Delubyo

alvinringgo's picture
|

Sabado no’n, nagising ako nang maaga,

Pupunta kami sa Ocean Park, do’n banda sa Luneta.

Puno ang bag ko ng juice at mga paboritong sitsirya,

Makakakita ako ng malalaking aquarium, mga isda!

“Yipee! Ma, tayo na!”

Pero di raw kami tuloy, sabi ni Mama,

“Bumabagyo, anak. Umuulan, kagabi pa.”

Niyakap na lang niya ako, kiniss, sabay karga,

Pero basang-basa siya at nanginginig.

“Ma, may problema ba?”

Sa taas ng bahay namin, dinala ako ni Mama,

Katabi ng TV, kompyuter at mesang dapat nasa sala.

Gulu-gulo ang mga gamit namin, lahat, nakapatong na,

Ba’t may maruming tubig sa ‘min, tumataas, umaagos!

“Ma, baka tangayin ka!”

Sa bintana namin, mas nakakatakot ang makikita,

Kotse, puno, gamit, hayop – lahat – sa baha, sumasama!

Mga kapitbahay nami’y magkakayakap, umiiyak, sumisigaw pa,

Lalong bumuhos ang ulan, tumaas ang tubig!

“Maaabot na tayo, Ma!”

Pinasan ako ni Mama, takut na takot kami, di alam ang punta,

Nilangoy namin ang tubig, umiiyak, hanggang sa bubong madala.

Doon, naupo kami, kumapit, basang-basa, nagdasal dalawa,

Maya-maya’y timigil ang ulan, tumahimik ang paligid.

“Ma, tapos na ba?”

Napakadilim ng paligid, maingay pero walang makita,

Pagod na kami’t nilalamig pero di nakatulog ni Mama.

Basa pa rin kami sa baha, sa gutom ay namumutla na,

Pero may nagtapat ng ilaw sa amin, nagsakay sa balsa.

“Ikaw ba ‘yan, Papa?”

Kinabukasan, nagising kami ni Mamang nasa iskul na,

Puno ng putik ang paligid, kahit saan, may basura.

Ang dami naming kasama, mga taong di ko kakilala,

May umiiyak, may tulala – mga gaya naming biktima.

“Salamat. Buhay pa tayo, Ma.”

Alvin Ringgo C. Reyes

Si Alvin Ringgo C. Reyes ay isang propesor sa kolehiyo na nagtapos ng Bachelor of Secondary Education Major in Filipino (magna cum laude) sa Unibersidad ng Santo Tomas at kasalukuyang nagtatapos ng kanyang Master sa Sining sa Araling Filipino – Wika, Kultura, Midya sa Pamantasang De La Salle – Maynila. Tagapagsalita at delegado rin siya sa mga seminar-worksyap sa wika at panitikang Filipino at edukasyong propesyonal; may-akda ng mga aklat na pangguro at pangmag-aaral sa mataas na paaralan; tagapagsalin; kontribyutor sa mga magasing pang-edukasyong propesyonal; at aktibong kasapi ng mga samahan sa wika at panitikang Filipino, gaya ng Wika, Inc., at Sanggunian sa Filipino. Kasalukuyan din siyang nanunungkulang kagawad ng lupong pampamunuan ng Pambansang Samahan sa Linggwistika at Literaturang Filipino, Inc. Napili rin siyang Fellow sa Ikatlong Palihang Rogelio Sicat Pambansang Palihan sa Malikhaing Pagsulat ng UP Diliman Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas.


Yuco's picture

Sir o Alvin ba itatawag ko...

Napakalinaw ng pagkakalahad ng istorya sa tula mo. nakakabilib.

 

Kahit hindi basahin ang nakalagay sa note, nasasalamin na sa mga tula mo kung gaano kataas ang napag-aralan mo sa literatura. sana ma i-share mo pa ang iba mong akda, sigurado malaking maitutulong nito sa mga bagohan o nag-uumpisa palang magsulat ng tula tulad ko.

 

Salamat at Mabuhay ka. 

 

Ayaw Matulog ng Keyboard Ko

alvinringgo's picture

Maraming salamat! Ang totoo

Maraming salamat! Ang totoo niyan ay kapwa lang tayo baguhan sa pagsulat. Ngayon ko pa lang nililinang ang kakayahang panliteratura ko dahil hindi ko ito lubos na napag-aralan noong kolehiyo't masterado. Higit kasing wika ang ispesyalisasyon ko. Ngunit hindi laging huli ang lahat. Gatungan ang pansariling nasa ng pagsasanay mula sa bukas na palihan at ng suporta mula sa mga kaibigang manunulat at mahahasa mo ang iyong talento. Hindi rin tayo dapat tumigil dahil kapanabay dapat ng pagbilang ng gulang ang paghusay at pagtalim ng panitik.

 

Pagpalain tayo ng Panginoon!

 

Alvin Ringgo C. Reyes

Junjun Masagca's picture

Sana'y maging kasama kita sa

Sana'y maging kasama kita sa pagsulat ng ilan sa mga aklat kung bunga ng hinog na karanasan at pinag-alab ng diwang nais ibulalas ang katotohanan sa mga matang dilat subalit pinipilit ipikit upang huwag makita ang aktwal na kalagayan ng daigdig.

Magaling ang iyong paglalahad, ginoo. Sana'y umigting ang kapatiran ng mga alagad ng panitik.

alvinringgo's picture

Sang-ayon ako. Tayo'y mga

Sang-ayon ako. Tayo'y mga manunulat na may tig-iisang pakpak. Makakalipad lamang tayo nang matayog  kung magyayakap-yayakap.

 

Alvin Ringgo C. Reyes

Similar entries