BABALIK ANG ALON SA DALAMPASIGAN

| |

BABALIK ANG ALON SA DALAMPASIGAN

090882AR

Babalik pa ako na isang haragan sa iniwang pampang
Sa laot ng buhay ay naganyak lamang makipaghabulan
Babalik din ako huwag kang magdamdam sa aking paglisan
Kapag ang ibayo akin nang narating at aking nahagkan.
Ang pilak sa laot, kung gabing madilim na nagkikislapan
Aking iipuni't sa pagbabalik ko sa iyo'y iaalay
Bulaklak at yagit na lulutang-lutang sa agos ng buhay
Ay pipitasin ko't ipaaandukha sa 'yong mga kamay.
Huwag kang mag-alala't di kayang talian ng kahit na bagyo
Maging ng nilubid na puting buhangin ang paglalagalag ko
Kapagka nahapo itong hampas-lupa babalik sa iyo
Upang ipagbunyi itong kamatayan sa kandungan mo.
At kung sakali ma't mawalang-halaga itong naging buhay
Magbubunyi pa rin itong damdamin kong nawalan ng saysay
Pagka't malibing lang sa buhanginan mo ang aking kalansay
Luwalhati ng langit na ituturing ko kapirasong hukay.
tbdtbd925

danhollanda's picture

MAGANDA!!!!!

Maganda!!!!!

Madulas, makinis, malupit na pinag-isipan. Gustung-gusto ko ang liriko ng mga tugma na iniangkop sa makabagong prosa at anyo ng taludturan. Kaysarap ding bigkasin.

babalik ang alon

salamat kapatid na dan.

patungkol ito sa pagbabalik ko sa tinubuang lupa noong umalis ako.

dyeppri's picture

komento lang po!

Ilang komento lang po sa tula:

Una ay tula pala ito kasi sa unang tingin ay parang isang payak na sanaysay dahil walang paghahati ng mga salita. Siguro po (para sa akin lang!) ay masmabibigyan ng diin ang ilang bagay kung pinuputol ang bawat taludtod. Magkakaroon siya ng diin at masmakikita ng mambabasa kung nasaan ang bawat halaga noong parte ng tula. Para sa akin po (akin lan!) ay ganito po (pagkakaunawa ko at ang dating sa akin ng mensahe):

Babalik pa ako na
isang haragan sa iniwang pampang (- - > ano po meaning ng haragan?Frown)
Sa laot ng buhay ay
naganyak lamang na makipaghabulan
 
Babalik din ako at
huwag kang magdamdam sa aking paglisan
kapag ang ibayo ay
akin nang narating at aking nahagkan
 
Ang pilak sa laot kung
gabing madilim ay nagkikislapan
Aking iipunin at 
sa pagbabalik sa iyo ay iaalay  (--> kay ganda nito para sa OFW)
ang bulaklak at yagit na
lulutang-lutang sa agos ng buhay
ay pipitasin at
ipaaandukha sa  iyong mga kamay
 
Huwag kang mag-alala at
di kayang talian ng kahit na bagyo (-- bakit po talian o baka po pigilan?)
maging ng nilubid
na puting buhangin ang paglalagalag (--> sana faithful din ako!)
 
Kapagka nahapo itong hampas-lupa
ay magbabalik sa'yo
upang ipagbunyi itong
kamatayan sa kandungan mo  
 
at kung sakali man na
mawalang-halaga itong naging buhay (-->nagtaksil po ba??)
Magbubunyi pa rin itong
damdamin kong nawalan ng saysay
pagkat nalibing lang
sa buhanginan ang aking kalansay
 
Luwalhati ng langit ay
ituturing ko na kapirasong hukay.
 

 _siguro ay hindi po dapat din naka Italized ang tula para mas may diin (tamad na me ayusin eh...hehehe...ayaw mag-automatic)

- (para sa akin)mas makakahinga ang bumabasa (di po ba?) kasi noong una ay kinukulang ako ng hangin eh...

_ medyo humaba lang po pero maganda naman ang tinakbo kaya hindi nakakainip basahin ito!!!(yun nga lang may ilang pilit na pagra-rhyme ng salita na pwe-pwede naman na pre-verse na lamang ito ng mas maging mahalaga ang mensahe kaysa tunog. 'di ko na mabago at baka maiba ang sinasabi ng may akda.)

_ may inedit din po ako at dinagdag  pero para sa akin lang po ito ha... at sa komento lang po! (gusto ko din po ipakita kung tama ba ako! baka mali din ang pagkaunawa ko at eda-digest ko pa ng mabuti)Laughing

salamat po... maganda ang mensahe at nadama ko ito kasi may iniwan din ako noon. Nice1Embarassed

 

 

 

 

...........................................................

ako lang po ito at bahala ka kung tatanggapin mo...

salamat pareng dyeppri

una, nang isulat ko ang tula dito sa site, hiwa-hiwalay iyan ng tig-aapat na linya. bale apat na taludtod na may apat na linya. nang lumabas, ayun tuloy-tuloy na. itinama ko uli, pero ganoon din ang nangyari. hinayaan ko na, inaantok na kasi ako.matagal ko nang ginawa ang tula na iyan.

ikalawa, ang haragan ay isang uri ng hampas-lupa na mas mabilis maglipat-lugar. wanderer rather than a hobo.

ikatlo, talian ng bagyo kasi paikot ang ginagawa ng bagyo at hindi pagulong (whirling not rolling) kaya mas malamang matalian ka nito kaysa sa pigilan.

ikaapat, ang nilubid na buhangin ay kasinungalingan.

ikalima, hindi pwede ang free verse dahil rhymed o metered poem iyan, kaya din magkakatugma ang tunog sa dulo. masisira ang takbo pag siningitan mo ng free verse diyan. makikita mo iyan doon sa pagwawalang-tugma ng bagyo at paglalagalag sa version mo. nabitin iyong huling salita sa indayog. pansin mo?

ikaanim, ang bawat buhay may dapat saysay sa mundo. ipinanganak ang isang tao para gawin ang naaayon sa gusto ng Diyos. pero minsan sa tingin ng indibidwal mismo ay wala siyang naging pakinabang. kaya kung nawalan ng saysay ang buhay....

ikapito, italics iyan kasi gusto ko.

huli, tula iyan ng pagbabalik sa tinubuang lupa (kung napansin mo). sa huling linya, kung simple na lang malilibing sa basta buhangin ang kalansay AT HINDI DOON SA TINUBUANG LUPA (dahil nawala ang salitang mo) patay na ang halaga ng damdaming nais iparating sa mambabasa.

mahabang usapan kung ipaliliwanag ko ang panig ko sa pagawa ko niyan, pareng dyeppri, kaya nasasaiyo na kung paano mo gagawin sakali man ang tula. ang nais ko lang ay tulad ng sinabi ni ms ophelia dimalanta sa aming lahat noon: just do me jusrtice.

thanks....