Beybs, anong nangyari?
By JOEMAR ANCHETA
Limang taon na ang nakakaraan subalit parang ang lahat ay nangyari lang kahapon. Hindi ko lubos maisip na ang pag-ibig namin ay magwawakas ng ganoon lamang. Ngayon ay tatlumput- isang taong gulang lang ako. Hindi ko na ikukuwento pa ang buhay ko ng kabataan ko dahil ang nais ko lang ngayon munang pagtuunan ng pansin ay ang nasira naming pagmamahalan ng aking asawa.
Sa tuwing tinitignan ko ang litrato ng kami’y ikasal ay hindi ko mapigilang hangaan ang napakaganda kong asawa. Hindi ko akalain na magwawakas kami ng ganoon. Paano na nga ba kami nagkakilala? Pauwi ako noon sa aming probinsiya galing sa aking trabaho nang makatabi kami sa upuan. Inaamin ko, nalibugan lamang ako noon sa kanya dahil sa napakaseksi at napakaputi niya sa suot niyang maiksing bestida at pang- itaas na halos kalahati na ng dibdib niya ang matapang na nakasilip. Maamo ang kanyang mukha kaya ang tingin ko sa kanya noon ay hindi bastusing babae at dala ng modernisasyon kaya napaagos siya sa pagbibihis din nito. Halos hindi ko na maialis ang aking paningin sa kanyang mukha noon . Bumilis ng bumilis ang tibok ng aking puso at alam ko… sigurado ako na sa unang pagkakita ko sa kanya, tinamaan na ako ng sibat ni kupido.
Hindi ko napaghandaan ang pagsalubong niya sa aking mga mata kaya huli na nang ibaling ko sana sa iba. Nakipagtitigan siya sa akin ng matagal at para makuha ko ang kaniyang atensiyon sabihin mang halos matunaw na ako ng hiya ay nagawa kong gawaran ko siya ng nakakahumaling kong ngiti. Nabigla ako nang nginitian niya din ako at ipinakita ang kanyang celphone. Sabihin mang may kahinaan ako sa babae, nagawa kong intindihin kung ano ang ibig sabihin ng ginawa niya. Kaya nga bago ako bumaba, iniwan ko sa kaniya ang calling card kahit sobrang hiya kong iabot na walang sabi- sabi naman niyang tinanggap.
Halos hindi na ako makatulog sa kahihintay na sana ay itext niya ako. Isang oras… dalawang oras… wala pa rin. Tatlong oras… magdamag, napuyat na ako sa kahihintay ngunit sadyang hindi ako nakatanggap ng text galing sa kaniya.
Isa… dalawang araw… tuyot. Sinisi ko ang sarili ko kung bakit hindi na lamang kasi ako ang humingi ng number niya. Pinaghinaan ako ng loob.
Muling bumalik sa aking alaala ang nakaraan ko nang mabigo ako sa pag- ibig na siyang naging dahilan ng pagsama ko sa mali ng barkada. Nalulong ako sa ipinagbabawal na gamot kasama ng mga barkada kong sobrang hilig sa mga babae na hindi na nakukuntento sa droga lamang dahil pagkatapos ng sesyon namin ay lumalabas pa kami para maghanap ng babae na siya namang magdadala sa amin sa tunay na kaligayahang hatid ng ipinagbabawal na gamot at sex. Iyon lamang ang alam kong paraan para takasan ang sakit na pinagdaanan ko sa unang pagkabigo ko sa pag- ibig. Naging pabaya ako sa aking pag- aaral at unti- unting nahulog ang aking katawan.
Tatlong araw… apat na araw, sadyang hindi mo na yata ako naalala pa beybs…
Pinagsisihan ko na ang napasok kong maling barkada at ang paggamit namin ng droga at iisang needle. Hindi ko na alam noon kung paano ko malusutan ang pagkagumon ko. Dahil sa suporta ng aking mga magulang, dinala ako sa isang rehabilitation center para ipagamot. Ang alam ko noong una ay hindi na malulunasan pa ngunit dahil nakipagtulungan ako at dahil na rin sa gusto ko na talagang magbago at tahakin ang tamang landas, napadali ang paglabas ko at ipinagpatuloy ko ang aking pag- aaral kahit edad dalawampu’t tatlo na ako ng makatapos.
Limang araw… tuluyan na akong nawalan ng pag- asa… anim na araw… pinilit kong kalimutan siya… isang Linggo… nang tuluyan niyang binigyang buhay ang puso kong nangungulila. Tinex niya ako at no’n na nagsimula ang maganda naming pagtitinginan.
Matapos ang isang buwang pagsasama, ayaw na naming mahiwalay pa sa isa’t isa. Gusto ko laging kasama ko siya. Ninais kong sa tuwing ipikit ko ang aking mga mata bago matulog at idilat tuwing umaga ay naroon lagi siya tabi ko. May mga gabing ayaw kong matulog dahil gusto kong pagmasdan ko lagi ang kaniyang mukha. Hanggang ikinasal din kami na hindi na namin pa inalam ang mga nakaraan ng bawat isa. May mga sandaling natutulala siya at para bang may gusto siyang sabihin ngunit lagi kong sinasabi sa kaniya na hindi na mahalaga kung anuman ang kaniyang nakaraan. Ang mahalaga’y ikinasal na kami at magiging kami hanggang sa huling hantungan. Ang ginawa kong iyon ay labag sa kagustuhan ng aking mga magulang ngunit paano ba nila piupigilan ang pusong nagmamahal? Paano nila maturuan ang pusong natagpuan na ang nais nitong makasama sa habang panahon. Itinakwil ako ng aking ina dahil doon at tinanggap ko naman ang hamon nila.
Pinuno namin ng masasayang alaala ang aming pagsasama. Hindi kami nagpagapi sa mga pagsubok na dumating sa aming buhay. Napag-usapan namin na paghandaan muna naming mabuti ang pagkakaroon ng anak at sa dalawang taon, maaring makaipon na kami.
Dalawang taon pa nga ang matuling lumipas at nagulat ako nang minsang umuwi ako galing sa trabaho nang sinabi mong nakahanda na ang aking pagkain at tinakpan niya lamang iyon sa mesa. Nanibaguhan ako dahil nasanay na akong inihahatid niya ako sa kusina habang masuyo niyang kinikiliti ang aking tagiliran. Nang malapit na ako sa kusina ay bigla niyang pinatay ang ilaw at ang tanging sumasabog ng liwanag sa kabahayan ay ang mga kandila na hindi ko pansing nakasindi na pala. Napangiti ako sa ginawa niya at nilingon ko siya ngunit nanatili siyang malungkot.
“Anong nangyari beybs?” tanong ko.
Hindi niya ako sinagot. Isang malakas na buntong hininga lamang ang narinig kong itinugon niya.
“Anong nangyayari?” Naguguluhan kong tanong muli sa kaniya.
“Kain ka na muna beybs.” malungkot niyang tugon.
Binuksan ko ang tray na natatakpan sa gitna ng ating hapag- kainan. Walang laman ang tray kundi isang maliit lang na puting card at pulang tinta ng ballpen ang ginamit niyang pangsulat.
Napatalon ako sa tuwa at sa isang iglap ay nawala ang aking gutom. Binuhat ko siya sa kama at pinupog ng halik habang paulit- ulit akong nagpapasalamat. Hindi ko alam ngunit may kung anong gumugulo sa kaniya na gusto niya sa aking sabihin kaya lang ay natitigilan siya. Sinabayan niya akong kumain ngunit parang hindi siya masaya.
“Hindi ba dalawang taon na tayong nag- ipon kaya kayang- kaya na nating magkaroon ng anak. Huwag kang mag- alala beybs, ako ang tatay kaya alam ko kung ilan ang kaya kong buhayin.” Nakatawa ko noon g sabi sa sa kanya ngunit hindi niya nagawang ngumiti. Nanatili ang lungkot sa kaniyang mga mata na matagal ko ng napapansin noon.
Niyakap ko siya buong magdamag at inuulit kong ibinubulong kung gaano ko siya kamahal. Dahil sa pagod ay nakatulog ako at nang paggising ko ay wala na siya sa tabi ko. Nahihilo man ako dahil sa sakit ng ulo ay nagawa ko paring bumangon at natagpuan kong hawak niya ang larawan namin nang kami’y ikasal at siya’y humahagulgol.
“Anong nangyayari sa iyo, beybs?” tanong ko.
“Wala lang.”
“Beybs, anong wala lang, hayan nga o at umiiyak ka.” naguguluhan kong tanong.
“Namimiss lang kita at hindi mo lang alam beybs kung gaano kita kamahal.”
“Beybs, alam ko namang mahal na mahal mo ako e. Magkatabi na nga tayo, namimiss mo pa ako? Halika nga at ituloy na natin ang pagtulog.” Binuhat ko siya. Alam kong hindi parin siya mapakali kahit nasa kama na kami at yakap ko siya. Hindi ko alam kung bakit napakahigpit ang yakap niya sa akin nang gabing iyon at lagi niyang sinasabi na mamimiss niya ako.
Pumasok ako sa aking trabaho at pagdating ko ng tanghali ay hindi ko na siya naabutan pa sa aming bahay. Akala ko ay may pinuntahan lamang siya ngunit nanibaguhan ako dahil hindi man lamang siya nagsabi kung saan siya pupunta dahil ng mga nagdaang buwan naman ay lahat ng pinupuntahan niya ay sinasabi sa akin. Tinignan ko ang mga damit niya sa lagayan ng kaniyang mga damit at nabigla ako sa aking nakita. Isang maliit na notebook na lamang ang naabutan ko ro’n. may mahabang sulat doon na siya ko muna binasa bago ako nagalit ng husto at napaiyak ako sa sakit ng loob. Ganitong- ganito kasi ang laman ng nakasulat sa notebook.
Mace
Gusto ko siyang hanapin noon ngunit hindi ko alam kung saan. Gusto kong magalit ngunit awa ang nadama ko.
Napaiyak ako sa mga ipinagtapat niya sa akin. Natural lamang na sabihin kong niloko niya ako na kainisan ako sa ginawa niya ngunit anong silbi pa ng lahat. Dahil sa sakit ng loob ay umuwi nga ako sa Cagayan at dun ako ngapalipas nang kung ilang buwan. Inom, sugal at alak ang inatupag ko gusto ko lamang siyang kalimutan. Binalikan ko ang aking mga barkada. Sa tuwing tinatanong nila sa bahay kung kumusta na ang asawa ko ay hindi ko sila sinasagot. Nagagalit pa ako sa tuwing ipinapaalaala nila ang tungkol sa kanya. Anim na buwan ding naging ganoon ang buhay ko sa bahay. Hindi ko pinapakinggan ang pangaral ni Papa. Sinasagot ko rin si Mama sa tuwing pinagsasabihan niya akong ayusin ang buhay ko. Bakit pa? Naloko na ako. Kung kailan ko nahanap ang tamang daan tungo sa pagbabago ay saka naman ako niloko. Puro galit ang nasa aking dibdib noon.
Isang umaga ay nahimasmasan ako. Kailangan ko nang iuwi ang mga gamit ko sa Maynila na kung ilang buwan ko na ring inabandona. Kailangan ko na sigurong ibenta ang mga iyon para sa pagbabago. Hindi ko ninais pang tumira sa Maynila pa. alam ko kasing masasaktan lang ako at babalik lamang sa aking alaala ang babeng nanloko sa akin. Ang babaeng may asawa na ay naghanap pa ng iba para lamang matakasan ang kahayupan ng kaniyang asawa? Ngunit sa kaibuturan ng aking puso, alam kong naroon ang mga katanungan kung ano na nga ba ang nangyari sa kanya. Gusto ko siyang makita at mayakap sa huling pagkakataon pero para saan pa?
Para lamang masasaktan akong muli?
Pagdating ko sa bahay sa Maynila ay may naabutan akong sulat. Binasa ko iyon at ganito ang laman ng pangalawa niyang sulat .
Hindi ko na itinuloy pang basahin ang sulat. Iiyak lang ako. Madadagdagan lamang ang sakit na naipon roon. Ayaw ko na! Sa mga sandaling iyon, Gusto ko na talagang kalimutan siya. Hindi ko makaya ang sakit na idinulot niya sa aking buhay. Kinasusuklaman ko siya. Naroon pa rin sa puso ko ang pag-ibig at gusto kong hanapin siya ngunit pinigil iyon ng aking isip. Niloko niya ako! Hindi siya dapat pang kaawaan. Iniwan niya ako. Kung mahahanap ko siya, tatagal pa ba ang buhay niya? Ibinenta ko ang lahat ng mga kasangkapan sa bahay at ibinenta ko na rin ang bahay. Sayang ang mga hinabi naming mga pangarap sa bahay na iyon kaya lang kailangan kalimutan ko na ang lahat. Lahat ay isang bangungot lamang.
Umuwi ako sa Cagayan at sinimulan kong mabuhay ng wala siya. Naghanap ako ng trabaho at natanggap ako subalit lagi pa rin siya ang laman ng aking isip sa tuwing nagpapalit ako, sa tuwing dumadating ako mula sa trabaho at sa tuwing kakain ako ng panggabihan. Nagresign ako sa trabaho ko at umuwi ako kina Papa para magbukid na lamang. Binigyan ako ng pinagsimulan ko para magsaka at tinulungan din ako ng mga pinsan ko para matuto. Naging libangan para sa akin ang pagsasaka. Unti- unti akong nakalimot sa tulong ng mga kabarangay ko. Malayo kasi ang pagsasaka sa pag- oopisina kaya para sa akin, iyon ay bagong karanasan na hindi na kasali pa ang dating babaeng minahal ko.
Dalawang taon ang matuling lumipas. Hindi na muli pang tumibok ang aking puso. Kinalimutan ko na lamang ang tungkol doon. Nawili ako ng husto sa aking bukid at mga alagang hayop. Laging sinasabi ni Mama na kailangan kong mag-asawa pero minsanan nang nawala ang gana ko sa mga ganoon.
Isang araw na pinapasyalan ko ang aming bukirin ay may dumating na hindi ko kilala. Magkasing edad lamang siguro kami. Ako ang hinahanap niya.
Ganito ang kuwento niya sa akin.
“Sa tuwing bigo akong umuwi at balitaan siya, parang hindi ko makayanan na tignan siya.” pagpapatuloy niya. “Hindi ko na kasi kailangan pang magsalita. Pupuntahan ko siya sa kama niya at uupo. Tinititigan niya ako sa mata ng matagal at unti- unti iyong mapupuno ng luha. Aagos ang luha sa kanyang pisngi at buong hirap niyang hilahin ang kumot mula sa kanyang dibdib at ibabaling ang paningin sa imahen ni Jesus at masuyo niya iyong hinahaplos. Hindi man siya nagsasalita, alam ko kung ano ang isinisigaw ng kanyang puso. Alam ko kung ano ang kanyang dalangin. Kasabay niyong ng madamdamin niyang paghagulgol at laging sinasabi… “Beybs… anong nangyari?” Matagal niyang pagmamasdan ang iyong litrato at buong pagmamahal na hahaplusin ang iyong mukha. Subalit sa gitna ng kawalang pag- asa at bago ko siya iiwan, ang laging sinasabi niya sa akin… “Sir Mark, alam kong mahahanap natin siya. Hindi ako nawawalan ng pag- asa. Mahahanap ho natin siya.” Paanas na ang niya ngunit may katatagan. Kung siya ay umaasa parin, ako ay hindi din dapat mawawalan ng pag- asa.”
Hindi ko na talaga kayang pakinggan pa ang mga sumunod na sinabi niya. kinuha ko ang tubig sa tabi ko at itinungga iyon. Sinabi ko sa aking sarili na sa huling sandali ay gusto kitang Makita at mayakap man lamang. Sumama ako sa kanya sa Maynila. Walang tigil ang aking pag-iyak. Nagkamali ako sa ginawa ko. Alam ko kung gaanong sakit ang napagdaanan niya. Iniwan ko siya sa mga sandaling kailangan niya ako.
Dumating kami sa Hospital na wala na siyang malay. Hindi ko na tuloy siya namukhaan pa. Kalbo na siya at halos buto’t balat na lamang. Naunang umagos ang aking mga luha bago ang madamdamin kong pagtanong sa kanya kung kumusta na siya. Ikinulong ko siya sa aking mga bisig habang hinahalikan ko ang kanyang noo. Malamig na siya noon ngunit napansin ko ang pag-agos ng kanyang luha sa kanyang pisngi. Umiyak ako ng ubod ng lakas. Gusto kong marinig niyang dumating ako sa huling sandali.
Marahil hanggang doon na lamang ang kasaysayan namin. Ginusto kong iuwi siya sa Cagayan ang mga labi niya subalit sinabi ng Civic organization na siyang nag-alaga sa kanya ay nakabubuting huwag na lamang siyang ibiyahe pa. Hindi ko siya iniwan hangga’t hindi ko siya inihatid sa kanyang hantungan at ipinangako ko na bibisitahin ko siya taon- taon sa kanyang hukay.
Ngayon ay narito ako sa Cagayan at muling nagsisimula. Sa tuwing naiisip ko siya ay hindi ko mapigilan ang pagluha. Hanggang ngayon ay mahal na mahal ko pa rin siya at hindi ko alam kung hanggang kailan ako alipin ng kaniyang mga alaala.


