ANG PAYASO (ni Allanjohn Andres)
-
(Halaw kay Shel Silverstein)
Ito ang kuwento ni Ponsong Payaso:
Sa lahat ng payaso, si Ponso ang seryoso.
Suot niyang sapatos ay maluwang sa paa
pero hindi, hindi ito nakakatawa.
Torotot niya ay sintunado;
sangkaterba ang kaniyang lobo;
kulay-berde ang alagang aso.
Ang kaso
kahit anong bira nitong damulag,
wala silang bilib dito kay kumag.
Nakakaimbyerna ang kaniyang linya;
walang katorya-torya ang kaniyang istorya.
Tuwing tatambling siya o sisirko
'Tulog mo ‘yan, pare ko, ang sigaw ng tao
hanggang sila na mismo ang humikab
sa grabeng antok. Dahil walang talab
ang kaniyang pautot, si Ponso, sa madaling sabi
ay namulubi.
At komo hindi siya nakakatawa
minsa'y kinumpisal niya
kumbakit hindi siya nakakatawa;
kung gaano kalalim ang sikretong problema
ang lamig, ang dilim, ang ulan,
ang mga lamat sa kaniyang kalooban.
At nang matapos ang salaysay ng pobre,
Naiyak ba sila? Hindi!
Sa halip, tumawa ang buong paligid
hanggang dumugo ang kanilang gilagid
hanggang mapunit ang lahat ng kamiseta
sa katatawa
nang katatawa
mula gabi hanggang umaga,
hanggang kumalat
at umabot sa malayong siyudad,
lagpas sa bundok at karagatan
tungo sa mga pook na di pa napuntahan.
Hanggang ang buong mundo ay kinabag,
nautot ang buong mundo sa tindi ng kabag
habang itong si Ponso, mag-isang nakatayo,
lulugu-lugong nakatungo at mukhang kulugo,
Ano'ng kalintikan ito, ‘ika niya –
ang kabalbalang ito’y malaking disgrasya.
Sa pagluha ni Ponso ay walang pumansin,
ni walang pag-along alok ang hangin.
hahahaha
naunahan na kita d2 pareng alan... gayunpaman eh mas malupit naman yung sa iyo... medyo manipis na halaw yung akin.. halos salin na.
kaliskisan mo nga... http://filipinowriter.com/ang-payasong-si-isko
musta na?
... bata-batuta... malaki ang batuta...
-
aba, siyanga! naku, Deo, naunahan mo na naman pala ako at, kung susumahin, ay strike three na ako sa iyo sa pagkakataong ito!
hahahaha!
nirepaso ko iyong shel silverstein counterpart mo at, kung ako ang tatanungin, mas superyor iyong pagkakabanat mo ng ending kesa dito sa bersyon ko.
kumusta ka na rin diyan, sir?
ayos naman d2
despite na winter season pa rin kaya kasumpa-sumpa ang lamig.. -15~-18degC lagi ang temp.. tapos ang kapal ng yelo kapag may snow fall.
syangapala budz alan... paki-review mo nga rin nitong linya sa halaw mo...
"Hanggang ang buong mundo ay kinabag,
nautot ang buong mundo sa tindi ng kabag"
... parang di lang ako sanay na inuulit yung salita sa magkasunod na linya.
hehehe.. feeling critix lang kahit walang karapatan.
best regards & GOD bless budz!
... bata-batuta... malaki ang batuta...
-
Sir, sa ganang akin, sa ganyang paraan ko talaga gusto banatan ang mga linyang sinipi mo, estilong mapapansin mo rin kahit sa ilan ko pang gawa.
Tulad mo, naniniwala ako na kahit sino ay may karapatang maghayag ng kanilang pagkagusto, gayundin ng disgusto, sa isang nababasang trabaho. Dahil dito kaya nagpapasalamat ako sa mungkahi at katapatan mo, Deo.




-
maraming salamat sa pagpapaunlak ng inyong oras.