Ang Pasko Ayon Kay Inay

Nagising ako kaninang uamga na kakaiba ang pakiramdam, hindi tulad ‘nung mga nakaraang araw na parang ang gaan-gaan ng pakiramdam ko. Parang ang bigat ng katawan ko. Oh my God, baka buntis at naglilihi na ako? Hmmm, kung totoo yan that’s interesting. Pero hindi, that’s imposible….sure na sure ako. I’m a man! All of a sudden, humilab ang tiyan ko! Ah, kailangan ko palang pumunta ng kubeta. Pagkatapos nito siguro naman gagaan na ang pakiramdam ko. Bago lumabas ng kuwarto, naghagilap muna ako ng kahit anong pwedeng basahin habang nakaupo ako sa trono. Sa pagkakataong ganito, wala akong pakialam kung ano man ang madampot ko basta ang importante may mga letrang nakasulat na mababasa ko. Pero malas dahil resibo lang ng mga pinamili ko sa grocery ang nadampot ko. At dahil konti lang naman ang nabasa ko, nagmunimuni na lang ako. Teka, saan ko nga ba napulot ang habit na ito?

I then remember the time when I was still in college. Yeah, that’s when I started this habit of reading something whenever I sit on my royal throne in the boarding house. Gusto ko laging may binabasa habang nakaupo ako sa trono. Kahit anong madampot ko – notebook ng boardmate ko, bagsak na test paper, pocket book, lumang dyaryo na pinagbalutan ng tuyo o kahit na anong pwedeng basahin. Ewan ko ba pero hindi ako kuntento pag wala akong binabasa habang nagdedeposito. Kay pag napasok ako sa aking kaharian na walang dalang anumang mababasa, kahit na mga labels ng shampoo or toothpaste or ng kahit na anong makita ko sa loob ng banyo pinapatulan ko. Ok rin naman dahil kahit na papaano may napupulot din naman ako. Swerte pa nga ako dahil may anim na babae akong kasambahay, siyempre may kanya-kanya silang choice of brand which means na marami rin akong choices na babasahin. At kahit naman nabasa ko na, ok lang katwiran ko buti na rin kesa wala, at least napa-familiarize ako sa mga properties ng iba’t-ibang products like kung anu-anong ingredients, pH level at kung anong gamit nila. Like for example ‘nung time na may napansin akong kakaibang sisidlan sa hanay ng mga shapoo. Hmmm, bagong shampoo ba yun? Teka tingnan ko nga! Oppps, Lactacyd! Ano ito? Binasa ko ang label. Ah hindi pala shampoo. Parang Listerine pala. Mouthwash na pambabae. Same purpose. Panlaban sa bad breath. Para sa other mouth nila. Hehehe, minumumugan din pala ‘yun! I was practically laughing at myself for that very amusing information! 

Tok tok tok! 

Oppsss, may kumakatok na. Natatae na rin siguro kaya hindi na makapaghintay na lumabas ako. Paglabas ko ng banyo, narinig ko mula sa nakabukas nyang kuwarto ang isang korning tagalog na awiting pamasko na nanggagaling sa kanyang stereo. Ahhh, lapit na nga pala ang pasko, ilang araw na lang. Atubili akong bumalik ng kuwarto ko at humilata ulit sa kama. At napagtuunan ko na naman ng pansin ang sitwasyon ng mga katulad ko. Mga katulad kong OFW na malayo sa pamilya sa araw ng Pasko. Nakakalungkot pero wala kaming magagawa. Ang tanging consolation lang naming ay yung nakakaya naming ibigay sa aming mga anak kung anuman ‘yung mga hindi namin naranasan when we were their age - bagong damit, sapatos, laruan at masarap na pagkain!  Nakakatuwang tingnan ang mga batang maligayang-maligaya habang binubuksan ang mga gifts nila. Ligayang hindi ko matandaan na naranasan ko ‘nung bata ako. 

Galing ako sa isang mahirap na pamilya tulad rin ng karamihan sa aking mga kamag-anak. At sa mga katulad naming isang-kahig isang-tuka, isa ang pasko sa mga araw na kinaiinisan namin. Ok lang naman sana eh kaso may mga pinsan kami na galing sa isang pamilya na medyo nakakaangat sa buhay. At pag ganitong panahon ng Pasko, mas naipapamukha nila sa amin ang agwat ng kalagayan ng buhay nila sa amin. Wala silang ginawa kundi inggitin kami sa mga bago nilang damit, sapatos at mga laruan habang ngumunguya ng mga pagkaing ni hindi namin ma-imagine kung ano ang lasa. Palibhasa bata, hindi maiiwasan na mag-isip kami kung bakit hindi pa namin sila naging kapatid. Bakit hindi pa ‘yung parents nila ang naging parents namin. Sana masasaya rin kaming katulad nila.  

At para mabawasan ang inis namin, magyayayaan na lang kaming ibang magpipinsan ng lumayo sa kanila at maglaro ng amin. Habulan, taguan, patentero, bahay-bahayan at kung anumang laro na maimbento namin. At pagsapit ng gabi, kanya-kanya kaming grupo at nagka-caroling sa mga bahay-bahay. Pagkatapos ay pinaghahatian namin kung magkano man ang naipon namin mula sa mga bahay na ayaw naming lubayan hanggang hindi kami binibigyan ng kahit ano. In a way, kahit naman mahirap ay nakakagawa rin kami ng munting paraan para maging masaya ang malungkot na mukha ng araw na tinatawag na Pasko. Pero siyempre, mas gusto pa rin namin ‘yung mga bagong damit at sapatos kesa sa mga baryang naipon namin.

Minsan, naitatanong namin kay Inay kung bakit hindi nila kami maibili ng ganito at ganun tulad ng ibang bata. Sagot lang lagi ni Inay, wala kase kaming ekstrang pera. Sabagay, hindi na naman namin dapat pang itanong ‘yun dahil nagdudumilat na sa amin ang katotohanan. Yung perang sapat nga wala eh, ekstra pa kaya? Pasalamat na lang daw kami at kahit walang pera ay magkakasamasama pa rin kami. Buo daw ang pamilya at nakakaraos. Pagkatapos ay gagawin nyang halimbawa ‘yung mga batang pulubi na nanlilimahid ang hitsura, na ang iba ay nagbubungkal ng basura para may makain lang. Gula-gulanit at marumi ang damit at walang magulang na nagkakalinga. Pag ganun na ang sinabi nya, syempre panalo siya. Wala na kaming maisip na argumento para lumabas na mas kawawa kami kesa sa mga pulubing yun.

Pero bakit sa mga pulubi niya kami inihahambing? Bakit hindi doon sa mga batang masasaya at nabibibili ang maibigan? Sagot ni Inay, nasa sa amin lang daw kung anong mukha ng Pasko ang gusto naming makita. Dalawa lang ang pwede naming gawin, tumingin sa itaas or sa ibaba. Nasa amin daw ang desisyon. Sabagay, kahit naman bata pa ako, sa katiting na parte ng utak ko ay naiintindihan ko siya. At alam ko rin na marami pang ina sa mundo ang katulad nya. Ang galing talaga ni Inay! Kayang-kaya kaming paikutin.