ano nga ba ang nais kong sabihin?
Tulad ng sinasabi nila, hindi rin ako isang tunay na manunulat. Minsan ko lang hawakan ang aking panulat na matagal na panahon na rin namang walang tinta, minsan rin lang ipahayag ng aking mga (nanginginig) na kamay ang nilalaman ng aking pusong hindi ko maintindihan kung may nabuo bang muli buhat sa mga pirasong bukod sa sugatan na ay durog-durog pa.
Ano nga ba ang nais kong sabihin? Puro kakulitan lang naman ang alam ko at isinusulat kung anuman ang pumasok sa utak ko. Masarap magsulat kung saan pwede akong lumikha ng sarili kong mundo; pwede akong maging sino at ano ayon sa gusto ko na walang pakialam ang ibang tao dahil meron silang respeto. Isa akong “maskara” ng dalawang mukha ng buhay… ngumingiti at humahalakhak upang itago ang pait at sakit, ang mga luha at pagkabahala. Anuman ang isulat ko, kahit paano'y mabibigyan ng importansya ang pagkatao ko sakali mang may magbasa ng mga isinulat ko... Alam kong bukas ang kaisipan ng mga mambabasa at nakahandang tanggapin ang aking pagkatao bilang AKO.

