Ang Problema sa Ating Mga Katoliko

ellise dominic's picture

Hindi ko maiwasan na sa tuwing magsisimba ay may mapapansin akong kakatuwa, kakainis at kakatawa sa loob ng simbahan.  Aminin na natin, sadyang imposibleng si Father lang ang gusto mong titigan sa buong isang oras, pwera na lang siguro kung crush mo si Father; 'yun bang sa altar ka lang lagi nakatingin bawal luminga-linga, bawal lumingon, bawal magmasid, bawal igalaw ang ulo, na animo'y isa kang estatwa.  Lalo na kung sa bandang gitna o likuran ka na nakaupo at halos hindi mo na maintindihan ang mga sinasabi sa mikroponong puro base na lang ang umaabot sa iyong kinalalagyan.  Natural mente wala kang ibang choice kung hindi ang igala ang mata sa iyong kapaligiran.  Normal lang naman 'yan.  

At dyan sa paggala-gala ng aking malikot na mata dyan ako nagkakasala.  Sabi kasi ni Father kapag nagsisimba daw karamihan sa mga nagsisimba ay hindi talaga nagsisimba kung hindi nagmamasid lang sa loob ng simbahan.  Pinupulaan ang mga tao sa loob ng simbahan, nagkukwentuhan, nagliligawan, nagtetext, natutulog, nagpapaluan, nagkakainan at kung anu-ano pang gimmick at palabas na nakikita ni Father pero wala syang magawa kung hindi ang hindi na lang ito pansinin.  Tsk. tsk. tsk.  Kawawang pari.

Kung tutuusin normal yan dito sa aming simbahan, ewan ko na lang sa ibang simbahan na mas sibilisado ang mga nagsisimba.  Dito kasi ang simbahan ay tila isang circus.  Ang mga bata kasi kahit kasama at katabi ang kanilang mga magulang, dedma lang kahit anong gawin ng mga anak.  Nandyang magtakbuhan, mag-iyakan, magtawanan, magkwentuhan, magkainan.  Dedma lang.  Para silang nasa ibang planeta at hindi nakikita ang mga pinag-gagagawa ng kanilang mga anak.  

Isang madalas kong naoobserbahan ay ang pag-iyak ng malakas ng mga bata edad 1 hanggang 6 o 7 taon.  Yung mga tipong di pa talaga nakakaintindi kung ano ba ang simbahan.  Basta bitbit sila ng mga nanay nila at iuupo sa bandang harapan pa minsan ng simbahan, dun sa mas kita ni Father.  Pagkatapos kapag medyo nakalipas na ang ilang minuto maiinip na sila at mag-uumpisa nang magtantrums.  Ayan na mag-eecho na ang iyak nila sa buong simbahan at kahit ayaw mong madistract sa misa, kahit anong pigil mo sa sariling wag silang tingnan, mapipilitan ka dahil kahit mismo si Father ay nakakalimutan na ang sermon dahil napapatunganga na din sa inang hindi malaman kung ibibitin ba o ingungudngod ang anak para tumahimik.  Ang iba naman dedma lang kahit halos pandilatan na sila ni Father upang patahanin ang bata, kunwaring sasawayin ang bata pero kunwari lang yun dahil kapag nagsawa na si Father sa pandidilat sa kanila pababayaan na ulit nyang maging kulay ube ang bata sa kakaiyak.

Kung hindi naman nag-iiyakan ang mga chikiting sa kalagitnaan ng misa, nagtatakbuhan naman sila o labas-pasok, na ang akala siguro nila ay isang malaking park ang simbahan.  Paroo't-parito sila na tila nasa Makati lakaran ng lakaran.  At kung magfashion show pa sila ay bultuhan.  Yung parang pila ng magbabanyo sa eskwelahan kapag recess.  Yung tipong imposibleng di mo mapapansin.  

At kung mapirme naman ang mga bata sa kanilang upuan, asahan mo na na lahat yan babangka sa kwentuhan kahit nasa harap na si Father at sinesermunan ang kanilang mga magulang.  Tawanan nang tawanan, kilitian nang kilitian, tulakan nang tulakan.  Mayroon pa nga ginawang tulay ang luhuran, naalala ko tuloy ang tulay sa Sta. Mesa kapag may baha, tila tumutulay sa baha ang mga pasaway na mga bata habang ang kanilang ina ay kunwaring hindi sila nakikita at taas kilay pang tumitig kay Father.

Isa pang normal dito ay ginagawang sinehan ang simbahan.  Sa gitna ng sermon bulto-bultong lalabas ang mga bata at bibili ng gulaman at chichiria sa labas tapos ay doon sa loob magkakainan.  Mayroon pa nga akong nakatabi noong linggo na mag-asawa na may dalawang anak.  Dahil nagbilihan at nagkakainan ang mga katabi nilang bata at ayaw naman nilang mainggit ang kanilang mga anak naglabas ng bente pesos ang ina at inutusan silang bumili din sa labas ng makakain.  Ang siste akala ko si Harry Potter si Father dahil kulang nalang ng popcorn sinehan na talaga sa kinauupuan ko.

Nakakatawang, nakakainis at nakakalungkot ang ganitong mga eksena sa simbahan tuwing linggo.  Naiintindihan ko naman na mabilis mainip ang mga bata lalo na at di naman nila naiintindihan ang mga pinagsasasabi ni Father, kung sa bagay kung ang mga magulang nga nila ay mahirap makaunawa ano pa kaya ang kanilang mga anak.  Nakakairita lang na hindi man lang nila sawayin at pagsabihan ang kanilang mga anak sa kung ano ang simbahan.  Hindi ba nila alam na sagrado ang misa at kahit di sila makinig sa pari igalang naman nila ito kahit sa pamamagitan lang ng pagkilos ng tama sa loob ng simbahan.  O kung sadyang makulit ang kanilang mga anak bakit hindi nalang sila doon sa labas ng simbahan kung saan hindi maiinip ang kanilang mga anak at makakakain ng hindi mababastos ang misa.  Sa tingin ko naman ay hindi pumapasok sa mga tenga nila ang sermon ni Father dahil kung naririnig nila ito sigurado akong hindi ganun ang kanilang iaasta sa loob ng simbahan.

Ang problema kasi sa ating mga katoliko hindi natin ginagalang ang kasagraduhan ng misa at ng simbahan.  Hindi man natin agad maipapaintindi sa mga bata ang ibig sabihin ng pagsisimba at pagdadasal, maari naman natin itong umpisahang ituro sa kanila sa pamamagitan ng tamang pagkilos sa loob ng simbahan.  Ang simpleng wag kang maingay, wag kang malikot, wag kang kumain dito, wag kang tumakbo o maglabas-pasok ay tama na para maimulat natin sila na ang simbahan ay dapat ginagalang.  Ang batang edad walo pataas ay nakakaintindi na maliban nalang kung hindi ito normal at hirap umintindi at sumunod sa kanilang mga magulang.  Ang hirap kasi sa ating mga katoliko ang akala natin sapat na ang magbihis at magsimba tuwing linggo, mag-antanda ng krus, lumuhod at kumanta ng Ama Namin, ang madalas nating makalimutan, naroon tayo para magdasal kaya importante dito ang katahimikan.  Madalas din nating nalilimutang ituro sa ating mga anak na sa ating relihiyon, iginagalang ang pari maging nasa harap man ito ng altar o nasa labas ng simbahan.  At ang pinakanakakalungkot sa lahat, nakakalimutan natin na ang simbahan, linggo man o ordinaryong araw, ay ang tahanan ng Diyos na dapat nating igalang.

 


robleza's picture

tama!

______________

 isang nakalulungkot na katotohanan...aside from some doctrinal preference isa rin sa dahilan ng pagtaliwas ng mga mananampalataya bilang katoliko ay ang kawalan ng peace and order sa loob simbahan...

_______________________________________________ 

"The great way to feel happines is to know nothing like what you have did when you're in childhood age."