Ang Upuan
Habang nakaupo ako sa upuan ng hotel na pinagtratrabahuan ko pakiramdam ko may hanging na sumapyo sa balikat ko. Ewan ko ba pero pakiramdam ko may tumabi sa akin.
Bago nun ang damin kong problemang iniisip, masyado na akong kinakain ng lungkot, galit at pagkabugnot sa takbo ng buhay ko. Ang dami kong tinatanong sa Kanya, ang dami kong sinasabi na yung iba nakalimutan ko na. Halos lahat na ata na puwedeng kong masisi sa Kanya ay sinabi ko na.
Dumating na nga ako sa point na parang gusto ko nang tapusin buhay ko kasi pakiramdam ko wala nang pinatutunguhan ito. Halos tuwing nag-iisa ako umiiyak ako puro na lang kamalasan at masasakit na bagay ang tumatakbo sa utak ko.
Ganun talaga siguro malayo sa pamilya mo, tapos iniwan mo isang magandang trabaho para lang makapunta sa ibang bansa tapos aabutan mo ay isang kaawa-awang kalagayan.
Ang dami kong pinagsisisihan sa buhay, ang dami ko sigurong mga maling desisyon. Hindi ko alam kung bakit ganito naging takbo ng buhay ko. Hindi ko na alam.
Masyado nang madaming bumabagabag sa akin na halos wala na akong naiisip pa na iba. Wala na, nawawalan na ako ng pag-asa.
Ayun nga mabalik ako sa upuan na kinalalagyan ko, hindi ko alam pero iba yung naging pakiramdam ko. Parang nakaramdam ako ng kakaibang kapayapaan. Alam kong hindi multo tumabi sa akin. At hindi ko alam kong nakatulog ba ako ng nakaupo o ano pero talagang maliwanag paligid ko. Nawala mga tao na dumadaan sa harap ko, at nawala din ang mga ingay nila. Hindi ko alam kong anong nangyayari pero hindi ako natatakot. Ang sarap nga ng pakiramdam bigla nawala mga iniisip ko, takot ko, at kung ano-ano pa na gumugulo sa utak ko.
Tapos bigla kong narinig sa bandang kaliwa ko ang tanong na ito "Ano ba ang mga iniisip mo?"
Wala akong lakas para lumingon sa katabi ko basta nakatingin akong derecho, nakatanaw ako sa malayo.
"Hindi ko po alam" yan lang ang nasagot ko sa tanong Niya. Parang naramdam ako ng hiya sa Kanya.
Bakit ang lungkot mo?
Hindi ko na kasi po alam ang tinatakbo ng buhay ko, lagi na lang po ata akong ganito. Nahihirapan na po ako, ano po ba talaga plano Niyo sa akin?
Kung sagutin ko yang mga tanong mo magiging masaya ka na ba?
Wala akong nasagot
Naaalala mo ba tuwing dumadating kaarawan mo, di ba halos di ka makatulog kakaisip kung ano ba regalo sa iyo ng mama at papa mo, mga ninong at ninang mo at sila tito at tita. ang kulit mo nga nun, tanong ka ng tanong sa mama mo kung ano ba ireregalo niya. tapos nagagalit ka kasi ayaw sabihin sayo. Ganun din pakiramdam mo ngayon sa buhay mo. Lagi mo akong tinatanong kung ano mangyayari sa iyo pero dapat maghintay ka lang kasi darating din naman regalo ko sa tamang oras, kung sabihin ko sayo ang plano ko sa buhay mo tingin mo ba magiging exciting pa?
Wala na naman akong nasagot
Tumahimik bigla tapos nagtanong na naman ako
Bakit?
Hindi ko na natuloy tanong ko kasi sinagot Niya kaagad
Simpleng problema lang sumusuko ka na? Hanggang ganyan mo lang ba ako kamahal? Dahil diyan kaya ka nagkakaganyan? Nung binuhat ko ba yung krus sinisi kita? Nung tanggapin ko panlalait nang iba, tukso at sakit na binigay nila sinisi ba kita? Nung pinaratangan nila ako ng kasalanan na di ko naman talaga ginawa sinisi ba kita? Nung binuhat ko yung krus na dapat ikaw ang bumubuhat sinisi ba kita? Lahat yun ginawa ko kasi mahal kita, ikaw kaya mo bang gawin sa akin yun
Nung mga oras na yun di ko namamalayan na umiiyak na ako, at humihikbi pa. Pakiramdam ko sinampal ako sa mukhang binalik sa akin lahat ng mga nasabi ko sa Kanya.
At hindi ko namalayan na nasa tapat ko na pala manager ko, tinanong ako kung ok lng ba ako. Bakit daw ako parang umiiyak. Sinabi ko na lang medyo napuwing ata mata ko para hindi niya mahalata na umiiyak ako.
Pagkatapos ng insidente na yun, kumalma ako. Napagtanto ko na masyadong sobra na mga nasabi ko. Wala na akong tiwala sa Kanya.
Masyado kong inatupag mga problemang dumarating, pakiramdam ko hindi ko sila kaya. At dahil dun lagi na lang Siya ang bagsakan ko ng sisi, nakalimutan kong hindi Niya ako binibigyan ng problema na hindi ko kaya.............
Salamat talaga Panginoon pakiramdam ko po eh binatukan Niyo ako nung araw na iyon.
Ang tinding sermon inabot ko sa inyo. Patawad po talaga............


