite tinatawag din ang alitaptap na pirubaba, kung bakit, hindi ko rin alam ang etymology ng salita :-)

salamat rin nga pala nang marami sa iyong pagsuporta noong nakabilanggo ako.

sa salita at sa gawa,

axel

www.skandalus.multiply.com

Dap-ay Sapata's picture

Pirubaba, astig ah!

ayos bok, yaan mo gamitin ko ang pirubaba, pag makakapagsulat hinggil sa kumikislap na iyan.

natutunan ko sa dinaluhan kong palihan sa panitikan noon na sa pagsusuri ng panitikang rebolusyonaryo...sinabi na sa mga pagsusuring masa, nagiging pangunahin ang pamantayang pampulitika laban sa masining na pamantayan. pero kung may isang manunulat na mapapagkumbina ang 2 pamantayan..edi mas mahusay.

wala na yatang mas huhusay pa sa isang likha na isinulat batay sa kalagayan at interes na masa. 

bok, kislap...pahiram ng pirubaba ha. gamitin ko pag may isusulat ako tungkol sa alitaptap.

 

"Write in White Heat, Edit in Cold Blood."

www.tintamakata.multiply.com

 

 

Pmel's picture

Pirubaba!!!

Sounds like a word Ainu people of Japan would use, like:

poroike -------> big (object, person or thing)

simakoray----> to pass away (die)

terke ---------> to run or jump

... not that it is. It's a cute word. I do hope we could get a bit of etymology on it. It would be interesting to know of its origin.

 

 

 

 

--- I'm an Eccentric and Coffee is my Drug ---

  Ang suhestiyon ko, ano

 

Ang suhestiyon ko, ano kaya't tumutok tayo sa tula, kung itutuloy natin ang talakayan dito?

Maganda kasing isulong ang isang matagal nang isyu, kung ano ba talaga ang tunay na tula.

Kung hindi angkop dito iyon, e di iwan natin.

Kung ang tula ay panay pumpon lamang ba ng mga salita, at parang baril na may bala nga pero ang bala ay basyo na lamang pala?

Ganyan ang paglalarawan ng isang makata tungkol sa maraming mapanghimagsik na tula.

Aarya-arya raw, pero hindi naman makapagtulak sa mga tao na maghimagsik.

 

axel pinpin's picture

Busina muna Jon

paumanhin, Jon, hindi na ako lalayo nang paghahalimbawa, hindi na ako kukuha ng sipi sa kung anu-anong teoryang pampanitikan...

ganito:

matapos i-demolis ang isang baryo ng magsasaka sa eryang kinikilusan ko ay nanlumo sila... nagpasyang iwan na lamang ang lugar na 1911 pa noong unang nilang datnan... walang sumapat na kumbinsihan at pagpupulong para manatili sila sa lugar... hanggang sa lumiham kami sa mga magsasaka sa paraan ng isang tula... kinagabihan pagkatanggap nila ng tula, bumalik sila sa lugar at nagtayo ng kampong-bayan. Pagkalipas ng halos isang taon na paggigiit ng kanilang karapatan sa lupa --- nakabalik sila sa lupang-sakahan!

pwede kitang isama sa lugar na iyon para sa testimonya ng mga tao. hindi kita mairefer sa anumang sangguniang-aklat o documentation dahil ang mga tagumpay ng masang magsasaka (na di-maitatatwang nagkaroon ng papel ang panitikan) ay hindi naisusulat at/o naika-capture ng kamera.

kalimita'y nakaukit na parang lapida lamang sa kanilang puso.

Jon, subukan mo minsang iwan ang aklatan sa harapan mo at saka tayo maghuntahan.

www.skandalus.multiply.com

  Liham iyon, sa anyong

 

Liham iyon, sa anyong tula?

Parang akdang tuluyan (prosa)?

 

Where the boundary between prose and poetry lies, I shall never be able to understand. ... Poetry is verse: prose is not verse. Or else, poetry is everything with the exceptions of bussiness documents and schoolbooks.

-- Leo Tolstoy, Diaries, p. 96.

 

 

Ang mga tula ay makikita sa mga aklat. Para sa akin (at para sa akin lamang naman), kung lalabas tayo sa mga institusyon ng panulaan na hinubog na ng libo-libong taon, at magtutungo tayo sa mga bagong akda -- halimbawa'y sulat na nasa anyong tula -- gumagawa na tayo ng bagong paaralan ng tula.

 

  Maaaring ventage na ang

 

Maaaring ventage na ang poetry na tinutukoy ko.

Kaya, poets nowadays are in search for something new.

Well, I just don't know. You may speak in behalf of the new poets, through your current views in poetry.

 

axel pinpin's picture

Hindi maaring ilibing na lamang sa libro ang mga tula

umuunlad ang lipunan. kaya nagkakaroon ng mga bagong anyo ang mga bagay-bagay. at hindi nakaligtas ang tula sa pag-unlad na iyan.

wag nating kalimutan ang mga spoken words ng folk-poetry natin na kailanman ay hindi nalimbag sa anumang aklat, pero patuloy na nagpapasalin-salin. nasa tuluyang-anyo (prosa) ang mga ito.

www.skandalus.multiply.com

anakngfaraon's picture

ventage

vent⋅age

–noun

a small hole or vent, as one of the fingerholes of a flute.

  Hay! Mali na naman

 

Hay! Mali na naman ako!

 

axel pinpin's picture

tama ka na naman Jon

liham na nilakipan ng tula.

paumanhin, hindi ako partikular sa mga anyo at istilo sa pagsusulat ng tula. bagama't may naguungkat na may itinuturing na prosa-tula. kung ang kumbensyunal na panulaan ay may itinatakdang anyo, ang prosa-tula ay may kapangyarihang magtaglay ng internal rhyme at images na siya rin namang kakayanang-tuwiran ng mga nakasanayan nating tula.

tama ka rin, kahit hindi mo tinuran, telling at formulaic ang inuungkat kong tula-liham o liham-tula, o prosa-tula-liham...o kung anu man ang label na gustong ilagay.

parang nalimutan mo yatang pasubalian ang punto mong sinagot ko: NA KAYANG MAGPAKILOS NG TULA?

syangapala, dakila ka sa ginagampanan mong papel sa website na ito. tiyak kong marami kang pinapahusay na makata sa tabi-tabi riyan.

 

www.skandalus.multiply.com

  matapos i-demolis ang

 

matapos i-demolis ang isang baryo ng magsasaka sa eryang kinikilusan ko ay nanlumo sila... nagpasyang iwan na lamang ang lugar na 1911 pa noong unang nilang datnan... walang sumapat na kumbinsihan at pagpupulong para manatili sila sa lugar... hanggang sa lumiham kami sa mga magsasaka sa paraan ng isang tula... kinagabihan pagkatanggap nila ng tula, bumalik sila sa lugar at nagtayo ng kampong-bayan. Pagkalipas ng halos isang taon na paggigiit ng kanilang karapatan sa lupa --- nakabalik sila sa lupang-sakahan!

 

hanggang sa lumiham kami sa mga magsasaka sa paraan ng isang tula.

 

liham na nilakipan ng tula.

 

A, liham pala na nilakipan ng tula? Nilakipan na parang attachment? O liham sa paraan ng isang tula?

Pakipaliwanag. Pasensiya ka na kung hindi ko agad makuha. Tao lang.

 

 

Ang tula ay hindi kayang magpakilos ng himagsikan. Gawain iyan ng prosa. Iyan ang punto ko.

 

axel pinpin's picture

Kayang magpakilos ng tula

parehong tama ang pag-unawa mo kung paano ko binanggit ang liham na may tula, o tulang nagmukhang liham.

Kung gayo'y prosa ang ginawa naming liham-tula. Ang punto, tinanggap ito ng mga magsasaka bilang TULA at sila'y ni hindi nakabasa o nagkaroon ng pagsasanay sa pagsusulat ng tula. At napakilos sila ng LIHAM-TULA-PROSA na pinaniniwalaan nilang isang anyo ng tula.

www.skandalus.multiply.com

  So, liham iyon sa paraang

 

So, liham iyon sa paraang patula, kaya iyon ang inilakip: patulang liham.

Nauunawaan ko na. Iisang aytem lamang pala iyon.

Pasensiya ka na kung hindi ko agad nataho.

 

Bagong paaralan na iyan ng tula. Kasi, bago yata sa pandinig.

Sa dami ng mga magsasakang nagrarali sa Metro Manila, karamiha'y galing pa sa mga malalayong probinsiya, baka makinabang sila sa bagong paaralang iyan.

Sana, linaning pa nang husto ang paaralang iyan.

 

It's could be a new school of poetry that may knock down ages-old or ventage poetry.

However, it still has to be proven, especially by modern poets in search for a new and dynamic genres.

 

 

 

(Sinabi na ba sa iyo ni j. luna ang mga pakagat ko sa iyo? Pasensiya ka na kung ginagawa ko sa iyo iyon. Marami nang nauto rito e.)

 

j luna's picture

Huh?

Jon, Jon, Jon...

Ano ito?

(Sinabi na ba sa iyo ni j. luna ang mga pakagat ko sa iyo? Pasensiya ka na kung ginagawa ko sa iyo iyon. Marami nang nauto rito e.)

 

 

Ano ba yan?

 

'Wag mo kong idamay diyan sa mga pakagat mo.

 

 

 

 

"Ventage"?  tsk tsk tsk...proofread ha! 

Kinorek na

 

Kinorek na ni anakngfaraon.

 

 

kislapalitaptap's picture

sabi sayo bok, ayan na siya...

ayan na po...nakikipagubusan na naman ng masasabi itong si Jon E. Royeca. pero sige ayos lang ganyan talaga ang batas ng kontradiksyon. at pag nakalubog ka sa masa, hindi ka kailanman mauubusan ng masasabi na makapangyarihan, dahil ito ay pawang nakabatay sa buhay at praktika ng masa.  totoo lang malaki ang naitutulong ni Jon E. Royeca para sa isang katulad kong manunulat na mas lalo pang humakbang sa itinatakdang hangganan ng isang tula o panitikan sa kabuuan.katulad ko marami na rin dito sa site ang nakabuo na ng tula at kwento hinggil sa kanya.

nabasa ko na yung ipinasa mo sa PEN. sana ay makapagkita tayo sa susunod para makapagtalastasan hinggil sa ating nagkakaisang pananaw sa lipunan at sa pagpapalaya ng panitikan kasabay ng ating mithiing lumaya sa gapos ng pagsasamantala.

hanggang sa muli! 

Kislap Alitaptap

www.kislapalitaptap.multiply.com

 

axel pinpin's picture

Kakapusin ang espasyo

kapag inihanay ko rito ang karanasang binabanggit ko na nakapagpakilos ng masa ang tula. Gaya nang una kong sinabi, hindi dokumentado ang mga pangyayaring ito. Nakaukit na parang lapida sa dibdib ng pakikibaka ng sambayanan.

hindi rin bagong paaralan at/o pamamaraan ang aking binabanggit. May historikal na batayan ang mga ganitong pagpapakilos sa mamamayan. Mga mamamayang hindi nakilala si Tolstoy, Villa at iba pang nababanggit at babanggitin mo pa sa iyong mga sipi.

Sa aking palagay, mabibilaukan ang mga magsasaka at ordinaryong mamamayan kapag inilatag natin itong talakayan natin sa kanila. At tama ka na naman sa puntong iyan -- kailanman ay hinding-hindi na natin sila mapapakilos -- sa pamamagitan ng ating mga tula.

Lilinawin ko, ang mga rebolusyunaryo-makata ay nagsusulat hindi para sa malathala sa libro at/o para sa kapwa niya makata para pulutanin ang kanilang mga akda. Nagsusulat sila para sa mamamayang nais nilang pakilusin.

Mahirap ring magpanagpo ang iyong metaphysics sa aking pagiging materialist. Mas naiintindihan ko na ngayon ang iyong mga batayan sa iyong argumento dahil nananangan ka pa rin pala sa pag-iral ng mga abstraktong bagay (at ni minsan ay hindi napatunayan ng praktikang panlipunan).

Simple lang ang prinsipyo -- kapag walang konkretong batayan, walang karapatang magsalita.

Pasimplehin natin -- kung nakasulat pa lamang (sa libro, 'ika mo nga), letra lamang ang saysay niyan. Kapag naranasan, i.e., naamoy, nahawakan, nalasahan, gumalaw, umiyak, tumawa... -- ikaw na ang maglagay ng punchline, Jon.

www.skandalus.multiply.com

  Kung ang akdang iyan ay

 

Kung ang akdang iyan ay naging matagumpay na sa isang pagkakataon lamang, hindi pa masasabing tula. Dahil sa iisang pangyayari pa lamang nasubok. Marahil, kung magiging matagumpay na naman iyan sa ibang pagkakataon, baka maging tula na.

Panahon lamang ang makapagsasabi. Maaaring umabot ng kung ilang taon, dekada, o siglo bago maituring na tula.

Like methaphysical poetry. At first, John Donne's poems were ridiculed (they were products of metaphysics), but as the years wore on, his poems became significant, and a new school of poetry was born.

 

I wish your kind of poetry could also be tested.

 

j luna's picture

Axel, welcome sa FW

Hmmm... Medyo matigas ang ulo ni Jon E. Royeca.

Ilang beses ko na ring sinubukan ang pagq-quote ng mga linya mula sa Talks at Yenan Forum, pero di umuubra at ang hirap pakuin ang bunbunan ng taong iyon.

Salamat sa pagsali sa FW, kinagagalak ka naming maka-jamming dito.

Oo nga pala, taga Etivac din ako, sa Imus, ermats ko Amadeo at ang lola ko ay taga-Indang din.

Kitakits sa Bookay.

axel pinpin's picture

J! let's go back to the roots....

hanep! kalkalin natin minsan ang lalawigang pinagmulan natin...

www.skandalus.multtiply.com

j luna's picture

Oo nga...Back to the roots...

Astig yun. Sige, panalo yun. Hahaha.

Kasalukuyan akong nasa Imus habang tina-type ko itong comment na ito. hehehe.

Ang hirap lang kasi sa lagay ko ngayon kelangan pang lumuwas para tumambay. Sa QC at Manila kasi ang tambayan ko, malayo ang biyahe, gastos pa sa pamasahe.

Pero, Sweet Home Alabama talaga para sa kin ang Imus kaya di ko maiwan.

Sila Kuya Bobby at Ate Winnie may inuuwian din sila dun sa papuntang Trece.

Etivac Rocks!

axel pinpin's picture

same frequency!

oo, J, sa Langkaan umuuwi sina Bob, malapit lang sa lugar ko ngayon.

Sweet home Alabama...where the skies are so blue.. Oh, Yeah! :-D

www.skandalus.multiply.com

j luna's picture

Oo nga pala

Ininvite ko na kanina yung skandalus.multiply.com....

The Green....Green...... Grass of Home.
Rock and Roll!

anakngfaraon's picture

Axel, welcome sa FW! 

Axel, welcome sa FW!  Salamat at kasama ka na namin dito. 

Salamat din sa post na ito, napaka-informative.  

Nakabasa na ako ng ilang entries sa aklat mong Tugmaang Walang Tugma, internet nga lang.  Pag nakauwi ako 'jan sa Pinas, at saka ako bibili ng physical na aklat. 

 

http://katya14.multiply.com/journal

RJ Santos's picture

Kuya, welcome po! Maraming

Kuya, welcome po!

Maraming salamat po sa informative na post na 'to.

Ako po, sang-ayon sa mga punto niyo. Mambabasa ang magtatakda kung ano nga ba ang katanggap-tanggap.

'Wag niyo na pong pansinin 'yong isa diyan, mukhang asong nauulol na naman, na pagkatapos isuka ang kanyang kinain, ay kakainin ulit. Hay, ano ba 'tong sinasabi ko?

Welcome po ulit! :D



* * *

http://rjsantos.authorshaunt.com

axel pinpin's picture

Hey RJ!

salamat sa isa pang mainit na pagwe-welcome sa akin! :-D

salamat rin at may kapakinabangan ang mga sinabi ko sa blog entry na ito.

Wag pansinin? siguro'y dahil newbie pa ako sa site na ito kaya signipikante pa sa akin ang mga komentaryo niya. Tingnan natin kung hanggang saan makakarating. Kapag hindi na mabunga at produktibo ang diskusyon, mapagpakumbaba akong aatras :-)

sulat nang sulat...

www.skandalus.multiply.com

MAY SINASABI NAMAN ANG PAPEL

MAY SINASABI NAMAN ANG PAPEL NA ITO

Sagutin din ninyo dapat kung ang tula nga ba ay dapat may tamang sukat at tugma.

Kasi para sa akin, basura ang mga tulang walang sukat at tugma. Ang mga ito ay pamantayan na ng tula sa simula pa katulad na lamang ng mga epiko. Kahit gaano pa kaganda ang mga mensahe ng mga berso, kung wala namang wastong sukat at tugma, hindi pa rin tula iyon.

Basura!

Patawad kung nasasapol kayo ng mga komento kong ito. Karamihan sa mga tulang naka-post dito ay pawang mga basura! Hindi sumusunod sa paglalagay ng wastong sukat at tugma!

Bilang guro ng wika at panitikan, alam ko ang mga pinagsasabi ko.

Rom's picture

bistado!

 

 @edilberto larin Jr.

 

wag ka nang magkunwari style ni Jon yan e alam naming lahat na nagbago ka lang ng account. sus naman luma na yang style na yan wala nang papatol sa ganyang kagaguhan. bistado ka na. parehong pareho kayo ng istilo ni Jon Royeca kasi iisang tao lang naman kayo e.

gaya ni Jon 56 minutes ka pa lang miyembro dito umupak ka na agad ng "basura" halatang-halata kala mo siguro magagago mga tao dito e.

yung name mo pa lang edilberto d. larin jr. halatang halata na si jon royeca ang nag imbento.

sa mga tao dito wag ninyong papatulan ang taong ito si Jon Royeca ito na gumawa ng bagong account, isa pa niyang alias ay Alex Santos.

pag-ingatan ninyo ang taong ito sasayangin lang niya ang oras ninyo.

pustahan tayo sasagot iyan dito sa comment ko ng maanghang na salita at magsisimula ng word war. style ni Jon yun e.

Bistado! 

 

sketchy. life. stories. on http://karikatuura.blogspot.com/