bisikleta
ang buhay ay parang isang bisikleta.
sa pagsakay sa bisikleta, kailangan ng panahon at pagtyatyaga upang matutunan ang pagpapatakbo nito ng maayos at maingat.
ang iba'y kinailangan ng tutulong sa kanilang pag-aaral na paandarin ito.
ang iba naman'y mas piniling pag-aralan mag-isa.
pawis, paminsan minsan ay magagalusan.
pero babalewalain ito, dahil sa kagustuhang makapagpatakbo nito.
hindi ba, ganyan din ang buhay?
maraming pagkakataong susubukan natin itong patakbuhin ng maayos hanggang sa matutuhan nating sakyan ang pag usad ng ating gulong.
maraming pagsubok na haharapin.
maraming karanasan, at pangyayari ang daraan at huhubog sa atin.
katulad din ng pagsakay sa bisikleta, matutuhan man natin ang pagsakay dito, may mga pagkakataong ang daand patungo sa ating pupuntahan ay malubak, madilim o masalimuot.
umiwas man tayo ng umiwas, kung yun lang ang natatanging daan ay wala tayong magagawa kundi suungin ito. at magpakatibay sa pag pedal.
may mga taong hindi pa sinusubukan ay susuko na agad at hindi na tatangkain pang magpatuloy sa patutunguhan.
naalala ko tuloy nung natuto akong magbisikleta.
hindi ako nagpatulong o nagpa alalay. gamit ang mga payo ng kaibigan at nakakatanda, sinikap kong matutong mag-isa.
hanggang ngayon naaalala ko pa kung gano ako kasaya ng mapaandar ko ito.
walang paglagyan ang galak na naramdaman ko ng mga panahong iyon.
marami akong napagdaanan at alaala nung ako ay nagbibisikleta.
mga pagkakataong sumemplang at nagkasugat. ngunit bumangon pa din at nagpatuloy.
mga lugar na nadaanan na malubak. meron ding madilim.
mga pagkakataong nasubukan ang aking kakayahan sa pagpapatakbo nito.
minsan hiniling ko, sana ganito na lang kadali ang buhay.
pag natumba o sumemplang ay ganun lang kadali tumayo.
marami na kong napagdaanang pagsubok sa buhay ko.
mga pagkakataong sinubok ang aking katatagan, tibay, at pananalig sa dyos.
hindi ako isang perpektong tao, sa aking nakaraan ay maraming hindi kaaya ayang kilos akong ginawa.
lalo na kung ang pag-uusapan ay tungkol sa babae. isa akong aminadong babaero. isang lalaking hindi makuntento sa iisa.
ako yung tipo ng lalaking hindi tumatagal ang kasintahan. ang aking mga dahilan, nagsasawa, hindi na tumuntuntong sa ibang antas ang relasyon, o kaya naman ay may iba na.
marami ang nainis at naging kilala akong manloloko.
may mga pagkakataong napasok ako sa masasabi kong sineryoso kong relasyon. ito yung tumagal ng taon, ngunit, hindi ko tiniigilan ang aking masamang gawi.
may pagkakataong umiyak din ako sa naging wakas ng relasyon. ipinangako ko sa sarili na hindi na uulit at magpapakatino na. ngunit ilang linggo palang ang lilipas, babalik ulit sa pagloloko.
hanggang sa ako ay naikasal. nagka anak.
ngunit, hanggang sa mga panahong iyon, hindi nawala ang aking pagtataksil. nagawa ko pa ngang makabuntis ng ibang babae bukod sa asawa ko. sa kasamaang palad, pinalaglag ng babaeng iyon ang aking anak sa kanya.
marami pang pagkakataong may mga babae akong nakasiping. sa totoo lang, hindi rin maganda ang takbo ng buhay may asawa ko.
magulo, maraming pangyayari ang nagpalayo sa pagtingin naming mag asawa.
ngunit hindi ko ilalahad lahat lahat at pagtutuunan ko ng pansin ang paglalahad ng aking buhay.
ipinagbubuntis ng aking misis ang aming pangalawang anak ng may makilala akong isang babae.
isang babaeng may kakaiba akong nakita. may nag uudyok sa akin na dapat ko syang diskartehan at maging kasintahan.. ginawa ko.
nanligaw ako.
hanggang sa napasagot ko sya, pangalawa lamang sya sa babaeng niligawan ko ng matagal bago nakamit ang matamis na oo.
sinagot nya ako sa kabila ng aking sitwasyon.
(sa pagkakataong ito, hindi ko ilalahad ang ibang istorya, ang pokus ng mababasa nyo ay ang buhay namin ng babaeng ito.)
ilang linggo ang lumipas, pinili nyang makipaghiwalay. alam kong ayaw nya ngunit mas pinili nya ito dahil alam nyang may pamilya ako. at dahil mahal nya ako, iiwas sya.
nagalit ako sa kanya. sa totoo lang mahal ko sya. magulo noh, mahal ko sya ngunit may asawa ako. sa kapakanan ng aking asawa hindi ko na ilalahad ang detalyadong buhay mag asawa namin.
pinilit ko syang makipagbalikan sa akin. hanggang sa nagkabalikan kami. alam kasi naming pinahihirapan lang namin ang isa't isa.
sa mga panahong iyon nangangako ako sa kanya na bigyan lang ako ng spat na panahon at masosolo nya na ang aking atensyon. ngunit sa loob loob ko, hindi ako sigurado sa pangakong ito.
dalawang beses ding natuklasan ng misis ko ang aming relasyon, ngunit kahit na ganon ayhindi ko direktang inaamin. lulusot kumbaga. nawalan kami ng komunikasyon ng babaeng iyon.ngunit sa kabila nito, nagagawa ko pang sipingan ang aking misis.
hanggang sa dumating ang pagkakataong babago pala sa takbo ng aking buhay.. nangibang bansa ang asawa ko. makikipagsapalaran sa dayuhang bansa upang matustusan ang pangangailangan ng pamilya. tinulungan sya ng kanyang mga kamag anak para makasama nila sa bansang iyon at dun magtrabaho.
ako ang nag-alaga ng dalawang anak namin.
wala pa syang isang bwan doon ay natuklasan nya na kasama nya pala sa pagpunta dun ang aming ikatlong anak na ipinagbubuntis na nya pala. madadagdagan na naman ang aming pamilya. bagong sanggol na naman.
ang problema lang, kung may tatanggap sa kanya na magtrabaho kahit sya ay buntis.
sa kabila ng balitang ito, at pagkakalayo namin ng aking maybahay. gumawa ako ng paraan upang mahagilap ulit ang babaeng nabanggit ko kanina.
buti na lang at hindi sya nagpalit ng numero ng cellphone.
nagkaroon ulit kami ng komunikasyon at binalik ang aming relasyon. hindi ko ianamin sa kanyang ipinagbubntis ng asawa ko ang aming ikatlong anak. wala syang kamalay malay. ang tangi ko lang sinasabi, wala sa piling ko ang misis ko, may pagkakataon na kami magkita ng walang masyadong pangamba.
ngunit hindi lahat ng lihim ay naitatago, nabalitaan nya na babalik ng pilipinas ang asawa ko upang isilang ang aming anak. tinanong nya ko bakit ko itinago? ang aking naging tugon ay, natatakot akong baka hindi ka makipabalikan sa akin pag nalaman mo.
ikinwento ko na sa kanya lahat lahat.
napagkasunduan namin na hindi maghihiwalay at hindi muna mag kakaroon ng komunikasyon habang naririto pa sa pilipinas ang asawa ko.
kasabay nito ay pumasok ako sa isang short course. binalak kong magtrabaho sa isang call center kaya ako pumasok.
isang hapon bago dumating ang aking asawa. nagkita kaming dalawa.
at sa unang pagkakataon makalipas ang kulang kulang dalawang taon, pinagsaluhan namin ang isang bugso ng aming damdamin. ang init ng aming katawan. may nangyari sa min. ako ang nakauna sa kanyang pagkababae.
masaya kaming nagpaalam panandalian sa isa't isa at nangakong bubuksan ulit ang komunikasyon kapag nakabalik na ulit ng bansa ang misis ko.
sinundo naming mag aama sa airport ang nagbabalik bayan kong misis. ngunit parang may kakaiba. hindi ko maipaliwanag. may nag iba sa kanya.
sa muli naming pagkikita, sama ng loob agad ang bumungad. may kinilos sya na hindi naging kaaya aya. pinabayaan ko na lamang at iniisip na baka pagod lang sa byahe.
dahil din sa pagod sa byahe, kinabukasan niluwal nya ang aming anak, kulang sa bwan. matagal itong nanatili sa ospital.
tumigil muna ko sa pinapasukan kong short course.
ako ang araw araw nagpabalik balik sa ospital upang kamustahin ang kalagayan ng kawawang sanggol. nasa bahay na ang misis ko at pinagpapahinga muna, at nagpapagaling.
nasa ospital pa din ang anak namin ng bumuti na ang kanyang lagay, pwede na syang bumyahe kaya nagpasya kami na sumama sya sa ospital kung saan nasa pediathric ICU pa din ang aming anak.
pagkagaling doon ay namili kami sa grocery ng konting pangangailangan. dito mas napansin ko ang pagbabago.
lumipas ang ilang araw nailabas na namin ang aming anak sa ospital.
malapit na din syang bumalik sa pagtratrabaho sa ibang bansa.
maiiwan sa aking pangangalaga ang tatlong anak namin.
sa pagtakbo ng mga araw, madami pang pangyayari ang nag-iwan ng katanungan sa aking isip.
anong nangyari?anong nagbago? sa sarili ko alam ko may nagbago, pero sa kanya pakiramdam ko meron din.
nakaalis na sya, bumalik na sa ibang bansa.
sa kabutihang palad pinayagan akong bumalik sa short course na pinasukan ko at ipagpatuloy ang aking nasimulan.
bumalik na rin ang komunikasyon namin ng aking kasintahan.
natapos ko na rin ang isang daang oras ng pag aaral.
paminsan minsan nagkakausap kami ng misis ko. hindi madalas dahil masyadong magastos magatagan. hindi ko magawang pumunta sa computer shop para makapag chat kami. hindi ko maiwan mga anak namin.
pag may pagkakataon at may mapag iiwanan sa mga bata, nakikipagkita ako sa kasintahan ko. nagpatuloy ang aming relasyon.
may kakaiba kong napansin sa misis ko. pag mag kausap kami, may nagbago. may nararamdaman ako. alam kong may mangyayari.
hanggang sa hindi ko na kinaya ang kanyang panlalamig at kinumpronta na sya. madaming bagay kaming napag usapang mag asawa. hanggang sa nauwi sa hiwalayan. aaminin kong umiyak ako noon. dinibdib ko ng sobra. natatakot ako sa magiging kinabukasan ng aming mga anak.
wala na talaga. natapos na ang yugto ng buhay mag asawa namin.
sa kabila nito nagpatuloy pa din ang relasyon namin ng kasintahan ko.madami din kaming pinagdaanan. tanggap nya ang aking mga anak. minahal nya rin ang mga ito.
hindi pa rin ako makapagtrabaho. sa kasamaang palad, walang tumatagal na kasambahay sa ming mag aama. ang kukulit kasi sobra ng mga anak ko. ilang beses din naospiotal ang bunso kong anak. dahil sa kumplikasyon buhat ng kakulangan sa bwan ng ipinanganak. sa mga panahong iyon, limang bwan pa lamang sya. kawawa talaga ang bata pag naoospital.
itinago ko sa pamilaya ko ang paghihiwalay naming mag asawa.
ngunit hindi talaga naitatago ang katotohanan. nakarating din sa kanila ang balita. pinilit pa nilang makipag ayos ako, ngunit wala na talaga kong magagawa. may tuldok na ang relasyon namin.
matapos ang ilang bwan at tanggap na nilang hiwalay ako. tanggap na nilang single ako ulit. kasala man kami sa papel, batas, mata ng tao at dyos. alam kong narating na namin ang hangganan ng buhay na kami ang magkasama.
ilang bwan ang lumipas at nagpasya akong ipakilala na sa pamilaya ko ang babaeng naging kasalo ko ng ilang taon.
di naglaon ay natanggap nila ito. napatunayan ko din kasing nagmamahalan kami.
madaming pagsubok ang dumaan sa min. may pagkakataong may ibang babae na namang naging sangkot.
hanggang sa dumating ang pagkakataong nagsawa ako sa pagloloko. mahal ko na ng sobra ang babaeng to. ayoko na ng iba. hindi na ko makikipagrelasyon sa ibang babae. sya na lang talaga.
hindi ako makapaniwala sa sarili ko, napanindigan ko ito. tuluyan akong nagbago.
unti unting nagbago ang takbo ng buhay ko.
ipinagdiwang naimn ang ika-apat na taon naming magkasintahan. masyang masaya kami sa haba ng pinagsamahan namin.
dalawang taon na ang anak kong bunso at nagpasya akong mag apply na ng trabaho. pinakiusap ko sa pamilya ko na kung maaari ay sila na muna ang magbantay habang ako ay naghahanap ng mapapasukan. pumayag naman sila.
sa kabutihang palad, isa palang ang napagpasahan ko ng resume ay natawagan agad ako para sa interview. gagalingnan ko to.
maganda ang sahod at pang opisina ang suot pampasok. may pagkakahawig sa call center ang magiging trabaho ko.
matapos ang makakabog dibdib na interview, at katakot takot na pagpapakitang gilas pinalad ako na matanggap at makapagsisimula na. kailangan ko lang muna kumpletuhin ang mga kakailanganing requirements. pati na rin ang medical.
sobrang saya ko. magkakatrabaho na rin ako sa wakas.
nagpanedical na ko kinabukasan at inaraw araw ang pagkumpleto sa mga kulang kong requirements.
sa loob ng dalawang araw nakumpleto ko lahat. pinursige kong maipasa sa lalong madaling panahon. pinapirma na ko ng kontrata. eto na, matapos ko lang to, ganap ng may trabaho ako.
ngunit, tinawag ako ng incharge sa akin doon sa agency at sinabing wag ko munang ituloy ang pagpirma sa kontrata.
itinigil ko at nakinig sa mga sinabi nya.
pinapabalik daw ako sa pinagpa medical-an ko upang sumailalim sa isang pagsusuri. naka pending pa ang resulte ng medical ko at kaialngang may siguraduhin sila upang makapag pasya sila kung papayagan nila kong magtrabaho
kinabahan ako ng sobra at may halong galit. nandito na iyong pagkakataong hinihintay ko. ito na abot kamay ko na. bakit pipigilin pa.
wala kong magagawa kundi ang sumunod. tinanong ko ang kausap ko kung ano ang nakasaad sa resulte ng medical ko at bakit pending. hindi sya nagsalita bagkos ay binukas ang hawak na envelope at itinuro sa kin ang resulta ng medical upang ako na mismo ang magbasa. ayaw nyang sabihin sa kin ng diretsahan.
hindi ko mabasa ang isip nya kung bait ayaw nyang sabihin. nandidiri kaya sya? o baka nag aalala kasi kailangan na kailangan ng tao sa pagtratrabahuhan ko? o baka naman nag aalala sya sa kin?
"PENDING: for hepa-B profile!" yan ang nakasaad sa papel. nanlaki ang mga mata ko at nagulat kung bakit ganon. sabi ko sa sarili ko, imposibleng magkaroon ako ng ganung sakit. ngunit sa totoo lang hindi ko alam ang ibig sabihin ng hepa-B profile.
hindi ako masyadong nag aalala. alam ko sa sarili ko na hindi ito totoo. wala akong karamdaman.
kinabukasan kasama ang kasintahan ko, bumalik kami sa lugar ng pinagpa medical-an ko para sumailalim ako sa hepa-B profile. dun ko lang naintindihan kung ano yun. aalamin pala nito ang stage ng hepa-B ko. nagulat ako ng sabihing anim na libo ang kakailanganin ko. ha? eh dalawang libo lang ang hawak naming pera. pano na to. anong gagawin namin. umalis kami at nangakong babalik na lamang pag mayroon na kong ganun kalaking halaga.
ikinwento ko sa pamilya ko kung gano kalaki ang gagastusin ko. kasabay nito ang pangaral na itigil ko na daw ang bisyong pag-inom ng alak. at kung maaari ay pati ang paninigarilyo.
itinigil ko ang pag inom ng alak. pero ang sigarilyo, hindi.
nalaman din ng kapatid kong nasa ibang bansa ang pangangailangan ko at nagpadala ng pera para lamang matapos ko na ang hepa-B profile na kailangan.
makaraan ang ilang araw, natapos na ang nasabing test. pinatawag ako ulit at kinausap ng doctor.
dito ko naramdaman ang halo halong emosyon. ipinaliwanag sa akin ang kalagayan ko. maswerte pa daw ako at nakita agad. kung hindi ay maaaring mauwi sa mas malalang karamdaman. positive ako sa hepa-B. chronic and infectious ang term na ginamit ng doctor. ipinakita nya rin sa akin ang chart kung ano talaga ang sitwasyon ng atay ko. nakakapanlumo, nanlambot ako sa natuklasan. ngunit sa loob ko ay may galit na nagsasabing mali ang test na ginawa nila. nagkakamali sila!
niresetahan ako ng gamot. nagulat ako ng malaman ko ang presyo. 187 pesos ang isang piraso ng gamot. iinumin ko ito isang beses sa isang araw. saan ako kukuha ng pantustos nito. saan ako kukuha ng pambili.
bakit ako nagkaroon nito? bakit ako nagkasakit? bakit ngayon pa?
napagkasunduan naming magkasintahan na kumunsulta sa ibang doktor. mag pa-test ulit ng bago. nagdarasal ako ng sana ay iba ang maging resulta. positibo ako sa sarili ko na magiging negatibo ako sa hepa-B.
ngunit ang biro ng pagkakataon ay talagang nakakagulat. pareahas lang ang naging resulta. may sakit talaga ako. isang sakit na hindi dapt isawalang bahala. dapat gamutin agad.
sa mga panahong ito, alam ko na pagsubok lang ito. at alam kong kinakalabit ako. may kailangan akong gawin. masy misyon ako kung bakit ito nangyari.
sa tulong ng kapatid ko, at ng kasintahan ko. natustusan namin ang isangbwang gamutan. panibagong test na naman. sa pagkakataong ito HBE and anti-HBE na ang test. mas mura na ngayon. yun lang kasi ang kailangan i-monitor sa akin.
nagdarasal ako na sana maaari na nila akong payagang makapagtrabaho. ngunit ang pagsubok talaga minsan parang bagyo kung dumating. hindi pa ko pwede makapagtrabaho, ngunit sabi ng duktor ay mas mabuti ng kaunti ang aking kalagayan. 50 araw akong iinom ulit ng gamot bago bumalik at magpatest ulit.
maraming araw ang hindi ako nakakatulog sa kakaisip kung pano ako magkakapera pambili ng gamot. palamunin na nga kaming mag-aama, pati gamot ko inaasa ko pa. ultimo bahay na tinitirhan namin, pamilya ko ang sumasagot. nakaramdam ako ng panghihiya. nahihiya na ko ng sobra.
pabigat na ang tingin ko sa sarili ko. wala na kong naitutulong, nagdagdag pa ko ng gastos.
sinisisi ko ang sarili ko sa mga nangyayari. wala naman kasi akong ibang sisisihin kundi sarili ko lang.
dumaan ang pasko, bagong taon. naubos ang 30 piraso ng gamot na binili ng kapatid ko. nangutang ako sa tita ko upang makabili ng limang gamot, kagustuhan ko lang maituloy.
naubos na ang 5. nangutang ulit ako para sa 5 pa. ng maubos na ang huling 5 piraso, hindi na ko nangutang pa ulit. problema ko na nga kung saan kukuha ng ibabayad sa isang libo mahigit na pambayad sa binili ko ng sampung gamot na yon, dadagdagan ko pa.
nangako sa kin ang kasintahan ko na sasagutin nya ang check-up ko. ngunit natigil na talaga ang pag-inom ko ng gamot.
dumating na ang araw ng check-up ko. natapos na ang 45days na pag-inom ko ng gamot. ililihim ko sa doctor na 40 lang ang nainom ko imbes na 50.
naisip ko na dalhin sa sanglaan ang digicam ko.
isasanla ko para sa pang check-up. nahihiya ako sa kasintahan ko, malaki na ang gastos nya sa kin. gusto ko namang makabawas. balak ko ding bumili ng gamot kung maisanla ko.
sa kasamaang palad, walang sanglaan na gusto tumanggap ng digicam ko. ayaw nila ng tatak, hindi nilala kilala.
nakaramdam ako ng lungkot. sayang, malaki sana maitutulong nun sa gastos ko.
kasama ang kasintahan ko, nagpa test ulit ako. nagbabakasakali na maging ayos na ang lagay ko.
kabado ako. sana maging maayos na ang lahat.
ilang araw pa, bago ko malaman ang resulta. sa totoo lang, kanina(16 enero 2010) lang iyang sumubok akong magsanla at nagpa-test. sabik na ko sa resulta.
lihim kong itinago sa lahat ang totoong bigat sa dibdib ko.
tahimik kong itinatago na hiyang hiya na ako. ang nakikita lang nila ay ako na palatawa, makulit, palabiro, nakangiti.
pero sa totoo lang, nahihirapan ako. ang bigat bigat sa dibdib.
hiyang hiya ako sa mga nakapaligid sa kin. sa mga tumutulong, sa mga nag aalala. natatakot ako sa resulta ng huling test ko.
habang natutulog ang mga anak ko, naglalaro ako sa facebook. nag hharvest.
ang daliri at tingin ko sa laro nakatuon.
ngunit ang puso ko, nahihirapan, nagbibigatan.
ang isip ko nalulungkot, at nahihirapan din.
tumulo ang luha sa mga mata ko. bumalik sa kin ang buhay na ako ang humubog.
mga kasalanan ko.
kalokohan.
pagiging hindi mabuting anak, asawa at ama.
naramdaman ko ang matinding awa sa sarili. galit ako sa sarili ko.
bakit ganito? hirap na hirap na ko. patuloy na pumapatak ang luha sa mga mata ko. matagal ng panahon ng huli akong umiyak ng ganito.
patuloy na nag-iisip at umaasang aayos din ang lahat at babalik sa matuwid na landas.
alam kong ang nagyayari sa akin ngayon ay ang buhay na naihahalintulad sa bisikleta.
nasa malubak na daan ako ngayom, kung ano ang dulo nito ay walang makakapagsabi.
umaasang ang pagsubok na ito ay mas makakapagpatibay sa akin.
tutuloy ako sa pag andar. papadyak hanggang madating ko ang dulo.
kasama ang mga taong nagtitiwala sa akin. mga taong nagmahal, mga taong umaasang gagaling ako, mga taong nagmamalasakit. lahat sila angkas ko sa bisikletang to. kasama namin ang dyos.
magpapakatatag ako para sa kanila.
tuloy lang ang andar ng bisikleta.


