"Dayuhan"

Ako si Neneng, 55 --- babae, may asawa at walang anak.  matagal na ako dito sa Amerika - mula pa noong 1984 - isa na akong manunulat - sa komiks, diario, pelikula at tv., bago ako lumipad papunta sa lugar na ito - mapa-English, at mapa-tagalog, gusto kong magsulat.  Hindi naman ako sikat na sikat pero kilala naman, kaya lang pinili kong umalis kasi noon ay walang kalayaan, wala akong pera para tustusan ko ang aking sining.

Dito sa U.S.  tinalikuran ko ang pagsusulat, kailangan kong mag-survive-iniba ko ang takbo ng aking utak, at ang tipa ng aking mga daliri... iniwan ko ang sining na unang nagpatibok ng aking puso... pinilit kong limutin ang pagsusulat, hindi na kasi ako bagay sa takbo ng mga bagay-bagay na gusto kong isulat...

Dito sa U.S. iniligaw ko ang aking mga daliri, ayoko ng magsulat, ayoko ng patakbuhin ang utak ko at pasabayin sa himig ng tipa ng keyboard - kasi noon, walang computer, makinilya na parang musika sa pandinig ng aking ina at ama na aking mga taga-hanga... kaya key board na sa tunog ng computer;

Mahaba, mahabang panahon, hiniwalay ko ang bahagi ng puso ko sa pagsusulat, kahit na may mga pagkakataon tumitigil ako sa pagmamaneho at

pinapanood ko ang paglubog ng araw at iginagala ko ang aking imahinasyon, pabalik sa aking unang pag-ibig---- ayoko ng magbalik, wala na ang mga tagahanga ko, patay na si tatay - patay na si nanay, wala ng magsasabing "ang galing ng anak ko.."

pero, sumisigaw talaga ang isip ko: pakawalan ko ang imahinasyon na patuloy na naglalaro sa tumatanda ko ng isip...

kaya eto ako ngayon, sa pagitan ng 15 minutong pahinga sa gitna ng malawak na gusali, muli kong binubuhay ang mga nakaimbak na panulat sa aking isipan, marami, punong-puno, nag-uumalpas, natatakot nga ako na baka pag nakawala ay hindi ko na muling matagpuan...

Babalikan ko ang una kong pag-ibig, baka tanggapin pa n'ya ako, kasi lagi naman s'ya sa isip ko... ang pagsusulat na minsan ay nagbigay sa akin ng saysay... nagbigay ng ligaya sa aking mga magulang, naipagmalaki ako ng aking mga kapatid at kaibigan... kasi ang pangalan ko noon nababasa sa puti at malaking tabing... ngayon, bubuhayin ko ulit, baka sakaling tanggapin pa ako sa larangan ng mga ibang tao, kasi nandito ako sa lugar ng mga kano,

isa na akong "dayuhan" sa sarili kong bayan. 

 

 

 


Rom's picture

pagbabalik

sa palagay ko ang tao lamang ang nagtataksil sa kanyang sining, ang sining kahit kailan di ka niya iiwan hanggang sa kamatayan. sa kadahilanang kailangan ng tao ang kumain at magkaroon ng panustos kaya't kung minsan ang sining ay naikukumpromiso, pero sining na rin ang katulong ng tao upang magkaroon sya ng pag-angat sa usapin ng pinansya kahit kaunti lamang. 

tulad ng hampas ng alon sa dalampasigan, pabalik-balik lang ang alaala ng pakikipag ulayaw sa sining malungkot man o masaya. at tulad din ng isang mangingibig, ang tao muli't-muli ay nasasaktan at nagbabalik sa kanyang unang minahal.

ako sa ngayon, binitawan ko ang pagpipinta kapalit ng pagsusulat at hanap-buhay. alam ko na balang araw babalikan ko sya at muling dadamputin ang iniwan.

sana maging saksi kami dito sa pagbabalik mo at sa pagbabalikan ninyo ng iyong panulat.

 

 

KarikaTuura

"PAGBABALIK"

inilahad ko ang aking edad hindi upang ipasok sa imahinasyon ng mga mambabasa na ako ay isang itsurang lola --- ito ay upang ipaalam ko sa sinomang makabasa na ako ay hindi pangkaraniwang manunulat, ako ay matandang kaluluwa na sumusulat ng mga nauukol sa isipan, puso at budhi.

Iguguhit ko ang iyong puso sa pamamagitan ng aking mga panulat, ilalahad ko sa iyo ang laman ng iyong budhi sa pamamagitan ng aking mga daliring titipa ng mga titik na hindi mo malilimot... ang pagsulat ko ay hindi upang palipasin ko ang aking oras, nagsusulat ako dahil sinasabi ng puso ko...dumidilat ang aking mga mata dahil gusto kong magbasa, ang musika sa aking silid ay ang tunog ng keyboard na walang sawa kong titipahin, katulad ng sinabi mo, hindi ako pinagtaksilang ng aking sining --- nand'yan lang s'ya - laging umaasang isang araw babalik ako sa kanyang piling at muli kaming mag-uulayaw...

Salamat sa pagbasa mo ng aking munting introduction. Ikaw ang kauna-unahang nagkomentario sa aking sanaysay ---

Sa mga ilang araw na darating ipapabasa ko sa iyo sa pamamagitan ng espasiong ito ang mga sinulat ng aking diwa, kasama ng malikot na imahinasion na ikinulong ko sa mahabang panahon...ngayo'y unti-unti, parang saranggolang hinihipan ng hangin, pataas, upang lumalanghap ng sariwang alaala... nag-uumalpas na parang hininga.

at sa iyo, ipinta mo ang laman ng iyong mga mata --- alam mo ba na ang nagdidikta ng iyong mga guhit ay hindi ang puso o diwa man? ... ito ang iyong mga mata --- ang mata 'y may palikpik, lumalangoy, nakikita ang laman ng ilalim ng dagat --- at kinikuha ang anyo ng kanyang nakikita.

Gumuhit ka, iguhit mo ang laman ng iyong mga mata.

Tantizm's picture

Naka-relate Ako

 

Parang ganyan na ganyan rin ang karanasan ko. Bata pa lang ako ay mahilig na akong magsulat kaso iba nga ang takbo ng buhay. Mahirap lang kami at kailangan kong tumulong sa pamilya ko para maibsan ang hapdi ng sikmura.Sa murang edad ay binanat ko ng ang aking katawan sa kahuyan upang magliha ng mga sangkalan na iniluluwas sa ibang bansa.

Binitiwan ko din ang aking pag-drowing nung haysul ako at nag-aral sa paglalaro ng ahedres, dahil pinanlalaban ako sa aming lugar at kumikita ako kahit papaano.

Sinubukan kong sumigaw sa lansangan, pero hindi parin sapat ang hatid nitong kasiyahan. Natagpuan ko ang sarili ko na empty handed, humihilagpos kasi ang mga ideya sa aking isipan. Isang araw binuklat ko ang isang volume ng aking Diary, napaluha ako at nakita ko ang kaligayahan.

Kaya welcome back sa dati mong anyo.   

mary ann's picture

talagang ganyan

...... nanyayari po talaga ang ganyan.sa buhay...kung anong sining ang nakatatak sa ating puso at ito'y ating binitawan.ito'y ating babalikan at babalikan.

 ingatz po kayo!

 

"don't get too carried away"......

 

 

 

 

ilyana's picture

Ate Neneng

Aabangan ko ang mga kwento niyo...

"DAYUHAN"

 

Salamat ....