Asawa
AASAWA
Minahal kita sa sandaling hindi mo namamalayan.
I.
“O, okay ka lang?” Tanong mo sa akin. Tumango lamang ako.
Hindi ka umimik.
Kahit naman sabihin kong oo, alam mo namang hindi. Alam mong alam kong alam mo: hindi ako okay. Hindi at okay- hindi bagay magsama sa iisang pangungusap lang. Iyan ang sinabi sa akin ni Peachy noong halos dalawang taon pa lang tayong magkakaibigan. Kung bakit ko pa raw kasing kailangang sabihin na ayos lang ako, eh halata namang hindi. Ganoon talaga ako, eh. Ang hindi ko naman maintindihan sa inyo, eh kung paano ninyo nagagawa pang itanong sa akin kung okay lang ako gayong kitang-kita naman ang totoong sagot. Ikaw, wala ka pa ring ipinagbago. Patuloy ka pa ring nagtatanong kahit alam mo naman ang sagot. “Pasensiya na, nakatulog ako,” sabi ko habang pinanonood kita sa paanan ng ating kama.
Nagliligpit ka ng gamit noong mga sandaling iyon. Pasado alas-dose ng gabi ka nang nakauwi kung kaya’t hindi na mainit ang lechong manok na binili ko. May bagong restawran sa kabilang kanto; minsan, isasama kita roon. Sinamahan ko na rin pala ng atsara ‘yung manok! Maraming maraming atsara. Sayang, hindi mo na nakain. Paborito mo pa naman ‘yun. Hindi ko na rin kasi nainit. Mukha pa namang masarap! Isa pa, bagong bili iyong microwave natin. Sinamahan ako ni Rina sa Greenhills kaninang umaga. Natanggap mo ba ‘yung mga text ko? Nakakainis. Hindi naman napakinabangan ang microwave noong una nating kinailangan! Bukas na lang, sa agahan. Nakatulugan ko na rin kasi ang paghihintay sa iyo. Pasensiya na ulit.
Mabuti na lang at nakakain ka na. Birthday pala ni Alex, hindi mo man lang sinabi sa akin, eh di, sana sinamahan kita. Delikado pa naman ang magmaneho nang nakainom. Mabuti’t hindi ka lasing. Pinagsabihan ka marahil ni Alex. Ikakasal na pala sila ni Eileen, ano? Gagawin daw akong ninang ng magiging anak nila! Siyempre, ninong ka rin. Biruin mo, ang bilis ng panahon, ano? Hindi ko talaga inakalang mauunahan pa nila tayo! Parang kailan lang noong ipinakilala ko siya kay Eileen. Mapili kasi ang kaibigan kong iyon! Noong bisitahin daw siya ni Alex sa bahay nila sa Bulacan, hindi na siya nakatanggi. Botong-boto sina Tita Connie sa kababata mong Bisoy! Hay, naalala ko lang tuloy na malungkot pala ako.
Nalulungkot talaga ako ngayon. Kulang pa nga ang salitang kalungkutan para maipaliwanag ko kung ano ba itong pakiramdam na pumipiga sa tahimik kong puso. Tulad ng tuwalyang sinabunan at binabanlawan ko kanina ang puso ko: pigang-piga. Ayan, katulad niyan. Sa mga pagkakataong tulad nito lang ako nakapagsasalita nang di ko malaman kung saan ko natutuhan. Siguro, sa mga pocketbooks na nabasa ko noong hayskul pa lang ako. Bakit nga ba ako malungkot- dito, ngayon, sa eksaktong lugar at oras na ito habang pinagmamasdan kita? Mukhang pagud na pagod ka na nga sa pag-aaral at patatrabaho. May saya akong nakikita sa mga mata mo noon na gusto ko sanang makita ulit. Pakiramdam ko tuloy, hindi ka na masaya sa relasyon natin.
Tingnan mo nga naman, kung anu-ano na itong naiisip at nasasabi ko! Eh kung sumulat kaya ako sa MMK? Dear Ms. Charo, nalulungkot ako ngayon. Nalulungkot ako. Nalulungkot talaga ako. Hay, baka hindi nila piliin ang sulat ko kung ganito lang ang mailalagay ko roon!
Hindi naman kailangang humagulgol ng isang tao para makita ng iba na malalim ang kalungkutan niya, diba? Alam mo, nakapapagod iyon, ‘yang paghagulgol. Nakita ko na si Nanay noon na walang tigil sa pag-iyak! Naikuwento ko na iyon sa iyo diba? Halos dalawa, tatlong oras, ewan ko ba, basta matagal iyon. Nauulit pa nang nauulit iyon sa mga sumunod na linggo, buwan. Hayskul pa ako noon, eh. Iniwan na pala kami ni Tatay kaya biglaan ang naging pagbabago ni Nanay. Sayang nga, hindi mo na nakilala si Tatay, ano? Dati nga diba, naikuwento ko sa iyo na hindi ako gaanong naglalalapit kay Nanay? Naaalala lang kasi niya si Tatay. Sa iyo ko naman naaalala si Tatay ngayon, mabait, mapagmahal, matalino, magaling sa lahat ng bagay, maalalahanin. Matagal na rin pala tayong hindi lumalabas, ano? Hindi mo na rin nga ako sinusurpresa- tulad noong huling kaarawan ko. Ayos lang sana sa akin na wala kang nabiling regalo kaso, nakalimutan mo talaga, eh. Hindi mo na namalayan na may espesyal din sa araw na iyon. Naintindihan ko naman, marami kang iniisip noong mga panahon iyon diba?
Mukha na akong bagong hilamos sa kaiiyak. Mabuti’t hindi mo napapansin. Pati kasi sa pag-iyak, tahimik lang ako. Hindi ko na namalayang natapos ka rin sa wakas sa pagliligpit ng mga gamit mo.
Natigilan ako nang may itanong ka.
“May tubig pa ba tayo?” Nagbihis ka na’t nagtanggal ng sapatos.
“Paubos na,” sagot ko. Namamalat ang aking boses. Sa lamig siguro. “Tatawagan ko na lang si Mang Ruben bukas ng umaga’t baka may reserba pa sila.”
Buwan-buwan ang rasyon ng tubig sa atin. Kung bakit kasi hindi pa ito magawan ng paraan ng lokal na pamahalaan. Apat na taon na rin pala tayong nagsasama rito. Naaalala mo pa ba noong una nating nakita ang apartment na ito? May plano ka agad sa kung paano natin aayusin ang mga bagong bili mong gamit. Plano rin natin noon ang pagpapakasal. Nadagdagan nang nadagdagan ang mga gamit natin nang hindi tayo humaharap sa altar. “Kahit sa huwes, ayos na sa akin.” Madalas kong sabihin noon kahit na pulos magasin tungkol sa pagpaplano ng kasal sa simbahan ang nakahiligan kong basahin. Nakapili na nga ako ng disenyo ng damit na gusto kong isuot sa araw ng kasal natin. Simple’t elegante.
“Nasaan na pala iyong tsinelas ko?” Tanong mo.
“Ewan ko, saan mo ba iniwan?”
“Hindi ko na matandaan eh…”
“Alalahanin mo muna kung saan mo huling inilagay.”
Katahimikan.
Hindi ko talaga alam kung paano tayo nagtagal pagkatapos ng isang taon na halos hindi na tayo nag-uusap. Kumportable na rin kasi ako kapag wala kang imik. Sanayan lang daw ang mga bagay-bagay pagdating sa pakikipagrelasyon. Nasanay na rin akong hindi na maghintay sa isasagot mo o kahit pa sa inaasahan kong sasabihin mo.
Naglakad ka mula sa kama hanggang sa may banyo nang walang sapin sa paa.
Nakakunot ang noo mo noong balikan mo ako sa kama. Nakatalukbong na ako noon. Mabuti’t matibay ang aircon na nabili natin. May tatlong taon pang warranty iyan, ano?
“Nawawala talaga. Wala rin sa banyo,” reklamo mo.
Paano ba mahahanap ang isang bagay na nawawala? Saan ka nga ba mag-uumpisa kapag nalilimutan mo kung saan mo ito huling iniwan? Wala ka na ngang ibang magagawa kundi ang magpatuloy sa paghahanap. Masuwerte ka kung makikita mo nga ito ulit. Kung hindi naman, ayos lang. Maaari kang maghanap na lang ng pamalit.
“Bilhan na lang kita ng bago,” sabi ko. “Anong gusto mong kulay?”
“Hindi na… sige na, matulog ka na.” Pumasok ka sa banyo at pikit-mata kong pinakinggan ang tunog ng tubig na tumatama sa sahig at sa iyong katawan. Naiinggit ako sa tubig.
“Hindi na pala ako kakain dito bukas,” sigaw mo. Nagsasabon ka na. Naiinggit ako sa sabon.
“Ng agahan? Bakit?”
“Maaga akong aalis. Huwag ka nang bumangon nang maaga para lang magluto.”
“Sige, ikaw ang bahala.” Alam kong maaga ka bukas. Board exams mo na.
II.
Gumising ako nang maaga at nagmadali para makabili ng diyaryo! Binati na rin ako ng mga kaibigan natin, ng mga kamag-anak at ni Nanay. Buong araw akong nakatanggap ng tawag at text. Nasaan ka na ba?
Sa wakas, dumating din ang gabing kay tagal kong pinaghandaan. Pitong taon na palang tayo. Sa umpisa pa lang, sabay na nating pinangarap na makaahon sa hirap. Noon, pangarap ko ang gumanap sa isang dula kung saan ako ang bida. Nangarap akong mapabilang sa pinakatanyag na teatro sa bansa. Ang sabi ng iba, wala naman daw pera roon. Hindi raw yumayaman ang mga nasa teatro. Hindi ko natupad ang pangarap ko hindi dahil sa naniwala ako sa kanila kundi dahil sa may ibang direksyon akong pinili para sa buhay ko.
Nangako kang makapagtatapos ka ng Abogasya. Natupad mo na ito.
Kay tagal kong naghintay sa salas na iniayos ko rin sa paraang gusto mo. Simple lang naman ang inihanda ko para sa araw na ito. Susurpresahin kita! Isa sa sampung nakakuha ng pinakamatataas na marka ang pakakasalan ko! Naalala mo ba ‘yung mga simple nating pangarap noong mga iskolar pa lang tayo sa kolehiyo? Noong hayskul, iskolar na tayo, sa magkabilang-dulo ng bansa nga lang. Ngayon, magkasama na tayong tinutupad ang mga pangarap na binuo natin hindi pa man tayo nagkakakilala.
Sana matuwa ka sa inihanda ko.
Nabili ko na rin pala iyong ipapalit natin sa tsinelas mo. Ikaw naman kasi, kung saan-saan mo inilalagay! Ang tagal-tagal mo nang ginagamit iyon, bakit bigla na lang nawala? Mahuhuli raw pala ang rasyon ng tubig para sa buwang ito. Ayun, nagreklamo na ang mga kapitbahay sa baranggay!
Lumamig na ang putaheng magiisang-oras ko nang inihanda. Pinatay ko na ang telebisyon. Nahihilo na rin kasi ako. Marahil, sa matinding pagod. Mabuti’t nakaidlip ako nang may kung ilang minuto.
Iniwan ko na rin ang tsinelas sa may paanan ng kama natin. Makikita mo agad iyon. Tiyak na ikatutuwa mo. Hindi ba’t ganoon ka pa rin naman? Natutuwa sa mga simpleng bagay.
Maaga akong nagising. Hindi ka pa rin pala dumarating.
Naghanda ako ng paborito mong vienna sausage at corn soup. Nag-init na rin ako ng kaunting tubig na iyong ipanliligo. Inihanda ko na rin ang isusuot mo para sa araw na ito. Sayang naman ang inihanda ko para sa ating dalawa kagabi.
Punyeta, minumura ka na ng mga kaibigan natin, ng mga kamag-anak at ni Nanay! Nasaan ka na ba?
Hindi ka na bumalik mula noong araw na iyon.
Hindi na rin ako nag-abala pang tawagan ka ulit.
III.
Minahal kita sa sandaling hindi mo namamalayan.
“Anong plano mo sa buhay?” Ginabi na tayo noon. Galing tayo sa kaarawan ng isa pa nating kabarkada. Ang sabi mo, ihahatid mo na lang ako pauwi kung kaya’t hindi na rin ako nag-alala sa oras. Nasa ikalawang taon tayo ng kolehiyo nang una tayong nagging malapit sa isa’t isa.
Sa puntong iyon, hindi ko na maitanggi sa sarili ko na may iba na sa nararamdaman ko. Hindi ko lang masiguro ngayon kung kailan o kung nasaan ako noong una kitang minahal.
“Marami,” sagot ko sa itinanong mo. “Gusto ko, simpleng buhay lang kung saan kuntento ako sa kung anong meron ako at kasama ko ang mga mahal ko sa buhay, eh ikaw?” Sa loob-loob ko noon, ang senti naman. “Ganun na ganun din,” sagot mo.
Pangiti-ngiti ka pa noong una dahil tinutukso mo ako. Simpleng buhay ba sa harap ng napakaraming manonood ang tinutukoy ko? Iyong tipong papalakpakan nila ako habang nakatuntong ako sa entablado at pinanonood nila akong lumuluha-sumisigaw-umaarte-nagtatanghal? Simpleng buhay ba na puno ng kolorete ang sabi mo noon, maganda kong mukha?
Ang sakit pala talagang balik-balikan (at hanap-hanapin) ang tamis-pait ng mga alaalang hindi mo mawari kung saan mo naiwan. Hindi ko nasagot ang mga panunukso mo noon. Tinawanan ko lamang ang lahat nang hindi naipagtatanggol ang aking sarili.
Sasagutin kita ngayon: simpleng buhay ang pinangarap ko mula nang makilala ka.

