Ang Pinaka Simpleng Krus
hindi ko maalala kung kelan nag-umpisa ang paghahanap ko sa pinakasimpleng krus. gusto ko sanang magkaroon ng kwintas na krus bilang tanda ng aking pagiging kristyano at bilang paalala na rin na kailangan kong sumunod sa lahat ng utos at gumawa ng tama sa lahat ng pagkakataon. ang kwintas na krus sa leeg ko ang magsisilbing tagapagpaalala sa akin at sa tuwing mag-aalinlangan ako kung tama ba o mali ang gagawin ko hahawakan ko iyon at kakapain ang krus ng aking mga daliri upang maobliga akong gawin ang tama kahit na mahirap at kahit na ayokong magpakabait. ang kwintas na krus ang aking magiging konsensiya.
sa bawat simbahang napupuntahan ko dumadaan ako sa tindahan ng mga rosaryo, mga imahe, novena booklets at kung anu-ano pang may kinalaman sa simbahan. maraming kwintas na krus pero wala akong makitang simple lang. gusto ko nang simple dahil gusto kong maalala ang kasimplehan ng buhay ni Hesus. pero bigo akong makakita ng pinakasimpleng krus.
sa aking mga paglalakbay sa ibat-ibang simbahan, sa paghahanap ng pinakasimpleng krus marami akong nakasalamuhang tao mula sa iba't-ibang estado ng buhay. may mga mayayaman, mga middle class at mga mahihirap. lahat sila sa pananampalataya kumakapit dahil makikita mo sa mga mata nila habang nakatitig sa altar. walang pera o karangyaan, lahat pantay-pantay sa loob ng simbahan. lahat nananalangin, lahat humihingi ng tulong sa maykapal. nagsusumamo, nagmamakaawa. walang exempted, walang special. lahat sila humihingi ng tulong sa Diyos.
isang araw may nadaanan akong maliit na simbahan habang sakay ako ng jeep. kahit na wala naman sa plano ko noong araw na iyon ay nagpara ako at tinunton ang maliit na simbahan. hindi bale nang malate ako sa appointment ko basta gusto kong magbakasali na makita ang matagal ko nang hinahanap. sa pintong kahoy ng simbahan may isang matandang babae na nakaupo sa sulok. madumi ang damit, magulo ang tila naglalangis ng buhok. may isang plastic cup sa kanyang paanan na may lamang ilang barya. sabi nila wag daw akong tutulong sa mga pulubi o namamalimos sa daan kasi daw may sindikato daw na humahawak sa kanila. at kung tutulong ako ibig sabihin ay tinutulungan ko daw ang sindikato na lalong mag-operate sa ganitong klaseng gimik. kaya hindi ako nagbibigay sa mga namamalimos.
pumasok ako sa simbahan, maliit lang ang kabuuan nito. madilim ang altar dahil patay ang mga ilaw. may isang matandang lalaki na ika-ika maglakad na nagwawalis sa harap. may mangilan-ngilan ding tao na nagdadasal. naupo ako sa bandang gitna. tinitigan ko ang malaking krus sa harap ng altar. Lord, kelan ba ako makakahanap ng simpleng krus? tanong ko sa malaking krus. hindi naman ito sumagot, napangiti ako sa kalokohan ko. tumayo na ako at lumabas ng simbahan. nadaanan ko ulit ang matandang babae sa pintuan. nagdalawang isip ako kung bibigyan ko ba siya ng pera o hindi. narinig ko bigla sa isip ko ang nanay ko, "Wag mo silang lilimusan sindikato yan!" napailing ako. lumakad na ako palayo. may parang kung anong pumigil sa paa ko. liningon ko ulit ang matandang babae na noo'y nakatingin na sa akin. nagbuntong-hininga ako. dumukot sa bulsa at kinapa ang pera sa bulsa ko. forty pesos, dalawang tigbenteng buo. tsk, tsk, isip ko, wala na akong pangtricycle pag binigay ko sa kanya ang buong bente. nagdalawang isip ulit ako, madilim na ako makakauwi at kung ibibigay ko ang bente maglalakad na ako papasok ng subdivision namin. napatingin ako sa malaking krus sa harap ng altar mula sa labas ng pinto ng simbahan. pikit mata kong inihulog ang bente pesos sa plastic cup ng matandang babae. "Salamat anak, pagpalain ka ng Diyos," marahan niyang sabi sa akin. napangiti ako at bigla kong nakalimutan na maglalakad na ako dahil wala na akong pambayad ng tricycle.
sumakay ako ng jeep pabalik sa amin. nagbayad ako. pagdating sa intersection may sumakay na tatlong batang kay dudungis. may hawak silang mga basahan. ang pinakabata sa kanila ay mga apat o limang taong gulang. "Ano ba yang mga magulang nyo kayo ang pinagtatrabaho?" inis na puna na isang babae sa mga bata, sabay tingin sa labas ng bintana ng jeep. ang ibang pasahero ay nagkunwaring hindi nakikita ang tatlong bata, ang iba nagtext, ang iba naman ay tumungo at pumikit na animoy tulog habang ang iba ay nagkwentuhan. pinunasan ng isang bata ang sapatos ng mga pasahero at pagkatapos at nanghingi ng limos. umiling ang ibang pasahero, samantalang ang iba naman ay dedma. nang tumapat na sa akin ang bata tiningnan niya ako sa mata. parang nagmamakaawa. nakaunat ang palad. "Ate palimos po." napaisip ako. kung bibigyan ko siya ng piso pano naman yung dalawang kasama niya? kung limang piso naman kulang na ang pamasahe ko mamaya sa isa pang jeep. malayo-layo ang lalakarin ko kung hindi ako sasakay. sinubukan ko siyang dedmahin. pero kinalabit niya ako, "Ate palimos po pangkain lang." napatingin ulit ako sa bata. pinagtinginan kami ng ibang mga pasahero. halos maiiyak na ang bata. narinig ko na naman ang nanay ko, "Wag mo silang lilimusan sindikato yan!" dumukot ako sa bulsa ko at binigay ang limang piso. "Salamat ate," matamis ang ngiti ng bata sa akin, nagtaasan naman ang kilay ng katapat kong pasahero sabay tingin sa labas ng bintana.
pagbaba ko ng jeep binilang ko ang pera ko, eight pesos na lang hindi na abot pang jeep 9.50 kasi ang pamasahe ko. "Ano ka ba Sarah!!! ano bang nangyayari sa yo!!!" malakas kong saway sa sarili ko. may nakarinig sa aking vendor ng sigarilyo at tiningnan ako ng masama. napalakad tuloy ako ng mabilis. para malibang at makalimutan ko ang mga pinaggagawa ko kaya ako naglalakad ngayon pauwi, naningin ningin ako ng mga bahay at tindahang nadadaanan ko. dahil siguro likas na sa akin ang makiusyo hindi ko napigilang mapatingin sa isang grupo ng mga kabataan na nag-uumpukan sa isang tindahan. lumapit ako nang kaunti para makita kung ano ba ang pinagkakaguluhan nila. laking gulat ko nang makita ko ang isang batang sugatan sa ulo. putok ang bandang taas ng kilay niya at dumudugo. hindi siya umiiyak pero halatang nasa state of shock siya. "Anong nangyari sa kanya?" tanong ko sa isang bata na nasa tabi ko. "Nasagi po ng bike, tumama ang ulo niya sa gutter." napanganga ako. nabagok siya! nilapitan ko ang bata. "Boy hindi ka ba nahihilo? nasan yung nakasagi sayong bike?" umiling siya. napansin ko ang isang dalagita na nagbabantay sa tindahan. "May alcohol ba kayo at bulak?" tanong ko sa kanya, mukhang suplada ang mestisahing babae. umirap siya, "Wala" napailing tuloy ako. ang sama ng ugali ang ganda-gandang babae eh. "Pabili na lang ng band aid," mataray kong sabi sa kanya. padabog siyang kumuha ng band aid. "Salamat," sabi ko sa kanya. tiningnan ko ang sugat ng bata. hindi naman malalim pero nakakatakot pa din dahil sa ulo siya tinamaan. "Lagyan natin ng band aid." matapang ang bata hindi talaga umiyak kahit pinagkakaguluhan na. "San ka nakatira?" tanong ko sa kanya. "Sa kabilang kanto lang," sagot niya. "Tara samahan kita sa inyo." offer ko. umiling siya. "Sige na, kailangan kong makausap ang nanay mo kasi baka nadamage ang utak mo kailangan mong magpatingin sa ospital." umiling lalo siya. "Okay lang ako," matapang niyang sagot. hindi ko na siya mapilit. "sige umuwi ka na ngayon," utos ko. tumayo ang bata at tumakbo palayo. ni hindi man lang lumingon. napailing ako. nakaismid pa din ang magandang dalagita sa akin.
naglakad ulit ako pauwi. napadaan ako sa simbahan na pinagsisimbahan ko. kakatapos lang ng misa kaya may ilang ilaw na lang ang bukas. naupo ako sa paborito kong upuan, sa pinakaharap. tumitig ako sa malaking krus sa altar. "Lord san ba ako makakahanap ng pinakasimpleng krus? bigyan nyo naman ako ng sign," bulong ko sa hangin. hindi na naman siya sumagot. tumayo na ako para umuwi. bigla kong nakita ang paborito kong pari, nakaputing t-shirt at maong na pantalon. bata pa ang pari na ito, nasa late 30s lang, kahawig ni dingdong dantes pati buhok. "good evening father," bati ko sa kanya sabay mano. "Good evening," sagot naman niya. "Kamusta ka na?" tanong niya sa akin. nagulat ako dahil hindi naman niya ako kinakausap dati. "Ahm okay naman po father," pagsisinungaling ko, hindi ko kasi masabi sa kanya na maglalakad na ako pauwi dahil wala akong pamasahe. "Mabuti naman." ngumiti ako at sabay paalam. bago pa ako tuluyang makalakad nagsalita ulit si father. "Nakikita ka ng Diyos." napalingon ako sa kanya, "Po?" natawa siya sa reaction ko. "Nakikita niya ang lahat ng ginagawa mo sa kapwa mo. lagi mo yang tatandaan. god bless you. ingat ka sa pag-uwi," sabay talikod niya sa akin. napatunganga ako sa sinabi niya. wala naman siyang alam sa mga nangyari sa buhay ko at bakit naman niya sasabihin yun?
habang naglalakad pinilit kong balikan ang mga sinabi ni father sa akin. nakikita daw ako ng Diyos? anong ibig niyang sabihin? siguro kakaisip ko hindi ko napansin na may mababangga na pala akong mama. "Ooops!" sabi niya. "Muntik na!" nagsorry ako sa kanya, at sa sobrang hiya ay napayuko ako. biglang may napansin akong kumikinang sa kalsada. nilapitan ko iyon. kwintas. lumingon ako sa mama na muntik ko nang mabangga pero nawala siyang parang bula. dinampot ko ang kwintas. silver iyon na may pendant na maliit na krus. napakasimple. walang kung anong design ang krus at ang kwintas mismo. basta simple at maliit na krus. bigla kong naalala ang mga malalaking krus na kinausap ko kanina sa simbahan. at ang sinabi ni father. pati na ang matandang babae sa pinto ng simbahan, ang mga bata sa jeep at ang batang nasagi ng bike. nangiti ako. nakapulot ako ng kwintas na may napakasimpleng krus. ang hinahanap ko. tumingin ako sa langit, ang daming stars. "Thank you po lord!" malakas ang boses ko. hinalikan ko ang krus. Thank you po lord sa regalo. masaya akong lumakad pauwi. hindi ko na alintana ang mahaba at madilim na daan. nahanap ko na ang pinakasimpleng krus na matagal ko nang hinahanap.
sa di kalayuan nakatago sa poste ang mama na muntik ko nang mabangga. nakangiti ito at pinagmamasdan ako. "Mission accomplished boss!" bulong niya. sabay napalitan ang suot nya ng puting damit. nagliwanag ang mukha niya. at tila bulang naglaho sa hangin...


