Apokalipsis
Nalalaman mo ba?
Na ako’y ako nga simula pa nang matatag ang mundo
Kasa-kasama mo kahit na saang sulok man at dako.
Ako’y nasa isip, puso at puson mo
Maging sa higaan pagtulog katabi ng asawa mo.
Ako’y nilalang sa balintuna ng mundo
Siyang saksi at dahilan ng pagkawasak ng tahanan mo
Ng dusa at siphayo, kalbaryo at pangako.
Iniluwal sa pagsinok at pagdahak
Sa usok ng pagnanasa
Isang maningning na bituin at tala sa umaga.
Napapansin mo ba?
Ako ang sarhentong umulos sa tadyang
Ng iyong pinakamamahal, ang gumahasa sa anak mo
At ang heneral na nag-utos dakpin ang iyong mga bayani
ilang pugot na ulo na rin ang gumulong sa aking paanan
upang bigyang daan ang huwad na kalayaan.
Nakita mo akong nakangisi sa trono ng mga hari
Hinahalikan ang singsing ng mga basang labi
Saksi ako ng paslangin ang mga magsasaka sa Mendiola
Sa pagdukot at pagpaslang, sa pangungulimbat at pag alimura
Naroon ako at nasa likod ng mga may pakana
Nag-aabot ng panulat upang lumagda sa pag-agaw ng lupa
Sa mga negosasyon at batas na iniakda.
Naiisip mo ba?
Kung bakit nanggagahasa at pumapatay
Ang mga Obispo at pari mo?
Kung paanong inaalipin ka nang diyos-diyusan mo?
Ng mga binastos na panalangin, pagnanasang maiitim
At pananampalatayang nakatihaya
Dahil ako nga ang salitang itinakda
sa pagitan bibliya at espada.
Ako ang asupre sa dila ng inyong presidente
Ang mitochondria sa selyula ng pinuno ninyong ganid
Ang libog sa puson ng mga relihiyoso
Ako ang neocortex na nagdedesisyon
Ang daya sa inyong mga balota
Ang hollow point sa mga nakatutok na baril
Ang lason sa tinta ng mga panulat
Ako ang liwanag sa kislap ng telebisyon
At ang sumasayaw na halakhak ng mga kriminal.
Ako ang titik ng Habeas Corpus, ng republic act at presidential decree
Ng “your honor” “her excellency” at “his eminence”
Ang pasaporte patungong impiyerno
Para sa libo-libong manggagawa mo.
Kinapa mo na ba ang bulsa mo?
Ako rin ang kawalan at kapunuan niyan
Tagos hanggang sikmura mo.
Ngayon, kung sakaling may magtatanong kung sino
nga ako
Mangyari lang na limiin at aninagin ng husto
Hindi ang libro ng karunungang kinagisnan mo
Kundi, buksan ang computer mo,
tingnang mabuti ang mga diyaryo, telebisyon
at making sa radyo.
Nariyan ako at magkaminsa’y nasa tabi mo.
binigkas noong anibersaryo ng KM64 sa taumbayan bar 03/13/10
Galing
Napakahusay ng tula mo sir Rom, talagang kumakagat sa imahenasyon ko ang madilim na kalagayan ng ating bansa. Nahalos sumuot na sa kailaliman ng damdamin at puso ng mga Pilipino. kumbaga naging parti na ng sistema natin at karamihan ay naging bulag at bingi na sa mga nangyayari.
sa tulang ito sigurado maraming magigising...
salamat sa magandang tula
Salamat sa
Salamat sa imbitasyon... Sana nga po... gustong gusto ko rin maka-attend at makinig sa madamdaming event na ito. Sguro pag medyo makaluwag-luwag na sa trabaho.





the best...
ka talaga rom! ang galing nito.. nakakapangilabot... huhulaan ko kung sino ito.....
SI DARNA AT ANG MAHIWAGANG BATO... hehehehe
... bata-batuta... malaki ang batuta...