Basura

Patrickman's picture
| |

Basura

Ayun
Ayan
Kahit saan ka
Tumingin
Aninagin:
   Santambak
   Nabubulok na
   Basurang
Nakikilangoy sa atin

Ngayong naging tila
Ilog ang mga lansangan.
Naging tila mga bangka
Ang mga sasakyan
Ang mga tao’y naging tila talaba
   Sa pagkakakapit sa mga
   Poste, pader, at bangketa
Nawala ang mga tahanang
Bubong na lang ang tanaw
Nangingibabaw
   Ang mga basura mo
   Mga basura ko
   Mga basura nating
Tinapon
Sa kung saan-saan
Ngayon, tayo’y minumulto
   Dala ng likidong
   Maburak at nakasusulasok
   Bumubulusok
Dala ng walang tigil na ulan

Ngayon
   Tayo’y pinahihirapan
   Tayo’y binabalikan
   Mga basurang
   Ating kinalimutan
Ngayon
   Ating kalangoy
   Tinatangay ng daloy
   Ng bahang
Sana’y naiwasan
Sana’y napigilan
Kung hindi lamang
Barado ang mga estero’t
Mga kanal
Na ngayo’y binubusalan ng
Samu’t saring mga basura

Pati sa mga kagubatan
Mga puno sana ang nakatanim
Ngunit ngayon
Mga basura na
Ang nakatambad sa atin
Mga punong pipigil sana sa baha
Ngayon itong mga basura natin
Ang lalong nagpapalubha

Ang payo ni nanay
Huwag lumusong sa baha
Magsuot ng bota nang
Hindi makagat ng daga
Ngunit paano na kung
Ang baha ay lagpas tao na
At ang pagsagip sa sarili
Ay hindi na natin magawa

Ang payo ni nanay
Huwag magtapon ng basura
Sa kung saan-saan
Mga payo niya ba’y
Ating pinakinggan?
Siguro ngayo’y
Magbabalik sa isipan
Dahil ang mga basurang
Ating tinapon
Ngayon ay nagsisibalikan.

Styrofoam dito
Plastic diyan
Ayun ang mga kahon ng sigarilyong
   Mga baga natin ang nakinabang
Ayun ang mga basag na bote
Ayan ang mga supot ng tsokolate
Mga diaper ni baby
Mga balat ng kendi
Mga napigtas na tsinelas
Mga sanitary napkin na
Madugo, umaalingasaw
   Sila ngayo’y nangingibabaw
   Kumbaga sa sabaw
   Sila ang ating mga kaulayaw
Sa panahong maginaw at maulan sa labas

Ngayon, tayo’y tila
Wala nang takas
Ayun, ayan
Kahit saan tumingin
Habang tayo’y nakalublob sa baha
Na parang mga alipin
Mga alipin ng salaulang lungsod
Maya-maya pa’y
Tayo na’y malulunod
At ang ating mga bangkay
Ay sa wakas, makikisabay
Sa mga basurang tayo ang lumikha
Sila’y nagbabalik,
Sa ati’y nakikipagtalik
Sa kasagsagan ng ulan, habang
Tangay-tangay ng baha.

02-05  October 2009

Patrick Orquia

Rom's picture

panalo itong tulang ito ni

panalo itong tulang ito ni Patrick, nanduduro sa mga taong naging pabaya sa ating kapaligiran.

bro maraming salamat sa pagbabahagi nito sa aming lahat sa poetry night kapos man sa oras at madalian ang event nagawa mo pa ring magbahagi ng iyong talento at lakas.

sana makasama ka ulit sa mga susunod. 

 

KarikaTuura

Patrickman's picture

no problem!

nag-enjoy ako. sana makadalo pa ako sa mga ganitong event uli. ansaya, hehe! 

sana sa iyo ko pinabasa ito, parang medyo malamya ang pagkaka-deliver ko, medyo intense pa naman sana ito. kung ikaw nagbasa nito baka mas naging maganda siguro. 

 

I'd love to turn you on...

Videoke the Radio Star

Rom's picture

 uy hindi a oks naman ang

 uy hindi a oks naman ang pagkakabasa mo kasi ang intensity naman nito nandun sa message e. binalanse lang ng "in passing" na pagbigkas yung bigat ng tula. e pag pinagsabay mo yung mabigat na message sa mabigat na pagbasa hindi rin tutugma--dapat balanse lang.

 

KarikaTuura

Patrickman's picture

hmmm... sa bagay.   ang

hmmm... sa bagay.

 

ang haba pala nito talaga, hehe. parang hihingalin ako nung binabasa ko na, haha! 

 

I'd love to turn you on...

Videoke the Radio Star

Rhea Stone's picture

!

 

Mas nakakatakot talagang magalit ang tahimik.

Iba ang kalikasan, hindi ito katulad ng tao na kapag nasaling ay kaagad na lumalaban. Matagal nang naaabuso ang kalikasan at matagal din nito tayong pinagpasensyahan pero nang mapuno siya, malupit ang naging sagot niya sa ating pang-aabuso.

Magandang aral ang inihatid ng tula mo sa amin. Salamat!

 

http://reyastone.blogspot.com/

Patrickman's picture

maraming salamat, rhea!

maraming salamat, rhea!

 

sana nga ay maging panggising na ang mga nagsaang bagyo para mamulat na tayong mga tao na kailangan na nating magbago. :D

 

I'd love to turn you on...

Videoke the Radio Star

noelablon's picture

Totoo yan.

Share ko lang ito - According to Galatians 6:7-8 (NIV)
- A man reaps what he sows. The one who sows to please his sinful nature, from that nature will reap destruction.

Tayo rin ang nagiging biktima ng sarili nating kasakiman at lalong higit ang mga bagong henerasyon. Dapat kumilos din tayo bilang isang mamamayan at wag na tayong umasa sa gobyerno dahil para tayong naghihintay sa wala. Kung tatnungin niyo kung ano solusyon - hindi ko rin alam hehe!

Pwede siguro isang puno isang bahay hehe! 

Magandang tula. Magandang aral. 

=== Nahalungkat niyo na ba?

Ang Baul ni Noel

Patrickman's picture

amen, brother!

natumpok mo.

 

datapuwa't talagang mahirap tanggapin na nakaranas tayo ng trahedya, dapat din nating isipin na konsekwensya rin ito ng mga pagpapabaya natin sa kalikasan. kaya dapat ay umpisahan natin ang pagbabago sa sarili natin. 

 

I'd love to turn you on...

Videoke the Radio Star