BAKAS, WAGAS, WAKAS

Ilang subok na, ngunit sadyang madilim

Ilang ulit pa, sugat ay lumalalim

Di mapigilan ang bugso ng damdamin

Mga luhang ito ang sumasalamin.

 

Pigilan mo man ngunit nagpupumiglas

Yaring puso kong, labis kung magmatigas

Sa labang ito, hindi ako aatras

Katatagan, iyan ang ipamamalas.

 

Matatag ang loob, kahit minsa'y duwag

Mahigpit ang laban, puso'y malalaglag

Ang aking sariling, kulang sa liwanag

Ay nais siang makita at mabanaag.

 

Madilim, ayoko na sa kadiliman,

Oo masakit, ayoko ng masaktan,

Lumuluha, bakit mo ako iniwan?

Kamatayan, dahilan ng 'yong paglisan.

 

AUTHOR: Vergel Brimon