bakit hindi ko iboboto si manny villar

ellise dominic's picture

aaminin ko maka-noynoy aquino ako. bakit?  dahil anak siya ni cory at ninoy.  oo yun nga ang dahilan.  kapatid siya ni kris aquino na numero unong taklesa ng bayan.  sigurado hindi makakapagloko si noynoy dahil si kris ang unang kakanta sa kanya, sa bibig ba naman nun na dire-diretso sigurado mahuhuli agad kung may kapalpakan ang kapatid niya sa gobyerno.  at bilang anak ng taong nag-alay ng buhay para sa demokrasya ng pilipinas, at anak ng kauna-unahang babaeng presidente na sa pagkakaalam ko ay walang history ng corruption, bagaman maraming nag-alsa sa panahon ng liderato niya, nakakasiguro akong hindi magnanakaw si noynoy.  kung ikaw ay anak ng makasaysayang pamilyang ito magagawa mo bang dungisan ang pangalang nagbigay ng karangalan at nagpakilala sa ating bansa dahil sa people power, siyempre hindi.  sigurado akong hindi niya lalapastangin ang pangalan ng kanyang ama't ina at ang mga naiambag nito sa kasaysayan ng ating bansa.

pero kung ako ang tatanungin tingin ko hindi mananalo ang kandidato ko.  bakit?  sa tv obvious namang lamang si gibo at villar.  wala naman akong kahit anong negative na masasabi tungkol kay gibo bukod sa hindi ko naman siya kilala.  para kasing isang araw bigla na lang siyang pinakilala sa pilipinas na pambato ng administrasyon.  ayoko sa kanya dahil baka gawin lang siyang puppet ni gloria.  pero kung siya ang manalo okay na rin siguro dahil mukha naman siyang marangal at may prinsipyong tao.

pero hindi ko iboboto si villar.  hindi dahil mahirap siya na nangarap at yumaman.  hindi rin dahil lagi siyang umaatras sa mga debate at senate inquiry tungkol sa c5 extension project.  ayoko sa kanya dahil ginamit niya ang c5 extension para magbenefit ang mga subdivisions niya.  isang malinaw na pangloloko sa mga pilipino dahil ginamit ang kaban ng bayan para lalo pa siyang yumaman.

ganito kasi yan, isang simpleng eksplenasyon mula sa isang simpleng isip ng isang simpleng mamamayan.  nung naghahanap kami ng subdivision na malilipatan ang una naming concern ay ang daanan.  malapit ba ito sa terminal ng jeep, o may mga dumadaan bang jeep sa lugar ng subdivision, dahil kung puro tricycle ay nakakatakot gabihin baka marape ka pa o mahold-up kapag dinala ka na sa ilang na lugar ng tricycle driver.  hindi naman sa safe ka sa jeep ang sinasabi ko lang ay mas madaming pasahero ang jeep kaya mas safe ka kumpara naman sa tricycle na ikaw lang ang pasahero at may back rider pa ang driver na malamang ay kakuntsaba niya kung saka-sakaling maisipan ka niya ng masama.  kaya naman pinakaimportante bukod sa presyo at laki ng bahay ang daan at lugar ng subdivision.  at alam niyo ba na malaki ang pagkakaiba ng presyo ng mga subdivision na nasa bukana ng kalsada kesa sa mga subdivision na nasa looban ng mga eskinita o mga kabahayan.  oo mas mahal ang presyo ng mga subdivision na nasa daanan dahil madali ang means of transportation.  kaya naman nang nalaman ko ang tungkol sa c5 road extension sobrang nadismaya ako kay manny villar.  okay lang na magpayaman siya, magnegosyo, pero ang gamitin ang pera na galing sa buwis ng mga manggagawang pinoy para mas lalong magmahal ang mga bahay sa subdivision niya yan ang hindi naman makatarungan. 

kung sana ay sa sarili niyang bulsa kinuha ang pangpagawa ng kalsada sa mga subdivision niya eh wala sanang isyu pero the fact na proyekto ito ng gobyerno at ginamitan ng pondo ng taong bayan dapat lamang na hindi  siya makinabang lalo pa at may ambisyon pala siyang magpresidente.  wala pa man siya sa pwesto ay may corruption nang naganap paano pa kung nasa kanya na ang pinakamataas na kapangyarihan?

kung ibabalik nyo naman sa akin ang isyu sa hacienda luisita ng mga aquino, aba'y marami naman silang nagmamay-ari noon at hindi lang ang pamilya nina noynoy ang nagdedesisyon at wala pa sa kanila ang majority ng pag-aari nito kaya paanong lahat ng sisi ay ibabato niyo sa pamilya ni noynoy?  at kung talagang may sala si noynoy sa usaping agraryo wala naman ito kumpara sa sala ni villar, ika nga ay the lesser of two evil.  sina noynoy ang mga taga-hacienda luisita lang ang ginoyo pero si villar ang perang pinaghirapan ng buong bansa.

hindi ako nangangalap ng boto para kay noynoy dahil kahit ako ay pinanghihinaan na rin ng loob na mananalo pa nga siya.  pero bilang isang botante at dahil panahon naman ng eleksyon pakiramdam ko ay may obligasyon akong sabihin ang saloobin ko tungkol sa mga bagay na ito lalo na at mukhang hindi nakikita ng mga pilipino kung ano ang kinuha sa kanila ni villar.  hindi naman tayo binahaginan ng grasyang nakuha niya at velarde sa c5 extension project bagkus tayo pa ang lalong nagpayaman sa kanila.  hindi na kailangan ng graduate ng UP para makita na mali ang magawa ang c5 estension project lalo na at sinadyang padaanin ito sa mga subdivision nina villar at velarde.  kailangan lang natin ng common sense para makita ito.

at gaya ng pakiusap ng nakararami, gamitin natin ang ating isip sa halalang magaganap sa mayo a-diyes.  nagkamali na tayo kay gloria sana sa pagkakataong ito ay maitama na natin ang pagkakamaling iyon, hindi para sa atin kung hindi para sa mga batang susunod sa ating henerasyon...