Ang Pedopilya ng Barrio Sta. Monica (short story)

Rom's picture
| |
 

Nagtatahulan sa di kalayuan ang mga aso sa gitna nang maalinsangang gabi. May mga ilang aninong unti-unting gumagapang sa dilim ng paligid na tanging nasisinagan lamang ng liwanag ng buwan. Papalapit na ang  kamatayan…

 

“take your position men, malaking subject ito at hindi dapat makawala…”

 

Dalawang lalaking payuko kung tumakbo ang pumuslit sa likuran ng lumang bahay, tatlo sa unahan habang ang nag-uutos ay nakamasid sa di kalayuan, matamang nagmamatyag. Lahat armado ng mahahabang bakal…

Lumalangitngit ang sahig na kahoy sa itaas ng lilimang baytang na hagdan dahil sa bigat ng hakbang ng nakayukong papalapit. Sumilip sa bintana ang nauna, sumenyas, pumusisyon. Humakbang ng maliliit na hakbang ang isang malapit sa pinto, tila handa sa anumang maaaring maganap habang iniumang ang bitbit na bakal. Ang isa’y nasa ibaba lamang ng hagdan, nagaantay.

Sa pamamagitan ng senyas ng dalawang daliri na nakaturo sa mata, naipahiwatig ng isang malapit sa bintana na namataan na niya ang pakay, bagay na nagpaigting nang pagnanais ng mga kasama nito na isakatuparan na ang balakin. Sumilip muli..isang sigaw at impit na palahaw ng bata ang narinig, waring palahaw na pigil, palahaw ng nasasaktan.

Hindi na kailangan ng lider ng grupo ng senyas mula sa mga tao niya, sapat na ang pagibik ng munting tinig na iyon para sumugod siya at mauna pa sa mga tauhan niya. Isang tadyak sa pinto, tutok ng baril, sigawan, iyakan…

Lagabog mula sa likurang pinto, hangos ang dalawang armadong kalalakihan…

 

“putang ina kang demonyo ka, ikaw pala ang bumababoy sa mga kabataan dito, dapa! dapa sabi!”

 

Nagulantang ang lalaki, di alam ang gagawin na noo’y yakap-yakap pa ang isang batang babae na pilit nagpupumiglas sa malalaki niyang braso. Sukol siya, walang susulingan. Nakamulagat ang mga luhaang mata, namumutla ang  mukha, nakabuka ang bibig…may gustong sabihin ngunit mistulang nakalunok ito ng kung anong kinamualan nito at di makapag luwa ng salita.

 

Iniangat ng lalaking nakaluhod sa sahig ang kanyang baluktot na kaliwang kamay, may gustong sabihin, sumesenyas sa mga lalaking may nakaumang na baril, tyempo ito na napahiwalay bahagya sa kanya ang batang babaeng kanina pa nanginginig sa takot at iyak ng iyak—bagay na sinamantala ng mamang may baril sa likuran at hinablot ito tungo sa kaligtasan, itinakbo palabas ng bahay pumuslit sa likurang pintuan. Lalong nataranta ang lalaking baluktot ang kaliwang kamay, tumayo ito bigla tangkang hahabulin ang mga tumakas, sumisigaw ng di maintindihang litanya habang tumutulo ang laway nito sa pagpupumilit magsalita.

 

Isa…dalawa…tatlo…apat…lima…anim na putok, lahat tumama sa likuran ng lalaking baluktot ang kamay sa pagtatangka niyang humabol. Malakas ang loob, nagtangka pang tumakas, nagtangka pang tumakbo.

 

“Arturo Maniago, 39 anyos, o, may laman pang dalawang libo itong wallet nya o, may litrato pa ng bata—sino kaya ito?”

“Santos, clearing na tayo, hindot ka darating na ang SOCO wag mo nang pakialaman yan, sila na bahala dyan…”

 

Nagmamadaling ibinalik ng matabang lalaki ang wallet sa likurang bulsa ng pantalon ng noo’y duguang bangkay na nakahandusay sa sahig, habang may isinisilid siya sa kanyang bulsa na dalawang pirasong perang papel.

Maya-maya lang, eto na ang mga media at kinakapanayan si Kapitana at ang hepe ng operasyon lambat-bitag. Nagbibida sa agarang koordinasyon at sa matagumpay na sabwatan ng baranggay at lokal na pulisya…

 

***

 

Matagal na minamatyagan ni Mang Art ang kabuuan ng bahay na ito, matayog ang mga bakod ng kulay puting pader na natatanuran ng malalabay na halaman. Dito nya nakitang pumasok ang batang gusgusin na hila-hila ng isang matandang babae. Ilang araw na siyang dumadaan dito sa pag-asang matityempuhan niya ulit. Makailang ulit niyang nakikitang may ilang magagarang kotse na may lulang mga dayuhang puti ang naglalabas-pasok sa bahay na bato.

Tatambay lamang si Mang Art sa malapit na tindahan, hanggang abutin ng pagdilim at uuwing iika-ika sa kanyang inuupahang maliit na bahay.

Nag-iisa na lamang siya, dalawang taon na ang nakararaan nang mamatay ang asawa niya sa atake sa puso bunga ng labis na kalungkutan. Hindi man pinasuko ng matinding hinagpis sa sinapit ng asawa, unti-unti naman siyang iginugupo ng paglalasing hanggang sa atakihin ng stroke. Bagay na pumatay sa kalahati ng katawan niya, nagpabaluktot sa kaliwang kamay niya, nagpaika sa kanyang paglakad at nagpa bulol sa kanyang pagsasalita.

 

“hahanapin ko ang anak natin..” 

 

ito lamang ang natatanging pangako na naiusal ni Mang Art sa harap ng bangkay ng kanyang asawa bago ito ilibing. Ang limang taong gulang nilang si Jennifer ay tatlong taon nang nawawala—isang malaking dahilan ng matinding kalungkutang bumabalot sa isang wasak nang pamilya.

 

***

 

“Flash report po tayo ngayon, dito sa mismong pinangyarihan ng raid---kapitana, paano nyo po natukoy na dito nagtatago ang suspek?”

“aba, e naitimbre sa akin ng kagawad ko…si kagawad Benny na itong bagong nagungupahan nga daw dito ay kakaiba ang kilos…”

“paanong pong kakaiba?”

“ala, e madalas nga daw gabi na kung umuwi at susuray-suray pa, tapos nito ngang kagabi lamang namatyagan nilang may karay-karay daw na batang babae at kinakaladkad pa daw papasok ng bahay…”

“ano pong nangyari?”

“aba’y nagsuplong na ako, di naman natin papayagan ang ganyan sa baranggay ko a, ang mga baboy dapat talagang kinakatay na…”

 

***

 

Tumatahip ang matinding kaba sa didbdib ni Mang Art, namumutla ang mga mukha nito habang sakay ng traysikel at tangan tangan niya sa kanyang mga braso ang batang nakalabas ng puting gate, natyempuhan niya, nagtiyaga siyang mag-abang, nagdasal siya…

Walang kibo ang bata, paminsan-minsa’y nililingon siya nito, pinagsisino, kinikilala, waring iiyak, ngunit madalas tulala ito.

Hangos magligpit ng gamit si Mang Art, wala siyang sasayangin na sandali. Gayunpaman, hindi niya kinalimutang maghain muna ng natitirang pagkain para sa bata, gusto niyang makakain muna ito bago sila tumakas papalayo.

 

“anak, na’aandaan mo’a ako?” 

“a’ong ta’ay mo, anak ki’a…ma…’agal ka na’ng na’wawala…”

 

Nakatitig lamang ang bata sa kanya, blangko ang mga mukha.

 

***

 

“kilala nyo po ba yung bata, Kapitana?”

“aba’y balita ko ay isa sa mga ampon yan nung matandang intsik na negosyante dyan sa bahay na puti, yung pilantropo ba…”

 

***

 

Napaiyak si Mang Art di na siya kilala ng anak niya, namayat ito, ngunit hindi niya maipagkakailang ito si Jenny niya, ang mga bilugan at nangungusap nitong mga mata. Niyakap niya ito…niyakap ng mahigpit…niyakap ng buong pagmamahal…

Nagulat si Mang Art, gumagapang ang maliit na kamay ng bata sa harapan niya, sa kaselanan niya, hinihipuan siya. Saglit na lumuwag sa pagkakayakap ang lalaki, nagkaroon ng pagkakataon ang bata na gamitin ang isa pang kamay upang magtangkang buksan ang zipper niya. Dinudukot ang harapan niya habang nakatitig ito sa mukha niyang wala ni anumang emosyon.

Gulat na gulat si Mang Art, hindi niya alam kung ano ang iisipin, kung ano ang gagawin. Mukha at katawan man ito ng kanyang nawawalang anak, ngunit iba na ang espiritung nananahan dito.

 

“anong gi’awa nila s’yo anak…?

 

Pinalis niya ang mumunting mga kamay na humuhipo sa kanya, bagay na nagpagitla sa bata, waring nasaktan, natakot…humikbi…umiyak…

Mistulang sinakluban ng langit at lupa ang katauhan ni Mang Art, sa bulol-bulol niyang tinig at sa buhol-buhol niyang isipan, pilit niyang inaarok ang pinsalang dulot ng panahon sa anak niyang nasa harapan niya ngayon.

Pilit niyang kinukumbinsi ang sarili na isang masamang panaginip lamang ang lahat. Sa baluktot at nanginginig niyang kaliwang kamay, hinawakan niya ang balikat ng bata, nais niyang mayakap ito muli at sabihing ligtas na ito sa kababuyan ng mundo…

ngunit takot na ang bata at nagsimula nang umiyak, pumalahaw…

 

Dinig sa labas ng mga armadong nagmamasid ang iyak ng bata…

 

“anak…a’o ang ta’ay mo, ma’agal kang nawala…di mo na ba a’o naa’andaan?”

 

May dumungaw bahagya  sa bintana…

may kumaluskos sa likurang pinto…

may humimpil na mga sasakyang malalaki sa di kalayuan…

 

“aaa..nak, ako ‘to…”

 

May sumenyas…

may ngumisi…

may yumuko…

may nagtago…

 

“aalis na ayo di’o anak, lal’ayo na ‘ayo, ‘yun ma’layo…”

 

may sunod-sunod na pumutok…

 

 

  
Rom
lider ng raiding team sa sta. monica. nasabitan ng medalya dahil sa naganap na raid.

j luna's picture

Congrats sa medalya ha.

Congrats sa medalya ha. Kitakits sa sunod na raid, buy bust operation etc.

Rom's picture

no prob, pare next time

no prob, pare next time hanap tayong malakihang basyo barya-barya lang kasi ngayon e

 

KarikaTuura

Ailem23's picture

eto ba iyong sinasabi mo?

 hehehe..isa na naman malupet na kwento.. kuya, mukhang balik ka nga sa pagsusulat ng kwento ah.. iyong request ko ha, ung pinag-usapan natin.. hehehe.

*****

"Hindi por que magulo ay hindi na maayos. malay mo, ginugulo ka lang talaga para umayos ka." 

www.onlypurehearts.multiply.com

www.newdaybooks.multiply.com

Rom's picture

melay

unti-unti nagbabalik ako nakakasingit sa busy schedule. salamat sa pagbasa. onga gagawan ko ng malupit na twist yung kwentong request mo hehe...

 

KarikaTuura

leigh13diwata's picture

malupet...

ayos na naman ito ka rom!

sana marami pang kasunod... 

... bata-batuta... malaki ang batuta...

Rom's picture

leigh

salamat sa pagbasa Leigh, marami pa akong naimbak ilalabas ko unti unti hehe...

 

KarikaTuura

Adlesirc's picture

.

fiction ba ito kuya? ano yung nasa authors bio?

 

nakakagalit talaga. grabe ang mga pulis na yan. basta sa ngalan ng ikakaganda ng imahe nila, kahit ano gagawin.tsk tsk...

 

kawawang pamilya. sana hindi na maulit ang ganyang kwento sa totoong buhay. 

Rom's picture

anne

 hehe...fiction lang ito anne although andaming nangyayaring katulad nito

salamat sa pagbasa...

pansin ko nagkaka time ka na ngayon magbasa a mukhang di na busy ang lola... 

 

KarikaTuura

Adlesirc's picture

aw

fiction lang ba to kuya? hehehe..

 

 

medyo may time ako sa gabi lately kasi di masyado maraming work until the end of this month. =) im also hoping to finish my longest running novel hehehe

Rom's picture

oks yan

uy maganda yan bumabalik ka na ulit sa pagsusulat. cge lang miss ko na mga gawa mo e

 

KarikaTuura

sinta isaac's picture

...

 

ganitong mga post ang nami-miss ko sa FW...

 

'yung nagpapakita ng isang higanteng larawan ng totoong buhay. Hindi ka papakurapin kahit saglit, para kang hinihigop papasok at doon mo lubusang maiintindihan na bahagi ka pala ng mundong nais mong kasuklaman ngunit patuloy mong iniibig at nais pagkaingatan.

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

http://leserotika.i.ph/blogs/leserotika/                                                              


Rom's picture

sinta

 salamat sa pagbasa sinta namimiss ko na rin ang mga kwento mo...

 

KarikaTuura

love's picture

  Iba talaga  kapag gawang

 

Iba talaga  kapag gawang Rom hehe.

Na-miss ko ang mga gawa mo Kuya. Syempre na miss ko din kayo ni teena=)

 

 

  

 

Rom's picture

 salamat Jha, miss na kita

 salamat Jha, miss na kita dito sa FW balik na hehe...

 

KarikaTuura

spike_west's picture

Ayoko sana kitang purihin pero...

ANG GALING MO KUYA!

Nakapigil hininga ang bawat istorya, at nakakatuwa na may halong sosyal at pulitikal ang kwento mo!

Medyo talaga TATAK ROM ito, kaya alam kong pasok uli ito sa panlasa ng nakakarami!

Galing kuya! Pero isang hamon kuya, subukan mo kayang gumawa ng love story!Yun walang sosyal at politikal na mga isyu kundi cheesy love story!heheh ! Aabangan ko yun kuya!

Ingat! 

My Personal Blogs:

Mga kahanginan ng utak ko:

http://utaknidrake.blogspot.com/

Kwentong nagbibigay inspirasyon:

http://akingkwarto.blogspo

Rom's picture

love story

hehe salamat sa pagbasa spike. sa totoo lang nakapag sulat na ako ng love story na walang socio-political undertones naipost ko na rin dito ewan ko kung nabasa mo na ito http://www.filipinowriter.com/dis-oras-ng-gabi-sa-kanto-ng-timog-avenue

marami akong naiisip na plot para sa love stories kaso mas ginaganahan akong magsulat kung may matinding conflict ang ginagawa ko nararamdaman ko talaga ang pagiging writer.

di lang ikaw ang naunang humiling ng love story hehe...marami pa cge minsan i try ko ulit 

KarikaTuura

dyeppri's picture

Ang gara naman ng pagkakaayos nito...

Mahirap gawin ang ganitong estilo... kelangan ng matinding pagninilay. Sulat-bura... Lumulundag-lundag 'man ay naandoon parin sa kinatatayuan niya.

Laughingsalamat!

                           http://dyeppri.wordpress.com/

                       

Rom's picture

salamat dyep---at nagbalik

salamat dyep---at nagbalik ka!

habang naglalakad ako sa kalye bangkal dito sa Brgy san antonio na konsepto ko ang kwentong ito nung may makita akong isang batang pulubi at kinakalabit ako. tapos dun sya nakapwesto sa labas ng isang malaking gate. pag uwi ko binabad ko muna sa utak ko, incubation muna bago tinira ko na kinabukasan.

salamat sa pagbasa dyep! 

 

 

KarikaTuura

dyeppri's picture

Madalas naman po akong sumilip...

Marami na ngang nagsusulat dito. Ngunit may napapansin lang ako... ang binabantayan lang ng karamihan ay mga post nila, "hi and hello" lang ang tema. heheheLaughing 

                           http://dyeppri.wordpress.com/

                       

dyeppri's picture

Konting nits lang po..

 

 

1. May mga ilang aninong unti-unting gumagapang sa dilim ng paligid na tanging nasisinagan lamang ng liwanag ng buwan.-- parang 'di sakto dahil parang walang lalabas na anino kapag itoy sisinagan ng liwanag. Ang anino ay takot sa light 'di po ba.hehe...pero'yung paggapang ay normal na gawain niya'yan.

2. Ini-imagine ko kuya ang bawat eksena ngunit medyo nalalabuan po ako sa bawat pwesto nila. Nagsesenyasan gayong nasalikod ng bahay ang iba. Lumangit-ngit muna ang sahig bago sumilip sa bintana. Ang pagkakaalam ko po ata ay dapat ka munang sumilip sa taas o sa ibaba bago ka tumuloy papasok o paakyat.

3. Nauna pa makarinig ng impit na palahaw ang lider gayong siya ay nagmamasid sa may di kalayuan, ang tinuran ng kwento.

4. Papano po tatakas ang mamang baluktot ang siko gayong paralisado ang kalahati niyang katawan. Mahirap isipin na makakatakbo ito at magagawang barilin ng mgaa pulis... Salvage ba ito! Ngunit sasabit ang mga pulis sa SOCO kung duon din nila mismo itutumba ang mama dahil may tistigo sila, ang bata na anak pala nito!

Kung sa pagbasa lang po at pagsusuri ay mapapansin ito ngunit sa kabuuan naman ay na-sapol ninyo ang pakay ng istorya, yun nga lang kelangan pa itong padulasin para sa akin. Salamat kuya!  Smile

 

                           http://dyeppri.wordpress.com/

                       

Rom's picture

salamat dyepp!

 yan ang gusto ko kay dyep, pag nag comment may matututunan ako.

1. ganito kasi...ang anino lumalabas lang kapag may liwanag pansinin mo sa liwanag ng buwan mo makikita ang anino mo sa gabi pero kapag walang buwan total darkness walang anino.  

2.medyo malabo nga ang positioning dito sana mas inistablish ko muna ang deployment bago sinabi kung saan sila talaga pupwesto

3. ang lider kasi ang overall commander kaya siya ang nakikiramdam at nagbibigay ng kumpas ang focus nya ay ang mga tao sa loob

4. instinct ng tatay kahit imbalido ito na habulin o tumakas nang makitang babawiin na naman sa kanya ang anak niyang matagal niyang hinanap. tapos ang kilos niyang "kakaiba" na hindi naman naintindihan ng mga pulis ang nagbigay ng maling akala sa mga makati ang daliri sa gatilyo. gawain talaga ng mga pulis ang "umupak" kahit may testigo remember yung mag-ama sa paranaque na niratrat nila sa gitna ng trapiko kasi kasama daw sa mga nangholdap? e may batang kasama yun at kailan pa nakaya ng bata na mangholdap?

salamat sa comment dyepp lalong napapatalas nito ang mga pagsusulat ko at natututo ako sa mga puna mo. 

 

KarikaTuura

Rom's picture

tagal na pala

asus! 6 months ago na pala ang huling kwento ko...ayan na pressure na akong gumawa ulit. siguro after 6 months ulit hehe...

 

 

KarikaTuura