Bawat Kilometro Tibok ng Puso

|

 

BAWAT KILOMETRO TIBOK NG PUSO 

 

 

— 1 —
Ang Pinakamakisig na Boyskawt sa Puti

Maliit pa, mahilig nang maghanapbuhay si Karlo Montemayor, batang Bagobantay. Ang una niyang pinagkakitaan ay ang pagkukrudo ng dyip. Piso ang bayad noon sa bawat sahig ng dyip na nakukruduhan niya.

Hindi naman mahirap ang pagkukrudo ng dyip dahil nasa tapat lang ng inuupahang apartment nina Karlo ang paradahan. Krudo lang pati ang puhunan niya at ilang gulanit na basahan at maliit na walis-tambo, kaunting tyaga at maraming pasensya sa nanunuot na sangsang ng krudo, ayos na.

Si Mang Pidyong ang laging nagpapakrudo kay Karlo noon. Hindi na kasi pinababayaran ni Karlo kay Mang Pidyong ang pagwawalis, isinasama na niya ito sa pisong bayad ng matanda sa pagkukrudo.

Ewan ni Karlo kung bakit, pero agad na naging magaan ang pakiramdam ni Mang Pidyong sa kanya. Siguro’y dahil ’di niya pinag-aalinlanganang kruduhan ang dyip ng matanda. Marami kasing tumatangging kruduhan ang sahig ng dyip ni Mang Pidyong dahil sa kalumaan. Pero iba si Karlo. Hindi siya mapili. Ito siguro ang kinatuwaan ni Mang Pidyong sa kanya kaya madalas siya nitong sorpresahin ng kung anuano: trumpo, teks, holen, sumpit, bukayo.

Kaya magaan din ang loob ni Karlo kay Mang Pidyong. Lalo niyang pinupulido ang pagkukrudo ng sahig ng dyip ng matanda. Kung hindi’y matagal na sanang napapak ng kalawang ang sahig ng antigo nitong dyip na dadalawang dipa lang yata ang haba mula sa delasong ulo ng burloloy na kabayo sa harapan hanggang sa nakausling tambutso sa likuran. Hindi rin tinitipid ni Karlo sa krudo si Mang Pidyong kahit na sa unang pahid niya sa sahig ng dyip ay parang lumalagok ng likido ang uhaw na kalawang nito. Mabuti na lang, kahit papaano, may nailalantad din namang kinang ang sahig ng dyip ni Mang Pidyong. ’Yun nga lang, mahiyaing kinang. Kunswelo de bobo, kunswelo de krudo.

Pero noong mag-greydiks si Karlo, itinigil niya ang pagkukrudo. Mabuti rin naman daw na maranasan ang iba pang bagay. May pumwesto kasing pagawaan ng ice drop sa talipapa at nag-unahan ang kabataan ng Kalye Abra sa limitadong sisidlang-kahoy nito. Mabuti nga’t maagang natunugan ni Karlo ang balita dahil mismong si Mang Pidyong, na laging kumakain sa turuturo sa talipapa, ang nakapagbalita sa kanyang naghahanap daw ng mga tagapaglako ang pagawaan ng ice drop. Magmula noon, nagkaroon ng krisis sa paradahan ng dyip: wala nang nagkukrudo dahil lahat halos ng mga bata sa Kalye Abra, tulad ni Karlo, ay sumubok sa paglalako ng ice drop.

Inihanay muna ni Karlo ang lalagyang plastik ng krudo sa mga bote at garapa sa ilalim ng lababo ng bahay nila. Tuluyan na rin niyang nalimutan kung saan na ba nailagay ang mga basahan. At natagpuan na lang ni Karlo ang sariling naglilibot sa buong Bagobantay, nagbabatinting ng maliit na kuliling at hindi sinasadyang magkilya ng katawan pakaliwa para mapasan ang sisidlan ng ice drop sa kanang balikat.

At sa unang pagkakataon, nalibot ni Karlo ang buong Bagobantay at nakita niya sa wakas ang mga misteryo nito na noo’y sa mga kwento lang ni Mang Pidyong naririnig: ang Purok Sinagtala na para lamang isang malaking kiwal ng bitukang manok sa laksa nitong masasangsang na iskinita; ang iskwater-eryang Kalye Tagumpay na ginapi na ng bundukbundok na basura; ang sapa sa Tibagan na paboritong languyan at paliguan ng mga walang pera, bagama’t minsa’y kasabay mong magpapalutanglutang (bukod sa kyâpó) ang tae ng tao at iba’t ibang patay na hayop; at ang Ilog Culiat na napatanyag mula Purok Paltok sa timog hanggang sa Toro Hills sa hilaga dahil sa bibihira nang ibong kantutbato na kung minsa’y dumadalaw dito.

Maraming bagay na nakita si Karlo at lugar na naabot sa paglalako ng ice drop. Marami rin siyang inabot na palo sa tatay niyang nagpapaliwanag sa pamamagitan ng paha.  Ipinaghahanapbuhay daw naman sila ni Jack — ang tangi’t nakakatanda niyang kapatid na lalaki — ay kung bakit siya pang bunso ang kung saansaan nagsususuot. Pero hindi nagpapigil si Karlo sa paha. Likas na matigas ang ulo niya. Napilitan lang talaga si Karlong tumigil sa paglalako ng ice drop nang makumbinsi niya mismo ang sariling, “Oo nga, lugi rin naman talaga, dahil ako ring madalas ang kumakain ng sarili kong tinda.”

Pero hindi na rin nakabalik si Karlo sa pagkukrudo. Mabilis at maraming pagbabagong nagaganap sa mga kaklase niyang babae: bagama’t ibaiba ang antas, lumaki nang bahagya ang kanilang mga suso; bumilog, nagkahugis, at gumanda ang tindig ng mga katawan; umaliwalas ang hilatsa ng mga mukha.

Kaya mula sa kalagitnaan ng greydsiks hanggang sa pagsasara nito, natagpuan ni Karlo ang sariling bumabaling kay Lilia Lopez: ang unang babaeng nagbigay sa kanya ng motibasyon upang ipatahi sa wakas sa nanay niya ang sirang siper ng syorts at magpabili na rin ng kaunaunahang brip. At magmula noon, lalong ’di napagawi si Karlo sa paradahan ng dyip, nag-aalalang mahilingang muli ni Mang Pidyong na kruduhan ang dyip at mahuli siyang minsan ni Lilia sa aktong nakikitalamitam sa kalawang: isang aksidenteng noon ay ipinalagay niyang trahedya sa isang nagtatangka nang manligaw. “Para saan pa ang pagpupomada ko?” isip ni Karlo. “Para saan pa ang pagbubuhos ko ng alkohol sa kilikili? O ang paminsanminsang pakikiambos sa pabango ni Kuya Jack?” Para kay Lilia lahat ng iyon.

Ang pinag-igi na lang ni Karlo noon ay ang pagbuboyskawt. Mas madalas kasi kaysa hindi, ito ang batayan ng paghanga ng mga kaklase nilang babae. Pagandahan silang mga lalaki ng uniporme, pataasan ng ranggo, at paramihan ng nakukumpiskang sipa sa kawawang mga greydwan hanggang greydpor. Hindi na nila noon pinuprublema ang mga greydpayb, pumapalag.

Hindi naman nagtagal at nagbunga ang pagpapasikat ni Karlo. Siya ang may pinakamagarang unipormeng pamboyskawt dahil mayroon itong maliliit na etiketang nakatatak sa tela. Mismong mga etiketa ng Boy Scouts of the Philippines, galing pang Divisoria! Bihira raw ang boyskawt na may ganoong uniporme, sabi ng nanay ni Karlo.

Si Karlo rin ang may pinakamahabang sungay ng kalabaw na suksukan ng kertsip. At hindi lang iyon: si Karlo rin ang may pinakamaraming sipang ‘nakumpiska’ dahil minsa’y binibili na lang niya ang mga sipang ayaw ipakumpiska ng mga mga greydwan hanggang greydpor. Ang ginawa ni Karlo, binasag niya ang alkansyang pinag-ipunan ng kaunting kinita noon sa pagkukrudo ng dyip. Hindi ito alam ng tatay niya. Hindi rin ito alam ng nanay niya. At hindi na nila ito malalaman magpakailanman.

Sa madaling salita, napansin din sa wakas ni Lilia si Karlo; at hindi lang dahil sa kadaldalan nito sa klase tulad ng madalas na ireklamo ng mga titser nila. Naging sikat na boyskawt si Karlo sa iskwelahan na kung tawagin nila noon ay Puti dahil sa kinalburo nitong mga pader. Mula sa mapapanghing sulok ng gusaling Tugbo at Guansing, hanggang sa compost pit ng tiranong titser ni Karlo sa gardening na si Kura, umalingawngaw na parang hugong-bangaw ang pangalang “Karlo Montemayor”: ang iskawt na may pinakamaraming nakumpiskang sipa; ang pinakamakisig na boyskawt sa Puti. Paano pang ‘di mapapansin si Karlo ni Lilia Lopez, ang kras ng bayan na sekretarya ng seksyon nila?

Kaya ilang araw bago sumapit ang pagtatapos, hindi na nahirapan si Karlong imbitahan si Lilia para magmiryenda ng ginatan at tsitsarong bilog sa tindahan nina Manang sa harap ng geyt ng Puti. Naging madalas ang ganitong mga pagkikita, at minsa’y naligo pa sila sa Tibagan! Kasama nga lang ang iba pa nilang kaklase, kyâpó, at mga lulutang-lutang na ’di kanais-nais na bagay. Pero siyang-siya ang lahat at kung ’di pa kumagat ang dilim ay baka nakababad pa rin sila.

— 2 —
Slippery Knot

Ilang araw bago sila magtapos sa elementarya, sinamahan ni Karlo si Lilia sa talipapa. Napadaan sila sa paradahan ng dyip dahil di maiiwasan. Ni hindi namalayan ni Karlong dumaan na pala sila sa harapan ni Mang Pidyong.

“Uuuy, kaya naman pala hindi na nagkukrudo,” asar ng matanda, “nanliligaw na!”

Nagulat si Karlo. Lilingon sana siya, pero sa boses pa lang, alam na niyang si Mang Pidyong iyon. At alam din niyang lalo lang siyang aasarin nito kapag pinansin pa niya. Napatungo na lang si Karlo sa hiya, napatingin sa lupa at nakipagngisian sa nagtatawanang mga butas ng Kalye Abra na singnipis lang yata ng tsitsaron ang pagkakaaspalto.

“Isusumbong kita sa Nanay mo!” nagpahabol pa ang matanda habang patuloy lang sa paglakad sina Karlo at Lilia. “Sasabihin ko, nanliligaw ka na!”

Hindi na lang pinansin ni Karlo si Mang Pidyong pero dinalaw din siya ng kaba. Naalala niyang bigla ang paha ng kanyang tatay: ang mahaba nito’t malapad na pahang-kalabaw na nagnutnot na sa kakalagapak sa pwet niya. Bata pa kasi’y mahilig nang mangatwiran si Karlo, mahilig nang mamilosopo. Kaya kahit bata pa, nakahiligan na rin siyang dahasin ng tatay niya.

“At may paligawligaw ka nang nalalaman!” sigaw ng tatay niya sa kanyang isipan. “Kaya pala hingi ka nang hingi ng pera, kung sinusino’ng inililibre mo ng ginatan at tsitsarong bilog kina Manang, imbes na ikaw na payatot ka ang kumain!”

Pero kahit payat ang balangkas, nagpakatatag si Karlo, lalo’t kasama si Lilia. “Hindi ko sa inyo hiningi ang ipinanglibre ko,” kinausap ni Karlo sa isip ang kanyang tatay. “Hindi rin kay Inay. Galing ‘yon sa binasag kong alkansya. Pera ko ‘yon!”

Binura ni Karlo sa isip ang tatay niya at nagpatuloy sa paglalakad sa kalyeng butasbutas. Nililingunlingon naman ni Lilia si Mang Pidyong habang naglalakad.

“Nagkukrudo ka pala ng dyip?” baling nito kay  Karlo.

“Hindi na... ayoko na... masyadong marumi... tsaka ano... hindi naman talaga ako ano...”

“Ano?”

“Ano? Ano ba’ng bibilhin mo?” Iibahin sana ni Karlo ang usapan.

“Hinde, sino ba ’yung mamang ’yon?”

“A... ’yon? Si ano ’yon, si Mang Pidyong ’yon, mabait ’yon, kaya lang, nakakaasar... e, hindi naman kita nililigawan, e.” Nakahinga rin sa wakas si Karlo nang makapagsinungaling.

Si Lilia naman ang napatungo. Nag-angat ng mukha si Karlo at tiningnan ang namumulang si Lilia. Noon lang niya nakumpirmang mas matangkad nga ito sa kanya. At marunong ding mataranta. At mamula.

Matagal na ’di nagkibuan sina Karlo at Lilia habang patuloy sa mabagal na paglalakad. Palibhasa’y madalas na nakatungo, namalayan na lang nilang nasa talipapa na pala sila nang mag-umpisa nang magputik ang kalye. Tumigil ang dalawa sa paglalakad. Hindi makatingin si Lilia kay Karlo, kukurapkurap ang mga mata at pinatatambok ng hangin ang magkabilang pisngi. Mayamaya’y sulimpat nitong tiningnan si Karlo, nahihiya.

“Sige, h’wag mo na ’kong samahan. Baka hanapin ka nga ng tatay mo. Sige, baka isumbong ka nga ni Mang Pidyong sa nanay mo, baka mapagalitan ka pa,” hindi malaman ni Karlo kung nag-aalala lang si Lilia o sadyang nananakot.

Naalalang muli ni Karlo ang paha ng tatay niya — ang mahaba nito’t malapad na pahang-kalabaw na nagnutnot na sa kalalagapak sa pwet niya.

“Imbes na nag-aaral ka ng liksyon mo nang makaonor kang tulad ng Kuya Jack mo, may pahatidhatid ka nang nalalaman! Hindi mo naman kamag-anak ’yang Liliang ’yan!” Nanumbalik ang tatay ni Karlo sa kanyang isipan.

Pero disidido si Karlong samahan si Lilia sa palengke. Hindi naman niya makikita ang tatay niya dahil nasa Kalookan ito ngayon, nagtatrabaho bilang mekaniko sa PJ Lines. Isa pa, may gusto rin siyang bilhin sa talipapa. Hihiwalay din siya kay Lilia mamaya.

“Ano ba’ng bibilhin mo, Lilia?” tanong muli ni Karlo.

“Medyas na puti,” nagawa rin sa wakas ni Liliang tingnan si Karlo. “’Di ba, sabi ni Ma’am, medyas na puti raw ang dapat nating gamitin bukas sa graduation?”

“A, oo. Saan ba rito may medyas na puti? Sasamahan na kita,” panunubok ni Karlo.

“H’wag na, kaya ko naman. Tsaka baka may gagawin ka pang iba.”

Naalala ni Karlo ’yung gusto niyang tingnang sorpresa na sa ibang bahagi ng talipapa nabibili, kaya pumayag na rin siya sa mungkahi ni Lilia. Isa pa, para kay Lilia ang sorpresa.

“Ikaw. Sige. Kitakita na lang tayo bukas sa graduation.”
 
Nagpaalam si Karlo kay Lilia, sabay talikod, at naglakad papunta sa pwestong nagtitinda
 
ng kung anuanong mumurahing pangrigalo.

Kinabukasan, maagang ginising si Karlo ng nanay niya. Kapaplantsa lang nito sa arkiladong barong Tagalog ni Karlo at sa bagong biling itim na pantalong gabardin na gagamitin ng anak sa gradweysyon.

Pupungaspungas na pumunta sa kubeta si Karlo, nagbabalak maligo. Matagal siyang umiskwat sa sahig, babagsakbagsak ang antuking ulo, pupormapormang maliligo. Nagising lang talaga siya nang kusang bumuhos sa sariling bigat ang isang tabo ng tubig na matagaltagal din niyang iniumang sa kanyang ulo. Simbilis ng pangingilig sa lamig ng tubig ang ginawa ni Karlong buhos-sabon-banlaw kaya mabilis siyang nakatapos. Nangangaligkig siyang lumabas ng kubeta para magpantalon at magkamisadentro. Pagkatapos ay dalidali siyang nag-almusal, nagsipilyo at nagsuklay. Inihuli niya ang pagmimedyas.

Habang isinusuot ni Karlo ang bago at maputing medyas na binili ng kanyang nanay kasabay ng kanyang kaunaunahang brip, naalala niyang bigla si Lilia at ang nangyari kahapon. Naalala niya ang biglang pamumula ng pisngi nito nang sabihin niyang hindi naman siya nanliligaw. Siguro, nakipangngisian din si Lilia sa mga butas ng Kalye Abra, naisip ni Karlo. Siguro, nasiyahan din si Lilia nang maisip na, oo nga, baka nga nililigawan nga niya ito.

“Siguro may gusto rin sa akin si Lilia,” naisip ni Karlo. Napangisi siya. Alam niya, nalilito rin si Lilia kung nanliligaw nga ba siya o hindi. Pero maging siya, nalilito. “Nanliligaw na nga ba ako? Paano nga bang manligaw? Ano kaya’ng tingin ni Lilia? Mukha kaya akong tanga? Pwede na ba talagang manligaw ’pag elementary ka pa lang? Bakit hindi? Maghahayskul na naman ako. Ewan ko, basta gusto ko si Lilia, iyon ang sigurado.” Sabik na sabik na tuloy si Karlong magpunta ng Puti. Para sa pagtatapos. At para kay Lilia.

Pagkasuot ni Karlo sa medyas, nakatapos na rin sa pagbibihis ang kanyang nanay at tatay. Tutulungan sana si Karlo ng kanyang nanay sa pagsusuot ng barong Tagalog, pero pinigilan niya ito: “Kaya ko na po.” Nagtaka ang kanyang nanay pero nagparaya lang ito habang tinitingnan naman siya nang masama ng kanyang tatay.

Hindi mapakali si Karlo sa inarkilang barong Tagalog. Bukod sa makati, malaki. Naiilang siya. Panay lang ang rikisa niya sa suot na barong. Pero nang muli siyang tingnan nang masama ng kanyang tatay, kusa siyang nagdumali — ni hindi na nakaporma pa sa salamin.

Mayamaya lang ay lulan na silang tatlo ng traysikel papuntang Puti. Naiwan sa bahay ang Kuya Jack ni Karlo, naiwang nakasimangot. Inutusan kasi ito ng kanyang tatay na magluto ng pansit at bumili ng ice cream.

Pagkatapos ng seremonyas ng pagtatapos, nagkita sina Karlo at Lilia sa field ng Puti. Para bang may usapan sila kahit wala. At sa gitna ng pagsasabitan ng sampagita at batian ng magkakaklase’t magkakakilala, nagawa pa rin nina Karlo’t Lilia na sandaling takasan ang okasyon.

Tinapunan ni Karlo ng ngiti si Lilia na agad naman nitong ibinalik. Inumpisahan ni Karlo ang walang-direksyong paglalakad at gano’n din ang ginawa ni Lilia.

Naglakad nang naglakad sina Karlo at Lilia, palapit nang palapit sa isa’t isa nang ’di nag-uusap, hanggang sa halos dikit-balikat silang napadpad sa nakabukas na kwarto ng Sining Pang-industriya. Doon, sa isang alikabuking lugar, malapit sa mesa ni Mister Santiago (na minsang nagpatayo sa kanya sa harap ng klase para siya’y batukan dahil binungkal niya ang tanim nitong kamote, inilaga’t kinain nang ’di man lang niya pinatikim), binati ng magkaklase ang isa’t isa, sagadsagaran ang mga ngiti.

“Kongrats,” sabi ni Karlo.

“Kongrats din,” balik ni Lilia.

“Sa’n ka maghahayskul?” tanong ni Karlo.

“Gusto ni Itay, sa Magsaysay,” sagot ni Lilia. “Ikaw?”

“Ako? Sa Science,” pagmamalaki ni Karlo.

“Pumasa ka pala?” nagulat si Lilia.

“Tsamba lang.”

“Hinde, magaling ka naman talaga, e.”

“Magaling ba ’yung walang onor?”

“Kahit na. Magaling ka naman kahit walang onor. Madaldal ka lang kasi sa klase tsaka palakontra kaya ’di ka nagugustuhan ni Ma’am. Pero tingnan mo, ikaw lang ang pumasa sa Science. E si Samuel nga, kahit s’ya pa ang valedictorian natin, hindi pumasa.” Nagsasabi na ng totoo si Lilia, naisip ni Karlo.

“Ba’t kasi hindi ka nag-test sa Science? ’Tamo, magkakahiwalay na pala tayo.”

“Sa Magsaysay gusto ni Itay e.”

Wala nang maisunod na tanong si Karlo. Wala ring magawa si Lilia kundi ang igala ang tingin sa loob ng silid: sa nakadispley na mga proyekto, sa iba’t ibang uri ng paghuhugpong ng kahoy at lubid, sa huling silid ng elementarya na sabay nilang nasisilayan.

Biglang nalungkot si Karlo nang makita ang isang partikular na paghuhugpong ng lubid na nakadispley sa isang alikabuking iskaparate: ang slippery knot. Paborito ito ni Karlo sa lahat. Maski sa scouting, ang slippery knot ang una niyang minaster. Madali lang itong gawin. At isang higit mo lang, nakakalas agad ang slippery knot, naisip ni Karlo. Para sa kanya, iyon na yata ang pinakamahalagang paghuhugpong ng tali. Para kasing sila ni Lilia ngayon — magkakalasan na, hinihigit ng pagtatapos.

Hindi na pala sila magiging magkaklase ni Lilia. Nasanay kasi silang maging magkaklase ni Lilia sa Section One, mula greydwan hanggang greydsiks. Ito na lang pala ang huling pagkakataon ni Karlo sa elementarya para sabihin kay Lilia ang matagal na niyang iniisip na sabihin.

Nag-ipon muna si Karlo ng apog sa mukha, at saka sadyang iniwasan ang tingin ni Lilia. Lumapit siya sa alikabuking mesa ni Mister Santiago, at sa ibabaw nito tumitig. Doon din niya isinulat ang walang-kabuluhang mga hugis habang nagsasalita.

“Lilia, kasi, magkakahiwalay na tayo... may sasabihin sana ako sa ’yo.”

“Ano ’yon?”

“Kasi, ano... gusto kita.”

“Alam ko.”

Nagulat si Karlo. Alam niya?

“Pa’no mo nalaman?”

“Basta, alam ko.”

“Nabasa mo ’yung slumbook ni Mitchi, ano?”

“Basta.”

“Sinabi ni Ato?”

“Basta, basta.”

Natahimik ang dalawa. Pero alam na nila ang susunod na tanong.

“Ako ba, gusto mo, Lilia?” siryoso na si Karlo.

“Oo, pero kaibigan na lang muna tayo,” mukhang siryoso rin si Lilia.

Hindi alam ni Karlo kung matutuwa siya o paano. Gano’n lang ba?

“Oo, pero hindi muna?”

“Magagalit ang tatay ko.”

“Pero gusto mo rin ako?”

“Oo!”

Maligayangmaligaya si Karlo nang sinabi ni Liliang gusto rin siya nito. Pero nalilito siya. E, ano ngayon kung gusto siya, e huwag daw muna?

“Pa’no na?” tanong ni Karlo.

“Kaibigan na lang muna. Pagkatapos ng hayskul, baka pwede na. Natatakot ako sa tatay ko, e.”

Gustong umangal ni Karlo. Gusto niyang umangal sa tatay ni Lilia: “Ano ho ba’ng pakialam n’yo?” Pero iba ang buka ng bibig niya. Tulad ng nakasanayan:

“Ikaw. Sige.”

Tiningnan ni Lilia si Karlo, nahihiyang nangingiti.

“Hindi ka galit?” tanong ni Lilia.

Tumango lang si Karlo at kinapa sa bulsa ang binili niya sa palengke kahapon. Inilabas niya ito at ipinakita kay Lilia.

“Sa ’yo nga pala ’to, Lilia.”

“Ano ’to?” tanong ni Lilia habang nag-aalangang inaabot ang nakabalot na sorpresa ni Karlo.

“Basta, buksan mo.”

Maingat na tinanggal ni Lilia ang balot na dyaryo at lumantad ang isang pares ng pang-ipit ng buhok na may kwadrakwadradong disenyong kapag iginalawgalaw ay nag-iibaiba ang kulay sa tama ng liwanag. Tuwangtuwa siya at lalong tumamis ang ngiti kay Karlo.

“Salamat, ha!”

Akala niya’y mababaduyan si Lilia sa kanyang sorpresa. Pero nasiyahan pa ito. Pakiramdam tuloy ni Karlo’y magtutubig ang kanyang mga mata, at ’di yata niya mapipigil. Kaya bigla niyang tinalikuran si Lilia at mabilis na naglakad palayo, pabalik sa field.

“Karlo?” nag-aalala ang humahabol na boses ni Lilia. “Galit ka, ’no?”

Umiling lang si Karlo habang panabay na sila halos ni Liliang lumalakad-tumatakbo. Pero, kitangkita ni Lilia, umiiyak si Karlo habang nangingiti. Hinayaan na lang niya ito.

Biglang binagalan ni Karlo ang paglalakad at pinunasan ng panyo ang mukha, humarap kay Lilia at pilit itong nginitian. Nginitian din ni Lilia si Karlo at tahimik silang naglakad pabalik sa field, hindi nagkikibuan.

Nasalubong nila si Mang Pidyong, may daladalang dalawang simpleng kwintas na sampagita na walang kalasulaso. Nambubuska na naman ang pasok nito.

“Ehem, kaya naman pala nawawala, nanliligaw na naman! Hanggang sa graduation ba naman, Karlo? Huuu!”

Pero imbes na maasar na naman si Karlo, hindi niya ininda ang biro ni Mang Pidyong dahil totoo naman pala, nililigawan naman pala talaga niya si Lilia. O niligawan.

Lalo pa siyang natuwa sa matanda nang sabitan siya nito ng sampagita, dagdag sa ilan nang suot niya galing sa kanyang nanay at tatay. Ganoon din ang ginawa ni Mang Pidyong kay Lilia.

“Kongrats sa inyong dalawa.  Mas galingan pa ninyo sa hayskul, ha?”

Tumango lang si Karlo. Nagpasalamat din si Lilia at masaya ang tatlong naglakad pabalik sa field ng iiwang Puti. Magkakahiwalay silang muling nakihalubilo sa mga tao. Hindi na napansin ni Karlo si Mang Pidyong, bigla na lang itong nawala. Nanghinayang siya dahil ipapakilala pa naman sana niya ito sa kanyang nanay at tatay para mapatunayan niyang may nagbibigay talaga sa kanya ng trumpo, teks, holen, sumpit at bukayo; at hindi siya kailanman nangupit sa bulsa ng tatay niya para magkaroon ng mga ganoong bagay. Iimbitahan din sana niya si Mang Pidyong sa kaunting handaan nila sa bahay. Siguro, naisip niya, nakapagluto na ng pansit at nakabili na ng ice cream ang nagdadabog niyang kuya.

Nagkatinginan pang muli sina Karlo at Lilia habang naghihiwalay. Iminuestra ni Karlo ang pagmamanibela, itinatanong kay Lilia kung nakita ba nito si Mang Pidyong. Umiling si Lilia at lihim silang nagngitian at nahihiyang kumaway sa isa’t isa.

— 3 —
Isang Mapagbadyang Hatinggabi

Hindi kaanuano ng Bagobantay si Mang Pidyong. Kwento ng matatanda sa Kalye Abra, para raw itong kabuteng sumulpot isang makidlat na hatinggabi, tumambay sa tindahan ni Mang Ares, nagtumba ng dalawang hinyebra, at mayamaya’y siya naman ang tumumba. Nakasalampak, sa harapan na ng tindahan ni Mang Ares nakatulog si Mang Pidyong. Sa lupa. Umaga na siya nagising kundi pa ginising ni Mang Ares na suyangsuya sa suka ng binata.

Bata pa si Mang Pidyong noon, at binatangbinata. Suyangsuya naman si Mang Ares, lalo na nang sumukang muli si Mang Pidyong pagbangon.

“Anak ng!” gitil na gitil ang may-ari ng tindahang nasukahan sa paa.

Agad na humingi ng dispensa si Mang Pidyong.

“Anong sorisori? Ikaw ’yung umiinom dito kagabi ’no? Ba’t ’andito ka pa, ha?”

Humingi muli ng dispensa si Mang Pidyong.

“Iinum-inom ka, hindi mo pala kaya!”

Isa pang dispensa ni Mang Pidyong at laking gulat ng mga saksi ng umagang iyon nang makita nila kinagabihan na nag-iinuman na ang dalawa at masayang nagkwekwentuhan hanggang sa lamunin ng kanilang halakhakan ang katahimikan ng gabi, hanggang sa bulyawan sila ng mga kapitbahay: “Magpatulog kayo kung ayaw n’yong matulog, mga bwisit!”

Nagpahabol pa ang dalawa ng isang hagalpak ng tawanan, humahagikgik, bago tuluyang nanahimik.

Nang bumalik si Mang Pidyong pagkalipas ng dalawang araw, daladala na niya ang kanyang bahay at tanging yaman: ang antigong dyip na dadalawang dipa lang yata ang haba mula sa delasong ulo ng burloloy na kabayo sa harapan hanggang sa nakausling tambutso sa likuran.

Sa dyip niya natutulog si Mang Pidyong. Doon niya iniimbitahan ng inuman si Mang Ares at ang parami nang parami niyang mga kaibigan. Sa gilid naman ng harapan ng tindahan ni Mang Ares ang paradahan ng dyip ni Mang Pidyong, kasunduang magkaibigan. At bago bumyahe sa madaling araw, sinisiguro muna niyang dumaan sa Tibagan para magdiposito ng kahapong diposito sa tyan. Ayaw naman niyang pati sa pagtae ay perwisyuhin pa niya si Mang Ares. ’Yun nga lang, may nagsisipaligo sa Tibagan pagsapit ng tanghali.

Batambata pa si Karlo noon para intindihin ang isang tulad ni Mang Pidyong. Pero para sa kanya, kapansinpansin na ang bagong saltang ito. Sa mga bata kasing tulad ni Karlo na maya’t maya’y nasa lansangan, imposible nilang hindi mapansin ang lahat ng kakaiba ang hitsura at kilos sa Bagobantay o kahit man lang sa Kalye Abra. Para kasing dekorasyon ang mga ito.

Dekorasyon ang maglalako ng bolabolang ulo ng hipong si Tatang Lee dahil kaya nitong italumpati, diretsong Inggles laluna’t nakainom ng syoktong, ang tungkol sa krisis-asukal noong panahon ng Hapon. Dekorasyon ang manggagawang si Fidel Betis dahil ito, sa pagkakaalam ng marami, ang unang naging armadong partisanong komunista ng Bagobantay sa maiskwater nitong kasaysayan. Dekorasyon si Aling Batang dahil daig pa nito ang ilang edisyon ng Balita pagdating sa kasariwaan ng balitang-barangay. Dekorasyon din ang kubang si Inday Bote dahil ito lang ang lulugulugong nilalang sa Bagobantay na kaya pang manakot ng may-kung-ilampung bata makita lang siya, daig pa ang berdugong kupal ng Bagobantay na si Sarhento Deogracias na tanggalan mo lang ng baril e biglang babait pa sa tupa.

Kaya dekorasyon din si Mang Pidyong para kina Karlo. Ito lang kasi ang nakita nilang tao na sa dyip nakatira. Wala rin silang nalalamang kamag-anak ni Mang Pidyong. Ito lang yata ang nilalang sa Kalye Abra na kuntento sa buhay na walang kulay. Wala itong asawa kaya wala ring anak na ipinaghahanapbuhay. Wala itong bahay kaya walang inuupahan. Wala rin itong kubeta kaya wala ring binubuhusan. Wala itong plato, kutsara, kaldero, kaya wala ring hinuhugasan. Wala itong maraming damit kaya wala ring maraming nilalabhan. Wala itong planggana kaya sa sirang tubo sa Sinagtala na lang ginagawa ang paglalaba.

Wala itong inaanak kaya walang prublema kung Pasko. At hindi ito naniniwala sa isang diyos kaya wala ritong Pasku-pasko, walang simba sa Linggo, walang Pista ng Santo Niñong patron ng Bagobantay, walang Semana Santa, walang Araw ng Patay. Wala rin itong bertdey dahil hindi nito alam kung kailan ang kanyang kapanganakan. Lumaki itong walang malay sa isang pamilyang hindi nito nakilala na nakatira sa hindi nito maalala. Basta’t para itong kabuteng sumulpot isang makidlat na hatinggabi. Lahat ng ito, ayon sa matatanda ng Kalye Abra — kasama si Tatang Lee na hanggang ngayo’y buhay pa.

At habang lumalaon, hindi na gaanong nagiging pansinin si Mang Pidyong. Una’y lumalangkap na itong maigi sa mga tao sa Bagobantay, laluna kung ang pag-uusapan ay ang pagdami ng kanyang mga kabarkada sa paglipas ng mga araw. Isa pa, parang kuntento naman sa buhay si Mang Pidyong kahit nga ba kakaiba ang istilo ng pamumuhay.

Pero ang hindi alam ng mga batang tulad ni Karlo, hindi kailanman naging kuntento si Mang Pidyong sa buhay. Para kay Mang Pidyong, ang buhay ay parang pasada. May kaugnayan ang bawat bagay sa byahe — wala siyang hanapbuhay kung walang pasahero, hindi makakabyahe ang sinuman kung walang magmamaneho, at walang imamaneho kung walang sasakyan.

Sa kababyahe kasi, lagi noong nasusumpungan ni Mang Pidyong ang mga rali at demonstrasyon. Iba’t ibang isyu ang dinadala ng mga rali noon — mula presyo ng krudo hanggang presyo ng buhay na sabi’y dinadahas ng gubyerno.

Tulad ng panahon ng pagsulpot ni Mang Pidyong, para ring hatinggabi ang mga panahong iyon ng kamusmusan ni Karlo, nag-aagaw ang gabi’t umaga, kumikidlat, nagbabadya ng unos anumang sandali. At malalaman ni Karlo sa aklat ng kasaysayan sa kanyang paglaki, na may isang presidenteng naghasik ng lagim sa kanyang bayan, sa kanyang henerasyon. At hindi ito tulad ng mga dekorasyon ng Bagobantay na pwedeng pagtampulan ng tawanan at alipusta mula sa umpukan ng mga batang tulad ni Karlo. Alam lang nila ang pangalan nito dahil ipinapasaulo ng titser nila sa Araling Panlipunan. Baka ni hindi nga nila alam na ito ang dahilan kung bakit araw-araw silang bumibigkas ng “Panatang Makabayan” at kumakanta ng “Ang Bagong Lipunan.” Saulado nila ang pangalang ito: Ferdinand Edralin Marcos. Si Makoy, kung tawagin ng iba.

Matalino si Makoy, mahusay manghikayat, mahusay sa retorika. Ambisyoso. Matapos manungkulan bilang mambabatas noong Dekada ’60, lalo pa itong nauhaw sa kapangyarihan. At nang magtagumpay at maluklok bilang Pangulo ng Republika ng Pilipinas, naisip nitong angkinin nang lahat ang kapangyarihan. Gumawa siya — o di kaya’y nagpagawa sa kanyang mga tautauhang upisyal — ng mga batas upang siya’y maging supremong tagapagbatas, tagapagpaganap at tagalitis. Walang ibang nanaig kundi ang mga kapritso niya, sampu ng kanyang kamag-anakan, mga kroni’t kaibigan.

Ang mga batas ni Makoy ay ipinatupad ni Makoy nang walang makakatutol kay Makoy. Ang tumutol kay Makoy ay ipinahuhuli ni Makoy, madalas ay palihim, at ipinakukulong ni Makoy, pinahihirapan, pinahihirapan nang pinahihirapan para mapilitang magturo ng iba pang tutol sa pamamalakad ni Makoy. Ang hindi umamin o magturo ay ipinapapatay ni Makoy, madalas di’y palihim, at kung hindi man palihim, gagamitin ni Makoy ang mga batas ni Makoy upang ito’y malitis ayon sa kapritso ni Makoy. Dahil si Makoy ang batas. Dahil siya si Makoy. Dahil si Makoy ang diktador.

Noon, wala man lamang maisuot na tsinelas ang mamamayan habang libulibo namang sapatos ang pinagsasawaan ng asawa ni Makoy na si Imelda Romualdez. Wala man lamang masilungang bulok na bubungang-lata ang mamamayan habang bilyunbilyong piso ang halaga ng mga gusali’t bahay-bakasyunang binili ni Makoy at ni Imelda — at ng mga anak nilang sina Imee, Bongbong at Irene, liban pa sa mga itsinitsismis na anak sa labas — mula sa maririkit na isla ng Pilipinas hanggang sa matatayog na gusali ng Amerika at iba pang bansa.

Maraming taon ang lilipas, pero hindi alam ni Karlo kung pinrublema ba noon ni Mang Pidyong ang mga bagay na tulad nito. Noong mura pa ang kanyang isipan, ang lagi lang iniisip ni Karlo ay kung hindi ba sinusubukan ni Mang Pidyong na isipin kung bakit wala siyang sariling kubeta. Ito, sa gitna ng pagpapagawa ni Imelda ng isang komunidad ng mga kubeta sa isang bulubundok. O kung bakit wala siyang sariling bahay. Ito, sa gitna ng pagpapagawa ni Makoy ng mansyon sa ituktok ng isang bundok para lamang masagap sa hangin doon ang lahat ng banta sa kanyang buhay at pusisyon sampu ng kamag-anakan niya, mga kroni’t kaibigan.

Nagpatayo rin noon si Imelda ng magagarang gusali na hanggang ngayo’y nagkukulong sa mga artista’t manunulat para umawit, sumulat, sumayaw, lumilok, magpinta at tumalakay sa mga obrang malayo sa katotohanan ng mamamayang ang pangunahing sining ay kagutuman at ang panghuling panitikan ay kamatayan. At inilagay ni Imelda ang mga sanayang gusaling ito sa isa ring bundok, habang ang mga tanghalan nama’t upisina ay sa isang ispasyong ninakaw sa dagat.

Mahaba ang talaan ng pagnanakaw noon ng diktadura, kamag-anakan, mga kroni’t kaibigan. Lilipas ang ilan pang taon, at malalaman ni Karlo sa aklat ng kasaysayan na hindi pa nababawi ng bayan ang ninakaw ng diktadura sa kanyang kaban.

Makidlat ang hatinggabing iyon. At ang akala ni Karlo, basta ganoon lang ang pagkakapadpad ni Mang Pidyong sa Bagobantay — parang kabute. At sa gitna ng nagbabadya’t paparating na unos, akala rin ni Karlo’y kuntento lang na natutulog si Mang Pidyong sa malamig, antigo nitong dyip na dadalawang dipa lang yata ang haba mula sa delasong ulo ng burloloy na kabayo sa harapan hanggang sa nakausling tambutso sa likuran.

— 4 —
Sekundarya

Panibagong yugto ang pagtuntong sa hayskul. Isa itong yugto ng magkahalong kalituhan at kasabikan: bagong uniporme, bagong mga kaklase’t kaibigan, mas makakapal na libro, mas mahihirap na aralin. Ganito ang inaasahan ni Karlo batay sa mga kwento ng mga kaibigang abante ng isa-dalawang taon sa kanya.

Inaasahan na rin ni Karlo ang paghihiwalay nila ni Lilia. Ang totoo, nang tapusin nila ni Lilia ang elementarya sa nakabukas na silid ng Sining Pang-industriya, pilit na niyang natanggap ang di-maiiwasang bagay na ito. Ganoon din si Lilia.

At dahil sa mga paghahanda para sa hayskul, hindi na halos naramdaman ng dalawa ang paghihiwalay. Kinain ng mga preparasyon ang atensyon nila sa isa’t isa.

Sinamantala ng section nina Karlo at Lilia ang ilang linggong palugit bago magbukas ang iskwela, bago maghayskul. Halos tuwing makalawa ay nagkikitakita silang magkakaklase. Nag-iikot sila sa bahay ng bawat isa, at ang matapatan, asa ng lahat, ay magpapamiryenda ng kahit ano: puto, sago’t gulaman, pansit, monay, maruya; kahit ano basta mangunguya. Tapos, saka sila magkwekwentuhan kung ano na ba’ng nangyayari sa isa’t isa, ano’ng mga posibleng mangyari, ano’ng gusto nilang mangyari. Madalas namang nakakasama ang karamihan pero hindi na sila nakumpleto kailanman.

Pero sa pagpasok ng hayskul, ilan sa mga kaklase nina Karlo at Lilia ay ’di na nakapag-aral dahil sa hirap ng buhay. Ang iba’y pansamantalang pinatigil dahil sa hirap ng buhay. Ang iba’y pilit pinag-aral para makaahon sa hirap ng buhay. Ang iba nama’y nagpumilit na makakuha ng libreng paghahayskul dahil din sa hirap ng buhay.

Gayunman, sa gitna ng kakapusan, mayaman ang lahat sa imahinasyon at nakuha nilang ipagdiwang ang ilang maliliit na bagay. Ang mga babae ay naninibago (subalit nasasabik) sa bagong kulay at disenyo ng kanilang mga blusa at palda. Ang mga lalaki ay tuwangtuwa dahil araw-araw na ngayon silang nakakapagpantalon. Kanyakanyang hiling ang lahat sa mga magulang: bagong sapatos at bag, mamahaling mga gamit pang-iskwela, at lahat ng maisip na abubot na sasapat sa hitsura ng isang hayskul tulad ng inaanunsyo ng mga negosyante sa radyo, dyaryo’t telebisyon. Pero sa gitna ng pagdiriwang ng kasabikang ito, may pangamba rin sa puso ng bawat isa.

“Ano kaya’ng mangyayari sa hayskul?”

“Masaya kaya?”

“Baka ligawan na ako.”

“Manliligaw na ako.”

“Pa’no kung tuluyan na tayong magkahiwahiwalay?”

“Kailan ang reunion?”

“’Pag college na ba? Mas maganda yata kung may trabaho na’ng lahat..”

“Mas maganda kung may mga asawa na’t anak!”

Iba’t iba ang ikinababahala ng magkakaklase, kasama na sina Karlo at Lilia. Kaya sa loob ng mahigit na dalawang buwan, hindi na gaanong namalayan pa nina Karlo at Lilia ang paghihiwalay. Marami rin sa iba ang nagsulatan at nagpaalamanan. Kanyakanyang bigayan ng kung anuanong abubot bilang alaala — “simple remembrance.” May nag-iyakan, may nagkatampuhan, may nagligawan, may nahalikan sa pisngi, may regular na nagkikita, hiwalay sa mga pagkikita ng grupo, para bang hindi na magkikitakita pang muli, para bang mauubusan na ng panaho’t pagkakataon.

Sa unang taon ng hayksul, pinilit ng marami sa grupo na kontakin ang bawat isa at magkita pa rin kahit man lang tuwing Linggo pagkatapos magsimba sa Santo Niño. Pero untiunting natilad ang dating malaking grupo. May kahirapan nang magkita ang karamihan. Paminsanminsan, nagkikitakita nang hiwahiwalay ang bawat maliliit na grupo. Kung minsan nama’y may isa-dalawang napapadpad sa isang grupo mula sa ibang grupo at doon na lang nagkakabalitaan tungkol kay ganito’t ganire, tungkol sa ganoo’t ganyan.

Hindi nagtagal, tuwing may okasyon na lang nagkikitakita maging ang maliliit na grupo: tuwing may bertdey o burol, tuwing pista o Semana Santa, tuwing Pasko at Bagong Taon.

Matapos ang ilang buwang paglulublob sa bagong kabihasnan ng hayskul, may kanyakanya na ring sabit na kasama ang bawat isa sa mga pagkikita.

Syempre, hindi nakaligtas sa ganitong mga pangyayari sina Karlo at Lilia. Noong ikatlong taon na nila sa hayskul, hindi na talaga sila halos nagkikita. At kung magkanoon man, bahagya na rin silang naiilang sa isa’t isa. May kanyakanya na ring puna tungkol sa mga pagbabago, tulad din ng mga puna ng iba sa dating mga kaklase.

“An’dami mo nang tagyawat!”

“Ampayat mo na.”

“Ikaw, ang taba mo.”

“Ba’t parang umitim ka?”

“Ba’t kumulot ’yang buhok mo?”

“Manamana lang.”

“Hanep, parang sandok ang ulo natin, a!”

“Ulo ko lang ’to, tulok!”

“Nagpapustiso ka na pala?”

“Si Doktor de la Paz ang gumawa n’yan!”

“Sige, pa’no, kitakita na lang uli.”

“Kelan?”

“Sino ba’ng susunod na may bertdey?”

“E... si Ma’am...”

Tawanan.

Pagpasok ng ikaapat na taon sa hayskul, mas lalong nagkapalitan ng barkada. May kanyakanya na ring mga nobyo’t nobya ang marami sa dating magkakaklase. Abala na rin ang lahat sa paghahanda sa kolehiyo o sa pagpasa man lamang sa huling taon ng hayskul. Katulad din noong bago maghayskul, iilan lamang ang nakakatiyak kung makakapagpatuloy pa ba sa pag-aaral, kung makakapagkolehiyo pa ba. Bukod sa mahal ang matrikula, baka hindi ka pa makapasa sa nakasisindak na National College Entrance Examination: ang rurok ng diskriminasyon ng gubyerno sa matatalinong mahihirap at katamtaman ang utak.

Isang araw ng Nobyembre, may natanggap na imbitasyon ang marami sa dating magkakaklase. Ikakasal na ang dalawa sa kanila, sina Vic at Cynthia. Sabi ng iba, nabuntis daw kasi ni Vic si Cynthia. Pero hindi na mahalaga ang ganito sa kanila. Bagkus, tuwangtuwa ang lahat ng nakatanggap ng imbitasyon. Bukod sa tingin nila’y itinuring silang ispesyal kaya naimbita, malaking sorpresang sina Vic at Cynthia pa ang ganoon kabilis na magkakatuluyan. Dating parang aso’t pusa ang dalawa, ngayo’y ikakasal na? Samantalang ang naggigiriang mga kalapating Karlo at Lilia, ano na’ng nangyari sa kanila? Nangunguna sa nominasyon ang tambalang Karlo-Lilia. Hindi na nga kailangang pagbotohan pa dahil aprub na halos sa lahat. At marami sa magkakaklase ang naiinip na sa kung saan ba hahantong ang romansa nila.

Anu’t anuman, nagkitakitang muli ang karamihan. Nagkitakita sila sa Santo Niño kung saan nagsisimba ang mga palasimba at kung saan nagtatagpo ang paladeyt na parispares.

Makulimlim ang umagang iyon, parang bubuhos ang malakas na ulan.

Pagkatapos ng sakramento ng kasal na isinagawa ng nagpapapaybsiks at madyungerong si Father Ramirez, masayang nagkainan ang dating magkakaklase. Walang patid ang tuksuhan sa dating parispares, maliban na lang sa ilang nagkaroon na ng mga nobyo’t nobya at kasakasama sa okasyong iyon.

Syempre pa, sina Karlo at Lilia ang agad na naging tampulan ng tuksuhan. Tuwangtuwa naman si Karlo na para bang tuwangtuwa rin si Lilia.

Malaki ang ipinagbago ni Lilia. Tumaba ito nang bahagya pero hindi na gaanong tumaas. Nagkahugis ang katawan nito, mula sa mayamang dibdib hanggang sa malapad na balakang. Lumapad din ang mga balikat ni Lilia na yakapyakap ng nakalugay na mahaba’t itim na itim na buhok. Kayumanggi pa rin si Lilia kaya tamangtama sa kanya ang kremang terno. May kaunti na rin itong meykap sa mukha na nagpapatambok pa sa matatambok na’t makikinis na pisngi. Simplengsimple pa rin ang kagandahan ni Lilia.

Sa loobloob ni Karlo, nakabuti rin naman ang ilang taon nilang pagkakalayo ni Lilia. Lalo siyang nasabik. Parang gusto niyang yakapin ang dalaga.

“Lilia, hindi pa ba kayo ni Karlo? Matagal nang naudlot, elementary pa ’yan, a!” biglang biro ni Vic sa dalaga para basagin ang katahimikan sa malaking mesang bilog kung saan sila nakapaikot. Pero kay Karlo nakatingin si Vic. “Baka sinisikreto n’yo lang kami, ha?”

Sinipat ni Karlo si Lilia at sinilip pa ang dalaga sa lente ng dalang kamera, kunwa’y kukunan. Pero nagulat si Karlo. Akala niya’y mangingiti rin si Lilia pagkasilip niya sa lente. Ganoon din ang akala ng iba sa magkakaklase, lalo na ang kalalakihan. Pero walang gana si Lilia. Iiling-iling lang ito.

“Matagal na ’yon,” pinilit ni Liliang sagutin man lang ang biro.

“Matagal pa ’yon?” biro muli ni Vic.

“Okey lang, makakapaghintay pa,” sakay naman ni Karlo.

“Hoy, hoy!” parang naalibadbaran si Lilia sa kumpyansa ni Karlo. Hindi na nito naitago ang ismid.

Wala namang kibo ang kababaihan, parang may sikretong itinatago. Nagtaka si Vic, mismong si Cynthia na ang binulungan. Pabulong din siyang sinagot ng bagong asawa. Hindi na muling nagbiro si Vic.

“O sige, kain pa kayo, ha? Dito muna kami ng sweetheart ko sa mga kamag-anak,” bigla ang pamamalaam ng bagong kasal. Nagtanguan lang ang dati nilang mga kaklase.

Nagbubulungan pa rin sina Vic at Cynthia habang naglalakad patungo sa mga kamag-anak, parang nagsisisihang-hindi. Untiunti namang napapalitan ng pagtataka ang kanina’y ngingitingiting mukha ni Karlo. Mayamaya lang ay tuluyan na itong naintriga at napasandal ding parang walang gana, tulad ni Lilia. Isaisang nag-alisan ang iba sa umpukan, walang kaingay-ingay, hanggang sa maiwan sina Karlo at Lilia sa mesa.

“May hindi yata ako alam?” pinunan ni Karlo ang mahabang patlang, pinipilit ngumiti.

“Ano?” ibinalik ni Lilia ang tanong.

“Anung ano? Hindi ko nga alam e,” may tampo sa boses ni Karlo. “Kayo talaga, napahiwalay lang ako, napunta lang ako sa Science, parang iba na ako.”

“Anong iba? Bakit iba?”

“Ba’t nag-alisan ’yang mga ’yan?” nguso ni Karlo sa nagsialisang mga kaibigan na ngayo’y pinanonood ang pagsusubuan ng cake nina Vic at Cynthia.

Natahimik si Lilia. Hindi iyon natagalan ni Karlo. Siya na ang nanghula kung saan ba dapat mapapunta ang usapan nila.

“May sasabihin ka siguro sa akin?”

Nag-isip sandali si Lilia. Tiningnan niya si Karlo at marahang napailing. “Kailangan pa ba kitang sabihan?” tanong niya kay Karlo.

“Unang-una, hindi ko alam kung ano’ng sasabihin mo. Kung masaya, h’wag na. Masaya naman pala e, ayos na ’yon,” balintunang sagot ng binata.

“E kung malungkot?”

“’Yun, sabihin mo. Ayokong sa iba ko pa malalaman. Malapit na kasi ang test ko sa UP. Kung masamang balita, gusto kong mawala agad, baka bumagsak pa ako n’yan.”

“Magyu-UP ka?” tanong ni Lilia, balak na ilayo ang usapan.

“Huwag mong ibahin ang usapan, Lilia.”

“Anong iniiba? Ano ba’ng gusto mong malaman?” may impit nang inis sa boses ni Lilia.

“Naiinis ka na ba?”

“Hindi naman. Pero ba’t ba parang kung sino ka? Ano ba kita?”

Napahiya si Karlo, biglangbigla sa sinabi ni Lilia. Napatungo naman si Lilia, hiyanghiya rin sa nabitiwang mga salita.

“Okey, Karlo. Sori. Sige, tutal, bihira na tayong magkita, sasabihin ko na...”

Umayos ng upo si Karlo, nagsiryoso ng mukha at tumitig kay Lilia. Hindi niya alam kung bakit siya biglang kinabahan. Bumilis at lumakas ang lagabog ng dibdib niya, sumasabay sa dumadalas na pagkulog ng langit sa labas.

“O sige, Lilia, ano ba ’yon?” tinunggang lahat ni Karlo ang halos puno pang baso ng punch.

Huminga nang malalim si Lilia, at sabay sa paglabas ng hininga, inumpisahan niyang magsalita sa mababang tono.

“Naalala mo naman siguro nu’ng elementary pa lang tayo?” Tumango lang muli si Karlo. “Nu’n bang sinabi ko sa ’yo na baka sa hayskul, pwede na?”

Tumango lang uli si Karlo at saka naghalukipkip, parang alam na ang sasabihin ni Lilia.

“Hindi naman ako nangako, ’di ba? Sabi ko no’n, baka sa hayskul, pwede na? ’Di ba? Baka.”

“O...”

“Gano’n. Ibig kong sabihin, wala naman akong ibinigay na commitment, ’di ba?”

“Tinatanga mo naman ako, Lilia, e. Sige lang, naiintindihan ko naman...” paliwanag ni Karlo, nainis sa pautay-utay na entrada ni Lilia. “Sige na, sabihin mo na ang sasabihin mo. Tutal, parang alam ko na naman e...”

Napatungo si Karlo. Hinintay na lang ang pagkakatotoo ng sapantaha.

“May boyfriend na ako, Karlo.”

Bigla, parang lalong pumait ang panlasa ni Karlo sa tinunggang punch.

“Sori, ha?  Noon pa naman kasi ’yon, ’di ba?” pahabol ni Lilia. “Bata pa tayo noon...”

Bumagsak ang mga balikat ni Karlo na kanina pa niya pilit pinatatatag. Tumayo siya, hindi malaman ang gagawin. Sinundan lang siya ng tingin ni Lilia. Kinamayan ni Karlo ang nakaupong si Lilia, saka masuyong hinipo ang balikat nito, hindi niya alam kung bakit.

“Kongrats, Lilia.”

Si Lilia naman ang hindi makapag-isip ng isasagot o gagawin. Naiilang siyang nakipagkamay. Sa loobloob niya, para saan ang pakikipagkamay, masyado naman yatang pormal itong si Karlo.

“Okey lang,” tumalikod si Karlo at nag-umpisang maglakad palayo, palabas ng handaan, nananantya kung hahabulin siya ni Lilia at kung aaluin. Gusto niyang habulin at aluin man lang siya sa huling pagkakataon ng babaeng hinintay niya nang may kung ilan ding taon. Pero hinayaan siya ng dalaga na hindi rin malaman ang gagawin. Tumayo lang ito at napatungo. Naisip nitong igalang ang pag-iisa at pananahimik ni Karlo.

Walang pumigil kay Karlo. Maging ang dating mga kaklaseng nakapansin sa paglabas niya ay malungkot lang na tiningnan ang papalayong kaibigan — paggalang sa pusong sugatan. Ang iba’y di na nakuhang tumingin pa. Kusa nilang ibinagsak ang mga ulo para hindi madala ng tagpo. Isa pa, naiisip nilang dapat ay isang masayang okasyon ang araw na iyon — dahil kasal nina Vic at Cynthia.

Malayo na si Karlo nang dahandahang tumulo ang luha niya. Hindi niya iyon pinahid ng panyo. Hinayaan niyang pumatak. Sabi nga, hinayaang lumaya. At saka lang bumuhos ang kanina pa nagbabadyang ulan. Hindi naman pala ito malakas, bagkus ay banayad at pinong ulambon ang tumatama sa ulo ng malayo nang si Karlo.

— 5 —
Panaginip at Bangungot

Noong maliit pa si Karlo, madalas niyang mapanaginipan, ang dami raw niyang pera, ang swerte raw niya. Umuulan ng milyunmilyong piso sa loob ng kanyang kwarto at hindi siya magkandatuto sa pagdambol sa mga sinsilyo. Subalit bigla siyang nagigising. Hindi pala totoong marami na siyang pera. Nananaginip lang pala siya. Titingnan niya ang kanyang mga palad at malalamang wala siyang hawak ni singkong duling, at bigla na lang siyang maluluha. Hindi niya iniisip noon ang umiyak — basta na lang siya napapaiyak. Dahil siguro sa sama ng loob. Akalain ba naman kasi niyang yumaman siya nang ganu’n-gano’n lang, ’yun pala, magigising siya’t malalamang sa banig pa rin pala siya nakahiga at pinahulas na ang punda ng unan niya ng napanis na laway ng kasabikan. At kahit pa naulit nang naulit ang panaginip na ito ni Karlo, nanatili pa rin itong panaginip sa napakarami ring pagtulog.

Hindi kailanman inisip ni Karlo na si Lilia ay tulad ng piso sa kanyang panaginip. Pero ang nagpapasama sa kanyang kalooban ay ang pakiramdam ng ’di pagkakamit sa isang bagay na lagi niyang pinananaginipan. Napakasakit pa naman ang biro sa kanya ng pagkakataon: sa isang kasalan pa niya nalaman na may gusto nang iba ang babaing inilusyon niyang pakasalan sapul sa pagkabata.

Pero tulad din ng panaginip ni Karlo, oo nga’t nagising siyang mangiyakngiyak sa ’di pagkakatotoo nito, pero naisip rin naman niya sa katagalan na, ba’t ba niya iiyakan ang panaginip? Maging ang panaginip ay may sariling buhay, naisip niya, dapat mo itong hayaang dumaloy at pagmasdan lang basta. Magwala ka, magalit ka, tumawa ka, umiyak ka, bahala ka sa gusto mong mangyari o madama. Pero magigising ka’t masisiguro mong buo ka pa rin matapos managinip dahil hindi naman ito bangungot at ’di ka nagpagapi. Buo si Karlo kahit bigo.

Kaya imbes na magmukmok, nabuhos ang atensyon ni Karlo sa pag-aaral. Hindi nagtagal at nagtapos siya sa hayskul. Ang maganda, at parang naging ganoon kadali, natanggap din siya sa UP. Ang akala ng marami, makakaapekto nang malaki ang nangyari sa kanila ni Lilia. Pero tulad din ng sabi ni Karlo kay Lilia noon, mas makabubuting sabihin niya kaagad kung masamang balita para maharap din niya agad, magapi at maitapon. Para bang mga pantalon ni Karlo noong hayskul: madaling makalakhan.

Ngayon, kailangan pa ba ni Karlong magmukmok kung natapatan naman niya ng tagumpay ang isang trahedya? Oo nga’t magkaiba ang dalawa, pero maaari rin naman niyang mahalin ang bokasyon. Maaari rin niya itong alagaan at pagyamanin para masuklian siya ng katumbas na aruga sa buhay. Ito ang prinsipyong naging gabay ni Karlo sa mahabang panahon ng kabiguan.

Maraming taon ang lilipas at saka lang aaminin ni Karlo sa sarili na ang trahedya niya sa pag-ibig ay isang bagay na sukat ikinasugat ng kanyang puso. Titibuk at titibok pa rin ito, pero alam niyang may peklat na itong dapat niyang pakaalalahanin. Hindi niya gugustuhing madagdagan pa ang mga peklat na ito hanggang dumating ang panahong siya na mismo ang magigimbal sa mga sugat na iniukit sa sariling puso. At pagkatapos, hayaan na lang itong huminto sa pagtibok.

Naging maingat si Karlo sa pag-ibig noong kolehiyo. Ibinuhos niya ang panahon sa pag-aaral. Naging iskolar siya ng peryodismo sa UP. Ayon naman sa balibalita, sa katolikong kolehiyo ng UST napapunta si Lilia, nagnarsing, tulad ng nobyo nito.

Para lalong mas matutukan ang pag-aaral, nagdormitoryo si Karlo. Untiunti rin kasi siyang nasisikipan sa bahay lalo’t nag-asawa na ang Kuya Jack niya at nakapisan pa rin sa kanila. Masikip ang lumang apartment na tinitirhan nilang mag-anak at inaasahan ni Karlong madaragdagan pa sila sa pagbubuntis ng hipag niyang si Merlie (isang beses o dalawa o tatlo, sinong makapagsasabi?) — at sisikip pa silang lalo. Kailangan niya ng kaunting hangin sa pagkakataong ito. Sumisikip ang Bagobantay sa patuloy nitong pagbabago.

Lalong dumami ang mga nakaparadang dyip at traysikel sa Kalye Abra. Dalawa na ang talipapa. Mas maputik na ang daan at sagadsagaran-nagsisipanganakan ang mapangutyang mga halakhak ng Kalye Abra. Wala nang kantong walang krimen. Ang araw-araw na inuman ng mga istambay sa kanto ay singsigurado ng pagsikat at paglubog ng araw. Lahat ng klaseng hanapbuhay ay nasa Bagobantay, mula pagbubukis sa Jai-alai hanggang masaheng otso-deretso sa murang lamasan.

Lingguhan na ang uwi ni Karlo sa Bagobantay. Sa panahong ito, retirado na ang tatay niya, sa bahay na lang naglalagi. Naging madalas tuloy ang pagkakasakit nito dahil nawalan ng pagkakaabalahan. Noon, kahit papaano, nalilibang ito sa pagmimekaniko at nababanat ang buto.

Kungsabagay, inaasahan na nina Karlo ang magiging lagay ng kanyang tatay dahil sadya yatang sakitin ang kanilang angkan. Isa nga rin ito siguro sa mga dahilan kung bakit nagmamadali siyang makatapos.  Malamanglamang na namana rin niya ang mga sakit ng kanyang tatay: dyabetes, hika, altapresyon. Maaari ngang may iba pa. Mabuti na ’yung marami kang nagawa bago ngumisi sa ’yo si Kamatayan, laging paalala ni Karlo sa sarili.

Liban sa kaalaman kung saan napadpad si Lilia, wala nang masyadong balita si Karlo tungkol sa dalaga. Ni hindi nga niya alam ang pangalan ng kasintahan nito. Ang pinakahuli lang niyang nabalitaan, nahila na si Lilia ng kasintahan nito sa pagiging born again.

Ikaapat na taon na ni Karlo sa kolehiyo at inaasahang magtapos sa unang semestre pa lang ng huling taon. Mabuti na lang pala at nakaabante siya ng isang semestre. Para kasing sinasadya, sa panahong natapos na niya ang pag-aaral at naghihintay na lang ng martsa sa Marso habang tumitingintingin sa mga posibleng mapagtatrabahuhan, naging madalas ang atake ng mga sakit ng tatay niya. Halos tuwing ikatlong araw ay sabaysabay itong inaatake ng hika, dyabetes, altapresyon. Sumunod ay tuwing makalawa na. Si Karlo tuloy ang madalas na magdala rito sa ospital dahil may tsikiting nang inaasikaso ang hipag niyang si Merlie at doble-kayod naman sa upisina ang kuya niya bilang auditor.

Sa madalas na pagtigil sa bahay sa Bagobantay, hindi naiwasan ni Karlong magkita silang muli ni Mang Pidyong. Nang malamang madalas ang atake ng tatay ni Karlo, si Mang Pidyong na mismo ang kusang dumadalaw sa bahay nito, nag-aalok ng tulong. Hindi naman tatanggihan ni Karlo ang tulong ni Mang Pidyong lalo’t buhay-at-kamatayan na ng tatay niya ang nakasalalay.

Si Mang Pidyong ang naging kasakasama niyang madalas sa pagdadala sa tatay niya sa ospital — at syempre, sa tulong ng antigo nitong dyip na dadalawang dipa lang yata ang haba mula sa delasong ulo ng burloloy na kabayo sa harapan hanggang sa dulo ng tambutso sa likuran. Buhay pa pala ang dyip nito. Bagamat marami na ring sakit tulad ng kanyang ama, tumatakbo pa rin.

“Mukhang delikado na ang tatay mo,” sabi ni Mang  Pidyong minsang dalhin nila ang tatay ni Karlo sa ospital. Nasa paradahan sila ng ospital, hinihintay ang balita ng nanay ni Karlo.

“Oo nga ho, Mang Pidyong,” nahuli ang tugon ni Karlo. “May katandaan na rin kasi si Itay at hindi na masyadong nagkikikilos sa bahay. Ni hindi na nga ’yan nakakaakyat sa itaas — hirap nang mag-akyat-panaog.”

“Mabilis talagang makapagpahina ang pag-upu-upo. Ako rin kung minsan e nanghihina na,” sabi ni Mang Pidyong.

“Kungsabagay, lagi rin ho kayong nakaupo sa araw-araw na pagmamaneho.”

“Hindi lang ’yan. Marami sa mga kasamahan ko, may sakit na sa bato. Hindi ka kasi bastabasta nakakaihi habang pumapasada. Buti na lang, masamang damo tayo...”

Natawa si Karlo.

“E ano nga ho pala ang pinagkakaabalahan ninyo ngayon, Mang Pidyong?” binago ni Karlo ang usapan.

“Ako? Sa alyansa. Ako ngayon ang namumuno sa alyansa ng mga asosasyon ng mga drayber ng dyip.”

“Naks! Dati e ’yung kooperatiba lang ninyong mga drayber sa Abra ang pinamumunuan ninyo, ngayon alyansa na, ha!”

“Ang lagay e pinaniniwalaan pa rin yata ako ng kapwa ko drayber,” biro ni Mang Pidyong sa sarili. Sinapo nito ang ’di-pa-naaahitang panga, hinihimas na parang kontrabida. “Dapat pa bang paniwalaan ang matandang ito?”

“Ano hong pangalan?”

“Ng alyansa namin?”

Tumango lang si Karlo.

“Byahe.”

“Byahe?  Ano ho’ng ibig sabihin no’n?”

“Wala, basta byahe. ’Yun lang kasi ang madalidaling isiping pangalan.”

Parang pamilyar, hindi lang maalala ni Karlo kung saan niya naingkwentro ang pangalan ng alyansa nina Mang Pidyong.

“Ikaw ba?” si Mang Pidyong naman ang nakibalita. “Matagaltagal na rin tayong hindi nagkikitakita nina Lilia. Kayo na ba?”

“Naku, hindi ho,” hindi na nakuha pa ni Karlong palamutian ng pagtanggi ang sagot. “May syota na ho si Lilia, kaklase niya sa UST. Tsaka matagal na ho ’yun...” pilit itinatago ni Karlo ang nagnanaknak pang sugat sa dibdib. Pero umaalingasaw ang baho.

“Kayo pa rin ang magkakatuluyan, maniwala ka sa akin,” masarap na biro ni Mang Pidyong.

“’Yan naman ang gusto ko sa inyo Mang Pidyong e! Talagang palaban!”

“Kailangang maging palaban, Karlo,” nagsiryoso si Mang Pidyong, “sa panahong ito, kailangangkailangan...”

Marami pa sanang pag-uusapan sina Karlo at Mang Pidyong — nag-uumpisa pa lang na manumbalik sa kanila ang kumpyansa sa isa’t isa — nang dumating ang nanay ni Karlo. Bagabag ang bukas ng mukha nito at biglang sinagilahan ng takot si Karlo.

“Ano pong sabi ng duktor?” inunahan na ni Karlo ang nanay niya.

“Kailangang i-confine ang Itay mo. Marami na raw kumplikasyon. Maiiwan na muna ako. Mauna na kayo ni Mang Pidyong,” sinilip ng nanay ni Karlo si Mang Pidyong sa manibela. “Mang Pidyong, pasensya na ho kayo, natagalan.”

“Naku, h’wag ho n’yo ’kong alalahanin!”

Muling binalingan si Karlo ng kanyang ina.

“O, bumalik ka agad dito. Magdala ka ng mga gamit ng Itay mo tsaka pagkain,” may pangamba sa boses ng nanay ni Karlo habang inaabutan siya nito ng pera.

“Ibalita mo sa Kuya Jack mo...”

Hindi na nag-aksaya ng panahon sina Karlo at Mang Pidyong. Agad silang umuwi, sa byahe ipinagpatuloy ang kwentuhan at pag-aalala.

Pero tulad ng inaasahan, hindi na nagtagal ang tatay ni Karlo. Madaling araw noon, habang natutulog si Karlo sa kamang katabi ng hinihigan ng tatay niya, ginising siya ng isang mapaggiit na daklot sa kanyang damit. Akala niya’y nananaginip lang siya. Pero nang masaktan siya sa dalirot ng nanginginig na mga daliri sa kanyang mukha, tuluyan siyang napamulat. Dalidaling bumangon si Karlo at nakita niya ang katawan ng tatay niya habang pagalapak ito sa sahig. Hindi na niya nasambot pa ang ama sa bilis ng mga pangyayari.

Agad na pinisil ni Karlo ang pulang buton sa ulunan ng kamang hinihigan niya para tawagin ang nars. Habang hinihintay ang tulong, hindi niya malaman ang unang gagawin. Basta na lang siyang napaluhod at sinapo ang likod ng kanyang ama.

“Itay, ’andyan na ho’ng nars n’yo. Inaatake na naman po kayo, ano?” pasigaw na pabulong, pilit na pinakakalma ni Karlo ang sitwasyon. Pero hindi na makasagot ang tatay ni Karlo. Nakatitig na lang ito sa kanya at may pilit na gustong sabihin sa gitna ng pangangapos ng hininga, bagamat nilalambungan na ng pamumutla ang pagtatangka nito.

Minasahe agad ni Karlo ang mga paa ng kanyang ama, minsa’y napaparahas sa pagdudumali. Pero malala ang atakeng ito. Kitangkita ni Karlo ang pangingitim ng mga kuko nito sa paa at ang mabilis na paninigas ng masel ng magkabilang binti. Sa iilang sandali’y umakyat ang pulikat nito mula paa hanggang dibdib. At bigla, para itong sinakal, nanilaw ang mukha, namuti ang mga mata at bahagyang kumisay. Dahandahan, inihip nitong palabas ang huling hininga.

“Itay? Itay!” hindi na nakahabol ang boses ni Karlo sa huling pandinig ng tatay niya. Sa isang iglap, wala na siyang ama.

Ilang sandali pa, naisip ni Karlo na ganoon lang pala kadaling mawalan ng mahal sa buhay — malayo sa kanyang mga nababasa, napapakinggan at napapanood na mga kwento tungkol sa kamatayan.

Kaya hindi napaiyak si Karlo. Hinayaan lang niya ang walang-buhay na katawan ng kanyang ama na yumukyok sa kanyang mga bisig habang hinihintay ang pagdating ng mabagal na nars at duktor. Matapos ang ilang minuto — ang pinakamahaba na yatang ilang minuto sa buhay ni Karlo — dumating ang isang nars.

“Ano’ng nangyari?”

Hindi na sumagot si Karlo. Ni hindi na rin niya nakuhang tingnan ang nars. Nakatitig lang si Karlo sa kawalan, tulala, at hindi na niya namalayan kung paano inihiwalay sa kanya ang kanyang ama.

Sa burol, nagkitakitang muli sila nina Lilia at Mang Pidyong. Pakiramdam ni Karlo, iyon na yata ang pinakatahimik na panahon sa kanyang buhay. Hindi niya kinakausap sina Mang Pidyong at Lilia gayong katabi lang niya ang dalawa sa mahabang bangko sa loob ng kapilya. Masyadong binigla si Karlo ng mga pangyayari.

Bagamat alam na niya — at ng buong pamilya — na nagbibilang na lang ng oras ang tatay niya, pinipilit pa rin nila, bilang mag-ama, na maghabol sa nalalabing panahon. Isang dekada nang lumipas ang kalahating dekada ng paglagapak ng paha sa pwet ni Karlo, at wala nang dapat pang pag-usapan tungkol doon. Kusang naghilom ang sugat sa dibdib at ang latay sa isip niya.

Maliliit na bagay na lang sana ang gusto niyang mahabol nilang mag-ama — subalit maliliit ding bagay na mahirap namang simulan. Halimbawa’y ang yakapin at mahalikan ang isa’t isa. Hindi naranasan ni Karlo ang mga ito. Hindi rin niya ito nagawa sa tatay niya dahil hindi naman niya natutunan at hindi na rin sinubukang pag-aralan pa sa pag-aakalang wala itong silbi. Nagsama silang mag-ama sa tango at angil at paha. Naghiwalay sila sa hinayang at hirap ng kalooban.

Kaya nang yumukyok ang ulo ng tatay niya sa kanyang mga bisig, alam ni Karlong wala nang silbi iyon dahil hindi naman nakapagpaligaya sa kanilang dalawa — bagkus, lalo lamang iyong nakapagpabigat ng pakiramdam. Naghiwalay sila nang bastabasta. Alam niyang alam ng kanyang ama na kahit sa huli nitong paghinga, kapwa sila may pagkukulang sa isa’t isa. At ang huling pagdama ng ama sa dibdib ng anak, sa dibdib ng kanyang bunso, ay maaaring ang huli nitong kaligayahan.

“Kape?”

Nabasag ang kanina pang pagmumunimuni ni Karlo nang may magsalita sa kanyang harapan. Untiunti niyang iniangat ang puyat na mukha at tumambad si Lilia, may dalang dalawang tasang kape. Wala sa sariling inabot ni Karlo ang isang tasa ng umaasuasong kape.

Hindi pa rin nakikipag-usap si Karlo. Patuloy niyang nililimi ang mga pangyayari. Para sa kanya, walang dapat ipanghinayang tulad ng unang trahedya ni Karlo sa pag-ibig — o kay Lilia. Gusto niyang isipin na talagang may ganoong mga pangitain sa byahe ng buhay. Sabi nga, pagkatapos ng kamatayan ay kapanganakan, pagkatapos ng unos ay aliwalas, pagkatapos ng ani ay ang muling-pagpupunla.

Pagkatapos ng libing, naging madalas ang pagpuntapunta ni Karlo sa bahay sa Bagobantay para dalawin ang nabalong ina. Ang Kuya Jack niya noon ang nag-aalaga rito. Pero napansin ni Karlo na mabilis ding bumabagsak ang kalusugan ng kanilang ina.

Samantala, naibaling naman ni Karlo ang muling paghahanap ng ama kay Mang Pidyong. Lagi silang naglilibot sa Bagobantay, sakay ng antigo nitong dyip na dadalawang dipa lang yata ang haba mula sa delasong burloloy na kabayo sa harapan hanggang sa tambutso nito sa likuran. Pilit nilang sinasariwa ang mga bagay na makapupuksa sa kalungkutan. Pero lahat ng ito’y may haplit ng pait sa hulihan.

Sa paglilibot, hindi nila naiwasang magkasamasamang muli nina Lilia. At mula noon, nagkalapit muli ang magkababata. Hindi sila naging magnobyo’t magnobya, subalit ang paglalapit na ito’y siya namang pagkakalayo ni Lilia at ng nobyo nito.

Pero hindi pakikipagrelasyon ang mahalaga kay Karlo sa pagkakataong ito. Lagi na lang nakatingin sa malayo si Karlo. At ang pakikipagrelasyon, sa palagay niya noon, ay isang bagay na napakalapit, isang bulaklak na nakadikit sa dibdib, subalit rosas na matinik.

Siguro’y dahil pa sa awa ang muling pakikipaglapit ni Lilia, naisip ni Karlo. Pero inilinaw ni Karlo kay Lilia na ang kailangan lang naman niya sa pagkakataong iyon ay ang makakausap. Kung saan man mapunta, bahala na. Para kay Karlo, sadyang mahirap pamulaklakin ang misteryosong halamang ‘relasyon.’ Pero sa tingin din niya, mas mahirap namang tanggapin, mas masakit, na makita ang bulaklak nito na ’di pa man nag-uubod, nangunguluntoy na. Dapat itaon ang pamumulaklak ng relasyon sa isang malaking selebrasyon ng mga puso. Kung kailan ito, ewan na lang ni Karlo.

Sa ngayon, ang pagbuhay sa nangamatay na halamang pamumulaklakin ang pinakamalaking atas ng pagkakataon. At sina Karlo, Lilia at Mang Pidyong ang may mga tangang tangkay na may ugat. Maingat nilang bubunutin ang mga tangkay na iyon at saka ililipat sa ibang paso para muling tumubo, magkadahon at mapagyaman ng panibagong ihip ng hangin at halik ng panahon.

— 6 —
Paglabas, Pagpasok

Nagtapos sina Karlo at Lilia sa kolehiyo at naging magkasintahan tulad ng inaasahan. Hindi naging madali kay Lilia ang makipagkalas sa nobyo niyang born again. Malaki ang naging impluwensya nito sa kanya. Pero nang malaman ng kanyang kasintahan ang paglalapit nilang muli ni Karlo, naging makitid ang pananaw nito sa kanilang relasyon. Pinalitan ng paninibugho ang dati nilang pag-iibigan. Hindi na muli pang nakita ni Lilia sa nobyo ang dating pag-ibig na siya nilang gabay noon sa relasyon at pananampalataya.
Madaling nakakuha ng trabaho sina Karlo at Lilia dahil pareho namang maganda ang rekord nila mula elementarya hanggang kolehiyo. Naging nars si Lilia sa Philippine General Hospital. Naging reporter naman si Karlo sa Bulitin — isang malaki, arawang dyaryo na ang may-ari’y kroni ni Makoy.

Sa panahong ito, pabagsak na ang ekonomiya dahil sa untiunting paghina ng suporta sa diktador. Maging ang simbahan at ang mga negosyante ay naiiskandalo na sa di-na-mabilang na paglabag sa mga karapatan ng mamamayan, kung alam man ni Makoy at ng hukbong sandatahan nito ang kahulugan ng salitang ‘karapatan’ sa makataong pakahulugan. Untiunting dumistansya ang simbahan at ang mga negosyante sa diktadurang dati nilang kapiging. Bulgaran na ang mga katiwalian at pagnanakaw nito, baka masabit pa sila. Magkakampi man noon sa poder ang mga elemento ng gubyerno, simbahan, korte, masmidya at batasan, alam ng mga mayayaman na pabagsak na si Makoy. Kailangan na nilang maghugas ng kamay para malinis itong maiharap sa mamamayan sa mga darating na eleksyon o anumang pagpapalitang-pwesto.

Sadsad na ang suporta ni Makoy sa kalunsuran habang higanteng lobo naman ang utang panlabas na umabot na sa bilyunbilyong dolyar. Hindi kailangan ng mamamayan ang anumang balita o grapo para maramdaman ang kahirapan at karahasang rigalo ng sistema ni Makoy at ng bulok nitong “Bagong Lipunan.” Sapat na ang ligalig sa araw-araw sa kung saan mo ba hahagilapin ang susunod mong kakainin, at kung sinong sawimpalad na nilalang ang susunod na bibingwitin sa Ilog Pasig. ’Winaglit namang sadya ng mga tao sa kanayunan ang pag-asang maaaring matamo sa gubyerno at sa demokrasyang ipinangangalandakan nito. Kumilos na sila ayon sa dikta ng sikmura at dahas ng takot.

Samantala, nagbalak umuwi si Benigno Aquino Jr., si Ninoy, ang mahigpit na katunggali ni Makoy na nagdadala ng makatao at makabansang pampulitikang linya sa oposisyon. Ito, matapos ang ilang taon ding paninirahan nito sa Amerika kasama ang asawang si Corazon Cojuangco at ang mga anak nila. Pinayagan ni Makoy na magtungong Amerika si Ninoy para ipaopera ang puso, at para siya nama’y mawalan ng pangunahing sakit ng ulo.

“The Filipino is worth dying for,” sabi nga ni Ninoy sa isang marubdob na talumpati sa Amerika bago ito umuwi sa Pilipinas. Tama siya. Pagbabangpagbaba sa eroplano, binaril si Ninoy. Mabilis itong ibinintang kay Rolando Galman, ang panakip-butas. Pero maugong ang usap-usapang si Imelda, sa tulong ng hepe ng berdugong hukbong sandatahan ng diktadura na si Heneral Fabian Ver, ang nagpapatay kay Ninoy. Malapit nang mamatay ang nilulupus na si Makoy (na may sarili nang ospital sa Malacañang, maitago lang sa madla ang kanyang untiunting pagkaagnas) at tinatayang gusto ni Imeldang pumalit sa trono. Marahil, marami pa siyang sapatos na gustong bilihin, alahas na gustong suutin, maaarteng kantang gustong kantahin. Pero hindi raw alam ng korte ang alam ng tao. Ang alam nito’y ang magbulagbulagan sa harap ng nakamulagat na mga katotohanan.

Sa pagkakapaslang kay Ninoy, nagising ang natutulog-ngunit-binabangungot na sambayanan. Kailangan naman ng mayayamang naghahari na mapanatili ang kapit sa poder anumang pagsisinungaling o pagkukunwari ang dapat gawin. Sinakyan nila, pinondohan, ang matagal nang laban ng masa, at hindi ito mabubunyag sa mahabahaba ring panahon.

Ibig lang sabihin ng mga ito, marami sanang maisusulat si Karlo na mas malaman kaysa mga bilasang balita na hinango sa mga kalatas ng Malacañang. Pero hindi tipo ni Karlo ang mga usaping maglalagay sa kanya sa balag ng alanganin. Simpleng buhay-reporter lang ang ninais niya sapul nang mag-aplay siya sa Bulitin. Matapos ang dalawang malalaking pagsubok sa buhay, masyado nang inalagaan ni Karlo ang sarili — nag-iingat na huwag nang masaktan pa ng mga katotohanan ng buhay. Kaya rutin lang sa kanya ang pagsusulat, simpleng hanapbuhay.

Bukod sa mga nasasagap sa Malacañang o sa press club, naging bihasa rin si Karlo sa pagsusulat ng mga batas at ordinansang naipasa at naaprubahan ng kung sinong pulitiko. Nakahiligan din niyang tumambay sa mga istasyon ng pulis, ospital, beerhouse maging morge para sa mga kahindikhindik-kakiligkilig na krimen at tsismis sa palipaligid ng Kamaynilaan.

Kungsabagay, patakaran din naman ng Bulitin na huwag pakaintindihin ang lumalakas nang sigawan sa lansangan laban sa diktadura. Dapat lang itong asahan sa isang kroni, kung interes at interes din lang sa kapangyarihan at kapital ang pag-uusapan. Ang totoo, ang pagiging pasibo at apatetiko ang batayan ng pagtatagal ng isang empleyado sa Bulitin. Ito rin ang batayan ng promosyon at umento: ang pagtitiwalag sa mga ideyang papabor sa mga kaaway ng diktadura.

Si Lilia ma’y ganoon din. Ang lumang gusali ng PGH ay nagsisilbing makapal, malamig, patay na dingding na naghihiwalay sa kanya sa maiinit, buhay-at-kamatayang mga pangyayari sa labas. Madaling makuntento si Lilia at hindi lumaking palatanong. Ang pinakamalaki niyang misyon sa buhay noon ay ang matulungan ang kanyang amang karpintero sa paggapang sa tangi’t bunsong kapatid na si Alfredo na kumukuha ng medisina. Matanda na ang kanyang ama at alam niyang mahalagang maalalayan ito. Natatakot siyang mawala na lang itong bigla tulad ng pagkamatay ng ama ni Karlo. Ito ang kanyang misyon at ano ba kung nagpapatayan na sa labas. Ano ba kung ang inaalagaan niyang mga pasyente’y dumadalas nang biktima ng karahasan ng diktadura?

Sa isang gusali malapit sa PGH, nakikipagkita si Lilia sa mga kaibigan na laging nakataas at wumawagayway ang mga kamay sa hangin, laging nag-aawitan ng mga kantang kundi nang-uukilkil ng kunsensya’y tahasang nanunumbat sa ngalan ng “dakilang pag-ibig.” Iyon ang kanyang sandigan at dipensa. Ngayon lang ang pagdurusa dahil sadyang makasalanan ang tao, ngunit kung pagsisisihan natin ang ating mga kasalanan, at tatanggaping tagapagligtas si Hesus, sa atin ang langit ng kabilang-buhay. Gano’n mag-isip noon si Lilia.

Dahil din naman sa kaabalahan sa kanikanilang unang mga trabaho, naging bihira ang pagkikita nina Karlo at Lilia. Kung walang duty si Lilia, may assignment naman si Karlo. Kung walang deadline si Karlo, overtime naman si Lilia. Dinadaan na nilang madalas sa telepono — at maliliit na mensaheng ipinakisuyo kung kanino — ang pagkapit sa relasyon. Wala silang kamalaymalay na nalalabusaw na naman ang kanilang relasyon — ngayo’y alang-alang sa kanikanyang karera.

Kungsabagay, napakahirap ng buhay noon. Ang ibig sabihin ng mawala ka nang ilang araw sa trabaho ay ang mawalan ka ng kakainin, ng kuryente at tubig sa ilang ding araw. Ang di-pagkakaroon ng promosyon at umento sa mahabang panahon ay katumbas ng di-pagkakaroon ng bagong damit at kaunting libangan sa buhay. At ang mawalan ng trabaho ay kawalan ng bubong na matitirhan o gamot kapag nagkasakit. Kamatayan ang mapagkaitan ka ng sistema. At marami na’ng pinapatay ng sistema.

Habang pahina nang pahina ang piso laban sa dolyar, pakapal naman nang pakapal ang mga librong kailangang sauluhin ni Alfredo, pamahal nang pamahal ang mga kagamitan nito. Palaki naman nang palaki ang pangangailangan ng Amerika sa mga nars na tulad ni Lilia upang alagaan ang matatanda nitong pinababayaan ng kanilang lipunan, ang mga batang inaabuso ng kanilang mga magulang, ang kabataang itinutulak ng kanilang kultura sa masasamang bisyo.

Parang nang-uudyok.

“Anak, ’di hamak na malaki ang sweldo sa abrod. Hindi naman sa itinataboy ka namin, ba’t naman namin gagawin ang gano’n, kaya lang, tingnan mo naman ang ginhawang inabot ng pinsan mong si Josephine. Wala pang tatlong taon sa California e may sarili nang bahay at kotse. Hayan nga’t iniimbita ka para magtrabaho sa ospital na pinapasukan niya. Maganda naman ang rekord mo. Isa pa, magulo na dito sa atin. Pag-isipan mo, anak.”

Ito ang madalas na linya ng kanyang mga magulang noong mga panahong iyong nagdadagsaan ang mga Pilipinong nars at duktor sa Amerika para buhayin ang mapiperang banyaga matapos pagpraktisan ang mga kababayan nilang binabangkay ng inhustisya.

“Ate, kailangan kong bilhin ito,” ipapakita ni Alfredo ang listahan ng ilang librong kakailanganin para sa pasukan.

Matapos makwenta ang presyo para sa apat na malalaki’t makakapal na libro, nagimbal si Lilia: dalawang libong pisong mahigit para sa aapat na libro!

“Ate, tsaka kailangan ko na pati ng ganitong equipment,” ipapakita naman ni Alfredo ang isa pang listahan. Hindi na gaanong tinitigan at hindi na rin nagkwenta pa si Lilia. Sapat na ang banyagang mga tatak at mga numero’t letra ng mga modelo para magbigay-babala. Tiyak na magigimbal na naman siya.

Hindi pa nakakalipas ang isang linggo, sa pagbubukas ng klase, nagsusulatan na nga sina Lilia at ang pinsan nitong si Josephine tungkol sa mga ditalye ng pag-aaplay sa ospital na pinagtatrabahuhan ng pinsan. Sadyang mababa ang sahod niya sa PGH kahit isa na ito sa mga ospital na mataas magpasahod sa mga nars. At dahil bihira nang magkita sina Lilia at Karlo, walang kamalaymalay ang binata na nagbabalak na palang magtrabaho ang dalaga sa Amerika. Panahon at pera na lang ang namamagitan.

Samantala, umiinit na ang protesta laban sa diktadura. Iba’t ibang porma: mula noise barrage hanggang sistematikong boykot ng mamamayan sa mga negosyo at serbisyo ng diktadura at ng mga kroni nito, kasama na ang Bulitin.

Sa isang iglap, biglang nagbago ng istratehiya ang patnugutan ng Bulitin. Tulad ng iba pang pandilya ng naghaharing-uri, minabuti nitong sumakay sa sentimyento ng mga nagpuprotesta kundi’y tuluyan itong mabubura sa sirkulasyon. Nakikinikinita na rin ng pabliser ng Bulitin ang tiyak na pagbulusok ng diktadura kaya kailangan nitong lumaro ayon sa mga signos. Sisiguruhin nitong magkaroon ng pinakamaraming alas na posible. May pangangailangang timplahin ang mga istorya: lagyan ng ilang aksidente rito, ilang artikulo tungkol sa parami-nang-parami-bawat-araw na balita tungkol sa mga katiwalian ng diktadura doon, kaunting tsismis-showbis sa singit at iba’t ibang kuntil-butil sa kanto.

Humirap din ang kalagayan ni Karlo. Dahil sa boykot sa kanilang dyaryo, lumiit nang husto ang sirkulasyon nito kaya nagkatanggalan sa Bulitin at bahagyang binabaan ang sweldo. Masyadong kampante noon ang mga empleyado sa Bulitin kaya ni hindi nila pinangarap na magtayo ng unyon para mapangalagaan ang kanilang mga karapatan sa panahong dapat itong pangalagaan. Tulad ngayon. Ngayo’y pwersahan silang isinasangkalan sa paghina ng negosyo ng Bulitin.

Napilitan si Karlong pasukin ang madilim na kalyehon ng pamamahayag. Sinubukan niya sandali ang panggigipit at suhol para mapanatili ang nakasanayang antas ng pamumuhay. Para kay Karlo, mabuti rin namang maranasan ang maraming bagay at huwag na lang isipin kung marumi. Ano ba ang etiko? Ano ba ang moral sa taong buumbuhay na nangalaga ng karera pero ngayo’y ’di na rin nalalayo sa gutom, sa nakaambang krisis? Absent yata si Karlo sa klase nang ituro ang mga iyon.

Naging regular na tambayan ni Karlo ang mga istasyon ng pulis, kampong militar, munisipyo at lungga ng mga pulitiko. Kung minsa’y pati bahay at tambayan ng kung sinong sikat na artistang lumulusot sa milyunmilyong buwis. At bago niya puntahan ang mga ito, baon ni Karlo ang mabahong amoy na nasagap niya mula kung saan. Pero paglabas, kipkip naman niya ang sobre ng nagmalinis na pulitiko, sundalo, pulis o artista, mabango pa sa bagong panganak ang balitang iaanak ni Karlo kinabukasan.

Pero hindi rin natagalan ni Karlo ang ganito. Ang bawat sobreng tinatanggap niya ay sanggabing ukilkil ng kunsensya.

Naranasan din naman niyang maging matapat, tulad ng pagiging matapat noong bata pa man, at alam niya ang bisa nito sa pagpapahimbing ng tulog. Kaya kinain niya ang yabang at hinarap ang panibagong katotohanan ng buhay: ang maibilang na rin sa tatlong sangkapat ng populasyong naghihikahos. Hindi namimili ng propesyon ang kahirapan. Ang mga magnanakaw sa itaas ang nagtatakda nito.

— 7 —
Mendiola

Minsan ay na-assign si Karlo sa isang rali sa Mendiola alinsunod sa bagong timpla ng Bulitin. Dahil trabaho, kahit ayaw niya’y pumayag na rin si Karlo. Nagsama si Karlo ng isang batikang potograper. Si Gil ang naisip niya, ang kaklase niya noon sa UP na kasabay niyang pumasok sa Bulitin.

“Gil,” pumipitik ka naman sa mga rali ’no?”

“Kahit nakapikit.”

“’Eto kasing si bostsip,” sabay nguso sa nagkakapeng city editor na si Cortez, “kung bakit ako pa ang naisipang magkober sa Mendiola. Alam naman niyang ’di ako palo sa mga raliraling ’yan!”

“Ganyan talaga, pare ko. Trabaho, e.”

“Sabagay... Isa pa, talaga yatang nagpa-panic ang management. Siryoso na ang boykot sa Bulitin, hindi na yata talaga tayo binabasa, a!”

“’Yun na nga. Kaya konting sakay,” tulad ng kamera, otomatik ang sagot ni Gil habang isinisilid na ang mga kagamitan sa dyaket at maliit na bag.

“O, okey ka na ba?” tanong ni Karlo kay Gil.

“Okey na. Tara, baka wala na tayong maabutan.”

Sumenyas si Karlo kay Cortez, lalakad na sila ni Gil. Tumango lang ito at tumingin sa relo sa dingding. Alasdos na ng hapon.

Madaling nakarating sina Karlo at Gil sa Mendiola dahil naroroon na ang mga demonstrador. Maluwagluwag na rin ang daloy ng trapiko papunta roon. Hindi kalakihan ang mobilisasyon, siguro’y may isang libong mahigit lang na karamiha’y mga manggagawa at mga kaalyadong sektor. Hinihiling ng mga ito ang pagrurolbak sa presyo ng langis. Hindi na raw nila makayanan ang epekto nito sa presyo ng mga bilihin at serbisyo. Ayon din sa mga demonstrador, bumaba na ang presyo ng langis sa pangmundong pamilihan, bakit pinananatili pa ng diktadura ang lumang presyo.

Kasama ng mga militanteng manggagawa ang delegasyon ng sektor ng transportasyon, mga drayber at opereytor at konsyumer na nagtatanong din kung ano ba itong nangyayari, hanggang kailan ang ganitong pahirap ng diktadura. Nakahanay sila nang maayos sa kahabaan ng Mendiola habang ang unang hanay ay nakikipag-usap sa unang hanay ng mga pulis na tanod ng Malacañang. Sinuportahan pa ang mga pulis ng militar sa gawing likuran. May alambreng tinik ding namamagitan sa demonstrador at pwersa ng diktadura. Sa likuran ng mga militar ay may nakaantabay namang mga trak na may kanyong-tubig at ilang sasakyang pangmilitar. May ilan ding daladalang sasakyan ang mga demonstrador na kanina’y pinaglagyan nila ng mga istrimer, tubig, pulyetos at sound system para sa ginanap na martsa mula Liwasang Bonifacio hanggang Mendiola.

Umiinit ang negosasyon sa unang hanay ng mga demonstrador. Gusto ng mga demonstrador na sila’y papasukin sa Malacañang para siguradong makarating ang kanilang hinaing kay Makoy na alam nilang palagi nang nakaratay sa sarili nitong ospital sa palasyo. Pero tulad ng dati, “Hindi maaari, nakasalalay ang siguridad ng bansa, at tiyak namang makakarating ang hinaing at panawagan ninyo sa Presidente. At huwag ninyong tawaging diktador ang Presidente, ginagawa naman ng Presidente ang lahat ng magagawa para guminhawa kayong manggagawa at mga drayber,” iyan ang sabi ng hepe ng tagatanod ng Malacañang — tulad ng sinabi nila sa ilampu nang nakalipas na demonstrasyon. “Huwag lamang kayong maging mapaggiit at kayo’y pakikinggan.”

Ngunit humihiling sa minimum ang mga demonstrador:

“Kung gayon, papasukin ninyo kahit ang mga lider namin para harapin ng diktador.”

“Sinabi nang huwag tatawaging diktador ang Presidente! Ginagawa naman ng Presidente ang lahat ng magagawa para guminhawa kayong manggagawa at drayber. Huwag lamang kayong maging mapaggiit at kayo’y pakikinggan,” sabi muli ng hepe.

Lumipas ang mga minuto at inabot hanggang alasingko’y medya ang mga nagrarali sa Mendiola at binigyan sila ng tagatanod ng Malacañang ng hanggang alasais kundi’y sapilitan silang bubuwagin. Nagpanting ang tenga ng mga demonstrador sa pagiging bingi’t bulag ng mga pulis at militar.

“Ilang beses na kaming pinangakuang pakikinggan pero ano’ng nangyari? Ngayo’y nakahanda na kaming magpalipas ng gabi, ng mga araw kung kinakailangan. Kailangang harapin na kami ng diktador sa pagkakataong ito. Matagal na siyang nagpapalusot sa amin!”

Pero hindi pa rin sila pinakinggan ng mga pulis at militar.

Eksaktong alasais, inumpisahan na ng mga tanod na buwagin ang hanay ng mga demonstrador. Subalit nagkapitbisig ang mga ito at tumatag sa pagkakatindig. Pinauna ng mga tanod ang mga trak na may kanyong-tubig at inumpisahang itaboy ang mga demonstrador. Pero lalo lamang itong nagpatibay sa kanilang paninindigan at determinasyon.

Walang anuano’y pinaputukan na rin sila ng teargas. Biglang nagkawatakwatak ang mga demonstrador. Gumanti ang mga ito at pinagbabato ang mga pulis at militar. Gumanti rin ang militar at pulis, hinagad nila ang mga demonstrador at ang maabutan ay pinaghahambalos ng batuta, pinagsisipa, pinagsusuntok.

Nasaktan, nanlaban na rin ang mga demonstrador, lalo na ang mga kabataang nagbaon na ng molotob bilang pananggalang sa palagiang karahasang inihaharap sa kanila ng mga tagatanod ng Malacañang na bulag na sumusunod sa mga dikta ni Makoy, ni Imelda at ni Ver. Sa pagtindi ng labanan, pinaputukan na ng baril ang mga demonstrador at isaisang bumuwal ang ilan sa kanila, duguan.

Nagulantang si Karlo. Hindi niya alam kung anong gagawin. Ngayon lang siya napapunta sa isang demonstrasyon, ngayon pa siya inabot ng dispersal, madugong dispersal.

“Gil, Gil, pitikan mo, pitik lang nang pitik!” natataranta si Karlo habang naghahanap ng anumang masusulingang dyip na nakaparada.

“Kober ka, Karlo, kober! Ako na’ng bahala rito!” sigaw ni Gil na dahandahan pang lumapit sa aksyon.

Mabilis namang hinugot ni Karlo ang tape recorder mula sa daladalang bag at binuksan iyon upang masagap ang lahat ng masasagap sa kaguluhan. Matindi na ang labanan. Hindi na uurong mga demonstrador sa pagkakataong ito. Sa tinagaltagal ng pandarahas sa kanila ng diktadura, nakahanda na silang mag-alay ng buhay para maiparating sa buong bayan ang mensahe ng protesta laban dito. Hindi umurong ang kabataan. Patuloy nilang  pinaghahagisan ng molotob ang mga pulis at militar at tinamaan din ang ilan. Lalong naulol ang mga berdugo ni Makoy nang maamoy ang sariling dugo at ’di na nag-alinlangan sa pagpapaulan ng bala.

Mistulang gyera sa Mendiola noong hapong iyon. Itinatago ng makapal na usok ang papalubog na araw habang isaisang nagsisibuwal ang may sampu-labing-isang demonstrador, liban pa sa ilampung sugatang iikaikang tumatakbo o lumalangoy-gumagapang sa sariling dugo.

Tumakbo si Karlo sa isa sa mga nakaparadang dyip ng mga demonstrador. Bago pa man siya nakalapit sa dyip, laking gulat niya nang makitang iyon ang antigong dyip ni Mang Pidyong na dadalawang dipa lang yata ang haba mula sa delasong ulo ng burloloy na kabayo sa harapan hanggang sa nakausling tambutso sa likuran. Lumingunlingon siya sa paligid pero hindi niya makita kung nasaan si Mang Pidyong. May humaginit na bala, ilang dipa mula sa kinaroroonan niya, at para siyang hinilang palapit ng dyip ni Mang Pidyong. Sa loob ng dyip siya nagtago at iniumang sa hangin ang mikropono ng rekorder. Sinasagap nito ang mga sigaw at daing sa umuusok nang paligid. Si Gil nama’y walang puknat sa pagpitik ng kamera sa di kalayuan. Naroong dumapa ito, tumakbo at gumapang para makunan ang mga tagpo. Ganadungganado yata ito sa kakaibang drama ng mga sandaling iyon.

Lingon pa rin nang lingon si Karlo, hinahanap kung nasaan si Mang Pidyong. Walang anuano’y may malaking sundalong papalapit sa dyip. Iilang hakbang na lang ang layo nito mula sa kinukublihan niya. Akala niya’y siya ang pakay ng sundalo kaya agad niyang kinapa sa dibdib kung suot pa ba niya ang kanyang presscard. Suot pa naman niya. Pero huminto ang sundalo sa unahan ng dyip, sa gilid ng manibelahan. Sumigaw ito.

“Baba d’yan, baba!” sinlaki ng pangangatawan ang boses ng sundalo.

Hindi pala siya ang pakay ng malaking sundalo. May nag-angat ng ulo sa manibelahan. Hinila ng malaking sundalo palabas ang isang matandang lalaki, kinaladkad patungong kalye, at sinipa nang sinipa nang sinipa. Si Mang Pidyong ang matandang sinisipa ng malaking sundalo! Hindi malaman ni Karlo ang gagawin. Kahit nagkakakabog ang dibdib niya, pakiramdam niya ay naroroon lang siya para ikober ang mga nangyayari. Wala siyang nagawa kundi ang iumang ang rekorder sa paraang ’di nakikita o napapansin ng militar.

Dinuraan muna ng malaking sundalo si Mang Pidyong.

“Ikaw na naman! Ang tandatanda mo na, paralirali ka pang komunista ka!” nag-uulol sa galit ang malaking sundalo. Napansin ni Gil sa ’di kalayuan ang nangyayari sa kinaroroonan ni Karlo. Ang akala nito’y si Karlo ang dinadahas ng malaking sundalo. Kumaripas ito patungo sa kinatatayun ni Karlo. Agad naman siyang nakita nito.

“Gil, dito, pitikan mo si Mang Pidyong!” Wala nang pakialam si Karlo kahit mas marami ang pinauulanan ng bala sa paligid.

May kung ilang beses ding binatuta ng malaking sundalo si Mang Pidyong na ’di naman lumalaban at talagang ’di makakalaban. Hindi pa nasiyahan ang malaking sundalo. Nang bumagsak sa aspalto si Mang Pidyong, hinubaran nito ng pang-itaas ang matanda at ginamit iyon para sunugin ang dyip nito — ang antigong dyip na dadalawang dipa lang yata ang haba mula sa dilasong ulo ng burloloy na kabayo sa harapan hanggang sa nakausling tambutso sa likuran. Nagmumura ang malaking sundalo habang ginagawa ito.

“Pati ’tong bulok mong dyip, ididispley mo pa rito. Nakakagulo lang kayo sa trapiko!”

Habang sinusunog ang dyip, sinisipasipa ng malaking sundalo sa tagiliran si Mang Pidyong na pilit na pumipigil sa panununog nito.

“Matitigas ang ulo n’yo, matigas ang ulo mong matanda ka! Hindi ka talaga mapakiusapan!”

Gustong awatin ni Karlo ang malaking sundalo pero natatakot din siya rito. Ni hindi nga niya matagalan ang pagsaksi sa nagaganap. Panay ang dukwang niya sa dyip. Ang pinagsikapan na lang niya ay ang makuha ng rekorder at kamera ang lahat ng nagaganap nang ’di napapansin. Saka na lang niya ididiin ang malaking sundalo, kung sinuman ito.

Mayamaya lang ay nawalan na ng malay si Mang Pidyong. Saka lamang ito nilubayan ng malaking militar na kumumpas sa iba pa niyang bataan.

Tama na raw.

Nangawala ang marami sa Mendiola at naiwan ang mga nalugmok at mga ’di makatindig sa tama ng bala o bali sa kamay o paa. Ilampu rin ang mga ito — kasama na si Mang Pidyong. Nagkalat ang mga tsinelas, istrimer at plakard ng mga demonstrador. Malaki na rin ang apoy sa nasusunog na antigong dyip malapit sa kinalugmukan kanina ni Mang Pidyong. Bago ito sumabog, isinakay ng militar ang matanda sa isang military jeep. Ni hindi makalapit sa jeep na ito si Karlo para tiyakin kung buhay pa o patay na ba si Mang Pidyong. Ang nagawa lang nila ni Gil ay ang kumaripas palayo sa papasabog na dyip. Nataranta siya nang husto sa bilis ng mga pangyayari.

Ilang sandali pa’y sumabog ang dyip ni Mang Pidyong. Nagpalakpakan at naghiyawan pa ang ilang sundalong naiwan na para bang nanonood lamang ng isang marahas na pelikula. Humalo ang maitim at makapal na usok sa usok ng pulbura na nanatiling nakalatag sa kahabaan ng Mendiola. Amoy sunog na krudo, amoy pulbura, amoy dugo ang hapong iyon.

Walang ambulansyang dumating. Ang iba sa mga biktima ay walang-pagmamaramot-at-alinlangang isinakay ng mga reporter na may dalang sasakyan.

Samantala, walang ekspresyon ang mga mukha ng pulis at militar matapos ang insidente. Panatag lang sila sa paninigarilyo na para bang nagpraktis lang mamaril ng hayop. Inumpisahan naman ng malaking sundalo — na nandahas kay Mang Pidyong kanina — ang pagririkisa sa mga sugatan at patay. Bawat bulsa at bag ay kinunan ng laman. Isinupot ng mga pulis at militar ang mga ito. May isa pa ngang pulis na palihim na nagbulsa ng isang relong nakuha sa isang patay nang demonstrador. Ang isa nama’y tangan ang isang magarang sapatos, hinahanap ang kapares sa mga nangagkalat na sapatos maging sa mga nakalugmok.

Napadpad sa isang tindahan sina Karlo at Gil. Gimbal si Karlo. Gimbal na gimbal. Gusto niyang maiyak sa pagiging inutil sa naganap, sa kaduwagang walang-kapantay. Nilapitan siya ni Gil.

“Karlo, tena, baka makumpiska pa sa ’tin ’to,” sabay turo sa hawak na kamera na dahandahang isinisilid sa bag. “Malaking istorya ’to para bukas!”

Wala sa sariling sumunod si Karlo kay Gil. Mabilis silang bumalik sa upisina. Inumpisahan ni Gil ang pagdididelop sa mga litrato. Pinakinggan namang muli ni Karlo ang nairekord at kumuha ng ilang ditalyeng imposibleng matandaan sa bilis ng mga pangyayari. Saka niya inumpisahang ibalangkas ang kagimbalgimbal na kwento para bukas.

Bandang alasyete ng gabi nang magkitang muli sina Gil at Karlo sa kantina. Nagkape na noon si Karlo at tapos na ang balangkas niya. Agad namang binuksan ni Gil ang sobre ng mga litrato para ipakita kay Karlo ang mga kuha niya upang mapili ang pinakamadadrama para sa istorya.

Inayos ni Gil ang mga litrato sa mesa ayon sa pagkakasunudsunod ng insidente. Nag-umpisa ito sa pormasyon ng mga demonstrador na nakikipagnegosasyon sa mga tanod ng Malacañang, hanggang sa kuha ng umuusok na Mendiola, nagkalat ang mga labing tsinelas, tao, istrimer at abo. Inisaisa ni Karlo ang mga litrato.

Muling nasindak si Karlo nang makita ang litratong nagpapakita sa malaking sundalo habang walang-awa nitong hinahambalos si Mang Pidyong.

“Tingnan mo Karlo, may closeup pa ’ko nu’ng matanda habang namimilipit sa sakit. Okey ba’ng kuha?” walang anuman ang tanong ni Gil habang nagkakape, sadyang nagmamalaki lang sa husay ng pagkakakuha niya sa matandang hinahambalos nang walang kalabanlaban.

Tiningnan lang ni Karlo nang diretso si Gil. Pagkatapos ay dahandahan niyang tinanggal ang suot na salamin, nilinis ng pranela. Saka niya ito muling isinuot.

Tiningnang muli ni Karlo ang litrato ng hinahambalos na si Mang Pidyong. Duguan ang mukha nito sa malapitan, luhaan ang matang nahahaluan ng dugo, dumaraing. Naaalala ni Karlo na habang nagaganap ang tagpong ito kanina sa Mendiola, wala siyang nagawa para awatin ang bakal na kamay na walang awang nagtatangkang pumaslang sa walang-labang matandang demonstrador. Hindi niya malaman kanina kung saan hahagilapin ang tapang. Ngayon, gusto niyang sumigaw, gusto niyang iuntog ang kanyang ulo sa pader. Napailing si Karlo at isinilid na muli ang mga litrato. Yumupyop ang ulo niya at pinagdaop ang mga palad na para bang nagdarasal. Napansin iyon ni Gil at nagtatakang nagtanong.

“Bakit, okey naman ’yung ibang kuha, ’di ba?”

“Oo. Pero hindi,” sagot ni Karlo.

“Oo. Pero hindi? Malalim yata ’yun, a,” pagtataka ni Gil.

Napatungo si Karlo. Dahandahan nitong hinubad ang suot na salamin at saka tumitig kay Gil.

“Malalim nga, pare. Malalim ang kwento ng balitang ito. Kilala ko ’yung mamang hinahambalos kanina. Kilalangkilala ko.”

— 8 —
Detour

Sa lahat naman ng biro ng pagkakataon, ang pagtatambal kina Karlo at Mang Pidyong sa iisang marahas na tagpo ang pinakamasakit. Sa loobloob niya, bakit sa ganoon pang ayos ipapaalala sa kanya na nakalimutan niya panumandali si Mang Pidyong?

Nang mamatay ang sariling ama, si Mang Pidyong ang naging gabay ni Karlo — ang kanyang tataytatayan. Tagapayo nila ni Lilia. Kung minsa’y tagapagpatawa. Pero, naisip ni Karlo, hindi pa pala nila nagagantihan ni Lilia, ni kalahati, ang kabutihan sa kanila ni Mang Pidyong.

Pagdating noon sa libreng sakay sa antigong dyip ni Mang Pidyong, prentengprente sina Karlo at Lilia. Pagdating sa mga kwentong Bagobantay ay okey lang kahit may katutubong kakornihan ang matanda.

Pero kapag nagkwento na si Mang Pidyong tungkol sa mga pinaggagawa nito sa Byahe — kung bakit hindi dapat itaas ang presyo ng langis dahil mababa naman ang presyo nito sa pangmundong pamilihan, kung bakit ang pagtataas nito ay kargo ng kung sino pang lubog na sa hirap, kung bakit ang pagtataas ng presyo ng langis ay siya ring pagtaas ng presyo ng mga bilihin kaya maging date daw nilang magkasintahan ay apektado — hindi masiryoso nina Karlo at Lilia. ’Yun pala, siryoso na si Mang Pidyong sa mga pinagsasabi’t pinaggagawa nito. Kaya ganoon na lang ang kagustuhan ng matandang maipaunawa sa kanila ang nalalabi nitong mga paniniwala sa buhay. At noon pa man, sinabi na ni Mang Pidyong na posibleng maging isa siya sa mga darahasin ng estado balang araw.

Naisip tuloy ni Karlo, para talagang si Mang Pidyong ang humalili sa kanyang ama. Para bang inuulit nito ang paghahabol noon ng kanyang ama para sa huling mga tagubilin. At hindi man lang nakikinig si Karlo sa mga paliwanag ni Mang Pidyong. O nagtangkang makinig.

Kaya naging madali kay Karlo noon ang sandaling malimutan si Mang Pidyong. Matapos ang pagtatapos sa kolehiyo, matapos mamatay ang kanyang ama, matapos makapasok sa Bulitin, hindi na nakibalita si Karlo kay Mang Pidyong.

Naghanap noon si Karlo ng maliit na kwartong mauupahan at doon itinuloy ang buhay, kausap ang dingding, kisame’t sahig. Sa Bagobantay kasi, hindi na sila masyadong nakakapag-usap ng Kuya Jack niya dahil siguro sa hindi naman talaga nila nakasanayan. Pinahina naman ang nanay nila ng lungkot kaya bihibihira na rin itong makabiruan ni Karlo para magkaluwagan kapwa ng mga dibdib. Lalong naging matatakutin si Karlo para sa nanay niya — imbes na matuto sa dinaanang mga pagsubok. Hindi pa rin talaga agad-agarang matanggap ni Karlo ang ilang katotohanan ng buhay. Lagi nang naging matatakutin si Karlo sa maraming bagay, suspetyoso, sigurista, pihikan. At ang pagiging matatakutin ay nagbunga ng pagkamalilimutin. Marahil, isa ring bagay kung bakit nakalimutan ni Karlo si Mang Pidyong.

Nahinto si Karlo sa pagbabalik-alaala. Naglakadlakad siya, walang direksyong paglalakad, at ’di sinasadyang napahantong sa kapihang tambayan ng mga reporter sa pier. Mangilan-ngilan lamang ang mga tagadyaryo nang gabing iyon, hindi alam ni Karlo kung bakit. Nagkape na lang siya mag-isa at nakipagkwentuhan sa sarili at sa ’santasang kape.

Muli’t muli, sumasagi kay Karlo ang mga ditalye ng nangyari kanina. At ang kaduwagan niya.

Ni hindi niya nakuhang titigan ang mukha ng matanda at sagipin ito sa disgrasya. Pero kung halimbawang may kontak pa rin si Karlo kay Mang Pidyong na hindi naman umaalis ng Bagobantay, alam sana niyang pupunta ito sa Mendiola. Baka nakita pa niya ang matanda roon, nagkasama pa sana sila. Bago pa man magkagulo, maaalalayan sana niya ito.

“Nasaan na kaya ngayon si Mang Pidyong?” tanong ni Karlo sa sarili. Tiyak na alam nu’ng sundalo kung nasaan ’to — buhay man o patay.

Ilang tasa na ring kape ang nainom ni Karlo bago niya nasimulang iditalye ang mga pangyayari kanina. Paglabas nito bukas sa Bulitin, asa ni Karlo, tiyak na maiipit ang militar. Sila lang yata ni Gil ang nakakuha nang malapitan — lalo na ang tahasang karahasan laban sa mga demonstrador. Lahat ng mamamahayag na suspetsadong makakaliwa ay binakuran na ng mga sundalo bago pa man mag-umpisa ang gulo. Sila namang taga-Bulitin ay karaniwang hindi gaanong pinapansin dahil hindi ito naglalabas ng istorya laban sa diktadura. Pero sa pagkakataong ito, maaaring magkamali sila. Walang pakialam si Karlo kung buhay man o patay nilang ililitaw si Mang Pidyong. Wala siyang pakialam kung ano na namang pagdadahilan ang gagawin ng militar. Para sa kanya, ang mahalaga’y panagutan nito ang labis na dahas na ipinataw sa mga demonstrador sa Mendiola — higit lalo sa kanyang kaibigang si Mang Pidyong. Hawak niya ang mga ebidensya. At ihahayag niya iyon sa kanyang balita.

Bumalik sa upisina si Karlo at naligo para maginhawaan nang kaunti. Dati’y hindi nakakaya ni Karlo, o ’di niya kinakaya, pero ngayon yata’y hindi siya uuwi hanggang hindi niya natatapos ang kanyang istorya tungkol sa nangyari kanina sa Mendiola.

Nagpunta si Karlo sa mesa at sinimulang kinisin ang artikulo. Inaalala niyang lahat ng ditalye maging ang mga kuha ni Gil na sa palagay niya’y nagtataka na ngayon kung saan na ba siya pumunta. Pero alam ni Karlong nasa darkrum lang si Gil. Babalikan niya ito pagkatapos niyang magsulat.

Sinimulan ni Karlong magmakinilya. Ang takatak ng makinilya’y nagpapasidhi sa kagustuhan niyang matapos agad at mapaganda nang husto ang istorya. Para itong baril na pumuputok sa bawat tama ng daliri niya sa tiklado; bawat takatak ay ang ratatat kaninang hapon sa Mendiola. Ito ang panggatong sa pagsusulat ni Karlo sa gabing iyon. Siya na lang yata ang nagsusulat at marami nang nakapagsara ng mga pahina. Pero wala siyang pakialam.

Hindi inabot ng isang oras at natapos ni Karlo ang unang burador ng balita. Hindi na niya pinaganda pa ang pagkakamakinilya matapos iyong maedit. Gusto niyang makita ni Cortez ang kasariwaan niyon, maging ang mga bakat ng pawis na tumulo sa papel. Ngayon lang siya naging inspirado — at makatotohanan — sa pagsusulat.

Pinuntahan agad ni Karlo si Gil sa darkrum. Naroroon nga ito, masiglang nakikipaghuntahan sa isa nilang istriper.

“Gil,” hindi na matiyak ni Karlo kung sumingit ba siya sa kwentuhan nina Gil at nu’ng istriper, “pakitingnan nga kung may file tayo nu’ng militar na bumanat sa matanda. Bakasakaling makadagdag sa istorya.”

Napangiti si Gil at ’yung istriper.

“Pinagkwekwentuhan na nga namin, e,” sabi ni Gil.

“O...” Hinintay ni Karlo ang karugtong ng sasabihin ni Gil.

“Tama ka. Meron pa tayo tungkol kay Sarhento Mesina.”

“’Yung bumanat sa matanda?”

Tumango lang si Gil.

“Hindi lang ’yon, pare. Meron din tayo tungkol kay Elpidio Quitlong.”

“Si Mang Pidyong...”

“Inunahan na kita. Alam mo naman ang hilig ko ’pag walang magawa — magkalkal. ’Yon, nakita ko sa files natin. Hindi ka rin pala nagbabasa ng dyaryo, ano, Karlo?”

Napangiti si Karlo. Tinamaan siya roon. Totoong hindi siya palabasa ng dyaryo, maski sarili nilang dyaryo. Madalas na sariling trabaho lang ang hinahanap niya sa Bulitin, pangkatalogo, pampalobo ng ego.

“Sa kantin tayo pare,” yaya ni Gil.  “Du’n ko na ikukwento. Makapagkape tuloy.”

Naalala ni Karlo ang maraming tasang kapeng nainom na niya kanina. Pero sumama na rin siya kay Gil. Agad silang umorder ng dalawang kape.

Mukhang wala pang pahinga si Gil, halata sa gusot nang buhok at damit. May mga bakas ng kemikal sa dyaket nito.

“’Yan palang si Sarhento Mesina at Elpidio Quitlong...” inumpisahan ni Gil ang usapan.

“O?”

“... matagal nang nagkakabangaan sa mga demonstrasyon — kontrapelo noon pa man,” sabi ni Gil habang inuumpisahang bulatlatin ang clippings. Ipinasa ni Gil kay Karlo ang mga iyon.

Naroroon nga sa clippings ang dalawa. Naroong makunang nagsisigawan sa isang plasa o nag-aangilan sa grandstand. Noong mga panahong iyon, si Mang Pidyong pa ang masiglang tagapangulo ng Byahe — ’yung malaking alyansa ng mga drayber ng dyip na naging pederasyon sa kalaunan na una nitong nabanggit tuwing itinatakbo nila ang tatay ni Karlo sa ospital. Sa litrato, siguro’y magkakwarenta anyos pa lang si Mang Pidyong noon. Samantala, si Sarhento Mesina nama’y ganoon na kabagsik ang hitsura.

“Kaya naman pala ganoon na lang kung banatan ni Mesina ’yung matanda, ano, Karlo?” parang nabasa ni Gil ang iniisip ni Karlo.

Tumango lang si Karlo. Pinagsamasama niyang muli ang clippings at isinilid sa brown envelope.

“Pahiram muna nito Gil.”

Hindi na sumagot si Gil. Hinigop na lang nito ang huling lagok ng kapeng papalamig.

“Kumusta na ’yung istorya mo?” tanong ni Gil.

“Magdaragdag na lang ako ng kaunti. Basta’t ipapasok natin ’yung ilan mong kuha.”

“Lalo na nu’ng binabanatan ’yung matanda...”

“Lalo na nu’ng binabanatan si Mang Pidyong. Si Elpidio Quitlong.”

Natahimik ang dalawa, ipinagpatuloy ang paghigop ng kape. Pilit na pinahahaba ni Karlo ang balita pero hindi niya ito magawa sa harapan ni Gil. Naiilang siya. Pakiramdam ni Karlo’y kailangan muna niyang tanggapin ang ilang katotohanan at ipunla muli iyon sa kanyang dibdib. Sa pagkakataong ito na si Mang Pidyong ang napasama, kailangan niyang maitalaga ang sariling paninindigan, ang sariling paniniwala. Walang patapatakaran ng pabliser ngayon. Walang edieditor. Walang Cortez-Cortez. Kailangan niyang isiwalat ang isang pangyayaring matagal na palang nangyayari. Hindi yata pwedeng wala siyang panigan. Ang ’di pagpanig ay pagpanig din sa kung sino’ng nasa poder. Kung magbubulagbulagan lang siya sa nangyari kanina, talo si Mang Pidyong. Parang siya na rin mismo ang dumahas dito. Matagal nang talo si Mang Pidyong kung hustisya ang pag-uusapan. Samantalang may magagawa naman pala siya bilang mamamahayag.  Ngayon magagamit ni Karlo ang lahat ng napag-aralan sa peryodismo. Ito ang ganap na pagkakataon.

Sa panahong ito, naitalaga ni Karlo, ang kiling ng balita ay kailangang pumabor sa inaapi’t dinadahas. Kung hindi’y nagpapapaapi rin pala’t nagpapadahas ang mga katulad niya — peryodistang pulpol ang panulat.

Muling tiningnan ni Karlo si Gil na halos bumagsak na ang ulo sa pagod at antok.

“Gil...” halos pabulong at taimtim na sabi ni Karlo.

Naputol ang antok ni Gil.

“O?”

“Alam mo bang tataytatayan ko si Mang Pidyong?”

“O...”

“’Yun bang sa kanya ko sinasabi ang mga sikreto ko na hindi ko nasabi sa sarili kong ama pero sana’y sa ama sinasabi ng isang anak?”

“O...”

“Gano’ n. Kasi, siya lang ang nakakaalam ng mga sikreto ko — namin ni Lilia — sa pulitika, sa rilarelasyon...”

“Pare, nagiging pilosopikal ka yata. Korning pilosopo. Pagod lang ‘yan. Kulang ka lang sa pahinga.”

“Hindi pare...”

“O sige. Kabag na lang,” tiningnan sandali ni Gil si Karlo. “Nasobrahan ka na sa kape... iutot mo.”

Hindi na inisip ni Karlo kung sinisiryoso’t nakikinig pa ba si Gil sa kanya.

“Alam mo, ngayon ko lang napag-isip-isip ang mga pagkukulang ko kay Mang Pidyong, kay Elpidio Quitlong. Noon, isang sabi ko lang tungkol sa mga prublema, kahit alam niyang hindi siya makakatulong... ‘yun bang kahit moral support, nakakatulong ‘yang si Mang Pidyong... Magaan ang dating niya, pero alam kong malalim siya. Pakiramdam ko talaga noon ay para ko na rin siyang ama. Hindi nga lang tulad ni Itay na kayang mag-provide. Ni hindi nga makaupa ng kwarto ‘yang si Mang Pidyong. Sa dyip lang niya natutulog.”

Inaantok nang talaga si Gil at babalik na sana sa dati niyang pusisyon, hihikabhikab.

“Simple lang ‘yang si Mang Pidyong,” lalong nagsiryoso si Karlo at naglakas ng boses. Noong bata pa ako, akala ko e wala siyang pakialam sa kahit na anong bagay sa paligid. Pero nagkamali ako. Hindi rin pala siya kuntento — bilang siya at bilang drayber. Ang totoo, kung para lang sa sarili, kakaunti lang naman ang ambisyon niya, pero mahahalaga: ang makakain nang tatlong beses isang araw; makabili ng ilang damit; makapanood ng sine paminsanminsan; makapagserbesa pagkatapos ng pasada. ‘Yun lang. Tsaka ‘yung makatulong sa mga kapwa niya drayber. Kumbaga, sino pa nga ba’ng magkakaintindihan kundi kayo ng mga kabaro mo? Mapangarap din ’yung matanda, pero realistiko.”

Napailing si Gil pero ngingitingiti. Nagsindi na lang ito ng sigarilyo at hinarap si Karlo. Umorder pa ito ng dalawang tasa ng kape para mapaglabanan ang pagod at antok.

“Lahat ng kakornihan ko sa buhay, alam niya,” pakiramdam ni Karlo ay nagtutubig yata ang kanyang mga mata sa pagkakatitig kay Gil. “E ang Itay nga, hindi ko nasabihan ng kahit anong prublema pagkatapos ko ng elementarya. E, si Mang Pidyong, elementarya pa lang e kung anuano nang pinagkwekwentuhan namin.”

“Kailan ba kayo nagkahiwalay?”

“Parang kailan lang. Hindi ko talaga inisip. Pero nang magsimula ako dito sa Bulitin, parang untiunting nawala si Mang Pidyong sa buhay ko, sa amin ni Lilia.”

“E si Lilia nga pala, nasa’n na?”

“’Yun din, nakalimot na rin yata sa matanda. Dapat nga palang balitaan ko agad.”