Buti Pa Sila
"Ano bang papel ko sa'yo?"
"Tautauhan lang ba ako sa buhay mo?"
"Bahala ka kung ayaw mong makinig...sundin mo ang gusto mo at magpakasaya ka!"
Mainit na naman ang ulo ni Erpat dahil sa tigas ng ulo ni kuya Ariel. Panay kasi ang gala nya kung saang-saang lugar. Parati syang nagmamadali, at para bang sinisilaban ng siling labuyo ang kanyang talampakan sa kakagala. Ayaw nyang tumigil ng bahay nang makalaro kami, at makasama ang aming magulang. Animo'y mauubusan sya ng oras sa paghahagilap ng mga kaibigan at pamamasyal sa iba't ibang tanawin sa kamaynilaan. Pati nga ako ay naaasar na sa kanya, dahil hindi nya ako maturuan sa Math at Science. Sa aming apat, sya pa naman ang magaling sa numero at mangalikot ng kung anu-ano. Si kuya talaga parang hindi kapatid. Mas binibigyan nya pa ng panahon na turuan ang mga batang nakilala nya lang sa bawat kanto. Nagtitiis sya sa mga malalansang amoy nito at pilit na nakikinig sa mga kuwento nila. Pakiramdam ko tuloy parang ibang tao kami sa kanya. Bahala nga sya sa buhay nya.
"San ka na naman pupunta?"
"Aber! Aber! Aber!"
"Gusto mong ipadala ko na ang damit mo dyan sa lansangan!"
Mainit na naman ang ulo ni Ermat. Kakauwi lang kasi ni kuya galing skul ay nagmamadali na namang 'tong nagbihis at lumabas ng bahay at sumama sa mga aadik-adik na kapit-bahay. Sabi ni nanay na baka raw gumagamit na ng droga si kuya. Sabi kasi nila kung sino raw ang madalas mong kasama ay di malayong maging tulad ka rin nila. Napapansin ko kasi na panay-panay ang hingi nya ng pera sa aming magulang. Mag dadahilan na bibili ng pagkain, at may project sa eskwelahan. Kapag binuklat mo naman yung bag nya, ay makikita mo ang mga resibo ng gamot na binili mula sa iba't ibang botika. Lalo tuloy lumakas ang hinala namin na nalululong na sya sa masamang bisyo. Nung minsang mabanggit ni Ate na magpa-Drug Test sya ay bigla syang nagalit, at mariing tumutol. Hindi naman raw sya adik para magpasuri. Kinabahan lalo si Ermat sa kinilos ni kuya. Wala itong nagawa kundi umiyak na lamang sa isang sulok at ipagdasal ang panganay nyang anak na nawa'y malayo ito sa tukso.
"Yan ang napapala mo sa kakasama mo sa mga magnanakaw na 'yon!!"
" E, kung nanatili ka na lamang sa bahay ay nakatulong ka pa sa amin!"
"O, ano! Di ka pa nadala!!"
Sabay na uminit ang ulo ni Erpat at Ermat. Nagliliyab ito sa galit. Kasi ba naman, pati mga tirador ng mga plastic at kable ng kuryente ay binarkada ni kuya. Pati kasi yung nakatabing kable ng kuryente ay binenta nya. Wala na rin kaming magamit na plastic bottle ng mineral water dahil sa kakakuha ni kuya. Sumosobra na talaga sya. Wala na syang pinipili, wala na syang nirerespeto. Hindi na sya marunong matakot. Buo na ang kanyang loob, at higit sa lahat ay tila nakahanda na syang harapin ang kamatayan. Sya pa naman ang inaasahan ni Erpat at Ermat na magtataguyod sa amin at magtatanggol sa oras ng kagipitan. Sya lang ang nag-iisang lalaki sa apat na magkakapatid. Mataas pa naman ang pangarap nila sa kanya. Nagsusumikap nang higit ang aking magulang para sa kanya. Halos di na nga sila natututulog sa kakatrabaho para lamang makaipon para makapagpatuloy sya sa pag-aaral sa kolehiyo. Hindi nga bumibili ng bagong damit si Erpat at Ermat para sa kanyang kinabukasan. Tapos ganito pa ang kanyang igaganti sa kanila. Manhid talaga sya.
" Bakit ngayon ka lang nagsalita ha!"
" Bakit ngayon ka lang nagpaliwanag!?"
"Patawadi, hindi namin alam."
Andaya-daya talaga ni kuya Ariel. Lagi nya na lamang kaming ginugulat. Madalas nya kaming binibigla. Kaya pala nagtitiis sya sa mga malalansang amoy ng mga bata sa kalsada at nakikinig sa kanilang mga kuwento, ay para maihanda nya ang sarili sa mga sakit at kirot ng kanyang karamdaman. Pilit nyang inunawa ang mga taong sanay sa hirap dahil madalas nilang maramdaman ang matinding paghihirap. Wala pa daw sa kalingkingan ng kanyang nararanasan ang nararanasan ng mga tao sa looban. Kaya pala sya sumasama sa mga aadik-adik na mga kabataan ay para maintindihan nya ang bagsik ng epekto ng droga sa buhay ng tao. Sinisikap nyang paliwanagan ang kanyang mga kaibigan na mas mapait ang droga na kanyang iniinom araw-araw. Yung palang mga reseta na nakuha ni Ate sa kanyang bag ay gamot para sa kanyang karamdaman. Kaya pala nagtitiis sya na mag-ipon ng mga dyaryo, plastic at tanso ay para makaipon ng pambiling gamot panlaban sa Lukemia.
Kaya pala madalas syang nagmamadali ay nagmamadali na rin ang oras nya. Madalas syang mamasyal upang matanaw ang kayang nya pang tanawin. "Sorry kuya, kung naging makitid ang aking isipan." Hindi ka naman kasi nagsasalita. Parati mo na lang kaming niyayakap ng mahigpit at nilalambing. Parati mo na lang kaming binibigyan ng Rosas kahit hindi naman namin kaarawan. Hinayaan mo pa ang mga batang lansangan, mga adik at mga batang tirador ang magpaliwanag sa amin. Buti pa sila naipadama nila sa'yo ang pag-unawa at pagmamahal. Buti pa sila higit kang nauunawaan. Buti pa sila.
Paliwanag sa akin kasi ng
Paliwanag sa akin kasi ng nanay niya na nung bata pa siya ay may problema sa dugo ang kanyang anak. Pero nung namatay siy, nahirapan ang mga doktor na alamin ang findings ng knayang pagkamatay dahil sa iba't ibang komplikasyon. Dahil ka pinasok ng baha ang kanilang bahay nung Ondoy at nilagnat siya. Hinala ng iba ay leptos, dalawang malalaking Ospital ang tumanggi na i-admit siya. Yung final finding nga mga doktor dahil talamak ang leptos ng mga panahon na iyon ay leptos. Hindi nman kasi nasuri ng maiigi ang knayang katawn bunga ng kawalan ng sapat na salapi ayos sa kanyang magulang.
Tahimik yung batang yun pero masiyahain.
Misteryo nga sa amin yung kanyang pagkatao. Kahit magulang niya nahirapan alamin ang himutok ng kanyang damdamin. Lagi kasi siyang minamanas, at nakakaramdam ng iba't ibang sakit sa katawan kaya't marahil ay hinanda niya na ang kanyang sarili sa mangyayari.
Working student siya nung namatay siya.
Yung edited version nito nasa blog ko at pati na rin yung tula.
Paki-dalaw na lan ang aking blog. http://nathan-tantizm.blogspot.com.
Salamat sa pagdaan.
"Bago ka mangarap...maghubad ka muna"
=)
ganda ng kuwento.
masarap talagang magbasa ng malulungkot na kuwento.
abnormal siguro ko.
hindi ako masyadong mahilig sa masasayang akda.
o sadyang mas ramdam ko ang emosyong hatid ng pasakit.
hehe.
whew
kalungkot...
buti pa sila...
salamat sa pagbabahagi, ganda ng kwento!
Ang Pagbabasa ay Pag-intindi, hindi Pambabatikos
Maganda ang Kwentong
Maganda ang Kwentong ito....
napansin ko lang mula ng makita kong online ka, tiningnan ko ang mga akda mo... may iba na naman akong susubaybayan.
Sana makapag sulat ka pa dito sa FW!
"Ang ating liwanag ay muling lalamunin ng dilim na ating binasag!"
- Lemmor -
strongest point: bagay
strongest point: bagay ang pamaat sa kwento. maganda ang tema ng kwento
not so strong point: medyo maikli ang kwento. mas gaganda pa ito kung bingyan ng detalye ang bawat eksena...
gayunpaman, may impact ang istorya. tumatatak sa isip.
rating: 3 pens out of 5







akala ko sabi mo lepthos hehehe
leukemia pala...
Nakaka-touch... bakit nga ba ayaw nya magsabi? Fiction ba ito o nangyari talaga?