Biktima

Biktima...
Isa na namang babae ang biktima.
Si Seoning.
Ilang buwan din mula nang iwan ni Seoning ang dating barung-barung na kanilang tinutuluyang mag-ina. Si Aling Maring. Ina ni Seoning.
Ngayon, bumalik siya sa barung-barung.
Sa gulang na labingwalo, nakatakdang magsilang ng isang sanggol si Seoning.
Tahimik na nakaupo lang si Seoning sa ikalawang baytang ng hagdanan ng kanilang dampa.
“ Pumasok ka na dito sa loob Seoning,” matamlay na anyaya ni Aling Maring.
Subalit tila walang narinig si Seoning, nakatitig sa kawalan. Marumi ang suot na bestida, nakalugay ang mahabang hindi na nasusuklay na buhok at pansin ang natuyong luha sa malamlam na mga mata.
Nanatiling nakatayo lamang si Aling Maring sa likurang bahagi ng anak. Ikinuwadro ang mag-ina ng giray ng pintuan ng dampa.
“ Marami nang nabigo,” kasunod ang bagsak ng kaputol na bahagi ng hininga. “ Kaya alam kong babalik ka, isang araw babalik dito sa ating dampa. At dumating na nga ang araw na iyon, patawarin mo ako,” naluluhang pahayag ni Aling Maring.
Idinako ni Seoning ang paningin sa makipot at madilim na eskinita.
Mabaho.
Maputik.
Madilim ang daanang iyon papalabas ng kanilang kinabagsakang lugar sa bahaging iyon ng lungsod.
Lugar kung saan nagsasama-sama ang kapus-palad. Ang mga nilikhang kumawala sa kadahupan ng nayon at nagtungo sa nangangakong lungsod. Subalit gaya ng maraming sikmurang nakipagsalaran sa Maynila. Isa sila sa mga nagutom, isa sila sa mga tila mga dagang nakikipagsiksikan sa madidilim at mababahong lugar. Sa ilalim ng tulay, sa tabi ng estero, sa mga bakanteng lote, sa tabi ng basurahan, sa mga overpas, sa Luneta, sa tabi ng Manila Bay, sa lahat ng lugar na maari nilang angkining pansamantala.
Elementarya lamang ang natapos ni Seoning sa probinsiya. Sa Maynila sila itinapon dahil sa gutom na nararanasan nila noon sa malayong lalawigan.
Sa simula’y punung-puno ng pangarap ang nasa dibdib ni Seoning. Ang nagtataasang mga gusali, ang malalamig na loob ng mga malls, magagandang tanawing sandaling napakalma sa kanyang nagugutom na sikmura. Buo ang loob ni Seoning, naihulma niya sa kanyang isip, giginhawa rin silang mag-ina.
Sa isang maliit na paupahang barung-barung sila humantong. Pasalamat na lang daw sila dahil may natuluyan sila sa masikip na lungsod.
Nabago ang hangin sa paligid. Ang dating sariwang hangin na nalalanghap ni Seoning sa kanilang bukid ay napalitan ng masangsang at nabubulok na singaw ng lungsod. Tiniis ni Seoning ang lahat. Hindi niya nanaisin pang malanghap ang sariwang hangin sa lugar na kanilang pinanggagilangan, kung kumakalam naman ang kanilang sikmura.
Hindi nakakain ang hangin.
Masarap lamang langhapin ang sariwang hangin kung may laman ang sikmura. Subalit kung nagugutom, walang kuwenta ang kagandahan ng paligid.
May kaunti pang pag-asa si Aling Maring.
“ Mag-aaral ka anak,” ayon kay Aling Maring.
“ Inay, baka hindi natin kayanin,” tanggi ni Seoning.
“ Maraming ibig magpalaba sa akin...malaki ang kikitain ko.”
“ Huwag na lang po inay, maghahanap na lang po ako ng trabaho upang makatulong sa inyo,” tugon ni Seoning sa ina.
“ Hindi ka magtatrabaho,” agaw ni Aling Maring. “ Mag-aaral ka, ipagpapatuloy mo ang pag-aaral mo.”
Walang nagawa si Seoning kundi ang sundin ang kagustuhan ng ina. Sa isang public high school siya nagkapagpalista.
Nagkaroon din siya ng mga kabarkada.
“ Ang dami mong baon,” wika ni Seoning nang makita ang wallet ng kaklase.
“ Mga barya ‘to,” tugon ni Clara.
“ Kahit na, pera pa rin ‘yan,” balik ni Seoning.
“ Kung gusto mo, sumama ka sa akin sa biyernes.”
“ Saan?”
“ Sa Quiapo.”
Sa simula’y hindi naibigan ni Seoning ang hanap buhay na itinuro sa kanya ng kaibigan. Subalit ng lumaon, ang hanap-buhay na iyo’y agad niyang natutunan.
“ Kurutin mo para umiyak,” utos ni Clara kay Seoning.
“ Natutulog e,” aniya.
“ Kupal ka talaga, walang maglilimos sa iyo kung kakargahin mo lamang iyang bata,” inis na hinablot ni Clara ang bata. Mga mag-iisang taon pa lamang ang batang lalaki. Payat, luwa ang mata, nakasuot ng maruming damit, at walang pang-ibabang saplot.
“ Ang ganda-ganda nga ng nahiram mong bata,” puna ni Clara sa bata. “ Ang ipinahiram sa akin ni Aling Lusing, malusog at magandang bata, kaya walang nagbibigay sa akin ng limos.”
Inilapag ni Clara ang bata sa semento. Kasunod ang namamalat na pag-iyak nito.
“ Ganyan, dapat, umiiyak siya, para mas makakuha ng atensyon sa mga nagsisimba. Ikaw talaga, ang tagal mo na sa trabaho natin mahina ka pa sa diskarte.”
“ Nakakaawa naman ang bata e,” tugon ni Seoning.
“ Ulol...kapag maaawa ka, wala kang ibabaon bukas, at baka wala ka ring ibayad sa ina ng bata.”
Tumayo si Clara.
“ Maawa na po kayo, palimos po...pambili lamang po ng gamot at gatas ng kapatid ko,” wika nito sa mga taong nagdaraan, papasok at papalabas ng simbahan.
Sunud-sunod na kumalantog ang lata ng gatas na nakatabi sa kinahihigaan ng bata. Kumakawag-kawag at patuloy sa malat na pag-atungal.
Patuloy sa pagkalantog ang lata mula sa mga barya ng mga taong nahahabag sa bata.
Nang dumating si Seoning sa kanilang dampa, nakahiga na ang kanyang ina sa papag. Marahang umubo at inilabas ang ulo sa nakakabit na nanlilimahid na kulambo. Unti-unti nang isinusuko ng katawan ni Aling Maring sa mabigat na gawain.
“ Kumain ka na diyan, may nodols akong niluto,” wika ni Aling Maring at sinundan ng dikit na pag-ubo. “ Saan ka na naman ba galing?”
Naupo sa gilid ng papag si Seoning.
“ Kasama ko po si Clara.”
“ Sa simbahan?”
“ Opo,” tugon ni Seoning.
“ Mabuti nama’t nakapagsimba ka.”
Napalunok-laway na lamang si Seoning sa narinig, nagsalubong ang dalawang kilay.
Muling ibinalik ni Aling Maring ang pagkakatalukbong ng kulambo.
“ Kumain ka na, bukas, isasama kita sa isa kong amo. Nangangailangan sila ng kasama sa bahay, pag-aaralin ka daw nila.”
Ni walang emosyong gumuhit sa mukha ni Seoning.
“ Doon ako titira?”
“ Oo...kaya nga pag-aaralin ka nila. May malapit daw na skul dun.”
“ Ayaw ko ng mag-aral.”
“ Bahala ka, basta, sumama ka bukas sa akin, magugustuhan mo doon, maganda ang bahay at may sarili kang kuwarto.”
Nahiga na lamang si Seoning sa tabi ng ina.
“ Hindi ka na ba kakain?”
“ Busog po ako.”
Pumahit patalikod si Aling Maring, sinikap pigilin ang dikit na pag-ubo. Nanatiling nakatitig lamang si Seoning sa itaas na bahagi ng kulambo. Pinaglalaruan sa isip niya ang ibinalita ng ina.
Matagal nang pinangarap ni Seoning ang makatira sa isang sementong bahay. Sa isang maaliwalas at mabangong kapaligiran, may mga kasangkapan, may sariling silid, at higit sa lahat hindi na niya kinakailangan pang mangapa sa pagpasok ng eskinita sa kanilang lugar.
“ Paano po kayo?”
“ Dito na lamang ako...dalalaw-dalawin na lamang kita doon.”
Muling bumalot ang katahimikan sa mag-ina.
Napabaling si Seoning sa ilawang gasera na nakapatong sa ibabaw ng luma at madungis na mesa.
“ Nay, may gas pa ba ang gasera natin?”
“ Meron, kabibili ko lamang sa tindahan ni Aling Lusing.”
Umaandap-andap ang liwanag. Minsan, natatagalang manatiling maliwanag, may mga pagkakataong animo’y unti-unti nang namamatay ang liwanag ng gasera.
“ Matulog ka na lang, maaga tayo bukas,” utos ni Aling Maring na sinundan ng dalihit at dikit na pag-ubo.
“ Hindi ka ba papasok?” Tanong ni Clara.
“ Hindi na ako mag-aaral,” mabilis na tugon ni Seoning.
Pinagmasdan ni Clara ang bihis ng kaibigan.
“ Bakit?” Balik ni Seoning.
“ Dalagang-dalaga ka na pala,” napangiting wika ni Clara.
Maayos ang bihis ni Seoning. Sabi ng kanyang ina, kailangan daw na maging malinis siya at maganda, para daw maibigan siya ng pamilyang titirhan niya.
“ Mabuti ka pa,” malungkot na pahayag ni Clara, “ wala na pala akong makakasama sa Quiapo.”
“ Hayaan mo, dadalaw pa rin naman ako dito sa atin. Kapag dumalaw ako sa inay, pupuntahan din kita,” pangako ni Seoning.
“ Saan ka naman pupunta?”
“ Sa Makati, doon daw kasi nakatira ‘yong mag-asawang sinasabi ng inay.”
“ Mayaman ba?” Balik ni Clara.
“ Oo naman. Mayamang-mayaman. Sabi nga ni Inay, may sarili pa raw akong kuwartong tutuluyan,” pagmamalaki ni Seoning.
Pagkaraan ng limang buwang paninirahan ni Seoning sa mayamang angkan, nagbalik si Seoning sa dampa.
Nakaupo pa rin si Seoning sa hagdanan.
“ Pumasok ka na dito, malamig na, magpahinga na tayo,” mahinang pahayag ni Aling Maring. “ Patawarin mo ako kung itinulak kita sa bangin anak,” bumaba na ang tinig ni Aling Maring. “ Nagkamali ako, akala ko, mapapabuti ka,” Tuluyan nang kumawala ang damdamin nito. Nagpapalitan ang pag-ubo at paghikbi.
Nanatiling matibay ang dibdib ni Seoning.
Sa simula nang paninirahan niya sa mayamang pamilya, akala niya, ganap na niyang matatakasan ang kahirapan. Sa simula, maganda ang naranasan niyang pakikisama sa kanya ng mag-asawang mayaman. Binigyan siya ng mga lumang gamit ng among babae. Lumang damit, sapatos at kahit mga gamit-pampaganda. Noon lamang niya naranasang gumamit ng mamahaling gamit sa katawan. Kahit luma at nagamit na ng kanyang among babae ang mga gamit, para sa kanya, isang karangyaan na ang makapagsuot ng mamahaling damit at makapaglinis ng katawan gamit ang mamahaling sabon at pabango.
Ni minsan, hindi niya ipinagtaka ang ginagawa sa kanya ng among lalaki.
“ Para saan po ito sir?” Tanong ni Seoning. Hawak ang bag na naglalaman ng kung anu-anong pampabango at pampaganda.
“ Para sa’yo. Alam ko namang kailangan mo ‘yan. Dalaga ka na, at dapat na gumagamit ka na ng mga iyan.”
“ Salamat po sir,” masayang wika ni Seoning.
“ Sige na, maligo ka na at gamitin mo ang regalo kong ‘yan sa iyo.”
Tanging si Seoning lamang ang naiiwan sa malaking bahay sa oras na kapwa nasa trabaho ang mga amo. Sa ganoong pagkakataon, pakiramdam ni Seoning, kanyang-kanya na ang malaking bahay, kanyang-kanya na ang mga mamahaling kasangkapan, ang masasarap na pagkain, ang lahat-lahat na ni minsan, hindi niya naranasang maangkin.
Ngunit isang araw, ang araw na hinding-hindi malilimutan ni Seoning, ang araw na nagbukas ng katotohanan kung bakit kinakailangan niyang maligo, kung bakit kinakailangan niyang gumamit ng mamahaling sabon at pabango.
Wala siyang nagawa, ni hindi niya naipagtanggol ang sarili sa animo’y hayuk na hayup na umangking ng kanyang kasariwaan. Ang pabagong ibinubuhos niya sa katawa’y sinisim ng kanyang among lalaki.
Naglahong lahat ng kanyang pangarap.
Ang hiram na ligayang nadarama niya sa karangyaang hindi niya pag-aari’y tinangka niyang iwan.
“ Bakit po?” Tanong ni Seoning.
“ Hindi ka maaring lumbas ng bakuran,” may pagbabantang wika nito kay Seoning.
Mahabang panahon siyang dumanas ng hirap sa kamay ng kanyang among lalaki. At nang magkaroon pagkakataon, sinikap niyang makatakas.
Nasa dampa na siyang muli, kapiling ang may sakit na ina.
Sa kanyang sinapupunan, sumibol ang punlang pilit na itinanim sa kanya noon ng among lalaki.
Pagkaraan ng sapat na buwan, isinilang ni Seoning ang isang maganda at malusog na sanggol na lalaki.
“ Ang ganda,” wika ni Clara. “ Kaya lang, mahirap pagkakitaan iyan sa Quiapo.”
Dahil sa hirap na naranasan. Hindi na napaglabanan pa ni Aling Maring ang lupit ng kapalarang tinamasa sa buong buhay nito.
Nang mamatay si Aling Maring, kahit paano, kumita si Seoning, ipinagbili niya ang bangkay ng kanyang ina sa mga nag-aaral ng pagka-doktor sa isang pribadong paaralan sa España, Manila. Kailangan niyang magkaroon ng pambili ng gatas para sa sanggol na iniwan sa kanya ng among lalaki. Nag-iisa na lamang siya, dapat maging matatag siyang harapin ang mga pagsubok ng buhay sa lungsod.
Tumigas na ang kalooban ni Seoning. Naglaho na rin ang damdamin sa kanyang puso, dahil sa mga matitinding pagsubok na dumating sa kanyang buhay. Nakiayon na siya sa takbo ng pakikihamok sa lungsod. Nakipaglaro na rin siya sa mga paraan dapat niyang gawin upang manatiling humihinga. Kasama ng kanyang anak.
“ Ano, sasama ka ba sa akin bukas? Seoning, may puhunan ka na ngayon, hindi mo na kailangan pang umarkela ng batang gagamitin sa pamamalimos,” anyaya ni Clara.
Kaya lang, magandang bata ang anak mo, mahirap ihingi ng limos. Ang mga batang may kapansanan ang madaling kahabagan ng mga tao. Tumanim sa isip ni Seoning ang mga sinasabi ni Clara, kaya naman, isang balak ang nabuo sa kanyang isip, kailangan niyang gumawa ng paraan, kailangang niyang umisip ng paraan upang kumita ang puhunang ipinagkaloob sa kanya ng demonyong lalaki.
Matamang pinagmasdan ni Seoning ang anak.
“ Madaling ihingi ng limos ang mga batang may kapansanan,” naglalaro sa isip ni Seoning.
Bumilis ang pag-alon ng dibdib ni Seoning, habang nakatitig sa natutulog na sanggol.
“ Kailangang magkaroon ka ng kapansanan. Kailangan mong kawaan ng mga tao, upang limusan ka nila…kailangan natin ng pera para sa gatas mo. Kapag walang nahabag sa iyo, kapag walang maglilimos sa iyo, mamatay ka rin sa gutom,” lahad ni Seoning sa sarili. Kanina pa, mahigpit na hawak ni Seoning ang isang stick ng banana cue.Binasag ang katahimikan ng gabi sa loob ng madilim na dampa ang nakapangingilibot na iyak ng sanggol.
Kinabukasan.
“ O, ano, sasama ka ba sa akin?” Tanong ni Clara.
Tumango si Seoning, habang karga ang nakabalot sa lamping sanggol.
“ Nilagyan mo na ba ng grasa ang mukha at katawan ng anak mo? Kailangang maging madungis siya. Tingnan mo nga itong inarkela kong bata, payat na payat na, may hiwa pa ang nguso, natitiyak kong malaki ang kikitain ko sa maghapong ito,” masayang wika ni Clara at ipinakita pa ang anyo ng kargang bata.
Isang kakatwang ngiti ang pinakawalan ni Seoning.
“ Kapwa tayo kikita ng malaki sa araw na ito,” wika ni Seoning.
Magkasaagapay na naglakad sa makipot na eskinita ang magkaibigan.
Ilang sandali lamang ang lumipas, isang sanggol na bulag ang dalawang mata ang