Anong Pakialam Ko?

RJ Santos's picture
| | |

Makalat sa harap ng bahay
Sa may kanto, tambak ang basura
At ang ilog, nakamamatay languyin
Yung bata, kahit saan magtapon ng basura niya
Pero di ko naman siya anak, ni kapatid
At hindi rin siya nakatira sa bahay ko
Kaya anong pakialam ko?

Kaninang umaga, may nadisgraya
Dahil kahit pula na ang ilaw
Sige, humarurot pa rin
Yung bata, tumawid kahit bawal
Pero di ko naman siya anak, ni kapatid
At hindi rin ako pulis
Kaya anong pakialam ko?

Sa kabilang barangay, may patay
Pinagtulungan, binugbog, walang dahilan
Napagkursunudahan lang
Yung bata, maliit pa lang siga na
Pero di ko naman siya anak, ni kapatid
At hindi rin ako pari
Kaya anong pakialam ko?

Yung isang propesor, nagpapabayad
Isang libong piso lang
Di lang basta pasado, uno pa
Yung bata, nagyayabang pa na nangopya siya
Pero di ko naman siya anak, ni kapatid
At hindi rin ako ang konsensya niya
Kaya anong pakialam ko?

Ang bayan ko ngayon, napakagulo
Mga pulitiko'y walang ginagawa kundi manilip-butas
Kung sana'y puro pangit at 'di artistahin
Ang nanalo sa eleksyon
Baka maalala pa nila na sila'y mga lingkod lamang
Pero maayos pa naman ang buhay ko
Kaya anong pakialam ko?