Arrhythmia sa Taglagas
ARRHYTHMIA SA TAGLAGAS
Taglagas na rito at ito na yata ang pinakamagandang panahon na nakita ko. Nagbabago ang kulay ng mga puno, walang tigil ang pagkalagas ng mga dahon hanggang makalbo ang mga ito, at pagkatapos, mabubuhay naman ‘yung winter trees. Medyo malamig at mahangin na rin ngayon at ilang araw na lang magyeyelo na. Ang gandaganda talaga…”
“Mag-i-eleven p.m. na. Baka mahuli ka sa duty mo,” paalala ni Maridith mula sa kusina.
“Tatapusin ko na lang ito para diretso ko nang maihulog bukas.”
“Para kay Jun?”
“Para kay Jun. Tatlong ko na ring ‘di nasusulatan ‘yon.”
“Okay, pero bilisan mo d’yan. Your dinner’s getting cold.”
Kakaunti na ang naidagdag ko sa sulat. Matagal ko nang naikuwento ang mga napasyalan namin ni Maridith. Ang Disneyland, ang Hollywood, ang Sea World, ang Statue of Liberty, ang Arlington Cemetery, ang Washington at ang cherry blosssoms at tulips doon. Matagal ko na ring naibida ang nabili kong mga damit, Reebok, Tretorn, Nike, CD Player, pagkaing Amerikano. Matagal ko na ring naikuwentong pareklamo ang routine ko sa pinagtatrabahuhang Hillside Hospital, ang mga kapwa namin Pilipino dito sa New Jersey, pati na ‘yung manliligaw kong taga-West Point na saksakan ng yabang. Tatlong taon na ang nakalipas mula nang ikwento ko ‘yon, nang bagong salta palang kami ni Maridith sa Amerika. Ang kapos sa sulat ko ngayon ay ‘yung mga gusto kong ilabas na mahirap basta ilabas sa sulat ng bolpen. Pumikit muna ako nang matagal bago tinapos ang sulat ng “I love you very much.” Pagkatapos noon, isinobre ko nang tuluyan at nangangaligkig na nagtungo sa kusina.
Namumungay-mata na si Maridith at pilit na tumititig sa bawat kilos ko kaya ako naman ang nagpaalala. “Hoy, matulog ka na nga. Maaga’ng duty mo.”
Kinaladkad ni Maridith ang kanyang mga paa papunta sa kanyang kwarto. “’
Yung pinto, paki-lock. Don’t forget your coat, grabe ang lamig, baka mag-nosebleed ka na naman,” nilalamon ng antok ang pagsasalita ni Maridith habang nagsasara ng pinto ng kwarto.
“Okay,” sagot ko kahit matagal nang nakasara ang pinto ni Maridith; kahit sahig o kisame na lang ang nakakarinig, Para lang akong makapagsalita. Pagdating ko kasi sa Hillside mamaya, ako lang ang makikinig, hindi pwedeng sa akin manggaling ang utos.
“Nurse, 201’s having an arrhythmia, please assist Dr. Smith,” utos ng matabang head nurse sa Telemetry Unit kung saan ako nakatoka. Heto na naman, may puso na namang nagwala at nagbago ng pintig at ritmo. Ilang kaso ng arrhythmia ang meron dito sa Hillside, kadalasan ay hindi ko na nabibigyang-pansin, ngayon na lang sigurong pati yata ako ay nahahawa na sa mga pagwawala ng mga pusong ‘yan. Iba nga lang ang dahilan ng pagwawala ng puso ko, hindi dahil sa kayamuan sa luho.
Matapos ang otso-oras at sampung arrhrythmia, dalawang cardiac arrest at isang bypass, hiwalay pa ang routine checkups, nauuna na naman ang utak ko sa katawan habang bumababa ng hagdan papuntang basement parking. Dirediretso na sana ang lakad ko hanggang kotse nang bahagya akong napabalikwas nang makakita ng naghahalikan sa isang sulok ng paradahan. Ang lambingan nga naman, walang oras at lugar na kinikilala! Nakakainggit. Naaalala ko lang si Jun, hindi ko tuloy mapatakbo ang sasakyan ko. Patatapusin ko muna sila at ako nama’y mangangarap sandali.
* * *
Kahit pa ilang taon na ang binibilang ng relasyon namin ni Jun, ni minsa’y hindi ako nito nahalikan sa labi. O hindi ko siya nahalikan sa labi. Palagi ako noong takot na baka kung saan mauwi ang halik sa labi. Baka hindi lang kami maghalikan sa sobrang pagmamahalan.
Pero kahit naman papaano, nahalikan na ako ni Jun, sa pisngi nga lang. At panakaw pa nang minsang inihatid niya ako sa Phillippine General Hospital kung saan ako dating nagtatrabaho. Nagkataon kasing dalawa kami sa dyip at may kalamigan ang panahon dahil amoy-Pasko na. Akala ko’y aakbayan lang ako ni Jun para hindi ako masyadong ginawin, nang maramdaman kong dahandahan niyang inilalapit ang kanyang mga labi sa aking pisngi. Kinilabutan ako, parang binanlian ako ng mainit na kiliti ng kanyang halik, ramdam na ramdam ko ang pagkibot ng kanyang mga labi. Pero itinuring ko iyon na halik ng pagmamahalan. Lingid kay Jun, tinanggap ko na ang trabaho sa Hillside -- ang tangi at pinakamabigat kong katrayduran sa kanya at sa aming relasyon. Kaya nang ilapit ni Jun ang kanyang labi sa aking tenga at sabihing “Mahal na mahal kita,” tuluyan na akong napaiyak at mahigpit na napayakap. Ilang pagkakataon na nga ba ito na hindi ko masabisabi sa kanya ang malapit na pangingibang-bayan namin ni Maridith?
Noong umpisa’y biniro lang namin ni Maridith si Jun. “Oy, Juan, iiwan ka na namin ng sweetheart mo. Mag-i-States na kami para masulit-sulit ang pagod namin,” si Maridith ang marahas na nagbiro.
Kaya n’yo bang iwan ang kababata ninyo? Kaya n’yo bang iwan ang pinagsamahan natin?” seryoso ang reaksyon ni Jun sa biro.
Kaya nga biro lang noong umpisa. Paano namin basta iiwan in Maridith ang dalawampung taong barkadahan? Paano ko iiwan ang anim na taon naming pagmamahalan ni Jun? Paano ko rin sasabihin kay Jun na madalas, sa buhay ng isang lumaking sabik sa ginhawa, sa isang iglap ay kayangkayang baguhin ng pangako ng ginhawa ang pagpapasya, gaano man ito kaselan? Paaano ko sasabihin sa kanya na hindi lang naman para sa akin ang ambisyon, hindi maglalao’y para na rin sa aming dalawa ang matatamasa sa pangingibang-bayan? A, kay gulo nga ng isip ko nang nakita kong umiyak si Jun sa ikalawang pagkakataon. Una’y nang magpaalam ako sa kanya na kanyang ikinabigla sa pagkakatotoo ng dating biro namin ni Maridith, at pangalawa, nang makita ni Jun ang huli kong ngiti, gaano man kapilit o kapait, habang hinihila na akong tuluyan ng pangarap.
At biglang lumipad ang pangarap ko sa New Jersey nang tumunog ang alarm ng relo ko. Alas-otso na. Bukas na ang post office. Wala na rin ang kinainggitan kong kanina’y naglalambingan. Pwede ko nang paandarin ang nilalamig kong sasakyan.
* * *
Lumipas ang ilang araw at nagsimulang manalakay ang nyebe. Lalo akong nakadama ng kalungkutan. Madalas ay nag-iisa akong nakatitig sa labas ng bintana habang pinapanood ang bawat maliit na kumpol ng nyebeng kumakatok mula sa labas. Parang gusto nila akong damayan sa pag-iisa. Pero alam kong kapag pinagbuksan ko sila, lalo lang akong giginawin, lalo lang akong makakaramdam ng pag-iisa.
Ano kaya kung naririto si Jun sa tabi ko ngayon? Siguro ay papayag na akong halikan niya ako sa labi. Siguro ay hindi na ako matatakot kahit pa maging mapangahas ang damdamin namin. Anuman ang mangyari, magpadala man kaming lubusan sa emosyon, mas maliit na ang takot na wala na kaming maibibigay na ginhawa sa magiging bunga, hihimlay ako sa mga bisig ni Jun, aalamin ko ang bawat sulok ng kanyang pagkatao. Lalabanan namin ang lamig na parang umiilado sa aming puso’t kaluluwa, mag-iinit ang pinag-isa naming katawan sa pagniniig.
Pero hindi totoo. Ni ang luha ko’y hindi makapangahas na umagos para ipahiwatig na may makakasaksi sa kanyang pagpatak at may makakaintindi. Wala akong kasakasama sa kalungkutan ngayon tulad ng palaging nangyayari. Ni si Maridith ay wala, sabihin mang parehong bahay at ospital ang iniikutan namin. Lagi naman siyang wala sa ganitong pagkakataon, hindi kagaya noong nasa Pilipinas kami. Nilamon na kami ng panaho’t pagkakataon hanggang sa tuluyang maging dayuhan sa isa’t isa sa bansang pinandayuhan.
Mabuti pa noong nasa Pilipinas ako, wala mang nyebe o dolyar, hindi ko nararamdaman ang nararamdaman ko ngayon. Kahit na papaano, niyayakap ako nang mahigpit ni Jun kapag hirap na hirap ang loob ko sa anuman, niyayakap ko rin siya nang mahigpit kung siya naman ang pinanghihinaan ng loob sa hinaharap namin. Noong panahon ding iyon, para na kaming pamilya nina Jun at Maridith. Kapag wala si Jun, kay Maridith ako hihimlay para maibsan ng kaunting pagod. Pero ngayon, walang makikinig sa pag-iyak ko kaya ayokong umiyak. Palagi namang ganoon, hindi ko na nga lang talaga alam kung kailan sasambulat ang tatlong taong inipong luha. Nagtatapang-tapangan pa rin ako para panindigan ang lahat ng pinagpasyahan ko.
Mabuti pa ang mga pasyente ko Hillside, ako mismo ang nangangalaga sa mga puso nila. Walang palya ang pagtatala ko sa bawat tibok at pagbabago ng kanilang mga puso. Masusi kung obserbahan ko ang bawat graph na isinusuka ng bawat modernong instrumento ng Hillside. Sana, ako na lang ang pasyente. Hindi baleng nababalutan ng taba ang puso ko kung nananaba naman ito sa pagmamahal at hindi nangangamba dahil alam na naririyan lang ang makakasama sa buhay. Pero lagi ngang nangangamba ang puso ko kung hanggang kailan makapaghihintay si Jun, kung dapat pa nga niyang hintaying magsawa ako sa sarap-hirap ng pangingibang-bayan.
Hindi nga ako napaiyak pero napagod ako. Nakakapagod malungkot, nakakapagod mag-isip laluna kung alam mong ang iniisip mo’y malayong mangyari. Tuloy, sa pagod, nakatulog ako sa sahig kahit malamig.
Alastres na ng hapon nang ako’y gisingin ng lansa at init ng dugong umaagos sa ilong ko habang kinikilig ako sa ginaw. Gutom na gutom ako. Bigla, wala ako sa sariling napaiyak, ngayon lang ako napaiyak, ngayon lang ako napaiyak mula kanina, una’y mahihinang hikbi hanggang sa tuluyan na akong napahagulgol. Para akong batang baliw na nag-iiyak. Naghahanap ako ng anumang pampaampat ng dugo sa ilong ko, pero hindi ko na alam kung saan hahagilapin. Patakbo kong nilabas ang harding binabalutan ng yelo. Lumuhod ako sa napakaputing nyebe at dumakot ng isang kimpal at saka inilamukos sa mukha. Kumalat ang dugo sa yelo at lalo akong nagulumihanan.
“Jun! Jun! Gusto ko nang umuwi, Jun!” Magulo na ang isip ko at kung anuano na'ng pumapasok dito. Mabuti na lang talaga at nakahabol si Maridith mula sa kanyang duty, at isang mahaba’t malakas na busina ang pinawalan niya sa kaninang patay na hangin hanggang sa ako’y mahimasmasan.
“Bakit? Ano’ng nangyayari sa ’yo?” Basag na basag ang boses ni Maridith paglapit sa kinalugmukan ko. Saka lang ako nanlupaypay matapos makarinig ng pamilyar na boses. Saka lang ako tinakasan ng malay.
* * *
Tamangtama ang dilim ng bar kung saan kami nagkayayaang maghapuna’t mag-inuman ni Maridith. Mapusyaw ang mga bumbilya at itinatago nito ang namumula kong mga mata. Matagal na kaming hindi nagkausap nang dirediretso ni Maridith. Ngayon lang namin nalamang sa tagal ng hindi naming pag-uusap tulad ng nakasanayang pag-uusap noon sa Pilipinas, napakaraming naipong dapat pag-usapan pero napakahirap namang simulan. Sa wakas, nakapagbitiw ng masasabi si Maridith,’yung lagi’t madali niyang bitiwang tanong.
“Naaalala mo na naman si Jun, ano?”
Walang gumalaw sa akin kundi mga labing kikibut-kibot at nagwawaksi ng tunay na gustong ipakahulugan.
“Tatlong taon ka nang nagkakaganyan, napapansin ko, every winter ay nagkakaganyan ka.”
Gusto kong sabihin kay Maridith na taglagas pa lang ay kinakalis na ang puso ko, untiunting nahuhubdan, kaya pagdating ng nyebe, untiunti itong nawawala sa ritmo, untiunting namamatay. Pero kailanma’y nilalabanan ko ang tuluyang pagkamatay nito. Kalahati nito’y naghingalo nang iwan ko si Jun kapalit ng kaunting ginhawa sa buhay.
“Two more years, makakauwi na naman tayo. Puwede rin naman tayong magbakasyon sa Pilipinas anytime na gusto natin, sagot nga lang natin ang pamasahe, hindi ba?” nanginginig ang nalalasing na boses ni Maridith, kinakain ang dignidad para hindi mapahiya, para amuin ako kahit papaano.
Umiikot na si Maridith sa paningin ko. O ‘yung ulo niya ang talagang umiikot. Pero anumang ikot na gawin ng utak ko ngayon, alam ko na ang sasabihin ko sa kanya mayamaya.
"Marami na akong naipong pera, Maridith. Marami na rin akong naipong paghihirap ng loob. I’ve had enough.”
Tapos, kukwentuhan ko si Maridith ng mga kwento naming tatlo ni Jun mula pagkabata hanggang airport. Magkukwento ako nang magkukwento hanggang maiyak si Maridith, hanggang mag-iyakan kami. Saka ko siyang yayayaing umuwi.
(1990)

