Dalawang Kuwento Ng Pag Ibig

| | | |

Unang Kuwento

“Pull over”, ang sabi ni Marlon sa Pakistani na taxi driver.

“Here,” sabay abot ng bayad at baba sa taxi. Hustong pagyapak ng kanyang mga paa sa lupa ay napalinga siya sa paligid.

“Hay, daming tao dito sa Balad” bulong niya sa sarili.

“Biyernes na naman kasi.” Sabay lakad patungong Corniche Commercial Center. Habang naglalakad ay iniisip niya si Gary. Dito rin niya nakilala si Gary dalawang buwan na ang nakakalipas. Naglalakad siya noon sa labas ng Queens Building ng nakita niya ang isang lalaki na nakatayo sa may gilid ng Mc Donalds na nangingilid ang luha at parang balisa.

“Pare,” ang sabi niya habang papalapit siya dito “may problema ba?” Tumingin sa kanya ang lalaki na sa tantya niya ay nasa edad bente singko at mas bata sa kanya ng sampung taon, at dahil sa kawalang pag-asa ay marahil tinugunan na lamang nito ang tanong niya.

“Yung misis ko kasi, ooperahan sa matres. May cyst daw. Kulang kasi yung pera ko ng mga limandaang riyals pa, wala na kasi akong mautangan.” Nakatingin si Marlon sa mukha ng lalaki, “Marahil ay nagsasabi naman ito ng totoo” ang mga katagang naglaro sa isipan nito. Kinuha niya ang wallet niya at kumuha ng limandaang riyals na maingat na nakatupi at nakaipit sa mga pocket size pictures niya.

“Sige pare, pahiramin kita, Marlon ang pangalan ko.” Natulala ang lalaki, di malaman ang gagawin.

“Pare, huwag na, nakakahiya, di mo naman ako kakilala.”, patanggi nitong tugon sabay tabig sa kamay ni Marlon.

“Okay lang,” sagot ni Marlon at ngumiti ito sabay sabing, “e di magpakilala ka. Tsaka isipin mo na paano ang misis mo? Sabihin mo na lang sa akin kung saan ka nagtatrabaho, contact number mo at pag nakaluwag ka e di tsaka mo ako bayaran.”

Dahil sa kagipitan, inabot na rin ng lalaki ang inalok nitong pera at payukong sinabi na “Salamat pare, Gary ang pangalan ko.”

Sinamahan ni Marlon si Gary sa pagpapadala ng pera sa Al Rajhi na nasa ikalawang palapag ng building kung saan sila nagtagpo. Inaya na rin ni Marlon si Gary na kumain at doon sa Al Baik sila nagpalitan ng numero at lalong nagkakilala.

Isang buwan din ang lumipas at naging lalo silang pinaglapit ng palitan ng text at malimit na pagtawag at pangungumusta ni Marlon sa kondisyon ng misis ni Gary. Alam ni Marlon, na may ibang pagtangi na ito kay Gary simula ng makilala niya ito sa Balad pero di pa rin niya malaman kung paano sasabihin ito.

Isang araw, nag text si Gary na kung puwede ay magkita sila sa Balad ng biyernes na darating at magbabayad siya ng kalahati. Natuwa si Marlon dahil muli silang magkikita at pagsapit ng biyernes, maagang nagpunta si Marlon sa may Queens Building kung saan sila unang nagkakilala.

Malayo pa lang ay natanaw na niya ang papalapit na si Gary at kung may anong kabog sa dibdib na di maipaliwanag ni Marlon.

“Pare, kumusta?” ang unang bati ni Gary habang inabot nito ang kanang kamay.

“Eto pare, okay lang” ang tugon ni Marlon na sinapo ang mga palad ni Gary.

“Pasensya ka na, trapik kasi, may aksidente sa may Palestine road kaya naantala ang bus.”

“Okay lang,” habang pisil pa rin ni Marlon ang mga palad ni Gary. Kumalas si Gary sa pakikipagkamay at naglakad papasok ng Queens Building at sabay kuwento kay Marlon.

“Alam mo, malaking tulong ka sa akin nung mga panahon na yon, nung pinahiram mo ako ng pera? Para kang anghel na dumating sa buhay ko…”

Gustong mapalundag ni Marlon sa mga sinabi ni Gary.

“Kaya lang,” patuloy na kuwento ni Gary habang naglalakad sila.

“Kaya lang ano?” patakang tanong ni Marlon.

“Wala, naalala ko lang si Jerry.”

Nakadama ng kaba si Marlon.

“Sinong Jerry?” tanong nito. Saglit na tumahimik si Gary. Nagiisip. Pagkatapos ay lumingon siya kay Marlon at tinitigan ito sa mga mata. Parang napapaso si Marlon sa mga titig ni Gary. Yumuko si Gary at patuloy na nagkuwento.

“Nakarelasyon ko noon. Inalagaan niya ako mula high school. Third year yata ako noon.” Napalunok si Marlon sa pinagtapat ni Gary at di niya maipaliwanag ang kaba.

“Kaya lang, wala na siya. Naaksidente. Minahal niya ako hanggang sa nag-asawa na ako. Nung isang taon lang siya namatay. Mahal na mahal ko siya. Siya ang lakas ko eh.”

Lalong natahimik si Marlon at namutla.

“Kilala siya ni misis, siya pa nga nag ayos ng kasal naming sa huwes noon ni Misis, siya pa gumastos sa handaan.”

Di pa rin makaimik si Marlon.

“Mahal ko si Jerry, at bago siya namatay, ang nasabi lang niya sa akin ay sana siya na ang una’t huling lalaki na mamahalin ko. Kasama ko pa misis ko noon sa ospital, at pinangako ko rin sa misis ko na kailanman ay di na ako papatol sa kapwa ko lalaki.”

Parang binuhusan ng malamig na tubig si Marlon sa narinig.

“Kaya,” sagot na naman ni Gary “thank you uli pare, pasensya ka na at kalahati lang ibabayad ko sa iyo pero next month, mapupunan ko na yung balanse ko. Pasensya ka na pare at sa iyo ko naikuwento buhay ko ha.”

“Okay lang yun pare…” sagot ni Marlon na pilit pinipigil ang emosyon na nararamdaman.

“Ano, kain tayo, sabi mo maglibre ka uli?” tanong ni Gary, “pero kailangan ko ding umalis agad ha, may mga labahin pa ako eh.”

“Oo ba, sige at ako ang taya” ang tanging naisagot ni Marlon habang tuliro itong naglakad.

Di na niya gaanong naintindihan ang mga sumunod na sinabi ni Gary. Nagtatalo ang isipan niya at nasasaktan ang kanyang puso. Di pa man niya nasasabi kay Gary ang tunay nitong nararamdaman ay parang nawalan na ito ng pag-asa. Yun na ang huli nilang pagkikita. Simula noon ay di na niya sinasagot ang mga text ni gary. Di na rin niya ito tinatawagan. Pinabayaan na lang niya ang balanse sa hiram na pera ni Gary. Hindi dahil sa wala na siyang pagmamahal na nararamdaman kay Gary pero natatakot siya na mahulog pa lalo ang loob niya at masira pa ang pangako nito sa mga taong mahal niya.

Biyernes nga uli at nandito na naman sa Balad si Marlon. Naghahanap ng bagong pag-ibig.

Pangalawang Kuwento:

Alas Dos na ng madaling araw ngunit di pa rin naiidlip si Efren. Naka-ilang biling na siya sa higaan at kahit anong pikit ang kanyang gawin, di pa rin siya dalawin ng antok.

“Anak ng…!”, painis niyang sinabi sabay balikwas.

Tumayo siya at kinapa ng kanyang mga paa ang tsinelas na nilamon ng dilim ng silid.

Dahan-dahan siyang tumayo at naglakad palabas ng kuwarto at maingat na pinihit ang seradura ng pinto. Takot siyang gumawa ng ingay at baka magising ang kanyang kasama sa trabaho dito sa Jeddah na si Jonathan.

Nang makalabas, dahan-dahan niyang hinila pasara ang pinto at mabilis na tinungo ang kusina.

Naglalaro pa rin sa isip niya ang sinabi ng anak ng maka-chat niya ang pamilya niya sa Pilipinas noong hapon na iyon.

Kumuha siya ng baso at pinuno iyon ng tubig na malamig at paisip na uminom.

“Papa, buti naman at wala kang girlfriend diyan.” Pangungulit kanina ni Ethel, panganay niyang anak.

“Bakit naman ako magkaka-girlfriend?”, takang-taka niyang tinanong ang dose anyos na anak.

“Wala lang po. Kasi dumating kahapon si Tita Mariel. May nag-text daw po sa kanya at sabi may girlfriend daw si Tito Carlo sa Dubai. Iyak siya ng iyak. Kawawa nga po eh, buti pa si mommy, palaging happy!”, ang mahabang tugon ni Ethel.

“Oo naman,” sagot ni Jenny, misis ni Efren ng sumingit ito sa webcam.

“Yung bait ng daddy mo na iyan, ako lang sa puso niya.” Palambing na sambit ni Jenny.

Nilagok niya ang isang basong tubig habang inaalala ang naging takbo ng usapan nila kanina.

Napaupo si Efren sa silya, ipinatong ang baso sa mesa at kinuha ang kanyang wallet.

Panandaliang nangiti ng makita ang mga larawan ni Jenny, ni Ethel at ng kapapanganak na bunso na si Emerson na tatlong buwan pa lamang na ipinagbubuntis ni Jenny ng iwan niya ang mga ito.

Napawi din ang ngiti ng makita ang isa pang larawan na nakaipit sa pagitin ng mga ID at calling cards.

Unti-unti niya itong hinugot at tumambad ang nakatawang kuha nila ni Arlene.

Nurse si Arlene sa isang government hospital dito sa Jeddah.

Nakilala niya ito ng minsang namasyal sila Arlene, kasama ang kanyang mga katrabaho sa amusement center na pinaglilingkuran ni Efren.

Nagkataon na ang isa sa mga kasama ni Efren ay kasintahan ang isang kapuwa nurse ni Arlene at sila ay pinagkilala ng mga ito.

Nagpalitan sila ng mga cellphone numbers, hanggang naging text mates at pinunan ng pagpapalitan ng mga mensahe at tawagan ang kanyang pangungulila.

Dalaga si Arlene at alam nito na may asawa na si Efren pero madalas iginigiit ng dalaga na magkaibigan lang sila.

Walang namagitan sa kanila dahil sa takot nila sa umiiral na batas sa bansa, ngunit sa paglipas ng mga linggo, di na lang pangungulila ang nais punan ni Efren hanggang sa isang araw ay nakatanggap siya tawag sa telepono mula kay Jenny.

“Efren, na wrong send ka yata?” ang tanong ni Jenny sa kabilang linya bagamat ramdam ni Efren ang diin sa tinig ng asawa.

“Anong na wrong send?” ang tugon niya na may halong kaba.

“Tapatin mo ako, may babae ka hano?” at di na napigilan ni Jenny ang mapahagulgol.

Biglang nanlumo si Efren, malamang nga ay kay Jenny niya naipadala ang mensahe na para kay Arlene.

“Mommy, I’m sorry.” Tanging naisagot ni Efren.

“Ok lang,” pasinghap nitong tugon na halatang biglang pinigil ang pag iyak.

“Ang mahalaga, ako pa rin ang mahal mo di ba?”

“Mommy, sorry talaga….”

“Sige na, tumatawag ang panganay mo, baka makita pa niya akong umiiyak.”

“Mommy, sorry talaga.”

Bigla na lang pinutol ni Jenny ang kanilang usapan sa pagpatay ng cellphone.

Ilang araw ang pinalipas bago sila nagkausap sa chat at kaninang hapon nga ang schedule nila ng pakikipag chat, Sabado dahil walang pasok sa eskwela ang kanyang panganay.

Ilang text din ang naipadala niya kay Jenny bago sila nag chat na humihingi ng tawad ngunit panay “I love you” lang ang tugon ni Jenny.

Ngayon, habang tinitingnan niya ang larawan ni Arlene, nangilid ang luha niya at nag-iisip siya kung paano na niya sasabihin kay Jenny na mas mahal na niya si Arlene.


serious issues

 

this is a serious issue about your post. the last time i checked the number of your reads which was last thursday, it was 43,357 reads, so it was just two days ago, almost two days... and i was a bit suprised to see that your reads jumped into 45 thousand something and it was annoyingly amazing... how did you do that? i mean, im a regular visitor here in fw, and i know that the number of site visitors here falls on 50 to 80 plus a day, so how does it happen that your reads hit a monstrous 45 thousand from 43 thousand within just 2 days!!! wow thats something, man, you gotta be kidding me!

 

the admin or moderator need to look up on this. your behavior in clicking your own story just to pull it up to the most popular was disturbing. youre sick man.

 

my fave

 

my favorite story here in fw was written by giselle espino, kantutan sa kagubatan, so if i really wanted to put her story in most popular ill just click her story a thousand times a day... am i right? i was tempted to do that just a couple of months ago when my eyes became tired of anghela sentingko but i didnt do it cause i still have a decency to respect some good stuff here and those hard working writers here in fw who wants to keep this site alive. 

 

 

chris2pei's picture

i love this!! <3

puro middle east ang location ng story xD

ah!! nakakalungkot nman ng kwento T__T

pero good ang story

sa first story isang gay love story, ngaun lng ako nakabasa nun, and im so amazed of the story...im happy na kinalimutan ni Marlon ang feelings nya kay Gary, sana makahanap sya ng bagong pag-ibig na makakasama nya habang-buhay :D

sa second story naman, nakakalungkot pero mangda sya