Ang Tanghalan ng Bayan
Ang Tanghalan ng Bayan
ni Dap-ay Sapata
11 July 2008
‘para sa walang hanggang pagpupugay kina Melito “Ka Basbas” Tabaday,Anderson “Ka Tarsan” Simangen at Edies “Ka Maso” Casay.. Sila ay mga huwarang bayani ng uring anakpawis. Sila ay nagbuwis ng kanilang mga buhay sa matagumpay na reyd na inilunsad ng mga mahuhusay na mandirigma ng Agustin Begnalen Command-New People’s Army(ABC-NPA), sa detatsment ng 54th IB PA at CAA sa Bgry. Gangal, Sallapadan, Abra noong ika-7 ng Hunyo 2008. Ang reyd na ito ay ambag sa sistematikong pagbigo sa OPLAN Bantay Laya 2 ng Rehimeng US-Arroyo.
Isinisilang pa lamang ang bagong araw,
Nang kayo ay magtanghal.
Dahan-dahan, Tahimik, Gumagapang.
Pinapakalma ang ritmo sa dibdib.
Hinahabol ang lumalayong paghinga.
Ilang minuto pa at mangungusap na.
Ang mga tauhang nagpuyat sa paglalapat,
Nang mga awit at galaw na tutugon sa bawat kumpas.
Sa pagbukas ng telon na siyang hudyat.
Hindi mapakali ang makapal na pader ng hangin,
Sa walang puknat na pagsalo nito,
Sa bawat punglong pinapakawalan ng gatilyo.
Ang awitan ng mga ito’y nagbabadya, nagpapakilala.
Na sa larangan ng entabladong ito,
Hindi nananaig ang mga nagpapanggap na musikero,
Gayong sila’y umaawit ng pagkakanulo.
At umaastang tagapagtanggol sa katawan ng asong ulol.
Nagliliparan ang bawat himaymay ng mga palakpakan.
Sa bawat matalim na linya ng inyong panawagan.
Ang inyong paggalaw ay ekspresyon ng mga tauhang,
Mulat sa bawat bahagi nila sa tanghalan.
Nakakasilaw man ang panonood sa inyo ng higanteng ilaw.
Kayo ay lumusong at umahon sa bawat kumpas ng balaraw.
Sinisipat ang mga aninong nagtatago at gumagalaw,
Sa ngayo’y unti-unting gumuguho at napupulbos na kaharian,
Nang mga tauhang nagsasaboy ng karahasan sa bayan.
Sumabay sa nagmamalaking araw ang paglatag ng katarungan.
Nasa inyong palad na ang mga barikadang,
Nagsisilbing harang sa pagpapalawak ng maka-uring tanghalan.
Tanghalang, tinatangkilik ng mga matatatag na bisig,
Na umuukit ng gintong aral at kaalaman.
Tanghalan na nagsasalaysay ng bawat titik ng kalayaan.
Tanghalan na nagsasabuhay sa orkestra ng kaunlaran.
Tanghalan na walang pag-iimbot ninyong pinaglaanan,
Nang mga maningning na pahina ng inyong karunungan.
Magsara man… ang telon ng inyong tanghalan.
Naglalayag na sa kanluran ang masugid ninyong tagasubaybay.
Lumisan itong hindi nangusap at nagtanong.
“Kung paano ninyo ginawang makabuluhan,
Ang bawat pitik ng nagdaang araw?”
Pagkat siya mismo ay huwarang saksi.
Sa bawat sakripisyong inaawit;
Sa bawat pag-aalay na isinasadula,
Nang mga magigiting na artista ng sambayanan.
Sa teatro…ng tunay na paglilingkod sa bayan. #


