Ang Tugma, Sukat, At Alindog Sa Tradisyonal Na Panulaang Pilipino

Alexander Dagrit's picture

Ang Tugma, Sukat, At Alindog Sa Tradisyonal Na Panulaang Pilipino

.

.

.

Bago tuluyang magtungo sa tugma, sukat, at alindog ng tradisyonal na panulaang Pilipino, mahalagang matunghayan muna ang mga uri ng tunog at bigkas ng mga salitang Pilipino.

.

.

MGA URI NG TUNOG NG MGA SALITA

Ang mga salitang Pilipino ay mayroong iba't ibang uri ng tunog:

1. May impit na mabilis. Kung ang patinig ay binibigkas nang tuloy-tuloy at pasara (â, ê, î, ô, û), ang tunog nito ay may impit na mabilis. Ginagamit ito sa dulo ng mga salitang maragsa ang bigkas; sa gayon, ang tunog sa dulo ng gayong mga salita ay ganoon din: may impit na mabilis.

/â/: akmâ, badhâ, dalitâ, gibâ, hupâ, kaliwâ, simulâ, tubâ, ugâ, walâ

/ê/: bembê

/î/: binhî, gahî, hingî, iklî, kawangkî, luntî, muhî, pigî, tilî, untî

/ô/: anyô, bigô, dukmô, hintô, kulô, muktô, sundô, tukô, wastô, yugtô

/û/: tatû

Ang mga patinig na may impit na mabilis ang tunog ay ginagamit din sa dulo ng mga salitang mariin ang bigkas; sa gayon, ang tunog sa dulo ng gayong mga salita ay ganoon din: may impit na mabilis.

/â/: bigáypalâ, dalít-bansâ, kálunyâ, mámayâ, námamagâ, pulót-gatâ

/î/: malí-malî, kamuhí-muhî, nápangiwî

/ô/: kásundô, likú-likô, natútuyô, salá-gintô

2. May impit na banayad. Kung ang patinig ay binibigkas nang dahan-dahan at pasara (à, è, ì, ò, ù), ang tunog nito ay may impit na banayad. Ginagamit ito sa dulo ng mga salitang malumi ang bigkas; sa gayon, ang tunog sa dulo ng gayong mga salita ay ganoon din: may impit na banayad.

/à/: akalà, biyayà, diwatà, garà, hità, kubà, luhà, tihayà, sipà, yatà

/è/: bekè

/ì/: amukì, balì, gisì, kawalì, lapì, mungkahì, pilì, susì, tigì, warì

/ò/: akò, balahò, durò, guhò, katutubò, ligò, ngusò, pasò, sukò, tubò

Ang mga patinig na may impit na banayad ang tunog ay ginagamit din sa dulo ng mga salitang mariin ang bigkas; sa gayon, ang tunog sa dulo ng gayong mga salita ay ganoon din: may impit na banayad.

/à/: kátiwalà, lámang-lupà, mápariwarà, magdaláng-awà

/ì/: mánanahì, nangíngibì, pánikì

/ò/: nápasubò

3. Walang impit (at mabilis ang bigkas). Kung ang patinig ay binibigkas nang tuloy-tuloy at hindi pasara (á, é, í, ó, ú), ang tunog nito ay walang impit. Ginagamit ito sa dulo ng mga salitang mabilis ang bigkas; sa gayon, ang tunog sa dulo ng gayong mga salita ay ganoon din: walang impit.

/á/: adyá, buká, diktá, halá, kuhá, maantá, ngangá, puná, simbá, tulyá

/é/: halé

/í/: aligí, bilí, dumí, gantí, irí, kublí, lansí, maskí, suwí, waksí

/ó/: akó, bagyó, kalbó, dapyó, guló, lunó, noó, simbuyó, tuksó, ubó

Ang mga katinig na walang impit ang tunog (at mabilis ang bigkas) ay ginagamit din sa iba-ibang pantig at sa dulo ng mga salitang mariin ang bigkas; sa gayon, ang tunog sa dulo ng gayong mga salita ay ganoon din: walang impit.

/á/: bálaná, kálulwá, kiníkitá, lápidá, mákiná, músiká, óperá, pábulá

/é/: élisé

/í/: di-mápakalí, náhulí, táhurí

/ó/: ánimó, bíyatikó, depósitó, epikó, líkidó, máginoó, nátutó, trápikó

4. Walang impit (at banayad ang bigkas). Kung ang patinig ay binibigkas nang dahan-dahan at hindi pasara (a, e, i, o, u), ang tunog nito ay walang impit. Ginagamit ito sa dulo ng mga salitang malumay ang bigkas; sa gayon, ang tunog sa dulo ng gayong mga salita ay ganoon din: walang impit.

/a/: ága, bága, kíta, dalága, háwa, lása, máya, píta, sinaúna, yáya

/e/: ále, babáe, kláse, gábe, héle, lénte, mónghe, paléngke, síge

/i/: bíbi, buháwi, díni, ígi, kilikíli, ngísi, oyáyi, pípi, saríli, táksi

/o/: aníno, bágo, katóto, hálo, líbo, matalíno, píno, síko, táo, unáno

5. Malakas. Ang mga katinig na b, d, g, k, p, s, at t ay malakas ang tunog. Sa gayon, ang tunog sa dulo ng mga salita na nagtatapos sa mga katinig na ito ay ganoon din: malakas.

/b/: álab, liyáb, sánib, liblíb, taób

/d/: gáwad, ladlád, lúbid, hatíd, hágod, pudpód

/g/: pápag, palág, pánig, sahíg, húlog, tunóg

/k/: bálak, halták, búlik, halík, bátok, taluktók

/p/: apúhap, sapsáp, lírip, tahíp, háyop, tiklóp

/s/: gátas, ligtás, páwis, tamís, batíkos, kaluskós

/t/: áwat, tapát, lápit, damít, ámot, gamót

Ang mga katinig na malakas ang tunog ay ginagamit din sa mga salitang mariin ang bigkas; sa gayon, ang tunog sa dulo ng gayong mga salita ay ganoon din: malakas.

/b/: nágliliyáb, násubasób

/d/: kinákapatíd, nalúlugód, namámanhíd, násamíd

/g/: kánugnog, nangíngílag, nálalaglág, nárinig, náuntóg

/k/: dumádapúrak, mápahámak, námamarák, nanánabík, túktók

/p/: nátutóp

/s/: lumálabás, mádupílas, nagpúpuyós

/t/: kinákatíkot, nakayáyamót, nápamulágat, náwaglít, sábukót

6. Mahina. Ang mga katinig na l, m, n, ng, r, w, at y ay mahina ang tunog. Sa gayon, ang tunog sa dulo ng mga salita na nagtatapos sa mga katinig na ito ay ganoon din: mahina.

/l/: ángal, dangál, dáhil, ukilkíl, sípol, tahól

/m/: ínam, linamnám, ánim, taním, lágom, kuyóm

/n/: káwan, pinggán, hángin, tingín, dáhon, taón

/ng/: báwang, kináng, síning, tudlíng, kálong, pagóng

/r/: asár, mártir, doktór

/w/: hálaw, galáw, sáliw, liwalíw

/y/: kílay, gabáy

Ang mga katinig na mahina ang tunog ay ginagamit din sa mga salitang mariin ang bigkas; sa gayon, ang tunog sa dulo ng gayong mga salita ay ganoon din: mahina.

/l/: bódabíl, bóliból, mánananggól, máparoól, pánggigítil

/m/: nagkíkimkím

/n/: álinlangán, báyaníhan, kágawarán, kúlúngan, mágasín, pángitaín

/ng/: gumágápang, mánibaláng, málulóng

/r/: éditór

/w/: madalíng-áraw, naúúhaw

/y/: bukáng-liwaywáy, di-mápalagáy, másinsáy, págsasanáy

Noong 1987, nang maragdagan ang mga titik ng alpabetong Pilipino, naragdagan din ang mga katinig na itinuturing na may malakas na tunog: c, f, j, q, v, x, at z. Sa gayon, ang tunog sa dulo ng mga salita na nagtatapos sa mga katinig na ito ay ganoon din: malakas.

Ang h at ñ ay hindi nabibilang sa alinmang pangkat ng mga tunog dahil walang salitang Pilipino na nagtatapos sa mga salitang ito.

.

.

MGA URI NG BIGKAS NG MGA SALITA

Ang mga salitang Pilipino ay may anim na uri ng pagbigkas:

1. Maragsâ – kapag ang salita ay nagtatapos sa patinig, at binibigkas nang mabilis, tuloy-tuloy, at may impit na mabilis sa dulo. Ang diin ay nasa huling patinig, at ang sagisag o tuldik ng diin ay pakupya (^).

/â/: akdâ, biglâ, digmâ, gawâ, hiyâ, likhâ, kutyâ, ngatâ, pisâ, tugmâ

/ê/: tulê

/î/: balî, daglî, gawî, hapdî, lunggatî, kimî, malî, ngitî, pigî, suhî, tupî

/ô/: bungô, gintô, hapô, kulô, pulô, samyô, tagô, upô, wastô, yukô

2. Malumì – kapag ang salita ay nagtatapos sa patinig, at binibigkas nang dahan-dahan, may saglit na paghaba o pagtaas ng patinig sa ikalawa sa huling pantig (penultima) nito, at may impit na banayad sa dulo. Ang diin ay nasa huling patinig, at ang sagisag ng diin ay paiwa (`).

/à/: binatà, diwà, galà, hinà, kalingà, lupà, malayà, pinsalà

/è/: nenè, tiyanggè

/ì/: amukì, busisì, dalirì, gusì, harì, kawalì, lipì, munì, ngingì, susì, tiyanì

/ò/: alò, birò, dapò, guhò, hangò, kurò, ligò, pugò, siphayò, tibò

3. Mabilís – kapag ang salita ay nagtatapos sa patinig o katinig, at binibigkas nang tuloy-tuloy, walang saglit na paghaba o pagtaas ng patinig sa penultima nito, at walang impit sa dulo. Ang diin ay nasa huling patinig, at ang sagisag ng diin ay pahilis (′).

/á/: amá, buká, dalá, gandá, hiningá, iná, limá, masayá, nilá, puntá

/é/: ataké, baldé, ditsé, gulpé, helé, kapé, plaké, sisté, tangké

/í/: aní, bilí, dumí, gabí, kamí, liksí, marumí, nirí, putaktí, tutubí, wilí

/ó/: anó, butó, damó, guló, hiló, kayó, litó, noó, pitsó, sikó, tuliró

/b/: dibdíb, habháb, kintáb, lublób, marubdób, subsób, tigíb

/d/: agád, bilád, gadgád, kidkíd, lingíd, manhíd, sunód, tagudtód

/g/: alóg, bibíg, dalág, kulóg, labág, pintíg, sahíg, tagtág, untág

/k/: anák, biták, dikdík, hibík, katók, lubák, purók, sinók, tiyák

/p/: atíp, dahóp, ganáp, hagíp, kisáp, langkáp, mailáp, saráp, takíp

/s/: aklás, bigás, dahás, gasgás, malakás, puspós, sintás, tamís

/t/: aklát, bigát, dikít, gupít, kidlát, lahát, malagkít, payát, sibát, tuyót

/b/: álab, dagítab, hílab, kútab, lúsob, pangánib, súkob, taláhib, úkab

/d/: ánod, búkid, hinúhod, káyod, malápad, páhid, súyod, tagúyod

/g/: bísig, dúmog, káhig, masípag, pag-íbig, sigásig, táyog, ulínig

/k/: álak, bátak, dágok, gáwak, kákak, lúsak, pílak, súlok, tútok

/p/: ágap, di-maísip, hagílap, kálap, língap, panagínip, sinop, úsap

/s/: ágas, búhos, dílis, gápas, hímas, kílos, lítis, páwis, siláhis, tíkas

/t/: áwat, bíngit, dúlot, gámit, hílot, kuyápit, lígat, maínit, súlat, talúlot

4. Malúmay – kapag ang salita ay nagtatapos sa patinig o katinig, at binibigkas nang dahan-dahan, may saglit na paghaba o pagtaas ng patinig sa penultima nito, at walang impit sa dulo. Ang diin ay nasa patinig ng penultima, at ang sagisag ng diin ay pahilis (′) din.

/a/: búnga, gáya, hiléra, kúya, lása, múra, nípa, páta, ráya, tinóla

/e/: áte, babáe, dóte, gábe, héle, kaliwéte, líbre, mónghe, putáhe

/i/: anáki, dáti, halígi, ígi, laláki, mabúti, ngísi, rámi, síbi

/o/: anímo, búko, dáyo, góto, hílo, kúto, líbo, magkáno, púto, táo

/l/: almusál, bukál, gatól, halál, kurál, lindól, mahál, pasyál, sugál

/m/: alám, dilím, gutóm, hirám, kimkím, lagím, malalím, pahám

/n/: bunton, doón, gaán, hagdán, kariktán, lakán, masdán, panahón

/ng/: abáng, bintáng, gulantáng, hilíng, kangkóng, lusóng, singsíng

/r/: bilyár, doktór, kolyár, lugár, menór, padér, talyér, ulsér

/w/: alíw, banláw, diláw, galáw, hiláw, kalabáw, litáw, pakyáw, sabáw

/y/: akbáy, bigáy, digháy, gabáy, hintáy, kamáy, suysóy, tuláy

/l/: ásal, bákal, dáhil, gígil, hiláhil, kalákal, lípol, pátol, súhol, tákal

/m/: ásim, bálam, gútom, hílom, kúlam, lágom, maínam, pakímkim

/n/: ákin, bilíhan, dúyan, haláman, kaibígan, likmúan, súman, tángan

/ng/: bílang, dáing, gíting, híging, kúlang, lúsong, magúlang, tábing

/r/: gárter, helikópter, kánser, líder, mártir, pláster, rebólber, talúrok

/w/: áraw, búgaw, dúngaw, gíliw, kágaw, línaw, sítaw, tákaw

/y/: álay, bágay, dúlang, gíray, hánay, kúlay, láboy, pálay, tinápay

5. Mariin – kapag ang salita ay nagtatapos sa patinig o katinig, at binibigkas nang may-kabigatan binibigkas sa ikatlo, ikaapat, ikalima, o higit pang pantig mula sa huling pantig. Ang diin ay nasa patinig ng ikatlo, ikaapat, ikalima, o higit pang pantig, at ang sagisag ng diin ay pahilis (′) din. Maaaring sa patinig ng huling pantig ay iba na ang diin.

ika-3 mula sa huling pantig: maáarì, nárito, páwíkan, Saligáng-batás

ika-4 mula sa huling pantig: ábuluyán, épilogó, nanggígitatà, nápipintô

ika-5 mula sa huling pantig: mápagkamalán, mápariwarà, nangángalumbabà

ika-6 mula sa huling pantig: págpapatiwakál

6. Malaw-aw – kapag ang salita ay binibigkas nang pahakdaw sa huling pantig ng salita, na mistulang pinaghihiwalay ang ikalawang huling katinig o huling katinig at ang huling patinig sa pamamagitan ng gitling (-) at hindi ng tuldik.

agay-ay, agaw-aw, alay-ay, aliw-iw, an-an

gab-i, ig-ig, palaman-an

salag-oy, tung-ol

ug-og, uk-ok, ut-ot

.

.

TUGMA

Ang tugma ay ang pagkakatulad ng tunog sa dulo ng mga salita na nasa hulihan ng dalawa o higit pang magkasunod na taludtod. Makikilala ang tunog sa pamamagitan ng pagbigkas ng dulong patinig o ng dulong katinig ng mga salita.

.

MGA ANTAS NG TUGMA

May apat na antas ng tugma ang tradisyonal na panulaang Pilipino.

1. Tugmang Karaniwan ang Antas

Ang pinakamatanda at pinakapalasak na antas ng tugma. Ginamit ito ng mga sinaunang Pilipino sa kanilang mga tula (tanaga, dalit, epiko), at maging sa kanilang mga salawikain, sawikain, kawikaan, palaisipan, bugtong, at awit.

Namayani rin ito noong panahon ng pananakop ng mga Espanyol (1565-1898) – sa mga aklat ng Pasyon at sa mga tula nina Jose dela Cruz, Francisco Balagtas, Jose Rizal, at iba pa.

Magpahanggang ngayon, ito pa rin ang pinakakaraniwang antas ng tugma sa tradisyonal na panulaang Pilipino.

May dalawang uri ng antas na ito: karaniwang tugmang patinig at karaniwang tugmang katinig.

Sa karaniwang tugmang patinig, ang mga salitang pantugma ay dapat na magkatulad ang mga huling patinig at ang tunog sa dulo (may impit sa may impit o walang impit sa walang impit).

Sa loob at labas ng bayan kong sawì,

Kaliluha’y siyang nangyayaring harì,

Kagalinga’t bait ay nilulugamî,

Ininis sa hukay ng dusa’t pighatî.

(Francisco Balagtas, Florante at Laura, 1838)

Ang mga salitang pantugmang sawì, harì, nilulugamî, at pighatî ay pare-parehong nagtatapos sa patinig na i, at pare-parehong may impit ang tunog sa dulo.

Ang salita nati'y huad din sa ibá,

Na may alfabeto at sariling létra,

Na kaya nawala'y dinatnan ng sigwá

Ang lunday sa lawa noong dakong úna.

(Jose Rizal, "Sa Aking Mga Kabata," 1869)

Ang mga salitang pantugmang ibá, letrasigwá, at úna ay pare-parehong nagtatapos sa patinig na a at pare-pareho ring walang impit ang tunog sa dulo.

Sa karaniwang tugmang katinig, inuri ni Jose Rizal noong 1887 sa dalawang pangkat ng mga tunog ang mga katinig: malakas at mahina.

Malakas ang tunog kung ang salita ay nagtatapos sa b, k, d, g, p, s, t. Mahina ang tunog kung ang salita ay nagtatapos sa katinig na l, m, n, ng, r, w, y.

Noong 1987 nga, nairagdag bilang mga katinig na malakas ang tunog ang c, f, q, v, x, z.

Sa antas na ito, ang mga salitang pantugma ay dapat na magkakatulad ang mga huling patinig (a, e, e-i, i, i-e, o, o-u, u, u-o) at ang tunog (malakas sa malakas, mahina sa mahina).

Ang laki sa layaw karaniwa’y hubád,

Sa bait sa muni’t sa halot ay salát

Masaklap na bunga ng maling paglingáp,

Habag ng magulang sa irog na anák.

(Francisco Balagtas, Florante at Laura, 1838)

Ang mga salitang pantugmang hubád, salát, paglingáp, at anák ay pare-parehong nagtatapos sa huling patinig na a at sa mga patinig na d, t, p, at k, ayon sa pagkakasunod, at sa gayo’y malakas ang tunog sa dulo.

Ang wikang tagalong tulad din sa látin,

Sa ingles, kastila, at salitang ánghel,

Sa pagka ang Poong maalam tumíngin

Ang siyang nagbigay, naggawad sa átin.

(Jose Rizal, "Sa Aking Mga Kabata," 1869)

Ang mga salitang pantugmang látin, ánghel, tumíngin, at átin ay nagtatapos sa mga patinig na i-e, at sa mga katinig na n, l, n, at n, ayon sa pagkakasunod, at sa gayo’y mahina ang tunog sa dulo.

2. Tugmang Tudlikan ang Antas

Ito ay antas na mas mataas sa tugmang karaniwan. Nagagamit na ito noon pa mang unang panahon, subalit higit na nabigyan ng pansin nang pumasok ang mga unang dekada ng Siglo 20 (1900-1930).

Sa antas na ito, ang mga salitang pantugma ay hindi lamang dapat na magkakatulad ang mga dulong patinig, at ang mga tunog sa dulo, kundi maging ang mga bigkas (maragsa sa maragsa, malumi sa malumi, mabilis sa mabilis, o malumay sa malumay).

Nais kong sa buhay ng ating pag-ása,

Walang makatagpong anino ng dúsa.

(Lope K. Santos, "Pagtatapat," 1926)

Ang mga salitang pantugmang pag-ása at dúsa ay parehong nagtatapos sa patinig na a, parehong walang impit ang mga tunog sa dulo, at parehong malumay ang bigkas.

3. Tugmang Pantigan ang Antas

Ang antas na ito ay panukala (at sa gayo'y imbensiyon) ng pamosong Virgilio S. Almario. Isinulong niya ito noong Dekada 1970 dahil nahihirapan ang maraming tradisyonal na makatang Pilipino na magamit sa kanilang mga tula ang pinakamataas na antas ng tugma (tugmang dalisay ang antas).

Sa antas na ito, ang mga salitang pantugma ay hindi lamang dapat na magkakatulad ang mga tunog sa dulo at bigkas, kundi maging ang mga dulong patinig-katinig o dulong katinig-patinig.

Sa araw ng aking mahahabang antók,

At di-mapigilang pagputi ng buhók,

Sisilip-silipin sa bintanang gapók,

Ang musmos na araw at sumpang marupók.

(Rio Alma, "Ang Bungi ni Ani," 1984)

Ang mga salitang pantugma na antók, buhókgapók, at marupók ay pare-parehong malakas ang tunog sa dulo, pare-parehong mabilis ang bigkas, at pare-parehong nagtatapos sa patinig-katinig na ok.

4. Tugmang Dalisay ang Antas

Ang pinakamataas na antas ng tugma, at ang pinakamahirap gamitin. Isinulong ito ng pamosong makata-manunulat-at dalubwikang si Iñigo Ed. Regalado noong Dekada 1950, at siya rin ang naging pinakamahusay sa paggamit ng antas na ito.

Sa antas na ito, ang mga salitang pantugma ay hindi lamang dapat na magkakatulad ang mga tunog sa dulo, bigkas, at dulong patinig-katinig o dulong katinig-patinig, kundi maging ang patinig sa penultima ng mga ito.

Sintang kaibigan: Mangyaring lasáhin

ang katas ng Tulâ;

Suriin mo lamang matapos basáhin

ang dahil at mulâ.

(Iñigo Ed. Regalado, "Paunang Salita," Damdamin, 1965)

Ang mga salitang pantugmang lasáhin at basáhin ay parehong mahina ang tunog sa dulo, parehong malumay ang bigkas, parehong nagtatapos sa patinig-katinig na in, at parehong a ang patinig sa penultima.

Ang mga salitang pantugmang Tulâ at mulâ ay parehong may impit ang tunog sa dulo, parehong maragsa ang bigkas, parehong nagtatapos sa katinig-patinig na la, at parehong u ang patinig sa penultima.

.

SUKAT AT ALINDOG

Ang sukat ay ang bilang ng pantig sa isang taludtod. Sa makalumang panulaang Pilipino, may apat na pangunahing sukat: aapatin, wawaluhin, lalabindalawahin, at lalabing-animin.

Sesura – ang hati sa pagitan ng dalawa o higit pang pangkat ng mga pantig sa isang taludtod. Layunin nito na mabigyan ng pahinga ang pagbasa.

Madalas na iisa lamang ang sesura o hati sa bawat taludtod. Kapag ganito, ang bilang ng pantig sa unang hati ng taludtod ay dapat katumbas ng bilang ng pantig sa ikalawang hati. Halimbawa, kung wawaluhing sukat, dapat ay apat ang pantig sa unang hati at apat din sa ikalawang hati (4-4). Kung lalabindalawahing sukat, dapat ay anim ang pantig sa unang hati at anim din ang pantig sa ikalawang hati (6-6). Kung lalabing-animing sukat, dapat ay walo ang pantig sa unang hati at walo rin ang pantig sa ikalawang hati (8-8).

May iba pang paraan ng paglalagay ng sesura. Ang 6-6 na hati ay maaaring gawing 4-4-4. Ang 8-8 naman ay maaaring gawing 6-6-6.

Dahil sa sesura, hindi nararapat na hatiin ang salita o ang diwa upang mapanatiling mainam ang alindog (aliw-iw o daloy) ng tula. Dahil hindi dapat hatiin ang diwa, ang bawat hati ng taludtod ay

Hindi dapat na mag-umpisa sa

pandamdam na ba;

pandiwa na daw o raw;

pang-abay na din, rin, man, nga, pa, ho, po, o yata;

panghalip na ka, ko, mo, nila, nina, nino, ninyo, niyaon, at niyon;

at pang-uri na niri, nito, niyan, o niyari.

At hindi rin dapat na magtapos sa

pandiwa na ay;

pang-abay na kapag, kapagka, pag, pagka, nang, para, o upang;

pangatnig na at o kung;

pantukoy na ang, mga, ni, nina, si, o sina;

at pang-ukol na kay, kina, ng, o sa.

Ang sagisag ng sesura ay dalawang pahilig (//).

Lalabindalawahing pantig:

Sumikat na Ina // sa sinisilangan

Ang araw ng poot // ng Katagalugan,

Tatlong daang taong // aming iningatan

Sa dagat ng dusa // ang karalitaan.

(Andres Bonifacio, "Katapusang Hibik ng Pilipinas," 1896)

Sa tulang ito, tig-aanim ang pantig sa una at ikalawang hati ng bawat taludtod.

Lalabing-animing pantig:

Bawa't palo ng martilyo // sa bakal mong pinapanday,

Alipatong nagtilamsik // alitaptap sa karimlan;

Mga apoy ng pawis mong // sa bakal ay kumikinang,

Tandang ikaw ay may-gawa // nitong buong Santinakpan.

(Jose Corazon de Jesus, "Manggagawa," 1929)

Sa tulang ito, tigwawalo ang pantig sa una at ikalawang hati ng bawat taludtod.

Dahil sa sukat at sesura, nagkakaroon ng musikalidad o himig ng awit ang alindog ng tula. Isa pa ito sa ikinagaganda ng tradisyonal na tulang Pilipino. May awit ang tula.

Subukin ninyong awitin ang mga taludtod ng Florante at Laura sa tono ng mga kantang "Atin cu pung singsing" o "Leron, Leron Sinta."

Ganyan kasalimuot ang tradisyonal na panulaang Pilipino. Tanging mga tunay na makata lamang ang nagtatagumpay sa larangang ito.

Ang mga tunay na makata ay iyong nangag-aral muna ng tungkol sa panulaang Pilipino at nangagbasa muna ng katakot-takot na tula at aklat bago nagsimulang sumabak na kumatha ng tula.

.

Talasanggunian:

Almario, Virgilio S. Taludtod at Talinghaga: Mga Sangkap ng Katutubong Pagtula (1985).

Rizal, Jose. "Ang Sining ng Panulaang Tagalog" sa Mga Iba't Ibang Sinulat Ni Rizal (1964).

Santos, Lope K., Balarila ng Wikang Pambansa (1939).

Torres, Cesario Y. "Ang Tula" sa Makabagong Pananaw Sa Wika at Panitik (1976).


Alexander Dagrit's picture

Buod

 

BUOD

 

Mga tunog ng mga salita:

1. May impit na mabilis

2. May impit na banayad

3. Walang impit (at mabilis ang bigkas)

4. Walang impit (at banayad ang bigkas)

5. Malakas

6. Mahina 

 

Mga uri ng bigkas:

1. Maragsa

2. Malumi

3. Mabilis

4. Malumay

5. Mariin

6. Malaw-aw

 

Mga antas ng tugma ng tradisyonal na tula:

1. Tugmang karaniwan

2. Tugmang tudlikan

3. Tugmang pantigan

4. Tugmang dalisay

 

Mga pangunahing sukat ng tradisyonal na tula:

1. Aapatin

2. Wawaluhin

3. Lalabindalawahin

4. Lalabing-animin

 

 

KARAGDAGAN

Hindi ito lektyur, at wala akong panahong mag-lektyur kaninuman. Ito ay pagbabahagi lamang ng aking mga nabasa sa mga kapwa ko naghahangad na maging mahusay na makata.

Sabi nga ng mga batikan, guro, kritiko, at kanon ng panulaang Pilipino, ang sinumang pumuposturang makata na walang kabatiran sa tradisyonal na panulaang Pilipino ay isang mababang uri ng makata lamang.

 

 

 

Ang Tugma, Sukat, at Alindog sa Tradisyonal na Panulaang Pilipino

Kultong Rizalismo (sanaysay ni Jon E. Royeca)

 

Amos Tarana's picture

ehem

salamat alex, malaking tulong ito lalo na sa mga tulad kong nagsusulat sa filipino. 

- Amos Tarana - http://amostarana.blogspot.com/ 

Alexander Dagrit's picture

Salamat din

 

Salamat din sa pagbasa, amos.

 

 

 

Ang Tradisyonal Na Panulaang Pilipino

 

 malaking tulong nga

 malaking tulong nga ito....

salamat.

" hindi makagagawa ang makata ng tula ng walang karanasan ang kanyang  mga musa, kung di gayon, walang kaluluwa ang kanyang paksa"

Alexander Dagrit's picture

Salamat din

 

Salamat din sa iyo, talulot.

 

 

 

Ang Tradisyonal Na Panulaang Pilipino

 

Rhea Stone's picture

!

 

Kinopya ko po ito at nagprint ako para mapag-aralan. Malaking tulong ito para sa amin. Sana ay magbahagi pa kayo ng iba pang babasahin tungkol sa paggawa ng tula.

 

Susubukan ko talagang makapagsulat ng tula gamit ang mga nabanggit na tugmaan.

 

Salamat!

 

http://reyastone.blogspot.com/

Alexander Dagrit's picture

Rhea

 

Salamat din sa iyo.

 

Sabi nga ng premyadong makata-manunulat-kritiko-guro-at-dalubwikang si Prop. Michael M. Coroza, dapat daw ay magtaglay ng tatlong katangian ang sinumang nais maging makata:

1. Malalim na kabatiran sa tradisyonal na panulaan

2. Pagiging bukas sa mga makabagong pagsulong ng panulaan

3. Pagiging handa na makapagpasok ng mga reporma sa panulaan

 

Kung ang sinuman daw na pumupustorang maging makata ay walang sapat na kaalaman sa tatlong bagay na iyan ay pawang mga tersera klase (3rd class), kuwatro klase (4th class), o singko klase (5th class) na makata lamang.

 

Excited na akong mabasa ang mga tula mong nasa higit na mataas na antas ng tugmaan. Paborito ko kasi ang mga ganyang tula.

 

 

 

Ang Tradisyonal Na Panulaang Pilipino

 

jonsdmur's picture

salamat sa pagbahagi

Mga Obra ni Jonsdmur

Balarila - Wastong Gamit ng Salita

pag aaralan ko ito.. kaso matagal bago matuto... mahina kasi utak ko....

salamat ulit.... 

Alexander Dagrit's picture

jons

 

Jonathan, salamat din.

Sana, maging batikang makata ka rin.

 

 

Ang Tradisyonal Na Panulaang Pilipino

 

jonsdmur's picture

alam mo na pala name ko?

Mga Obra ni Jonsdmur

Balarila - Wastong Gamit ng Salita

saan mo nakuha? sana nga maging batikan,... pero try ko gumawa ng poem... mas mabilis kasi gumawa kaysa sa kwento... kung bihasa ka na... isang upuan pwede ka ng magsulat ng tula,.,, kaysa sa kwento....

oo nga pala... about sa cover na papagawa mo.. pwede naman... kaya lang dapat makilala kita sa personal... para alam ko kung sino gagawan ko diba..... at kailangan may copy ako ng book with autograph heheehehehe.. ang mahalaga makilala kita kung sino ka talaga..... parang business kasi yan dapat kilala mo ung gagawan mo... tama diba?

like melay.. nakilala ko talaga at na meet ko... kasi need din communication pag ginagawa na.....

Sana maka published ka... gagamitin mo ba real name mo? o may pet name ka este pen name o code name? 

Ako mas gusto ko real name ko.. 

Alexander Dagrit's picture

Saan ko nakuha?

 

Di ba, may kontak tayo sa email? At madaya ka kasi pag ayaw mong sagutin, totally na silent ka.

Tungkol sa cover, baka mga 2-3 years pa iyon kasi kalahati pa lang ang naisusulat ko, pamparokya level lang, at hindi pa sure kung may sponsor talaga. Hindi tulad ng kina Melay na New Day ang publisher at nationwide o  international yata ang market reach.

Alexander Dagrit ang gagamitin kong name sa book.

Hindi naman kailangang magkita pa tayo nang personal. Puwedeng sa email na lang ang communication natin, di ba?

Sige, salamat. 

 

 

 

Ang Tradisyonal Na Panulaang Pilipino

 

parasol's picture

galing!

 

ang ganda naman  po ng post nyo, baka pwede naman po humingi ng tips para makasulat po ako ng magandang tula o ng isang maayos na akda?

 

salamat po.. antay ko po ang inyong sagot

Alexander Dagrit's picture

Salamat

 

Salamat naman kung nagandahan ka sa post na ito.

Hindi mo na yata kailangan ng mga tips. Binasa-basa ko ang mga tula mo, at bihasa ka na.

 

Pasensiya ka na kung ngayon lang ako nakasagot. Kamakailan lang kasi, nawalan na naman ako ng regular na trabaho.

Sa ngayon, naglalako ako ng mga fire extinguisher sa Makati, Pasay, at Taguig. Ang gamit namin ay kakarag-karag na Ford. May mga araw na wala kaming kita. Ganyan ang buhay. Mahirap talaga.

 

 

Ang Tradisyonal Na Panulaang Pilipino

 

jonsdmur's picture

relax lang!

 

 

 

Init na naman ng ulo mo ngayon ah ! cool lang! sa email mo... hindi magkapareho: un ang sagot ko.....

Bakit di ka mag work na editor o teacher eh magaling ka naman.. pero sige goodluck na rin sa paglalako mo.... ako din nga wala job ngayon....

ingat!

nagbabasa ako ng tula.... kaso di pa ako bihasa

Alexander Dagrit's picture

relak lang ako

 

Hindi mainit ang ulo ko. Sumasagot lang ako sa ginagawang pambubusabos ng ilan kay Balagtas, sa mga Balagtasista, at sa tradisyonal na tula.

Hindi ko naman ipinagpipilitan sa kanila na magsulat ng tradisyonal na tula, pero feeling nila ay ganoon.

Kung ayaw ng isa ng tradisyonal na tula, maaari naman siyang magsulat ng malayang taludturan.

 

 

----

Magkaiba nga pala talaga sila, ano? Pero, minsan parang pareho ang istilo nila. Pati na sa tono, pero parang mas magaling iyong isa. Iyong may dimples yata pati puwet. Salamat sa info.

 

 

 

Ang Tradisyonal Na Panulaang Pilipino

 

Clap! Clap! :)

Congrats!  

 

Para akong dumalo ng klinikang pampanulaan!  :)

 

Salamat, Alex sa iyong handog sa lahat ng mga nagnanais lumalim ang kasanayan sa pagtutula dito sa FW.

 

Ruthie

Junimun norul saranghe... ^ . ^*

 

http://atmaramipangiba.wordpress.com

http://courtofreverie.wordpress.com<

Alexander Dagrit's picture

Salamat

 

Salamat din, ruthie.

 

 

Ang Tradisyonal Na Panulaang Pilipino

 

Alexander Dagrit's picture

Ayon pa kay Lope K. Santos

 

Sa kanyang papel na Peculiaridades de la poesia tagala, na binasa niya sa Unibersidad ng Pilipinas noong Nob. 22, 1929, ang katutubong tulang Tagalog (o Filipino) ay dapat na magtaglay ng apat na sangkap: tugma, sukat, talinghaga, at kasiningan.

Ang tugma at sukat ang estruktura ng tula; samantalang ang talinghaga at kasiningan naman ang espiritwal na aspekto nito.

 

Kung gayon, ang sinumang nais na maging makata ay kinakailangang pag-aralan, at sa kalaunan ay dapat marunong nang kumilatis, sa apat na sangkap na iyan.

Kapag nagbabasa at pinag-aaralan niya ang isang tula, tumutok dapat siya sa mga sangkap na iyan. Hindi iyong panay ang mensahe lamang ng tula ang kanyang nahihimay.

Ang pagiging bihasa sa pagkilatis sa apat na iyan ay lubhang makatutulong sa sinumang pumuposturang makata sa pagsusulat ng sarili niyang tula. Lahat kasi ng mga sulok ng tula ay kanyang nagagalugad. Hindi siya iyong tipikal na mananaludtod na ang tanging alam sa tula ay ang magkome-komento tungkol sa nais ipabatid ng tula.

Kung ako o sinuman diyan ay kumikilatis sa estruktura at espiritwal na aspekto ng tula, huwag naman sanang isipin ng iba na ang ganoon ay lektyur at ginagawang estudyante sa elementarya ang ibang tao. (Unang-una, hindi pang-elementarya ang mga ito; pang-kolehiyo na, kung tutuusin).

Ang ganoong ginagawa ko ay pagtalima sa sinabi ng isa sa pinakadakilang kanon sa wika at panitikang Pilipino:

“Ang katutubong tula ay may tugma, sukat, talinghaga, at kasiningan.”

 

Paano malalaman na taglay ng isang tula ang mga sangkap na iyan?

KILATISIN. Nang isa-isa. Mula sa mga antas ng tugma hanggang sa mga bilang ng mga pantig, sa pananalinghaga, at sa kariktan ng tula.

 

 

 

Ang Tradisyonal Na Panulaang Pilipino

 

hi dagrit

1st, kamusta ka na?

2nd na-miss kita.

3rd, haha

4th, hindi ko 'to binasa.

5th, hindi ko alam kung may karapatan ba 'kong magkumento ng hindi nagbabasa.

anong sasabihin ko kung gayon? haha

pero ito binasa ko:

Ganyan kasalimuot ang tradisyonal na panulaang Pilipino. Tanging mga tunay na makata lamang ang nagtatagumpay sa larangang ito.

Ang mga tunay na makata ay iyong nangag-aral muna ng tungkol sa panulaang Pilipino at nangagbasa muna ng katakot-takot na tula at aklat bago nagsimulang sumabak na kumatha ng tula.

-alam mo, congrats sa kung sinuman sila.

naiintindihan ko mahirap magsulat ng hindi nagbabasa. pero ang pinag-uusapan naman sa katha e yung pagkaka-katha sa kanya. yung sensibilidad ng gawa, ng mga sinasabi nya, yung kabuluhan ng kwento nya.

even without these forms.

tsaka pano ba kinakategorya ang isang nilalang kung "tunay na makata".?

e anong pakialam ko dyan!

kung gusto mong mgasulat, magsulat ka.

kung inunahan ka na ng mga porma, ng mga rules, hindi ka din totoong makakapgsulat.

im not saying that that is not important

kung dyan ka masaya, go on.

ako, hindi.

hindi ako lumalapat sa mga sukat. pero masaya ko sa pagsusulat.

etchos

 

wait, ginagalang ko yung mga gustonmg maging makata, at hinahanggan ko ang mga makata...swear! if without their contribution, i wouldnt be here.

Alexander Dagrit's picture

Walang problema

 

Kung wala kang pakialam, walang problema. Hindi naman para sa iyo ang blog na ito. Para ito sa mga may gusto nito.

Sino ang mga tunay na makata? Dalawang uri lamang: Iyong mga Balagtasista at iyong gumagawa ng mga matitinong malayang taludturan.

Kung ayaw mo sa sukat at iba pang mga mga sangkap ng tradisyonal na tula, aba e di ayaw mo. Muli, walang problema.

 

kung inunahan ka na ng mga porma, ng mga rules, hindi ka din totoong makakapgsulat.

im not saying that that is not important

Kung si Francisco Balagtas ay hindi sumunod sa mga rules at sa mga porma, hindi siya magiging si Balagtas. Gayundin sina Lope K. Santos, Pedro Gatmaitan, Jose Corazon de Jesus, Florentino Collantes, Julian Cruz Balmaceda, Inigo Ed. Regalado, Teodoro E. Gener, Ildefonso Santos, Amado V. Hernandez, Virgilio S. Almario, Bienvenido A. Ramos, Lamberto E. Antonio, Rogelio Mangahas, at iba pa. Hindi sila magiging mga dakilang kanon ng tradisyonal na panulaang Pilipino kung wala silang sinunod na mga nakatatag nang alintuntunin.

 

naiintindihan ko mahirap magsulat ng hindi nagbabasa. pero ang pinag-uusapan naman sa katha e yung pagkaka-katha sa kanya. yung sensibilidad ng gawa, ng mga sinasabi nya, yung kabuluhan ng kwento nya.

even without these forms.

Sige. Gumawa ka ng sarili mong porma. At sana, maging dakila ka sa ganyan.

Basta, ang mga dakilang makatang Pilipino, may sinunod na mga batas.

Ikaw, ayaw mo sa mga 'yan. Ano ba ang pakialam mo sa mga iyan?

 

 

 

Ang Tradisyonal Na Panulaang Pilipino

 

I

Normal 0 false false false EN-US X-NONE X-NONE MicrosoftInternetExplorer4 st1\:*{behavior:url(#ieooui) } /* Style Definitions */ table.MsoNormalTable {mso-style-name:"Table Normal"; mso-tstyle-rowband-size:0; mso-tstyle-colband-size:0; mso-style-noshow:yes; mso-style-priority:99; mso-style-qformat:yes; mso-style-parent:""; mso-padding-alt:0in 5.4pt 0in 5.4pt; mso-para-margin:0in; mso-para-margin-bottom:.0001pt; mso-pagination:widow-orphan; font-size:11.0pt; font-family:"Calibri","sans-serif"; mso-ascii-font-family:Calibri; mso-ascii-theme-font:minor-latin; mso-fareast-font-family:"Times New Roman"; mso-fareast-theme-font:minor-fareast; mso-hansi-font-family:Calibri; mso-hansi-theme-font:minor-latin; mso-bidi-font-family:"Times New Roman"; mso-bidi-theme-font:minor-bidi;}

 Would just like to say sorry, not for you, but of what I’ve said.  For irresponsibly commenting on things I don’t have much knowledge.

 

Pero gusto kong linawin na una, hindi ako against sa maski na sino. What im only pointing is that, lahat pwedeng magsulat maski hindi sumunod sa mga rules.

 

Pero wala akong sinabing hindi importante ang mga rules. Parte yon. Importante yon.

 

Hindi pa nagse-sex ang mga magulang ko para buoin ako, nag-eexist na sila. May porma na, may istruktura na, may sukat na, may rules na.

 

Pero hindi ko rin naiisip (ito ay pansariling opinion) na kelangan ng tao o ng isang “nagsusulat”—kung hindi pa man ganap na manunulat/o kung may pamantayan ba para maging manunulat—na laging sumunod sa mga rules.

 

Kelangan nya ding i-encourage, I believe, yung style nya of writing. Kelangan nya ding gumawa ng labas sa bakod ng alam na. You don’t always confine to those that we’ve used to. BUT THEN AGAIN (yes, kaya kong ispelengin ang AGAIN) wala akong sinasabing hindi yon mahalaga.

 

If that is what you feel like writing, walang problema. Panulat mo yan e. Dyan mo pinaniniwalang mas makakasulat ka ng epektibo, di ba? Pero ikaw yan.

 

Pero hindi naman lahat masaya sa sukat e. dahil hindi naman lahat natuto sa sukat. So bakit ako magko-conform sa pagsusulat ng de sukat kung hindi ako kumportableng gumawa ng may sukat dahil hindi nga ako naniniwala na laging dapat may sukat?

 

Pero paulit-ulit na ulit, wala akong sinasabi na hindi mahalaga ang mga yon, ang pagsusulat ng may sukat.

 

2ndly, kung sa malaking mundo ng pagsusulat, ni tuldok wala pa kong marka. At hindi ako against sa kanilang mga at piniling maging makata.

 

Sabi ko nga, if without their contribution, I wouldn’t be here.

 

Lastly, inhustisya ang aktong gawing katatawanan ang tradisyon. Imposibleng ma-view ang kasalukuyan kung hindi tatanawin ang nakaraan.

 

Kung sinoman silang nagtatawa, kung meron man, lamunin sana sila ng higanteng blender na may dinurog na yelo sa loob. Charing!

 

Yun lang.

 

Sobrang busy ako sa buhay ko.

 

Ingat. At maraming salamat. : )

Alexander Dagrit's picture

Paano maging makata?

 

May tatlong pangunahing katangian na dapat taglayin ng sinumang nagnanais na sumulat ng tula sa Filipino:

1. Kamalayan sa tradisyon

2. Pagiging bukas sa impluwensiya

3. Kapangahasang magpasimuno o magpasok ng mga pagbabago

Paano malalaman ng isang nais sumulat ng tula na may kamalayan siya sa tradisyon? Tunghayan niya ang tradisyonal na panulaan. Kung wala siyang muwang sa bagay na ito, paano siya mananagumpay bilang makata?

Ang maysabi niyan ay hindi ako, kundi ang premyadong makata-manunulat-guro-kritiko-at-dalubwikang si Prop. Michael M. Coroza.

Kung sa tingin ng iba ay mali si Prop. Coroza, pananaw nila iyon. Sa akin naman, ang paniniwalaan ko -- ng isang baguhang makatang tulad ko -- ay iyong may mga napatunayan na sa panitikan at hindi iyong mga hambog at masyadong nagmamarunong pero tulyapis naman.

 

 

 

Ang Tradisyonal Na Panulaang Pilipino

 

Alexander Dagrit's picture

Sino ang higit na bihasang makata?

 

Sa paggamit ng tudlikan at iba pang higit na mataas na antas ng tugma nakikilala ang higit na bihasang makata, ayon pa rin kay Prop. Michael M. Coroza:

“Sa pagpasok ng higit na mataas na antas ng tugma, higit na nabibigyang-diin na pagsusulat ang pagtula at manunulat ang makata. Kailangan ng higit na panahon upang mapag-isipan at masusing mapili ng makata ang kaniyang mga salita sa pagsisikap na gumamit ng tugmang tudlikan. Hindi ito karaniwang magagawa sa dagliang pagtutugma gaya ng dupluhan o Balagtasan. Kaya nga, palatandaan na higit na bihasang makata (manunulat) ang paggamit ng ganitong antas ng tugma.”

 

Muli, hindi ako ang maysabi niyan, kundi ang isa sa mga nangunguna at tinitingalang makata sa ating panahon.

 

 

 

Ang Tradisyonal Na Panulaang Pilipino

 

Alexander Dagrit's picture

vers libre

 

Kahit kailan, wala akong ipinahayag na laban ako sa malayang taludturan. Wala rin akong sinabi na hindi tula ang isang tula na walang tugma at sukat.

Para sa akin, dalawa ang pangunahing anyo ng tula: tradisyonal at malayang taludturan.

Parehong tula ang mga iyan.

 

 

 

Ang Tradisyonal Na Panulaang Pilipino

 

Alexander Dagrit's picture

DALAWANG URI NG MANUNULAT

 

May mga tao na sobrang hambog at sobra kung magmarunong. Labis-labis ang akala sa mga sarili na napakagagaling na nila.

Nang magsipag-astang mga makata ang mga ito, basta lang kumuha ng bolpen at papel at saka humarurot na agad ng mga taludtod. Nang makabuo ng tula, feeling nila, mga lehitimong makata na sila.

Ni hindi man lang sila nagsaliksik ng kung ano ba talaga ang tula at kung paano sumulat ng tula.

Wala silang pakialam sa tradisyon at sa mga alituntunin ng tula. Hindi mahalaga ang mga iyon. Susulat sila nang ayon sa gusto nila, na sa buong akala nila ay ang galing-galing na.

Kung ang ganyang mga tao ay nakababasa na ng tungkol sa tradisyonal na panulaang Pilipino, sila ay nangagulat.

Saka lamang nila nalaman na mayroon palang mga dapat sundin sa pagsusulat ng tradisyonal na tula. Na mayroon palang mga antas ng tugma. Na dapat pala ay may wastong sukat ang mga taludtod. Na dapat pala ay may sesura ang bawat taludtod. At iba pa.

Hindi nila matanggap ang mga bagay na ito. Para kasi sa kanila, sila ang tama, at iyong mga gawa nila ay hindi dapat kuwestiyunin.

Para sa kanila, mali sina Francisco Balagtas, Lope K. Santos, Pedro Gatmaitan, Jose Corazon de Jesus, Florentino Collantes, Julian Cruz Balmaceda, Inigo Ed. Regalado, Teodoro E. Gener, Ildefonso Santos, Amado V. Hernandez, Virgilio S. Almario, Bienvenido A. Ramos, Lamberto E. Antonio, Rogelio Mangahas, at iba pa.

Para sa kanila -- mga taong wala pang napatutunayan sa panitikan -- sila ang tama.

Wala namang masama kung ang isang tao ay hindi pa sapat ang mga nalalaman tungkol sa isang bagay, gaya nga ng tula. Lahat naman kasi tayo ay nagsisimula sa wala.

Ang mali at masama ay iyong mga taong walang muwang sa kung ano ba talaga ang tula, pero nang malaman nila ang mga bagay-bagay tungkol sa tradisyonal na tula, hayun pinagtatawanan pa ang mga bagay na ito, sa halip na aralin.

Hindi nila matanggap na mas nakaaalam kaysa sa kanila sina Balagtas at iba pa. Ang buong akala nga kasi nila sa kanilang mga sarili ay ang gagaling na nila.

Sa ngitngit na malaman na hindi pala sila ganoon kagagaling, at ganoon pala sila kakapos sa mga nalalaman tungkol sa tula, hayun ginagawang katatawanan na lang ang mga dakilang awtoridad ng panulaang Pilipino. Mali raw, malaking kasalanan daw kung hindi sumunod sa tradisyonal na tula.

Iyan na lamang ang tanging naitutugon ng mga masyadong hambog at masyadong nagmamarunong pero mga tulyapis naman.

-----

Sa kabilang banda, nakatutuwa ang mga taong bukas ang mga isip at puso na tumanggap ng mga dagdag na karunungan at kaalaman tungkol sa panulaang Pilipino.

Ang ganyang asal nila ay lalong magpapalusog sa kanilang mga potensiyal sa pagsusulat. Patuloy kasi ang pagtuklas nila ng mga kaalaman. Sila iyong mga manunulat na malayo ang mararating sa panitikan.

 

 

 

 

Amos Tarana's picture

ehem

alex [at pati na rin sa fw],

ang puso mo kapatid, hinay-hinay lang...hehehe inom muna ng malamig na tubig. galit ka na yata eh.

ako man ay gumagalang din sa mga naiambag ng matatandang panitikero at makata.  ang sinimulan nilang tradisyon at iminungkahing alituntunin ay ilan lamang sa mga mahahalagang bagay na humubog sa panulaang filipino. 

kung ako naman ang magdaragdag sa nasimulan mong pagtatalakay, bilang isang mambabasa (hindi bilang manunulat sapagkat hindi ako manunulat) at dating mag-aaral ng hermeneutika/exegesis, masasabi kong mayroon pang ibang dapat ipagsaalang-alang maliban sa iyong mga nailahad na.

bilang mambabasa, sinusuri ko ang tatlong bagay na [ayon sa isang iskolar na si sandra schneiders ay siyang] pinaghuhugutan at nagluluwal sa isang "teksto" (text). ang tatlong bagay na ito ay tinatawag na

1. mundo sa likod ng teksto

2. mundo ng teksto, at

3. mundo sa harap ng teksto.

sa pahapyaw na pagpapaliwanag, ang una ay nagsusuri sa kalagayang panlipunan/politikal/kalinangan/sikolohikal ng manunulat habang isinusulat ang akda  at ang kadahilanan ng manunulat kung bakit niya isinulat ang akda.

ang pangalawa ay tungkol naman sa pamamaraan kung paano isinulat ng manunulat ang kanyang akda (dito na papasok ang istilo,sinunod na alituntunin o tradisyon ng pagsusulat na iyo na ngang tinalakay).

at ang pangatlo naman ay tungkol sa kung kanino iniaalay ng manunulat ang kanyang akda at bakit.

ibinabahagi ko lang ang mga ito dahil sa gusto kung hamunin ang ating mga mambabasa na huwag lang sanang magtuon sa pagsusuri sa "mundo ng teksto".  sapagkat sa paraang hermeneutikal, hindi ito sapat para ituring o maunawaang "maganda" ang isang akda. kinakailangan pa kasing isaisip ang natitira pang dalawang mundo -- mundo sa likod ng teksto at mundo sa harap ng teksto. upang sa gayon ay lumabas o makita hindi lang ang "ganda" kundi ang "kabuluhan" nito.

alam naman siguro ng lahat na ang gandang walang angking kabuluhan ay hindi tunay na ganda.  ito ay gandang may "daya" - plastik kumbaga.

bilang karagdagan, ayon kay jurgen habermas, ang kabuluhan ng teksto ay nakabatay sa naiiambag nito sa pag-unlad ng isang lipunan.

halimbawang tanong ko [gamit ang critical theory ni habermas at ang paraang hermeneutika ni schneiders] sa tuwing magbabasa ng isang akda  ay...

ano ang kabuluhan ng tula o akdang ito sa gitna ng sambayanang naghihirap at pinahihirapan?

mayroon ba?

kung wala, aba, kailangan nating mag-isip...na baka itong itinuturing nating "magandang tula o akda" ay walang angking kabuluhan sa harap ng kasalukuyang panahon.

at kung walang taglay na "kabuluhan" ang isang tula o akda, ano sa tingin ninyo ang maaari nating itawag dito?

kayo na po ang magpasya.

sana ay may naiambag nga na maganda at makabuluhang pag-iisip ang pagbabahagi kong ito.

para sa ating ikagiginhawa,

- Amos Tarana - http://amostarana.blogspot.com/ 

 

Alexander Dagrit's picture

amos

 

Galit ba ako? Hindi naman.

 

ako man ay gumagalang din sa mga naiambag ng matatandang panitikero at makata.  ang sinimulan nilang tradisyon at iminungkahing alituntunin ay ilan lamang sa mga mahahalagang bagay na humubog sa panulaang filipino.

Ganyan sana ang maging asal ng marami sa atin sa tuwing makatutunghay ng mga kaalaman tungkol sa panitikan. Hindi iyong kinokontra at gustong buwagin ang tradisyon, at kung hindi nila magawa iyon, ginagawang katatawanan o hinahamak na lamang ang tradisyon.

 

kung ako naman ang magdaragdag sa nasimulan mong pagtatalakay, bilang isang mambabasa (hindi bilang manunulat sapagkat hindi ako manunulat) at dating mag-aaral ng hermeneutika/exegesis, masasabi kong mayroon pang ibang dapat ipagsaalang-alang maliban sa iyong mga nailahad na.

Manunulat kang may talim, at nagdudumilat ang katotohanang iyan sa mga akda mo.

 

Tungkol sa tatlong bagay na nagluluwal ng teksto (mundo sa likod ng teksto, mundo ng teksto, at mundo sa harap ng teksto), mahalaga itong mga iniambag mo. Malaking tulong ang mga ganito sa mga katulad kong nagnanais ding may marating sa pagsusulat.

Pinakamaganda na sigurong halimbawa sa tatlong ito ay ang Noli Me Tangere ni Jose Rizal. Bagama’t isa siyang elitista at edukado, tigib siya ng pagkamakabayan at pagmamalasakit sa bansa, at isinakatuparan niya ang mga iyon sa pamamagitan ng pagsusulat ng isang nobelang panlipunan.

Palasak at luma na ang tema ng Noli (tunggalian ng mabuti laban sa masama -- mga bulok na sistema sa pamahalaan, Simbahan, edukasyon, at militar), pero lumitaw na sariwa ang nobela dahil sa istilong ginamit ni Rizal: ang pagsasabuhay ng mga imortal na tauhan gaya nina Ibarra, Elias, Maria Clara, Padre Damaso, Donya Victorina, Capitan Tiago, Padre Salvi, Pilosopo Tasio, Sisa, Basilio, Crispin, at iba pa. Ang mga karakter na ito ang siyang nagpadakila sa Noli.

Inialay ni Rizal sa kanyang inang bayan ang kanyang unang nobela. Doon niya itinaya ang lahat ng mga pangarap ng kanyang kabataan.

 

Tungkol naman sa ganda ng isang akda, nasa bumabasa na iyon. Maaaring ang isang tula, sanaysay, maikling kuwento, dula, o nobela ay maganda para kay Juan, pero pangit para kay Pedro. May kanya-kanya kasing pananaw at panlasa ang bawat isa.

Bagama’t maganda rin kung may magtatalaga ng mga pamantayang-gabay sa pagkilatis ng kung alin ba talaga ang magandang akda.

 

Tungkol naman sa kabuluhan ng akda. Kung walang kabuluhan ang isang akda, unang-una, hindi na dapat naisulat pa iyon. Pero kung naisulat at naipamudmod na sa madla, huwag na lamang tangkilikin. Walang kabuluhan e.

Pero, mahirap ding humusga sa kung alin ba ang may kabuluhan at walang kabuluhan.

Maaaring ang isang romansang nobela ay nakapaghubog sa pagkatao ng isang dalaga at nakatulong iyon upang magkaroon siya ng magagandang pananaw sa buhay. May kabuluhan, hindi po ba?

Pero, para sa isang negosyante, na walang panahong magbasa ng mga ganyan, basura para sa kanya ang ganyang mga roma-romansa. Walang kabuluhan, hindi rin po ba?

Sa ganang akin, ang paghuhusga sa mga akda ay nasa indibiduwal na rin. Maganda ba ito o hindi? May kabuluhan ba o wala? Ang bawat isa na ang makapagpapasya.At ang mga dakilang akda ang siyang nagwawagi. At nagiging klasiko sa paglipas ng panahon. Gaya nga ng Noli.

 

sana ay may naiambag nga na maganda at makabuluhang pag-iisip ang pagbabahagi kong ito.

Malaki ang mga naiambag mong ito, amos. Maraming salamat.

Sana, ganyan ang maging kalakaran ng mga talakayan natin dito sa FW. Nagbabahagi ng mga kaalaman. Hindi iyong idinadaan sa panghahamak kina Balagtas ang pagsagot sa diskusyon.

Ang arya nga ngayon ng ilan ay ang gawing katatawanan hindi lamang si Balagtas at ang mga Balagtasista, kundi maging ang tradisyonal na tula na mismo, ang sukat, ang tugma, at ang iba pang sangkap nito.

Hindi man lang inisip ng mga ganyang tao na marami nang ibang users dito ang nag-post ng mga tula na may sukat at tugma.

Hindi na inisip na sa panghahamak nila sa sukat at tugma ay para na rin nilang tinatadyakan iyong ibang mga users na nag-post na ng gayong mga tula.

Sana, ang mga ganyang tao ay matanggap na mas magaling sa kanila si Balagtas at ang mga Balagtasista. Hindi iyong ang gusto nila ay sila ang tama, sila ang magaling, sila ang dakila, at sila ang dapat sundin.

Kung ayaw nila sa tradisyonal na tula, walang nagpipilit sa kanila na yakapin ito.

Kung gusto nilang magsulat ng malayang taludturan, wala ring pumipigil sa kanila.

 

Wala akong planong makipag-away kaninuman. Wala kasi akong mapapala sa ganyan. Nagbabahagi lang ako ng mga nabasa ko.

Kung ayaw ng iba sa mga ibinabahagi ko, hindi ko ipagpipilitan ang mga ito. Huwag na lamang nilang pansinin.

 

 

 

 

 

bayawak's picture

Suportahan ta ka!

Marami na rin akong nabasang tulang nasa malayang taludturan, at magaganda ang mga ito.

Pero wala pa rin tatalo sa Tradisyonal Na Panulaang Pilipino...

Meron kasi akong nararamdaman pag nagbabasa ako ng mga lumang tula. May sensasyon akong

nararamdaman. May emosyong lumalabas. Lumalalim ang pag-iisip natin. Dahil ang tradisyunal na tulang

gawang Pilipino ay pinag-isipan at inaral. Kasabay ng pag-gawa ay nilagyan ng damdamin. Ang mga

Tradisyonal Na Panulaang Pilipino ay hindi lang basta tula. Ito ay parte ng ating kultura. Ito ay parte ng

nakaraan natin.

Sinusuportahan kita sa sinabi mong, "Ang mga tunay na makata ay iyong nangag-aral muna ng tungkol sa panulaang Pilipino at nangagbasa

muna ng katakot-takot na tula at aklat bago nagsimulang sumabak na kumatha ng tula." dahil paano ka nga naman makakapagsulat ng tulang may sukat at tugma kung di mo alam ang 'basic' sa pag-gawa nito? Ang mga Tradisyonal Na Panulaang Pilipino ay di para sa mga tamad. Ang may puso lang para dito ang makakagawa nito.

Ipagpatuloy nyo sana ang ganito, sir..

Alexander Dagrit's picture

Salamat

 

nang marami, bayawak.

 

Ang tradisyonal na tula ay bahagi nga ng ating pambansang nakaraan, ng ating kasaysayan, at ng ating pagkapilipino, kaya't sana'y huwag itong balewalain o kutyain ng sinuman.

Diyan nagmula ang tula. Kung wala iyan, wala rin sanang malayang taludturan sa ngayon.

Sana, dumami pa ang mga tulad mong may pagpapahalaga sa mga bagay-bagay na pinag-uugatan ng ating kalinangan. 

 

 

Ang Tugma, Sukat,at Alindog sa Tradisyonal na Panulaang Pilipino

Kultong Rizalismo (sanaysay ni Jon E. Royeca

 

Alexander Dagrit's picture

Nirerebisa

 

Matagal na palang namamahinga ang blog na ito. Sa kasalukuyan ay dinaragdagan ko, lalo na ang mga tunog ng mga salita (hindi pa tapos).

 

 

Ang Tugma, Sukat,at Alindog sa Tradisyonal na Panulaang Pilipino

Kultong Rizalismo (sanaysay ni Jon E. Royeca)

 

bahalanaman's picture

nakakatuwa

Nakakatuwa ang nilalaman ng blog na ito, lalo na ang mga sagutan sa comments. At tulad ng blog na ito, luma na rin ang isyu sa pagtatalo ng kung ano ang 'tunay', 'mas tama', 'nararapat' at 'katangki-tangkilik' sa pagitan ng tradisyunal at malayang taludturan na pagsulat sa panulaang Filipino. Ang nakakatuwang parte sa isyung ito ay walang nananalo mula sa magkabilang panig. (Di ko alam ang eksaktong dahilan), siguro, tanggap ng mga makatang sumulat sa tradisyunal na paraan ang pangangailangan ng pagbabago sa panulaan. Habang nauunawan (at dapat lang naman talagang unawin) ng mga nasa kontemporaryong pagsulat ng tula ang pagpapatuloy ng pag-aaral at pananatili ng tradisyon sa ating panulaan.

Wala naman talagang dapat pagtalunan. Ang mahalaga ay nasasakop ng malawak at lumalawak pang panulaang Filipino ang dalawang sistemang ito.

Sana magkaroon pa ng maraming post/ o blogs na gaya nito dito sa FW. Nakakapagpatunay na nakakamangha ang ating literatura... nakakainganyo na magpatuloy sa pagsulat. Salamat!

Alexander Dagrit's picture

>

 

Wala naman talagang dapat pagtalunan kung alin ang tama: kung tradisyonal ba o malayang taludturan. Para sa akin, parehong tama ang dalawang ito.

Ang hindi ko lamang matanggap ay iyong mga taong ipinaggigiitan na mas tama ang malaya, at hindi na raw uso ang tradisyonal na tula. Ginagawa pa nilang katatawanan ang mga tradisyonal na makata, at ang mga sangkap ng tradisyonal na tula, partikular na ang tugma.

Ang tradisyonal na tula ang pinag-ugatan ng malayang pagtula. Kaya, walang sinuman ang may karapatan na pakyuhin ito. E, may isang tagarito na ang lakas ng bituka: Pinakyu ba naman ang tradisyonal na tula.

Salamat sa pagbasa at sa komento mo. Sana, hindi mo rin pakyuhin ang tradisyonal na tula kahit magsulat ka ng malalayang taludturan.

 

Ang Tugma, Sukat,at Alindog sa Tradisyonal na Panulaang Pilipino

Kultong Rizalismo (sanaysay ni Jon E. Royeca)

 

bahalanaman's picture

salamat din...

isa ako sa mga makatang kayang sumulat sa parehong istilo... depende lang talaga sa kung ano ang mas pakiramdam kong makapagbibigay ng justice sa tema ng naisip kong tula.

 

natutuwa ako at may mga gaya mo rito sa FW (although alam kong marami tayo) na matatag pa rin ang kapit at patuloy na pinag-aaralan at tinuturo ang tradisyunal (ORIHINAL NA PARAAN at hindi sinauna!) na pagtula.

wag kang mag alala

pag aaralan ko to. di ko naman napansin ang mga nasuri mo sa tula ko. ang alam ko lang un ang gusto ko ilagay sa ginawa ko. salamat dito. guide narin to para sa lahat.  


parasol's picture

napakayaman at napakalawak

napakayaman at napakalawak ng ating panulaan..

hindi naman ito isyu kung ano o alin ang mas maganda o angkop,, ang mahalaga mapagyaman natin itong lahat kasabay ng mabilis na pagbabago ng panahon..

ito'y parte ng ating kultura, partikular sa ating masining na paglikha ng mga salita.. ito ay daynamiko.. patuloy lang ang pagbabago patuloy lang din ito sa paglago..

Alexander Dagrit's picture

Tama

 

Wala talagang isyu kung may tama ba o mali, kung alin ba ang nakahihigit, at iba pa.

Parehong tula ang makaluma at malayang taludturan.

Ang hirap lamang sa ilan, nag-a-ala-Alejandro G. Abadilla: Pilit na ipinaggigiitan ang sarili.

Salamat. 

 

 

Ang Tugma, Sukat, at Alindog sa Tradisyonal na Panulaang Pilipino

Kultong Rizalismo (sanaysay ni Jon E. Royeca)

 

Alexander Dagrit's picture

>

 

Kung magsusulat ka ng makalumang tula, dapat ay sundin mo ang mga pamantayan ng tradisyonal na tula.

Kung ayaw mo naman sa makalumang tula, naririyan naman ang malayang taludturan.

Masakit lamang talagang pakinggan ang mga tulang makaluma na hindi sumusunod sa mga pamantayan ng tradisyonal na tula, lalo na ang tungkol sa tugma.

Salamat at bukas ang iyong isipan na tumanggap ng mga puna. 

 

 

Ang Tugma, Sukat, at Alindog sa Tradisyonal na Panulaang Pilipino

Kultong Rizalismo (sanaysay ni Jon E. Royeca)

 

dyeppri's picture

ganda nito...

ganda nitong tinatalakay mo alex.Tama ka kung hahagurin mo sa paraang makaluma ay sana gawing tugma sa lahat ng panuntunan at kung 'di naman gagawin ay mas mabuti pang gawin na lamang sa paraang malayang taludturan/tula.

 

share ka pa ng mga ganitong kapupulutan ng aral. maraming salamat.saludo ako sa'yo dito! klap-klap! 

"kaya nga ako nagsusulat sa Filipino ay para mas maintidahan pa nila ako..."

                        http://dyeppri.wordpress.com/