Buloy
Ang sulating ito ay pagpapahiwatig lamang nang aking kaisipan patungkol sa awitin, isang pagpapakahulugan lamang.
“BULOY” awitin ng bandang Parokya ni Edgar na syang nagbigay daan para sa kanilang kasikatan sa panahong ang industriya ng musika ay inaakupa ng mga sikat na banda.
Matapos pumailanlang ang awitin ito, ilang tao nga ba ang binansagang “Buloy” at ilang aso nga ba nag pinangalanang “Morlock”.
Hoy hoy, Buloy
naaalala mo pa ba
nun' tayo'y nagsasama?
Hoy hoy, Buloy
naaalala mo pa ba
ang iyong mga sinabi nung ako'y may problema?
Sabi mo, "lahat ng problema'y kayang lampasan,
basta't tayo'y nagsasama, at nag-iinuman!"
Hoy hoy, Buloy
naaalala mo pa ba
nung ako ay na-"kick-out" kasi daw ako'y tanga? (TANGA! )
Hoy hoy, Buloy
naaalala mo pa ba
nung ako ay napalayas ng aking ama't ina?
Mangiyak-ngiyak na'ko pero sabi mo ay "Okay lang yan!
basta't tayo'y nagsasama, at nag-iinuman!"
Ang unang bahagi ng awitin ay nagpapakilala sa isang taong handang tumulong sa ano mang uri ng suliranin, gaano man ito kabigat… basta para sa isang kaibigan. At lagi na, sa tuwing may ilalapit sa kanyang problema ay payo at sulosyon ang kanyang hatid. Tulad nga ng lagi niyang sinasabi: “Lahat ng problema ay kayang lagpasan, basta’t tayo’y nagsasama at nag-iinuman”
Kung kaya sa unang bahagi ng awitin ay pinakilala si Buloy bilang isang mabait at maalalahaning kaibigan na handang tumulong sa ano mang uri ng suliranin.
Kaya naman ako bilib sa iyo
kasi parang napakatibay mo.lahat ng iharang ay kaya mong daanan
basta't mayroong bentang alak diyan sa may tindahan!
Sa bahaging ito ng awitin ay pinakilalang Matibay si Buloy, kung kaya bilib ang nagsasaad sa awitin kay buloy sa dahilang kaya niyang sulusyonan ano man ang problemang ilapit sa kanya ng kanyang mga kaibigan.
Subalit sa bahaging ito ng awitin ay napansin ko ang salitang “Parang” sa linyang “Kasi parang napakatibay mo” may bahid na ng pag-aalinlangan kay Buloy.
Hoy hoy, Buloy
naaalala mo pa ba
nung araw na na-dedo ang aso mong si Morlock?
Hoy hoy, Buloy
naaalala mo pa ba
nung ika'y tumawag sa'min at ika'y umiiyak...
Ito ang nagsilbing turning point ng awitin dahil dito sa bahaging ito ng kanta ay ipinakita ang kahinaan ni Buloy.
Ginamit ko ito dati bilang lecture para sa subject na Personality Development nang tanungin ko ang aking mga estudyante ng: “Kung kayo ang kaibigan ni Buloy at tinitingala nyo dahil sa katapangan niya at dahil sa kaya niyang sulusyonan ang problema nyo. Ano ang maiisip nyo? Ano ang isasagot nyo sa kabilang linya, kung minsan tatawag siya sa inyo't umiiyak dahil namatay ang aso niyang si Morlock?
Ang ilan sa nakuha kong sagot:
“Para aso lang iiyakan mo”
“Inuman na, pulutan si Morlock”
“Ang babaw naman pala ni Buloy, aso lang iiyakan na”
“Buloy aso lang yan, maraming aso dyan”
“Ano kaba aso lang iiyakan mo, mas mabigat pa nga dyan ang problema ko dati”
Sabi ko sa mga estudyante ko “Kung kayo ang kaibigan ni Buloy, marahil ay talagang magpapakamatay na lamang siya!”
Tapos pagkatapos no'n, kay tagal mong nawala.
Nagulat na lang ako nung narinig ko ang balita.
Akala ko pa naman na marunong kang magdala,
Nalaman ko na lang na ika'y nagpakamatay na...
Sa bahaging ito, matapos ng tawag ni Buloy bigla siyang nagpakalayo-layo sa kanyang kaibigan at sa dakong huli nagpakamatay.
Ang linyang “Akala ko pa naman na marunong kang magdala” ay nagpapakita ng pagkadismaya sa isang taong dati ay hinahangaan dahil sa angkin niyang katapangan sa pagharap ng ano mang uri ng suliranin.
Ngunit bakit ng kaya ngapakamatay si Buloy?
Dahil ba kay Morlock o dahil sa kanyang Kaibigan?
Minsan kasi, ang taong inakala nating matapang ay siya pang duwag. Kung sino pa ang inakala nating malakas ay iyon pa ang mahina… si Buloy ay di iba sa mga taong ito, marahil sa simula ay talagang matatag si Buloy. Dahil sa dami ng suliranin na ang kanyang hinarap para sa kaibigan, at dahil dito ay nakabuo siya ng isang pagkatao na sandigan ng kanyang mga kaibigan.
Marahil din ay nagkakaproblema din si Buloy, subalit kung siya naman ang hihingi ng tulong sa kaibigan ay ang tangi lang isasagot sa kanya ay “Kaya mo yan, ikaw pa?” kung kaya ang aso na lamag niya, kay Morlock niya naibubuhos ang lahat ng problema at sama ng loob. Dahil pag kay Morlock nya sinasabi ang kanyang suliranin ay isang kawag lamang ng buntot ang katapat kasabay ng isang ngiti… subalit wala na si Morlock wala na siyang pagsasabihan ng kanyang nararamdaman, kung kaya bumaling sya sa kaibigan, pero ang mga nakuha niyang kasagutan ay katulad ng mga kasagutan ng mga estudyante ko noon… ano pa nga ba ang magagawa ng isang Buloy?
Hoy Buloy
Nasaan ka man, siguradong kawawa ka, malamang walang alak diyan
Kawawa nga ba si Buloy kung saan man siya narooon? O mas kawawa ang kayang kaibigang naiwan? Papaano kung mapalayas muli siya ng kanyang ama’t ina?
Alak lang ba ang nais ni Buloy? Diba malinaw mula sa kanyang pamusong linya “Basta’t tayo ay nagsasama at nag-iinuman”
Hoy Buloy
Nasaan ka man, siguradong hindi ka namin malilimutan
Ano ang hindi nila malilimutan kay Buloy? Ang pagiging mabait na kaibigan o ang kanyang pagtitiwakal?
Hoy Buloy Buloy Buloy
Hoy Buloy Buloy Buloy
Hoy hoy, Buloy
Para bang nalimot mo na ang iyong mga sinabi nung ikaw ay buhay pa...
Nalimot nga ba ni Buloy ang kanyang mga sinabi? O sadyang di lang naunawaan ng kanyang kaibigan ang nais niyang sabihin: "Lahat ng problema'y kayang lampasan, basta't tayo'y nagsasama, at nag-iinuman!"
Sa awiting ito may pinakilalang dalawang uri ng tao, isang nagmamahal sa kanyang sarili at isang nagmamahal sa kanyang kapwa.
Ang kaibigan ni Buloy ay minahal ang kanyang sarili dahil sa tuwing may suliranin siya ay nasusulosyonan nya ito dahil sa paglapit niya kay Buloy. Dahil alam niyang si Buloy ay di kailan man nagpabaya para sa isang kaibigan tulad niya. Subalit minahal ba ng kaibigan ni Buloy ang kanyang kapwa? Nasaan siya ng kailangan sya ni Buloy?
Si Buloy minahal nya ang kanyang kapwa dahil, sa tuwing may hihingi ng tulong ay agad niya itong tinutulungan. Subalit minahal ba ni Buloy ang kanyang sarili? Marahil hindi, dahil nga sa kanyang pagtitiwakal.
Bilang tao, marapat lamang na mahalin natin ang ating sarili subalit dapat din nating mahalin ang ating kapwa... Maraming Buloy sa paligid, at marami ring tulad ng kanyang kaibigan... tayo ba ay isang Buloy o isang tulad ng kanyang kaibigan?
Sabi nga ng Gintong Aral: “Mahalin mo ang iyong Kapwa tulad ng pagmamahal mo sa iyong Sarili”
Sana noon pa ito natutunan ni Buloy at ng kanyang Kaibigan...
Isang pagbabahagi lamang...
Salamat sa pag-basa at
Salamat sa pag-basa at comment!
sadya talagang ang kailangan ay pag-ibig sa sarili at sa kapwa!
"Ang ating liwanag at muling lalamunin ng dilim na ating binasag!"
"-"
Si "buloy" para sa atin ay isang bagay o hayop na mababaw na dahilan upang kitliin ang sariling buhay. Ngunit hindi natin talos ang tunay na halaga nito sa pangunahing nagsasalita. Para sa akin isa lamang itong simbolo sa kanta na nagpapahayag na huwag tayong maging mapanghusga bagkos ay siyasatin muna natin kung ano ba talaga ang puno't dulo ng isang pangyayari o isang pagdedesisyon. May mga bagay na malaki ang silibi sayo/akin ngunit sa iba ay wala. Halimbawa: Marami ang nagpapakamatay dahil sa pag-iwan ng iniirog. Sa iba ay kahangalan ang bagay na iyon dahil tanto nila na napakarami pa daw ibang maaring dumating na mashihigit pa sa nauna. Sabi nga sa kasabihan, kay daming isda sa dagat!
Samakatuwid ay may kanya-kanyang antas ng pagpapahalaga ang bawat bagay para sa isang tao... salamat sa magandang akda!
https://dyeppri.wordpress.com/
"libog lang ang dahilan ng lahat kung bakit andidito ako..."
Salamat Dyeppri!
Salamat sa pag-basa at karagdagang kaalaman hinggil sa usaping ito... medyo nahuli ang reply busy kasi sa bakasyon sa pinas... muli nasa middle east.
"Ang ating liwanag at muling lalamunin ng dilim na ating binasag!"




Buloy! May aso kami dati ang
Buloy!
May aso kami dati ang ipinangalan ng kuya ko ay buloy, hindi morlock. Namatay sa katandaan...
maganda ang pagkakalarawan mo sa isang ito, dapat talagang mahalin ng tao ang kanilang kapwa tulad ng pagmamahal nila sa kanilang sarili.
salamat sa pagbabahagi mo, Lemmor!
maharot, malikot titik sa aking tuktok!