Dagundong ng WWIII(Ang Paghahanda)
ni Kislap Alitaptap
30 September 2008
Ilang taon na tayong binabagabag nitong dagundong.
Dagundong na 'di mawari, kahit saan sumusuong.
Dagundong ay paghandaan, mga tambuling umuugong.
Dahil itong dagundong ang lulusaw sa ikot ng gulong.
Lagapak! ang hampas ng resesyon.
Bandila ng Lehman, Merrill Lynch at globalisasyon.
Bumagsak sa lusak, sa kumunoy ng depresyon!
Kahit na si Bush, bangkarote ng solusyon.
Ang dagundong na ito'y nanalasa na sa disyerto.
Ngayo'y nananakot, sa silanga'y nambubuyo.
Isa itong nakaraan na sa kasalukuya'y nagmumulto.
Multo na muling susubok sa ating patriyotismo.
Tayong mga bayang nagtatambol ng soberenya.
Mga bayan sa disyerto, silangan at latina.
Tipunin ang hanay sa muling pag-aalsa.
Ang mundo'y nasa tarangkahan na...ng Digmaang Imperyalista.


